Chapter 12: Nawawalang Paraiso

1888 Words
Tirik ang araw sa hapong iyon ngunit mararamdaman naman ang may kalamigang hangin. Maaliwalas ang paligid at nakukulayan ng berde at asul ang tanawin. Bitbit ni Jojo ang isang itak na tila kalawit at isang tali. "Maganda rin ito idol...nakakapaglakad-lakad ka para iwas stress," wika ni Mang Jojo. Ngumiti na lamang si Daniel at tumingin sa karagatan sa di kalayuan. "Di rin naman ako masyadong nakakalabas ng bahay noong nasa Maynila ako. Medyo nasanay na rin," sagot ni Daniel. "Nakwento nga po ni sir Marco. Madalas lang kayo nakakulong sa inyo," sambit ni Mang Jojo. Nagpatuloy siya sa paglalakad at tumatango sa mga tao na kanyang nakakasalubong. Nakikita nila si Daniel ngunit umiiwas agad sila ng tingin. Sumaglit naman ang imahe ng kanyang sarili na nakatulala at nakaupo lamang habang suot ang isang puting damit at nakangiti habang umaagos ang dugo sa kanyang ulo.. Napapikit na lamang si Daniel at hinilot ang kanyang ulo. "Nakainom po ba kayo ng gamot, sir?" tanong ni Mang jojo. "Oo. Uminom ako bago umalis." "Napapadalas po yata ang pagsakit ng ulo niyo simula nang mapunta kayo dito," wika ni Mang Jojo. "Hindi naman. Kahit sa bahay ganito na rin talaga," paliwanag ni Daniel. "Eh, ano po ba ang trabaho niyo sa Maynila, sir? Naalala ko kasi ang sinabi ni sir Marco na tumigil daw po kayo sa pagsusulat. Ngayon lang po kayo bumabalik," tanong muli ni Mang Jojo. Napatigil naman si Daniel. Tila nag-isip ng malalim at napatingin sa dagat. Napapapikit siya saglit at hinihilot ang kanyang ulo. "Eh, okay lang sir kahit hindi niyo po sagutin. Baka private na masyado ang tanong ko," sambit ni Mang Jojo habang natatawa. "Simula kasi noong nag-undergo ako sa therapy, hindi ko na maalala yung iba kong mga ginagawa. Ang naaalala ko lang yung mga sinulat ko dati," sagot ni Daniel. Nagpatuloy sila sa paglalakad sa mabuhanging parte ng dalampasigan. May mga taong makakasalubong ngunit matipid ang kanilang mga ngiti. Tumatango lamang si Mang Jojo bilang pagbati. Tumatango rin si Daniel ngunit ilag ang mga ito sa kanya. "Ano po bang nangyari sa inyo sir?" tanong muli ni Mang Jojo. Muling lumitaw ang ilang mga imahe sa isipan ni Daniel. Ang dugo sa kanyang noo, ang pag-ikot ng kanyang paningin at ang tunog ng sirena ng ambulansya. Madilim ang paligid at tanging pula at asul lamang ang kanyang nakikita maging ang mga anino ng mga taong umaalalay sa kanya. "Hindi rin malinaw, eh. Ang alam ko aksidente. Nalaglag daw sa motor. Naaalala ko lang eh binibitbit na nila ako sa ambulansya," kwento ni Daniel habang natatawa nang kaunti. "Baka lasing kayo noon, sir," pagbibiro naman ni Mang Jojo. Muli namang lumitaw ang ilang mga imahe sa isipan ni Daniel. Ang pagkapa niya sa kanyang nagdurugong ulo, ang pagpiga niya sa kanyang basang damit at ang pagkapit niya sa isa sa mga umaakay ssa kanya. Napakunot na lamang ng noo si Daniel. Tila hindi mawari kung bakit basa ang kanyang damit sa pagkakataong iyon. "Ate Tess. Gandang hapon po," bati ni Mang Jojo sa kasalubong. May dala itong bilao at nakapatong iyon sa kanyang ulo. Tanging mga gulay at kamote ang laman ng bilaong iyon. "Ay, magandang hapon din naman Jo. Saan kayo pupunta niyan?" tanong naman ng matandang babae. "Mangunguha lang ng buko. Gagawing gata tsaka juice," sagot ni Mang Jojo. "Ay, mainam. Haha. Sige. Ako naman ay pupunta muna sa bayan. Ibebenta ko itong mga 'to," sambit ng matanda. Ngumiti na lamang si Mang Jojo at muling naglakad. Nginitian din ni Daniel ang matanda at matipid itong ngumiti sabay lakad nang mabilis. "Napapansin ko lang Mang Jo, ilag talaga ang mga tao dito sa akin," wika ni Daniel. "Makikilala ka rin ng mga 'yan, sir. Kailangan mo lang lumabas-labas. Kapag may bago kasing mukha dito eh hindi sila sanay," sagot ni Mang Jojo. Napatingin lamang si Daniel sa kanya at ngumiti. "Ayan...malapit na tayo." Mula sa buhanginan ay napadpad sila sa tuyong lupa at sunod ay sa damuhan. May mga kalalakihan sa di kalayuan na abalang-abala sa pangunguha ng buko. Tinatali nila ang kanilang mga kamay at animo'y ipinangyayakap sa puno ang taling iyon upang makaakyat. May mga binata at mayroon ding mga bata na naglalaro sa paligid. Isang bola naman ang napadpad sa paanan ni Daniel. Yumuko siya upang iyon ay kunin. Isang batang lalak iang humahangos ng takbo patungo sa kanya. "Sorry po, kuya," sambit ng batang iyon. Ngumiti na lamang si Daniel habang iniaabot ang bola. "Mak-mak! Doon kayo maglaro..." saway naman ng isa sa mga lalaki na nangunguha ng buko. Nakakunot ang kanyang noo habang nakatingin sa kanyang anak. Tumakbo palayo ang batang iyon at kasama ang kanyang mga kalaro. "Pareng Andoy..." "Pareng Jo, kumusta?" wika ng lalaking iyon nang sila ay lumapit. Tumigil naman ang iba sa kanilang ginagawa at kila Daniel at Mang Jojo. Tila napakatalas ng kanilang mga tingin sa binata. "Gandang hapon. Eh makikikuha lang sana ng buko, pare," wika ni Mang Jojo. hindi naman nagsalita si Daniel at tumingin lamang sa mga kalalakihan. "Eh, mukhang may bisita ka, ah," sambit naman ng lalaki nang mapatingin kay Daniel. Napalunok naman ng kaunting laway ang binata. "Si sir Daniel, yung writer ni Sir Marco galing sa Maynila," pagpapakilala ni mang Jojo kay Daniel. Nagtinginan naman ang iba sa mga kalalakihan at ipinagpatuloy ang kanilang ginagawa. "Daniel, si pareng Andoy. Sa kanya 'tong bukohan na 'to. Ang lawak ano?" wika ni Mang Jojo. Napangiti naman si Daniel at tumango. "Ikaw pala yung sinasabi nilang bago dito," wika ng lalaki. Kinamayan niya si Daniel at pagkatapos ay tumingin kay Mang Jojo. tila nangungusap ang kanilang mga mata. "Pagpasensyahan mo na itong lugar namin. Ganito lang kami dito sa probinsya eh." "Ayos lang ho, maganda naman dito. Maaliwalas. Hindi ho tulad sa Maynila, magulo," wika ni Daniel. "Eh, paminsan-minsan magulo rin naman dito...kapag may nagdadala ng gulo," sagot naman ng lalaki. Nagtaka naman si Daniel sa kanyang narinig. "Pareng Andoy talaga, oh. 'Wag mo namang ganyanin ang bisita natin," awat naman ni Mang Jojo. "Biro lang!" sambit naman ni Mang Andoy habang napapangisi. "Eh, sige. Kumuha kayo ng kailangan niyo," wika ng lalaki. "Kung gusto niyo, may mga nakuha na kami. Pumili ka na lang d'yan pareng Jo," dagdag pa niya. Binuhat niya naman ang isang sako na naglalaman ng mga buko at isinakay iyon sa tricycle. "Ay, pipitas na lang kami. Mukhang dadalhin mo na sa bayan ang mga ito, eh,"sagot ni Mang Jojo. "Ikaw ang bahala pare. Basta kapag nakagawa ka na lang ng niyog at gata eh dalhin mo na lang dito. Masarap na pampalasa 'yan," sagot ng lalaki. "Tara. Kukuha rin tayo ng para sa atin," Wika ni Mang Jojo. "Doon po, Mang Jo. Hindi pa namin nakukuha yung parteng 'yon," sambit ng isang binata nang lumapit sa kanila. "Salamat," wika ni Daniel. Hindi naman siya pinansin ng binatang iyon pagkatapos. Umalis na lamang siya at binuhat ang iba pang sako. Hindi naman maipinta ang pagmumukha ni Daniel. Nagpatuloy na lamang sila sa paglalakad hanggang sa marating ang isang puno ng buko. "Gusto mong umakyat?" tanong ni Mang Jojo. "N-nako po Mang Jo. Di po ako marunong umakyat ng ganyang puno," wika ni Daniel. Napapangiti na lamang siya habang nakatingin sa puno ng buko sa kanilang harapan. "Biro lang," natatawang sambit ni Mang Jojo. Isinaksak niya ang matalas na kalawit sa puno at sinimulang itali ang kanyang kaliwang braso. Sinisipat naman ni Daniel ang mga bunga sa itaas. "Sanay na po ba kayong akyatin yung ganitong puno, Mang Jo?" tanong ni Daniel. "Bata pa lang ako umaakyat na ako sa mga ganito. Sa tinagal-tagal ko na rito eh...kahit malaki na ang tyan ko. Kaya ko pa ring akyatin 'yan," nakangiting sambit ni Mang Jojo. "Kaya kong akyatin siguro kung puno ng mangga o bayabas. Pero 'yan...walang sanga. Imposible," sagot ni Daniel. "Watch and learn, sir," sagot ni Mang Jojo. Nang maitali nang maayos ang kanyang kaliwang kamay ay saka niya iniyakap ang taling iyon sa puno. Gamit ang kanan ay kinuha niya ang kalawit at kinapitan ang tali. akmang nakayakap siya sa puno habang umuusad siya paitaas. "Ikaw na lang ang mag-ipon ng maibabagsak kong bunga, sir." "Sige ho," sagot ni Daniel. Pinagmasdan ni Daniel ang pag-akyat ni Mang Jojo hanggang sa makarating siya sa tuktok. Nasilaw siya dahil sa liwanag ng araw at muling sumakit ang kanyang ulo. Binaling niya na lamang ang tingin sa mga batang naglalaro sa di kalayuan. Naglalaro sila ng tumbang preso. Ang dalawa pa sa mga batang iyon ay nakasakay sa baka at pinapastol ang ilan sa mga kambing. Saka naman bumaling sa direksyon ng mga kalalakihan ang kanyang tingin. Nag-uusap-usap sila at tila seryoso ang lahat. Titingin sila kay Daniel at muling tatalikod at magkukwentuhan. Unti-unti ay mayroon siyang naririnig na matinis na tunog sa kanyang tenga na unti-unting lumalakas. Nagiging masama ang kanyang tingin sa mga lalaking iyon hanggang sa ang ekspresyon anya ay naging blangko. Tila matinis na tunog na lamang ang naririnig ni Daniel. Nakikita niya kahit sa malayo ang buka ng kanilang mga bibig, ang galaw ng kanilang mga kamay at ang talas ng kanilang mga tingin. Nagbibigay ng kahulugan ang lahat ng iyon para kay Daniel. Tila nanunudyo ang lahat at alam niyang siya ang kanilang pinag-uusapan. Nagising na lamang siya nang isang kalabog ang kanyang narinig. Napatingin siya sa kanyang tabi at isang buko ang kanyang nakita. "Sir...layo-layo ka ng konti. Baka mabagsakan ka!" sigaw naman ni Mang Jojo mula sa itaas ng puno. Kinuha na lamang ni Daniel ang bunga na ibinagsak ni Mang jojo at lumayo. Muli namang napatingin si Daniel sa pwesto ng mga kalalakihan. Wala na sila roon. Nailang marahil sa mga titig ng binata. Ilang minuto pa ang lumipas at halos limang buko na ang naibagsak ni Mang Jojo. Dahan-dahan siyang bumaba gamit ang lubid sa kanyang magkabilang kamay. "Tama na siguro ito. Marami na 'to," sambit ni Mang Jojo. Itinali niya ang mga tangkay ng buko, iniabot niya ang isang kumpol na naglalaman ng tatlo kay Daniel at saka sila naglakad palayo. "Ang konti naman nyan?!" wika ni Mang Andoy nang makita ang kanilang mga bitbit. "Sakto na 'to. Walo," nakangiting sambit ni Mang Jojo. "Kapag kailangan mo pa, daan ka lang dito." "Oo naman. Salamat, pareng Andoy." "Ingatan mo 'yang kasama mo, sir. Uugod-ugod na 'yan," pagbibiro naman ng lalaki. Napangiti na lamang si Daniel ngunit sa loob-loob niya ay pakiramdam niyang hindi maganda ang ibig sabihin ng lalaking iyon sa kanyang sinabi. Nagpatuloy na lamang sila sa paglalakad hanggang sa makaabot sila sa dalampasigan. Isang pamilyar na mukha naman ang nakita ni Daniel. "Mang Tonyo! Kumusta po?" bati niya sa kasalubong. Bitbit naman ni Mang Tonyo ang kanyang lambat at isang dalawang timba na naglalaman ng mga isda. Hindi niya pinansin ang binata. Tumingin lamang siya dito at saka naglakad palayo. "Pareng Tonyo..." sambit naman ni Mang Jojo. "Oy..." pasimpleng bati ng lalaki. Huminga na lamang ng malalim si Daniel at nagpatuloy sa paglalakad. "Kung hindi ka masyadong pinapansin ng mga tao dito...hayaan mo lang sila." wika naman ni Mang Jojo nang makita ang pagkadismaya ng binata. "Parang may kakaiba lang kasi eh..." sagot naman ni Daniel. Lumingon siya sa kanyang likuran upang tingnan ang mangingisdang si Tonyo. Nagkatitigan sila saglit ngunit matalas ang tingin ni Mang Tonyo sa kanya, makikitaan din iyon ng pag-aalala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD