Chapter 13: Mang Jojo

1698 Words
"Sabi nga nila...dito sa probinsya, kung may ganito ka, buhay ka," wika ni Mang Jojo habang napapangiti. Binibiyak niya ang mga buko at isinasalin ang katas nito sa isang malaking jug. Kinakayod naman ni Daniel ang laman nito at inilalagay sa plato. Nakatambay lamang sila sa labas ng puting bahay nang hapong iyon. "Eh, dito pa lang...may pagkain ka na, may panulak ka pa," natatawang sambit ni Daniel. "Sigurado akong hindi mo ito naranasan sa Maynila," ani Mang Jojo. "Noong estudyante ako, madalas ako bumili nito sa kanto ng eskwelahan namin. Wala akong ibang baon noon kundi pambili lang ng pagkain. Ito lang...tapos pastil na tigsa-sampung piso, solve na," kwento ni Daniel. "Maswerte ka pa nga, sir. Nakapag-aral ka ano?" Napatigil na lamang si Daniel sa sinabi ng katiwala. "Bakit naman ho, Mang Jo?" "Mahirap ang buhay dito sa probinsya. Kung kaya mong magtanim, mangisda, magbenta ng gulay...mabubuhay ka. Yun nga lang wala kang panahon para mag-aral," kwento ni Mang Jojo. Binutasan niya ang hulng buko at isinalin ang sabaw nito sa jug. "Hindi po ba kayo nakapag-aral Mang Jo?" tanong ni Daniel. "Namulat na ako sa hirap dito, sir. Mahirap lang kami...hindi ako nakapag-aral. Imbis na mag-aral eh mas inuna ko na lang ang pagtatrabaho," kwentong muli ni Mang Jojo. Hindi naman nagsalita si Daniel. Tumingin lang siya sa kanyang kausap at naghintay. "Mananahi noon ang nanay ko dyan sa bayan. Nagtatanim naman ng gulay ang tatay ko. Lima pa kaming magkakapatid, ako ang bunso. Ang pinag-aral nila yung dalawa kong unang kapatid. Pero noong nakatapos sila...nagsipag-asawa lang din. Sinwerte lang ako dahil marunogn akong dumiskarte. Nag-aral akong magluto-luto...ayun," pagpapatuloy ni Mang Jojo. "Hulaan ko, Mang Jo. Karinderya?" nakangiting tanong ni Daniel. Napangisi naman si Mang Jojo. "Ang galing mo, sir, ah! Tama! Noong napagod na yung nanay ko sa pagtatahi, eh sinubukan naming magtayo ng karinderya sa bayan. Ako ang tagaluto," wika ni Mang Jojo. Nang sibakin niya ang bao ng buko at saka niya iyon inabot kay Daniel. "Uhmm?" usal naman ni Daniel. Tila naghihintay ng kasunod. Sa pagkakataong iyon ay kinayod niya naman ang laman ng buko. "Nawiwili ka sir, ah? Haha. Baka mamaya isulat mo na ang talambuhay ko," sambit ni Mang Jojo. "'Di naman, Mang Jo. Curious lang. Pero kung naisulat ko 'yan...baka best selling 'yan ngayon," sagot ni Daniel. Natawa na lamang si Mang Jojo. "Malayo lang kasi ang mga book store dito. Sigurado ako dudumugin ang libro mo," wika ni Mang Jojo. Napakuot naman ng noo si Daniel. "Matagal na 'yon. Yung huli kong libro. Dalawang taon na ang nakakaraan. Sigurado ako ubos na 'yon sa mga book store." "Ehh, kung naubos. Ibig sabihin may mga nakabili. Ganoon lang 'yon,' di ba sir?" sagot ni Mang Jojo. Tila naging positibo naman ang pakiramdam ni Daniel. "Kahit nga si Susan, eh, may mga libro mo. Simula noong malaman niya na ikaw yung writer ng mga sinusulat niya at pupunta ka dito, hindi yun mapakali," natatawang kwento ni Mang Jojo. Mula naman sa mga ngiti ay tila unti-unting iyong napapalitan ng pagiging seryoso. Naalala niya ang kaguluhan na kanyang ginawa sa kwarto. Ang pagbalabag niya sa kanyang kama at ang panginginig ni Susan habang inaabot sa kanya ang kanyang cellphone. "Si Susan...pinag-aaral 'yan ni sir Marco. Kinupkop niya. Maswerte siya at may panahon pa siyang mag-aral," pagpapatuloy ni Mang Jojo. Muli namang sumakit ang ulo ni Daniel. Napapikit lamang siya nang kaunti habang kinakayod ang buko na kanyang hawak. Nakikita niya pa rin sa kanyang isipan ang kanyang ginawa. "Pasensya talaga sa nagawa ko, Mang Jojo. Mabilis lang talaga uminit ang ulo ko, eh," sambit ni Daniel. "Hanggang ngayon, inaalala mo pa 'yon, sir? Kalimutan mo na 'yon," wika ni Mang Jojo. Inilagay naman ni Daniel ang laman ng buko sa jug at iyon ay hinalo gamit ang panandok. "Eh, paano ho pala kayo nagkakilala ni sir Marco?" tanong ni Daniel. "Si sir Marco...madalas 'yan dito noon. Kapag stressed siya sa trabaho...pupunta 'yan dito sa Polilio para gumala. Dahilan niya noon eh, dito lang daw kasi siya walang kamag-anak sa Quezon." Natawa na lamang si Daniel sa kanyang narinig. "May tinatakasan?" pagbibiro niya. "Siguro..." natatawang sagot naman ni Mang Jojo. "Nagkakilala kami sa bayan. Nagho-hotel lang siya noon. Eh, yung karinderya namin tawid lang ng hotel na tinutuluyan niya. Madalas siya kumain sa amin. Nasarapan siguro sa luto ko," kwento ni Mang Jojo. Nagpatuloy naman sa pakikinig si Daniel. "Nagkakakwentuhan...sabi niya nga sa sobrang dalas niya dito eh parang gusto na niyang bumili ng lupa. Sakto noong mga pangatlong dating niya yata dito noon. Eh, malala na ang tatay ko. Para makabayad sa ospital eh, binenta na namin ang lupang 'to." "I-ito hong kinatatayuan ng bahay? Talaga?" pagkamangha naman ni Daniel. "Opo...itong lupang ito, sa lolo pa ito ng tatay ko. Pinapamana sa mga anak. Kaso noong malala na ang tatay ko noon...mas piniling ibenta na lang. Hindi ko naman alam na seryoso si sir Marco na bibilhin niya ang lupa at patatayuan ng rest house. Akala ko kasi noon eh ordinaryong turista lang siya," pagpapatuloy ni Mang Jojo. Tila nagniningning naman ang mga mata ni Daniel habang nakikinig. "Noong nabili niya...syempre hindi naman siya madalas dito, ako ang ginawang katiwala. Nawala man ang mga magulang ko...kaso matatanda na sila noon, eh. Kahit papaano na'ndito pa rin ako sa lupain namin," wika ni Mang Jojo. "Grabe, mang Jo. Eh puwede na nga yatang gawing libro ang buhay mo, eh," sagot ni Daniel. Napangisi na lamang ang katiwala. "Hindi naman, sir. Kung tutuusin...ang kuwento mo nga ang gusto naming marinig," sambit ni Mang Jojo. Tila napangiwi naman si Daniel habang nakangiti. "Bawat sinusulat ko naman...may malaki akong parte sa mga 'yon," ang tangi na lamang nasambit ng binata. Maya-maya pa ay sumulpot naman ang dalawang estranghero sa kanilang kinaroroonan. Pawang naka-uniporme ito ng pulis at palinga-linga sa paligid. "Mang Jojo...magandang hapon po," sambit ng isa. Nag-iba naman ang ekspresyon ni Daniel nang sila ay makita. "Ay, pareng Kabeng. Kumusta? Ilang buwan na 'yan?" pagbibiro ni Mang Jojo. Ang tinutukoy niya ay ang tyan ng pulis na nagtanong. "Loko ka talaga. Ikaw nga ilang taon na 'yan di mo pa nilalabas," pagbibiro naman ng pulis na iyon. "Si mestiso pala itong kasama mo. Pareng Ronnie!" bati muli ni Mang Jojo. "Mang Jo..." matipid niyang sambit. "Kukuha lang po ako ng mga baso, Mang Jo," paalam ni Daniel. "Ay...sige, salamat, sir," sagot naman ni Mang Jojo. Napatingin ang dalawang pulis kay Daniel. Matalim ang kanilang mga tingin at may pang-uusisa. Sinundan nila ng tingin ang binata hanggang sa siya'y makapasok. "Eh, mukhang mabait naman pala 'tong alaga natin eh..." sambit ng isang pulis. Nang makapasok si Daniel ay tumambay muna siya sa gilid ng pinto nang marinig iyon. "Mabait 'yan...sa ngayon," sambit naman ng isa pang pulis. "Pare talaga...baka marinig ka, eh," saway ni Mang Jojo na tila bumubulong. Napalunok naman ng kaunting laway si Daniel. "Biro lang. Mukhang masarap 'tong timpla mo, ah?" "Kinuha lang namin kanina...kila Andoy," sagot ni Mang Jojo. Matapos ng ilang segundo ay nagtungo na si Daniel sa kusina. Upang hindi makahalatang nakikinig sa kanilang usapan ay agad siyang kumuha ng mga baso at lumabas. Ngumiti na lamang siya nang peke nang buksan ang pinto. "Heto po..." sambit ni Daniel. Kinuha ng isang pulis na may katabaan ang isang baso at siniyasat iyon. "Baka mamaya may kung ano 'to, ah?" pagbibiro ng pulis ngunit para kay Daniel ay iba ang ibig sabihin nito. "Haha. Loko talaga," sambit na lamang ni Mang Jojo habang napapatingin kay Daniel. Sinalinan naman ni Mang Jojo ang dalawang baso ng pulis. Maging siya ay kumuha rin ng buko at uminom. "Nga pala...sir Daniel. Si pareng Kabeng at Ronnie. Sila yung rumoronda dito sa lugar natin," pagpapakilala ni Mang Jojo. "Si Daniel...yung writer ni sir Marco," dagdag pa niya. Tumango na lamang si Daniel at ngumiti nang matipid. "Siya nga 'yon, eh. Binabasa ng mga anak ko yung mga sinulat mo. Siguro kapag naalala ko eh dalhin ko dito. Papirmahan ko sa'yo," wika ng isa. "Sigurado ako matutuwa yung mga yun," sabat naman ng lalaking mestisuhin. May pagkasarkastiko ang kanyang tono. Napatingin na lamang siya kay Daniel at napangisi. "Sige po. Dalhin niyo lang po dito. Pipirmahan ko po," sagot naman ni Daniel. Alam niya kung anong klaseng laro ang kanilang ginagawa. Sumabay na lamang siya sa kanilang mga trip. "Sigurado 'yan," sagot ng may katabaang pulis. Napatingin naman si Daniel kay Mang Jojo. Hinahalungkat marahil ang kasagutan sa tanong na nasa kanyang isipan. Hindi rin maipinta ang mukha ng katiwala. Nakangiti lamang siya at tila sumasakay rin sa trip ng dalawa. "Eh, kumusta ka naman sa bahay na 'to?" tanong muli ng pulis na may katabaan. Tila nang-uusig ang kanyang tinig. "Ayos lang naman po. Masyadong tahimik. Pero maganda naman dito," sagot ni Daniel. Nagtinginan na lamang ang dalawang pulis at nagngitian sa sarkastikong pamamaraan. Tila nakakaramdam naman ng kaba si Daniel. Pinagpapawisan ang kanyang noo at hindi na siya makatingin ng diretso sa dalawa. "Mabuti naman. Oh, pa'no? Pare? Roronda muna kami diyan sa labas. Baka may makapasok na mga kulto dito, eh," sambit ng pulis. "Salamat sa buko, p're," sambit naman ng isa pa. Inilapag nila ang kanilang mga baso sa mesa at inayos ang kanilang mga sinturon. "'Wag kang mag-alala dito, Daniel. Babantayan namin ang lugar. Sisiguraduhin naming hindi makakawala ang mga siraulo dito," pagbabanta ng pulis. Dahan-dahan silang naglakad palayo. Si Daniel naman ay naiwang nakatulala at nakayuko lamang. Hinintay naman ni Mang Jo ang tuluyang paglisan ng dalawang bisita. "Ayos ka lang ba, sir?" tanong ni Mang Jojo habang nakangiti. "A-ayos lang ho," sagot ni Daniel habang pinipilit na ngumiti. "Ganoon lang talaga magbiro ang mga 'yon. Akala mo mga siga, haha," natatawang paliwanag ng katiwala. Ngumiti na lamang si Daniel at muling yumuko. "Eh, sige, sir. Dalhin na natin ito sa loob at dumidilim na," wika naman ni Mang Jojo. Agad siyang tumayo at binitbit ang jug. Tumayo naman si Daniel at inipon ang mga baso. Bago tuluyang pumasok ay tumingin muna siya sa kinaroroonan ng dalawang papalayong pulis. Lumingon naman sila patalikod, tumingin kay Daniel nang matalim at ngumiti. Hindi naman maipinta ang ekspresyon sa mukha ng binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD