“THE STRUGGLE is real!” nagngingitngit na bulong ni Grace nang bumalik siya sa kanyang mesa. Hindi siya nakatiis at nag-tweet siya ng mismong phrase na iyon. Limang minute lang ang nagdaan at nakita niyang nag-“favorite” na doon ang mga followers niya. May nag-reply at nag-retweet din noon.
Beast mode siya. Ang aga-aga niyang beast mode.
Text message iyon na pinadala niya kay Uncle Kevin, na dili iba’t ang presidente ng kumpanyang iyon. Walang nakakaalam sa opisinang iyon na pamangkin siya nito. Ang alam lang ng lahat ay malakas ang backer niya dahil nga presidente mismo. Pero si Uncle Kevin ang may gusto na hindi na kailangan ipaalam na magkadugo sila. Half-sister nito ang mommy niya. Magkaiba ang ama nito at ng mommy niya kaya siyempre pa, magkaiba rin ang apelyido nga mga ito. At bilang married ang status ng mommy niya, siyempre pa apelyido ng daddy niya ang gamit niya kaya hindi na rin gaanong mate-trace ang pagiging magkamag-anak nila. Mabuti na lang din at pribadong tao si Uncle Kevin. Iilan lang talaga ang nakakaalam ng mga detalye ng personal na buhay nito.
Mabait si Luis. Kilala ko siya. Pagtiyagaan mo lang.
Iyon ang nabasa niyang sagot nito sa text niya. Napangiwi siya pero hindi na siya sumagot sa text nito. Baka mamaya ay naroroon na rin iyon sa sarili nitong opisina at busy na. Sa isang linggong pagpasok niya doon, wala na yatang nauuna pang pumasok sa uncle niya. Doon din siya nakatira sa mansiyon nito pero hindi sila sabay na pumapasok. Kasama sa “parusa” niya ang mag-commute.
Bitbit ang baon niyang damit na nagpunta na siya sa CR. Dinatnan niya doon ang kaopisinang si Vina na nauna pang mag-report sa CR kesa sa desk nito.
“Good morning!” bati niya dito.
“’Morning,” ganti sa kanya ni Vina na tiningnan siya sa pamamagitan ng reflection nito sa salamin. Tuloy lang ang pagpapahid nito ng rustic red lipstick na paborito nito. “Saan ang lakad? Ang ganda ng damit mo.”
“I’ll change na nga. Napagalitan ako ni boss Lui.”
Tiningnan siya ni Vina. “Ah, maigsi kasi damit mo. Para kang rarampa sa beach.”
Natawa siya. “Ganyan nga ang mismong sinabi sa akin. Nagbaon naman ako talaga ng damit.” Kumaway siya dito at pumasok na sa cubicle.
“Huwag mo siyang tatawaging Lui. Isa pang dahilan iyon at iinit nga ang ulo noon,” malakas ang boses na sabi nito sa kanya.
“Bakit nga ba?”
“Ewan ko. Basta ang alam ko lang ayaw niya. Luis siya sa lahat. Mauna na ako sa iyo,” malakas na sabi ni Vina.
“Okay!”
Nang lumabas siya ng cubicle, makinis na makinis na nakalapat sa katawan niya ang kulay beige pants and white top na corporate attire. She also wore a blazer in a darker beige tone. Pati sapatos niya ay pinalitan niya. Isinuot niya ang dark brown Ferragamo pumps at itinago ang Tory Burch sandals na katerno ng summer dress niya. Nag-retouch na rin siya ng make-up niya. Binura niya ang pink na pink na lipstick at pinalitan iyon ng subtle coral peach shade.
“Office girl na office girl na ang look mo, Grasya. Sino ang mag-aakalang isa kang senyorita? Magtiis ka. Kasalanan mo iyan,” wika niya sa sarili at pinagmasdan pa ang sarili bago pabuntong-hiningang lumabas.
“Mukha ka na ring boss,” sabi ni Vina sa kanya nang madaanan niya ito. “Your suit looks good on you.”
Matamis siyang ngumiti. “Kaya close tayo agad, eh. Honest ka.”
Bumaba ang tingin nito sa bag niya. “Ang ganda! Class A?”
Gustong mag-evaporate ng ngiti sa mga labi niya. Siya, gagamit ng Class A na bag? No way! Authentic ang Chanel bag niya na iyon. Isa lang iyon sa mga bagay na madaling mapasakanya noong hindi pa nagbabago ang kapalaran niya. Pero naisip niyang hindi naman talaga alam ng mga naroroon ang tunay na estado niya.
“Ito ba? Hindi ko alam, eh,” kaila niya. “Regalo lang ito sa akin. Nakakahiya naman itanong, di ba?”
Sinipat pa ni Vina ang bag niya. “Eksaktong-eksakto, eh. Tsk, ilang buwang suweldo ko ang katumbas ng authentic na bag. Saka hindi ko rin naman priority. Practical ako, eh.”
“Ganyan nga. Maging wais sa buhay.” Nagtawanan silang dalawa at bumalik na siya sa desk niya. Kauupo lang niya doon nang tumunog ang intercom. “Yes, Luis?” sagot niya agad.
“Call the flower shop. Sabihin mong ipag-reserba ako ng magagandang bulaklak. Ipa-deliver mo dito bago mag-alas singko.”
“Flowers?” gulat na ulit niya.
“Bulaklak. Flowers. Malabo ba ang instruction ko?”
Beast mode siya talaga, saloob-loob niya. “I understand. Gusto ko lang na mas malinaw.” Hinanap niya ang file nila ng mga suppliers. “Fresh Blooms. Dito ako oorder, tama? Under your name?”
“Oo, tama.”
“Any other request? May specific flowers ka ba na gustong ipalagay sa arrangement?”
“Wala. Just tell them I am the one who’s ordering. I want the best. Alam na nila iyon.”
“Noted.”
“Sabihin mo sa akin mamaya kung magkano. Personal expense ko iyan.”
Muntik na siyang mapa-“oh” nang malakas. Akala pa naman niya ay para sa isang business concern ang bulaklak. “Okay,” sa halip ay sabi niya. Click na lang ng aparato ang narinig niya. “Grabe siya, hindi man lang nag-thank you,” nakanguso na bulong niya at ibinaba na rin ang intercom.
Sinunod naman niya agad ang utos nito. Napanganga siya nang malaman ang halaga ng bulaklak. Inulit pa niya ang tanong niya para makasiguro. Tama naman pala ang dinig niya. Ganoon talaga kamahal iyon.
Pilya siyang napangiti. “Kaya siguro siya beast mode, baka hindi pa niya napapasagot iyong kung sino man na bibigyan niya ng flowers. Malaki na siguro ang investment sa kabibili ng flowers.” Nakita niyang tumayo si Vina at papunta sa office ng beast mode na boss. “Ano iyan?” usisa niya sa dala nitong folder.
“For signature niya.”
Mabilis siyang tumayo. “Ako na ang magpapasok. Sige na, gusto kong maglakad. Ayokong maghapon ako ditong nakaupo lang.”
“Okay. May tinatapos nga din akong letters.”
“Tutulungan kita mamaya pagbalik ko. May sasabihin lang din ako kay boss sungit kaya gusto kong ako na ang pumasok doon.”
“Ingat ka, ha. Alam mo namang mainitin ang ulo noon. Proby ka pa lang.”
Proby? Gusto niyang matawa nang malakas pero ngumiti na lang din siya. “Sabay tayong mag-lunch mamaya. Treat kita kasi mabait ka sa akin dito.”
“KKB na lang. Hindi ko naman birthday at hindi mo rin siguro birthday.”
“I like you talaga, Vina. Hindi ka user-friendly na kaibigan.”
Ngumiti na lang ito at bumalik sa desk nito. Nagtungo na siya sa office ni Luis.
“Hindi ka ba talaga marunong kumatok?” paangil na sita nito sa kanya. Sinulyapan siya nito pero agad ding bumalik sa computer ang tingin.
“Sorry naman. Excited lang kasi ako,” relaxed na sabi niya. “But first, these are for your signatures. Ako na ang nag-volunteer na dalhin iyan dito. Hinarang ko si Vina.”
“At bakit? Hindi ba siya makalakad papunta dito?”
“You’re not listening. Sabi ko nga, ako na ang nag-volunteer. Kasi sasabihin ko din sa iyo kung magkano iyong bulaklak na pinapagawa mo.”
Hindi nagbago ang ang ekspresyon nito nang marinig ang halagang sinabi niya. Mabilis na dinukot nito ng wallet at iniabot sa kanya ang ilang one thousand peso bills. “Bigyan mo ng tip mamaya iyong magdadala.”
“Okay.”
“Grace, may I ask you something?”
“Sure, Luis.”
Inilapat nito sa sandalan ang likod. “The way you move and the way you talk to me, it seems like you are my boss and not the other way around. Puwede bang ipaliwanag mo sa akin iyan?”
“I’m just being me,” prangkang sabi niya.
“How about courtesy and manners?”
“I know them.”
“Then practice them! Next time you come here, knock at my door first. Okay?”
“Okay, Luis. May I leave now?”
“Sino ka bang talaga?” sa halip ay sabi nito.
“Mary Grace Duldulao at your service. Pareho din sa resume na ipinasa ko sa HR.”
“Huwag kang pilosopo. Ang lakas ng backer mo. Presidente nitong kumpanya. Kaanu-ano mo si KS?”
Naglaro ang pilyang ngiti sa mga labi niya. Bago sumagot ay itinaas niya ang kamay. Nag-peace sign siya dito pero magkadikit ang hintuturo at pang-gitnang daliri. “Ganito kami kadikit ni KS. Close kami. As in close na close.”
Hindi niya makakalimutan ang shock na rumehistro sa mukha nito.