Pakiramdam ko ay hindi na ako ligtas sa lugar na ito. Unti-unti ay lumiliit ang mundo ko. Tila ba laging may nakabantay na mga mata. Binabantayan nila ang aking mga galaw, sinusubukang pakinggan ang aking sasabihin at pinagpaplanuhan ang bawat mali kong gagawin. Ako ang bisor sa pagawaang ito ngunit para bang ako ang kailangang bantayan. Simula nang hulihin ang si Tiyo Garry ay maraming nagbago. May mga sundalo na sa paligid ng aming pagawaan, may mga pulis na laging nakasunod sa aking pag-uwi, may mga paikot-ikot na mobil sa aming bahay. Hindi nakaligtas ang aming pamilya. Nakakaramdam sila ng takot at banta sa kanilang mga buhay.
"Mas maigi sigurong sa probinsya na muna tayo mamalagi," wika ni ama.
Hinahawi niya ang kurtinang nakatabing sa bintana. Pinagmamasdan ang hindi na mabilang na pagdaan ng mobil na iyon sa harap ng aming bahay. Sinara niya iyon nang bahagya at muling humarap sa amin. Kasalukuyan naman akong umiinom ng kape habang nakaharap sa isang plaka habang tumutugtog ang jazz.
"Naisip ko na rin 'yan. Pero paano naman ang trabaho mo? Ang trabaho niyo?" tanong ng aking ina. Mababanaag na sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala. Ang aking dalawang kapatid na babae naman ay naghawak kamay na lamang.
"Maghahanap tayo ng trabaho. Magsisimula tayo ulit," sambit ng aking ama.
"Hindi ko masisisi si Garry. Totoo namang malaking kalokohan na ang nangyayari sa bansang ito. Siya lang ang may lakas ng loob sa atin na sabihin ang totoo," dagdag pa niya.
"At ano, Ronaldo? Dahil sa ginawa niya...napahamak siya. Ngayon isa na rin siya sa mga nawawala!" May gigil ang bawat salitang iyon mula sa aking ina.
"Pati tayo...ngayon...binabantayan. Wala naman tayong kinalaman sa mga adhikain niya! Ang nais lang natin ay mabuhay nang matiwasay!"
"Tingnan mo! Tumingin ka sa labas..sa nangyayari. Ano ang mali sa mga sinusulat ni Garry? Ano ang mali sa mga editoryal niya? 'Di ba? Tama naman lahat ng sinabi niya? Imulat mo nga ang mga mata mo, Maryfe!" bulyaw ng aking ama. Hindi naman na nakapagsalita ang aking ina.
"Mas maigi pang kayo na lang muna ang umuwi sa Bicol, ma," suhestyon ko. Napatingin naman sa akin ang lahat.
"Hindi na ligtas dito. Mas maigi pang kami na lang ni papa ang maiwan," dagdag ko. Napangiti na lamang si papa. Muli siyang sumilip sa bintana at pinagmasdan ang galaw ng mga tao sa paligid.
Sinubukan kong maging matapang. Sinubukan kong magpatuloy pa. Tinanggal ko ang takot sa aking isipan ngunit ang katotohanan ay ayokong mapalayo kay Christine. Kapag nalaman niyang lilisan ako ng Maynila at magtatago muna sa probinsya ay tiyak na malulungkot siya.
___________________________________
Pipindutin na sana ni Daniel ang mga susunod na letra mula sa kanyang typewriter ngunit siya'y napatigil. Tila napatulala siyang muli sa papel na kanyang sinusulatan. Muli niyang naisip ang pangalang Christine sa pagkakataong iyon. Lumitaw muli ang kanyang sariling imahe sa kanyang isipan. Nakaputi siyang damit at tila patay ang emosyon habang nakatitig sa kanya. Muli namang sumakitang kanyang ulo. Ilang segundo pa ang lumipas ay isang katok ang kanyang narinig mula sa pinto ng kanyang kwarto.
"Sino 'yan?" tanong niya.
"Sir, tara po...mananghalian muna tayo," pagyayaya ni Mang Jojo. Huminga muna nang malalim si Daniel bago tumayo at buksan ang pinto.
______________________________
"Ayan sir. Gabi sa gata...tsaka Bicol Express," wika ni Mang Jojo nang ilapag ang mga ulam sa mesa. Napakunot naman ng noo si Daniel habang napapangiti. Hindi niya alam kung nagkataon lamang o sadyang pinaglalaruan siya ng tadhana.
"Mas maigi pang kayo na lang muna ang umuwi sa Bicol, ma."
Naalala niya ang sinulat niya kanina lamang. Nakangiti lamang siya habang pinagmamasdan ang mga ulam na nasa kanyang harapan.
"May problema po ba sir?" tanong naman ni mang Jojo.
"Wala naman po, mang Jo. May naalala lang," sagot na lamang ng binata. Hindi naman umiimik si Susan na nasa kanyang harapan sa pabilog na mesang iyon. Nakayuko lamang siya, hindi maintindihan kung nahihiya o natatakot.
"Mukhang masarap po, ah," wika ni Daniel. Agad siyang kumuha ng kanin at iniabot iyon kay Susan. Nahiya naman ang batang babae ngunit kinuha niya rin iyon nang malumanay.
"Sige kuha lang..." wika ni mang Jojo.
"Pasensya na sa inasal ko noong hinanap ko yung cellphone ko, ah? Ayoko lang kasi talaga na may gumagalaw ng mga gamit ko, eh," sambit ni Daniel. Kasalukuyan siyang kumukuha ng ulam. Tumingin naman siya kay Susan. Napangiti lamang ang babae nang matipid.
"Natakot sa'yo sir, eh," natatawang sambit ni mang Jojo. Napangisi na lamang din si Daniel at umiling. Nagpatuloy naman sila sa kanilang pagkain.
"May mga libro ka ni sir 'di ba, Susan?" basag ni mang Jojo sa katahimikan. Tumango na lamang si Susan at tumingin kay Daniel.
"Talaga? Puwede ko bang makita?" tanong ni Daniel.
"Mamaya nga iabot mo kay sir...para mapirmahan niya na rin," wika ni mang Jojo. Tumango na lamang si Susan at nagpatuloy sa pagnguya ng kanyang kinakain.
"Gusto mo eh, mag-selfie ka pa kasama si sir," pagbibirong muli ni mang Jojo. Nagtawanan naman ang lahat.
Nang matapos ang tanghalian ay sa labas tumambay si Daniel. Kumuha siya ng isang stick ng yosi at sinindihan iyon gamit ang gintong lighter. Humithit siya ng malalim bago iyon ibuga sa hangin. Napatingala siyang muli at sinilayan ang bintana. Wala siyang naaaninag na imahe sa pagkakataong iyon.
"Guni-guni lang 'yon..." bulong niya sa kanyang sarili.
"Sir, may buko salad sa loob. Baka gusto mo," pag-aanyaya naman ni mang Jojo nang siya ay lumabas ng bahay.
"Hindi pa pala natin naubos 'yon?" tanong ni Daniel.
"Opo, sir. Pero kaunti na lang naman," sagot ni mang Jojo. Muli namang humithit ng kanyang yosi ang binata at tumingin muli sa bintana ng kanyang kwarto.
"Nilabas na rin ni Susan ang mga libro mo, sir," nakangiting sambit ng katiwala.
"Ay, sige. Pipirmahan ko," sagot ni Daniel. Hindi pa man niya nakakalahati ang kanyang yosi ay agad niya nang pinatay ang baga nito sa pamamagitan ng pagdiin nito sa puno at pagtapon sa basurahan sa tabi nito.
______________________________
Namangha si Daniel nang makita niya ang kanyang mga libro. Ang bawat titulo na kanyang sinulat simula noong maging published writer siya ay mayroon si Susan. Nakalapag ang mga iyon nang maayos sa maliit na mesa.
"Wow!" ang tangi na lamang nasambit ni Daniel.
"Sampu ito lahat?" tanong niya. Umupo siya sa tabi ni Susan sa sofa. Tumango naman ang kanyang kausap.
"Hindi po alam ni sir Marco na binabasa ko 'yang mga 'yan. Di ko po alam na editor siya at kayo po yung writer niya," kwento naman ni Susan.
"Heto po, sir," wika naman ni mag Jojo nang ilapag ang buko salad sa mesa sa tabi ng mga libro ni Daniel. Kinuha naman ni Daniel ang isa niyang libro, inamoy iyon at tila binabalasa ang bawat pahina.
"Ito yung una kong sinulat, eh. Hindi ka na makakahanap ng ganito sa mga bookstore ngayon," paliwanag niya.
"Nahilig sa pagbabasa, eh. Ito lang kasi ang libangan dito. Wala kasing internet. Maswerte na kung may tv ka o radyo may mapapanooran at mapapakinggan," sambit naman ni mang Jojo.
Hindi naman makaimik si Daniel. Walang mapagsidlan ang saya na kanyang nararamdaman habang tinutunghayan niya ang mga libro na nasa kanyang harapan. Binubuklat niya rin ang ilan pa sa mga ito, inaamoy at binabasa ang ilan sa mga pahina.
"Pag binabasa mo...parang hindi ako ang nagsulat, eh," sambit ni Daniel. Napangisi naman si Susan at mang Jojo.
"Oh, sige...pirmahan na natin."
Kinuha ni Daniel ang ballpen sa tabi ng mga libro at sinimulan iyong pirmahan isa-isa. Tila nagkapalagayan naman ng loob ang lahat at naging maaliwalas sa loob ng bahay. Nagtatawanan sila habang patuloy na pumipirma si Daniel sa unahang pahina ng kanyang mga libro.
"Ito po yung paborito ko sa mga sinulat niyo. Liwanag sa Gitna ng Gabi," wika ni Susan nang iabot sa kanya ang susunod na libro. Nakangiti naman si Daniel habang tumatango.
"Bakit naman ito ang gusto mo?" tanong niya.
"'Yan po kasi yung huli niyong libro na happy ending, eh," paliwanag ni Susan. Napatingin naman ang binata sa kanya na tila tinatago ang pagtawa.
"Hmm, well. Tama ka. Ito na nga yung last kong sinulat na happy ending," sagot ni Daniel. tumawa na lamang si Susan at mang Jojo.
"Eh, bakit nga ba ito na yung huli mong sinulat na happy ending, sir?" tanong ni mang Jojo. Napailing naman si Daniel, nang pipirmahan niya na ang librong iyon ay saka siya natigilan. Nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha, napakunot siya ng noo at tila may bumabagabag sa kanya. Itinuloy niya ang pagpirma sa libro at inilapag iyon sa tabi. Sunod niyang kinuha ang pang-siyam na libro sa mesa.
"Ang Ningas sa Siyudad," bulong niya. Tinitigan niya ang librong iyon. Tila bumabalik naman ang ilang ala-ala.
"Saan ka galing?!"
"Tama na!"
"Saan ka nga galing!"
Ang mga boses na iyon ay umalingawngaw sa kanyang isipan habang pinagmamasdan ang librong iyon. Napapikit na lamang siya at umiling at sinubukang ngumiti. Pinirmahan niya na lamang ang unahang pahina ng libro at inilapag rin iyon sa mesa. Huminga naman siya nang malalim nang kunin ang pinakahuling libro.
"Tagu-taguan..." bulong niya. Binuklat niya ang librong iyon. Binasa ang ilang pahina nito nang seryoso at tila dinadama ang makinis nitong papel.
"Ayoko na nga!"
"Anong ayaw mo na?! Gano'n gano'n na lang lahat sa' 'yo?!"
"UHH!"
Ang lahat ay nagiging matinis. May kung anong ingay siyang naririnig habang tinititigan ang pinakahuling libro na kanyang pipirmahan. Isang ala-ala, malabo. Marahil ang mga librong iyon ay ginawa niya nang bangko ng kanyang mga ala-ala kung bakit niya naisulat ang mga iyon.
"Sir?" tanong ni mang Jojo. Saka lamang nagising si Daniel.
"A-ano nga po ulit yung tanong?"
"Yung ano po...yung Liwanag sa Gitna ng Gabi kung bakit po iyon ang last niyong sinulat na happy ending.
"Hindi ko na rin maalala, eh. Siguro malungkot ako noong mga panahong sinusulat ko 'tong huling dalawang libro. Ganoon kasi ako eh. Kung ano yung sinusulat ko...madalas yun din ang nararamdaman ko sa kasalukuyan," paliwanag ni Daniel. Ngumiti na lamang si Susan. Ipinagpatuloy naman ni Daniel ang pagpirma sa huling libro.
"Jo? Mang Jo?!" isang tawag mula sa labas ang nagpatigil sa kanilang kasiyahan. May tono ng pag-aalala ang lalaking nagtawag. Agad namang tumayo si mang Jojo at nagtungo sa pinto. Napatingin rin sina Susan at Daniel.
"Oy, pareng Andoy. Bakit?"
"May nangyari sa laot. Halika...tingnan mo bilis!" wika ng lalaki. Agad naman siyang tumakbo palayo. Sumunod si mang Jojo at tila nagkapatid-patid pa ang tsinelsa dahil sa pagmamadali. Napatayo naman sina Daniel at Susan.