BLACK 03

2201 Words
        MAY duda man sa tunay na pakay ng taong tumawag sa napulot na cellphone ni Angel ay sinunod pa rin niya ang sinabi nito. Kumuha siya ng screwdriver at tinanggal ang apat na turnilyo sa loob ng attache case at doon ay isang ATM card ang nakita niya. May kasama pa iyong maliit na papel kung saan may nakasulat na anim na number. 6-6-6-0-1-3. Nahinuha niyang iyon ang passcode ng ATM card na hawak niya ngayon. Agad naman niyang in-install ang application para sa banko ng ATM card at gumawa siya ng account doon para ma-check niya ang laman ng ATM card. “T-ten thousand pesos!” gulat na bulalas niya. Kung tama ang passcode ay may posibilidad na seryoso nga ang tumawag kanina na bibigyan siya nito ng sampung milyong piso. Nanlamig siya nang maisip na baka nga ito na ang sagot para makaahon siya sa kahirapan. Ngunit bakit naman kaya siya bibigyan ng isang tao ng ganoong pera? Hindi nga niya ito kilala, e. Nalipasan na ng gutom si Angel sa pag-iisip. Hindi na siya lumabas ng kwarto at nakikipagtitigan lang siya sa cellphone at ATM card. Iniisip niya kung dapat ba siyang maniwala sa tumawag sa kaniya. “Walang taong magbibigay ng ganoong kalaking pera sa hindi niya kilala. Budol lang iyan, Angel. Matulog ka na lang!” Sa wakas ay nakumbinse na rin niya ang sarili na hindi totoo ang sinabi ng nakausap niya gamit ang itim na cellphone. Humiga na siya sa kama at ipinikit ang mata. Wala na siyang ganang kumain kaya itutulog na lang niya.   “GOOD morning! Breakfast na!” Ang maingay na bunganga ni Cecilla ang gumising kay Angel ng umagang iyon. Ala-sais ng umaga talaga madalas umuuwi si Cecilla mula sa trabaho nito. Depende rin pala. Kapag minamalas ito ay maaga itong umuuwi dahil walang customer. Alam niya na may pera ito kapag tinanghali ito ng uwi dahil ibig sabihin niyon ay nagustuhan ng naging cutomer nito ang serbisyo ni Cecilla. Mas matagal ay mas malaki ang singil nito. Bumangon at tumayo na si Angel. Lumabas na rin siya ng kwarto. Naabutan niya ang kaibigan na nagtitimpla ng kape. Merong pancit na binili sa karinderya at pandesal sa lamesa. “Friend, kain ka na! Libre ko na iyan dahil naka-jackpot ako kagabi! Ang rich ng naging customer ko kagabi! Ginalingan ko kaya binigyan ako ng bonus!” Tuwang pumalakpak si Cecilla. Nagmumog muna siya at umupo na. Habang nagtitimpla siya ng kape ay nagpapalaman naman ng pancit si Cecilla sa pandesal. “`Buti ka pa, friend. Samantalang ako ay wala nang trabaho. Nalulugi na pala iyong karinderya na pinagtrabahuhan ko kaya nag-alis sila ng tao…” Malungkot niyang balita. “Kaya balik ulit ako sa paghahanap ng bagong trabaho. Nag-apply na ako sa kung saan-saan. Sana may tumawag na.” “Aww… Ang sad naman, friend! Gusto mo bang manghiram sa akin ng pera? Para may panggastos ka habang naghahanap ka ng bago mong work.” Itinaas nito ang isang paa sa upuan at ipinagpatuloy ang pagkain. “`Wag na. Meron naman akong nakuhang tatlong libo na huling sahod ko. Iyong wanpayb ay ibibigay ko na agad sa iyo para sa upa. Malapit nang maningil si Tita Azul. Alam mo naman iyon, ayaw ng late. Baka mabungangaan pa tayo!” “Hay naku ka. Ako na muna ang magbabayad ngayong buwan, okay? Saka ka na magbayad kapag may trabaho ka na.” “Sigurado ka? Baka ikaw naman ang mawalan. Ayos lang naman ako.” Umiling ito. “Ako pa? Mawawalan?” Malakas itong tumawa. “Never! Hangga’t may mga lalaking malilibog na parang kuneho ay hindi ako mawawalan ng pera! Teka, ayaw mo bang mag-p****k na lang? Maganda ka naman at sexy. Papahiramin kita ng mga damit ko. Ano? Bet?” Tinawanan niya ang offer ng kaniyang kaibigan. “Iyan naman ang hindi pwede, friend. Kahit ano ay gagawin ko `wag lang iyang trabaho mo. No offense, ha.” “Keri lang! Natanong ko lang at baka gusto mo. Pero iyon nga, ako na muna bahala sa upa ngayong buwan. Bayaran mo na lang ako kapag may trabaho ka na at sumusweldo ka na!” “Sige. Thank you, ha!” Talagang maswerte pa rin siya dahil meron siyang kaibigang katulad ni Cecilla na marunong umunawa sa kaniyang sitwasyon.   DALAWANG araw na simula nang magpasa ng mga resumѐ niya si Angel sa iba’t ibang pwede niyang mapasukan pero hanggang ngayon ay wala pa ring tumatawag sa kaniya kahit isa. Parang gusto na niyang mawalan ng pag-asa. Kaka-birthday pa lang niya tapos kamalasan na agad ang inaabot niya. Sa loob ng dalawang araw na iyon ay nasa apartment lang siya at gumagawa ng mga gawaing-bahay. Ayaw nang umasa pa ni Angel na may tatawag sa kaniya kaya muli siyang nagpa-print ng mga resumѐ at umalis ng apartment para muling mag-apply sa kung saan-saan. Ngunit inabot na siya ng hapon ay wala na siyang mapagpasahan dahil wala daw bakante. Parang gusto na niyang sumuko pero alam niyang hindi niya iyon pwedeng gawin. Nang medyo dumidilim na ay nagdesisyon na siya na umuwi na lang kesa mag-aksaya ng pamasahe at pagod. May bukas pa naman. Sa ibang lugar siya mag-a-apply at mukhang wala na dito sa malapit lang sa kanilang apartment. Pag-uwi ni Angel ay pagod na pagod na ibinagsak niya ang katawan sa kama at tumingin sa kisame. “Mama, bakit kasi iniwan mo agad ako, e. Tingnan mo ang naging buhay ko ngayon. Siguro, kung hindi ka namatay ay mataba pa rin ako hanggang ngayon kasi alam kong hindi ninyo ako papabayaan.” Malungkot niyang sabi. Ganito siya kapag nahihirapan o kaya ay nalulungkot. Palagi niyang naaalala ang Mama Angelina niya at ang buhay niya noong buhay pa ito. Dati ay wala siyang dapat intindihin dahil may nanay siyang kumakayod para sa kaniya. Ngayon ay ibang-iba na. Wala siyang aasahan sa lahat kundi ang sarili niya. Mabuti na lang talaga at nandiyan si Cecilla na kahit paano ay tinutulungan siya. Tumagilid siya at nakita niya ang drawer sa gilid. Doon niya inilagay ang cellphone at ATM card na nakuha niya doon sa attache case. Tuloy ay nakuha na naman niyon ang atensiyon niya. May lock iyon kaya sigurado siyang hindi iyon mabubuksan ni Cecilla. Tig-isa kasi sila ng drawer at hindi nila pinapakailaman ang gamit ng isa’t isa. “Ano kaya kung patulan ko ang sinabi no’ng tumawag sa akin?” tanong niya sa sarili. Bumalikawas siya ng bangon at kinuha ang susi ng drawer at binuksan iyon. Mula doon ay kinuha niya ang cellphone at binuksan iyon. “Totoo ka kaya?” tanong niya sa ATM card na akala mo ay sasagutin siya niyon. Bahala na nga! At umalis na siya ng apartment dala ang cellphone at ATM card. Pupunta siya ngayong gabi sa ATM machine para tingnan kung magagawa niyang mag-withdraw gamit ang card na hawak niya ngayon. Walking distance lang naman ang pinaka malapit na ATM machine kaya hindi na niya kailangang sumakay pa. Pagdating doon kinakabahan pa siya nang ipasok sa machine ang card. Mas lalong lumala ang kaba niya nang itina-type na niya ang passcode. Kapag mali iyon ay isa lang ang ibig sabihin—naloko siya at nagpaloko naman siya. “D-diyos ko!” Mahinang bulalas ni Angel nang tama ang passcode. Parang gusto na niyang himatayin nang itina-type na niya ang amount na kaniyang iwi-withdraw. Ten thousand pesos. Uubusin na niya ang laman niyon. Parang musika sa tenga niya ang tunog ng pagbibilang ng pera sa loob ng machine. Wala pang isang segundo ay naglabas na ng sampung libong piso ang machine na agad niyang kinuha at binilang. “Ten thousanda nga! Totoo nga!” Hindi pa rin makapaniwala si Angel. Parang panaginip lang ang lahat. Sa katulad niyang mahirap ay malaking halaga na iyon. Kung pagtatrabahuha niya iyon sa karinderya ay mahigit tatlong buwan ang gugugulin niya bago magkaroon ng ganoong pera. Mabilis niyang sinilid ang pera sa bulsa ng kaniyang shorts. Pasimple siyang tumitingin sa kaniyang paligid at baka may holdaper na nakakita sa perang hawak niya. Dapat pala ay nagdala siya ng kutsilyo para kung sakaling may mang-holdap sa kaniya ay maipagtatanggol niya ang kaniyang sarili. Nakakailang hakbang pa lang si Angel mula sa ATM machine ay tumunog naman ang cellphone na napulot niya. Muntik pa siyang mapamura sa gulat. Natataranta niya iyong kinuha sa isa pang bulsa at isang Unknown Number na naman ang tumatawag. In-expect na niya na iyon `yong unang tumawag sa kaniya noong isang araw. “Hello?” ani Angel pagkasagot ng tawag. “Ikinagagalak ko na tinatanggap mo na ang aking hamon, Angel!” Tama nga siya. Paano ba niya makakalimutan ang boses na iyon? “Anong hamon ang pinagsasabi mo?” “Alam ko. Winithdraw mo na ang laman ng ATM card. Hindi ba’t ang sabi ko, kapag winithdraw mo na ang pera niyan, ibig sabihin ay tinatanggap mo na ang gusto ko. Nagkaroon ka lang ng sampung libong piso ay naging makakalimutin ka na.” Naging malikot ang mata niya. Pumunta siya sa isang waiting shed na walang tao. “Ini-stalk mo ba ako? Paano mo nalaman na winithdraw ko na ang pera? Nasaan ka?” Panay ang linga niya pero wala siyang makitang ibang tao sa paligid niya. Nakarinig siya ng mahinang tawa mula dito. “Minamaliit mo talaga ko, Angel. Hindi kita kailangang sundan palagi. May mga mata ako na nanonood sa iyo. Kahit saan ka magpunta ay alam ko ang bawat kilos mo…” anito. “Hindi ako naniniwala sa iyo. Sino ka ba? Ano ang pangalan mo?” “Black. Tawagin mo na lang ako sa pangalan na iyan—” “Totoong pangalan ang gusto ko at hindi alias!” “Angel, Angel… Hindi mo talaga naiintindihan. Ako na nga itong lumapit sa iyo para magkaroon ka ng pera pero parang itinataboy mo pa ako. Hanggang ngayon ba ay duda ka pa rin? May sampung libong piso ka na at lalaki pa iyan kapag ginawa mo ang gusto ko. Mga gusto ko.” Mariin ang pagkakasabi nito sa huling pangungusap. “Ano ba ang gusto mo? Ang p********e ko?” “Hahamunin kita kung hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pera. Kapag natapos mo ang lahat ng hamon ko ay bibigyan pa kita ng trabaho na kikita ka ng limpak-limpak na salapi! Hindi ka na magugutom, Angel. Mabibili mo na ang lahat ng gusto mo. Bahay, lupa, sasakyan, mamahaling damit, masasarap na pagkain at walang hanggang pera. Iyan ang mga gusto mo, `di ba? Sawa ka nang maging mahirap, tama?” Nang-eenganyo ang boses nito. Alam nito ang kahinaan niya. “Tandaan mo, sampung milyong piso ang makukuha mo oras na magawa mo ang lahat ng gusto ko.” “Ano nga ang gusto mo?!” Naiinis na siya dahil ang dami nitong paliguy-ligoy. “Umuwi ka muna sa apartment mo at doon ay sasabihin ko.” “Bakit hindi na lang dito?” “Umuwi ka na, Angel.” Maawtoridad nitong utos. Wala nang nagawa si Angel kundi ang sundin si Black. Hindi na nito ipinababa ang tawag. Pagkadating niya sa apartment ay sinabi na niya na nakauwi na siya. “Ngayon, sabihin mo na kung ano ba ang gusto mo sa akin, Black!” ani Angel. “Ilang letra meron ang salitang BLACK?” “Lima—teka! Anong koneksiyon niyang sa tanong ko—” “Tama ka. Lima. Ibig sabihin ay meron akong limang pagsubok na ipapagawa sa iyo. Ang bawat letra sa salitang BLACK ay merong kakambal na pagsubok. Bawat pagsubok ay merong kakambal na premyo, Angel. Nakukuha mo na ba?” “O-oo.” “Lalaki nang lalaki ang premyo hanggang sa umabot na sa sampung milyong piso. Ngunit bawal ka nang umatras. Take it ot leave ito. Kapag nagtagumpay ka, aabante ka sa susunod na pagsubok. Kapag nabigo ka, mauuwi sa lahat ang pinaghirapan mo. Isang pagsubok lang ang hindi mo magawa ay matatalo ka na. Wala kang makukuha kahit piso bukod diyan sa sampung libong hawak mo ngayon.” “Ano ba ito? Game show ba ito? Tanungan? Patalinuhan? Kung ganiyan ay aayaw na agad ako ngayon pa lang dahil sinasabi ko na sa iyo na hindi ako matalinong tao.” “Sa tingin mo ba ay pipiliin kita kung alam kong wala kang pag-asang magawa ang mga pagsubok ko? At huwag kang mag-alala dahil hindi ito patalinuhan lang. Kailangan din ng diskarte at tapang, Angel. Matagal na kitang minamatyagan at alam kong maaaring ikaw na ang hinahanap ko…” Makahulugan nitong sabi. “S-stalker ka nga!” “Maaari bang tama na tayo sa ganiyang akusasyon? Isipin mo na lang ang perang makukuha mo, Angel, at ang trabahong naghihintay sa iyo. Doon ka mag-focus at huwag sa kung sino ako dahil sa huli ay malalaman mo rin kung sino ako!” Natahimik siya sa sinabi nito. Mukhang nagtaas kasi ito ng boses sa kaniya. Nangamba siya nang kaunti na baka bawiin na nito ang offer nito sa kaniya kaya tumahimik na lang siya. Sayang kung papalampasin niya ang pagkakataong ito. Mabilis na nag-isip si Angel. Kung kaya siya nitong bigyan ng sampung milyong piso ay baka kaya din siya nitong bigyan ng trabaho na may malaking sweldo. “Handa ka na ba, Angel?” Muli niyang narinig ang boses ni Black. Napalunok siya ng sariling laway. “Paano kung umatras ako—” “Hindi ka na maaaring umatras! Hindi ba’t ang sabi ko, kapag kinuha mo na ang pera sa ATM card ay payag ka na sa gusto ko?” Tama nga naman ito. Iyon ang sinabi nito. “Kaya tinatanong kita kung handa ka na ba?” “May choice pa ba ako?” sarkastiko niyang tanong. Bahagya itong tumawa. “Wala na!” Bumalik sa pagiging seryoso ang pagsasalita ni Black. Sa tingin niya ay wala na itong atrasan. Isa pa, kailangan din niya itong subukan upang malaman niya kung totoo ba o hindi ang mga pinagsasabi ni Black. Saka wala siyang ilalabas na pera. Hindi na siya talo kung tutuusin. Siya pa ang makikinabang nang husto sa gustong mangyari ni Black. Ang dapat lang niyang gawin ay pagtagumpayan ang limang pagsubok na ipapagawa nito sa kaniya. Huminga si Angel nang malalim at saka muling nagsalita. “Sige. Handa na ako!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD