HINDI inaasahan ni Angel na papatulan niya ang mga sinasabi ni Black. Aminado siya na nasilaw siya sa sampung milyong piso na sinasabi nito na maaari niyang makuha oras na magawa niya ang lahat ng pagsubok nito sa kaniya. Matapos nilang makapag-usap kagabi ay sinabihan siya nito na hintayin niya ang tawag nito ngayong umaga para malaman niya kung ano ang una niyang gagawin. Sa paghihintay niya ng tawag ni Black ay hindi na niya nagawang makatulog. Ala-siyete na ng umaga pero dilat pa rin ang mata niya. Nakahiga siya sa kama habang nakatingin sa kisame at sa isang kamay ay naroon ang cellphone na bigay ni Black sa kaniya. Oo, nakakaramdam na siya ng antok pero ayaw makisama ng mga mata niya at parang hindi siya niyon hinahayaan na matulog.
“Good morning, friend!!!” Napapitlag siya nang marinig ang pagsigaw ni Cecilla. “I’m here na! Bumili na ako ng breakfast!” Hindi siya gumalaw mula sa pagkakahiga. Ngayong may kasama na siya sa bahay ay parang mas gusto na niyang matuloy. Ipipikit na sana niya ang kaniyang mga mata ay siyang pagbukas naman ng pinto ng kwarto.
“Hoy, friend! Bangon na. Sabayan mo ako sa breakfast! Wait kita, ha?” Dumungaw si Cecilla sa pinto at umalis din ito agad. Pakanta-kanta pa ito na parang ang saya-saya nito.
“Puta…” Mahina niyang mura.
Kung kailan matutulog na siya ay saka naman iyon ipinagdamot sa kaniya. Sabagay, hindi naman alam ng kaibigan niya na magdamag siyang gising.
Napipilitan man ay bumangon na lang siya at nagmumog. Umupo siya sa tapat ni Cecilla at nakita niya ang masasarap na pagkain na nasa lamesa. Merong isang buong litsong manok, pancit at tasty bread. May isang box din ng donut. “Ang dami yata nito. Bibitayin na ba tayo?” Matamlay na turan ni Angel sa kaibigan.
“Bibitayin talaga? Grabe ka talaga, friend! E, jumackpot ulit ako kagabi, e. Binalikan ako no’ng rich customer ko at nakakuha ako ng malaking bonus dahil talaga namang hinusayan at nilagyan ko ng puso ang performance ko!” Ngumanga pa ito nang malaki sabay tawa.
“Mabuti pala at may regular customer ka na…”
Kumunot ang noo ni Cecilla. “Anong nangyayari sa iyo, friend? Bakit parang ang tamlay mo? Kulang ka ba sa s*x?” Alam niyang pinapatawa siya nito pero hindi niya talaga kayang tumawa lalo na at wala pa siyang tulog. Wala siyang energy.
“Kailan naman nakasama sa basic needs ko ang s*x?”
“Ay, ang seryoso! Joke lang, friend. Kasi naman ang tamlay mo diyan. Kanina pa ako nagpapatawa dito pero wala lang sa iyo. E, lagi kayang benta jokes ko sa iyo. Ano nga? May problema ba? Pera ba? Utang ka sa akin. Magkano ba?”
Umiling si Angel. “Wala ito… Hindi lang ako nakatulog ng ayos kagabi. `Di ko alam kung bakit. Kaya wala akong energy ngayon. Sorry, ha.”
“Edi, matulog ka ulit. Wala ka pa namang work, e.”
“Hindi na lang siguro. Baka umalis din ako kasi…” Napahinto siya sa pagsasalita nang maramdaman niya ang pag-vibrate ng cellphone sa tagiliran niya. Inipit niya kasi iyon sa gilid ng short at wala siyang bulsa.
Nakatingin si Cecilla sa kaniya at hinihintay na tapusin ang kaniyang pagsasalita.
Inilabas niya ang cellphone at tumatawag nga si Black. “S-sagutin ko lang ito,” aniya.
“Wow! New phone?” puna ng kaibigan niya na hindi na niya sinagot.
Lumabas siya ng apartment at doon niya sinagot ang tawag ni Black. Nangangamba kasi siya na baka marinig ni Cecilla ang pag-sasalita niya at magduda ito.
“Ano?” Agad niyang tanong.
“Wala man lang bang magandang umaga muna?”
“Hindi kita jowa, Black. Alam ko kung bakit ka tumawag. Sabihin mo na ang una mong pagsubok para matapos na ito.” Pigil niya ang paglakas ng kaniyang pagsasalita.
“Mabuti at alam mo kung bakit ako tumawag,” sumeryoso na ang boses nito. “Gagawin mo na ang unang letra sa salitang BLACK at ito ay ang letter B… B as in BEAT!” “Beat?” kunot-noo niyang tanong. “Malalaman mo rin kung bakit iyan ang pangalan ng pagsubok na ito. Ang unang pagsubok ay nagkakahalaga ng one hundred thousand pesos! Kapag nagawa mo ay magde-deposit ako ng ganiyang halaga sa ATM card na hawak mo. Handa ka na ba, Angel?”
“H-handa na. K-kagabi pa.” Tirik ang sikat ng araw pero nilalamig siya dahil sa one hundred thousand pesos na ibibigay nito para sa unang pagsubok.
Muling nagsalita si Black. Pinakinggan niya nang mabuti ang mga sinasabi nito upang hindi siya magkamali sa ipinapagawa nito. Sabi kasi nito, kapag nagkamali siya ay matatalo na siya at doon na matatapos ang kanilang laro…
“YAWA! Friend, bakit naka-all black ka?! Sinong namatay?!”
Gulat na gulat si Cecilla nang lumabas siya ng kwarto na nakasuot ng kulay itim na long-sleeves shirt, black pants at black na sapatos. May suot din siyang black baseball cap. Nakaupo sa may salas si Cecilla at hawak ang cellphone nito.
“Ang una mong gagawin ay magsuot ka ng puro black na damit. Dapat ay walang ibang kulay. Pumunta ka sa bayan, pumasok ka sa isang kainan. Kahit saan. Pagdating mo doon ay saka ko sasabihin kung ano ang susunod mong gagawin…” Iyon ang sinabi sa kaniya kanina ni Black bago natapos ang pag-uusap nila sa cellphone.
Napatayo si Cecilla mula sa pagkakaupo. Nanonood ito ng telebisyon nang lumabas siya sa kwarto. Parang namamangha siya nitong nilapitan at tiningnan mula ulo hanggang paa.
“Sumali ka na ba sa kulto, ha? Bakit ganiyan suot mo, friend?” Pagtataka nito.
“A-ano bang kulto pinagsasabi mo? Porket nakaitim ay may kulto na?” Katwiran ni Angel. “Ano lang… m-may pupuntahan akong work. Ganito ang uniform doon, e.”
“Wow! May work na pala. Pero talagang all-black?”
“I-ito talaga, e. Sumusunod lang naman ako. Kagabi ay nag-text na `yong isa kong in-apply-an. Sige, ha. Aalis na muna ako.”
Aalis na sana siya nang hawakan siya ng kaibigan niya sa braso. “Ay, wait lang, friend! May sasabihin pala ako sa iyo,” anito. “Paalis kasi ako. Nag-aaya ng bakasyon `yong rich customer ko. Pupunta kami ng Palawan!!!”
“Talaga?”
“Yes na yes! Mamaya ay aalis na kami. Siguro one week din akong mawawala. Kaya ikaw muna ang bahala dito sa bahay, ha. Saka alam kong wala ka pa ring pera dahil kakasimula mo pa lang sa work. Kung kakapusin ka ay magsabi ka lang sa akin at madali lang magpadala. I’m just one call away lang naman, e. Ha?”
Tumango si Angel. “S-sige, friend. Mag-iingat ka doon.”
Hindi niya alam kung ano ang nakain ng kaibigan niya pero bigla niya nitong niyakap. “Basta, kung ano man iyang iniisip mo ay mawawala din iyan. Malalampasan mo rin iyan!” Kumalas ito ng pagkakayakap at nginitian siya. “Sige na, umalis ka na at baka magka-dramahan pa tayo dito!”
Ginantihan niya ng ngiti si Cecilla at nagpasalamat dito bago siya tuluyang umalis ng kanilang apartment. Eksaktong paglabas niya ay isang tricycle ang padaan. Pinara niya agad iyon at nagpahatid siya sa bayan upang maghanap ng isang restaurant o kainan na pwede niyang puntahan gaya ng utos ni Black.
Sa paghahanap niya ng kainan ay nadaanan niya ang isang pamilyar na fastfood restaurant—ang Jollibee. Napahinto siya sa tapat niyon at automatic na bumalik sa kaniyang alaala ang araw kung kailan namatay ang kaniyang ina. Birthday niya noon at kumakain sila sa Jollibee. Paglabas nila ay isang babaeng pulubi ang umagaw ng dala niyang pagkain. Sa paghabol nilang mag-ina sa pulubi ay nasagasaan ng truck ang nanay niya at namatay. Hanggang ngayon ay malinaw pa sa isipan niya ang pagkalat ng utak ng nanay niya at ang mga baboy na kumain sa utak nito.
Mariing ipinikit ni Angel ang mga mata at ipinilig ang ulo upang maalis sa imahinasyon niya ang tagpong iyon. Dahil kasi sa pangyayaring iyon ay nagkaroon siya ng galit sa mga pulubi at namamalimos sa kalye. Kung hindi kasi dahil sa pulubing umagaw sa pagkain niya ay hindi mamamatay ang nanay niya. Kaya sa tuwing nakakakita siya ng pulubi ay umiinit talaga ang dugo niya. Imbes na maawa siya sa mga ito o limusan niya ay parang gusto niyang saktan ang mga ito. Pinipigilan lang niya ang sarili.
Maya maya ay pinili na ni Angel ang Jollibee at pumasok na siya sa loob.
Pumwesto siya malapit sa glass wall dahil iyon na lang ang puwestong available. Pagkaupo niya ay isang crew ang lumapit sa kaniya. May dala itong isang tray na puno ng pagkain. Isa-isa nitong ipinaton ang dalawang large fries, dalawang burger, dalawang spaghetti, isang bucket ng six pieces na chicken at dalawang large na coke.
Nagtatakang niyang kinausap ang lalaking crew. “Hindi ako um-order ng mga ito. Nagkakamali ka,” ani Angel dito.
“Hindi po, ma’am. Para po sa inyo talaga iyan.”
“Hindi pa ako umu-order. Okay? Alisin mo nga—”
“Ma’am Angel, sa inyo po ang mga iyan. May nag-order na po para sa inyo.” Makahulugang ngumiti ang crew sa kaniya. “Excuse me po.” At umalis na ito sa harapan ni Angel.
Naiwanang nakanganga at nagtataka si Angel. Hindi na siya nakapagsalita nang sabihin ng crew na iyon ang pangalan niya. Paanong nangyari iyon gayong hindi nga niya kilala ang crew? Hindi din niya natatandaan na sinabi niya ang pangalan niya dito. Kaya paano?
Hanggang sa maisip niya si Black. “Hindi kaya pakulo ito ni Black?”
Muntik na siyang mapamura sa gulat nang tumunog ang cellphone niya na bigay ni Black. Nagmamadali niya iyong kinuha mula sa bulsa at sinagot ang tawag. “Nagustuhan mo ba ang in-order kong pagkain para sa iyo, Angel?” bungad ni Black.
“Hindi ako nagugutom at hindi ko kayang ubusin ang mga ito!” Medyo naiinis niyang sagot. “Ano ito? Ako pa pagbabayarin mo ng mga ito, ha?”
“Relax… Bayad na iyan. Ang kailangan mo lang gawin ay kumain dahil kailangan mo ng lakas para magawa ang mga iuutos ko sa iyo. I-enjoy mo lang ang pagkain, Angel. Sigurado ako na hindi mo pa nakakalimutan na iyan ang paborito mong kainan noong bata ka pa. Diyan ka dinala ng nanay mo noong huling birthday mo na nakasama mo siyang buhay—”
“Tumigil ka! Bakit pati nakaraan ko ay alam mo?”
“Tandaan mo. Walang imposible sa akin. Lahat ay nalalaman ko kaya huwag ka nang magtataka kung lahat ng tungkol sa iyo ay alam ko. Ngayon ay tama na ang pag-uusap natin tungkol diyan. Ang goal mo ay matapos mo ngayong araw ang letter B. Kaya kumain ka lang diyan. Oo nga pala, buksan mo iyong isang dalawang burger at may makikita ka. Sa iyo iyon. Kunin mo.”
Hindi na lang umimik si Angel at sinunod niya ang sinabi ni Black. Inalis niya ang bun ng dalawang burger at may nakita siyang kulay itim na nakalagay sa maliit na zip lock plastic sa ibabaw ng isang burger patty. Kinuha niya iyon. “Ano ito?”
“Wireless earphone. Automatic iyang magko-konek sa cellphone na ibinigay ko sa iyo. Para madali tayong nakakapag-usap.”
Inalis niya sa plastic ang earphone at inilagay iyon sa kaliwa niyang tenga.
“Naririnig mo na ba ako gamit ang earphone?” Nagulat siya nang marinig ang boses ni Black sa earphone. Hindi niya alam na meron nang ganitong uring earphone sa panahong ito.
“Oo. Naririnig na kita.” Ibinalik na niya ang cellphone sa bulsa.
Inutusan na siya ni Black na kumain. Kahit hindi nagugutom ay sinunod na lang niya ito.
Habang kumakagat siya sa isang piraso ng manok ay naramdaman niyang may nanonood sa kaniya. Parang may mga matang kanina pa nakatingin sa kaniya habang siya ay kumakain. Iginala niya ang paningin at muntik na siyang himatayin sa gulat nang may makita siyang babaeng pulubi na nakatanghod sa kaniya mula sa labas. Halos nakadikit na ang maduming mukha nito sa glass wall. Dinidilaan nito ang glass wall habang may malapot na laway na umaagos sa gilid ng bibig nito.
Napangiwi si Angel sa pandidiri. Lalo siyang nawalan ng ganang kumain dahil sa maduming pulubi. Matigas ang buhok nito na puno alikabok. Kahit hindi niya iyon nahahawakan ay halatang ganoon ang texture niyon. Puno ng grasa ang mukha at katawan. Sira-sira ang damit. Mukhang may sira pa ang pag-iisip nito dahil panay ang tawa sa kaniya at manaka-naka’y dinidilaan ang glass wall.
Tatawag sana siya ng crew para paalisin ang pulubi nang biglang magsalita si Black.
“Oops! `Wag mong papaalisin ang pulubi, Angel,” pigil nito.
“Ha? Huwag mong sabihin na iyan ang pagsubok mo sa akin? Uubusin ko ang lahat ng pagkain sa table ko habang may isang nakakadiring pulubi na nanonood sa akin?”
“Napakadali naman kung iyan lang ang pagsubok ko sa iyo, Angel. Humanda ka na dahil mag-uumpisa na ang huling bahagi ng una mong pagsubok…”
“Ano ba ang gusto mong gawin ko?” Malakas ang hinala ni Angel na kasama ang pulubing iyon sa unang pagsubok ni Black.
“Simple lang. B is for BEAT. Ang gagawin mo ay bubugbugin mo ang pulubing iyan, Angel!”
“Ano?! Nababaliw ka na ba? Gusto mo bang makulong ako?!”
“Sandali, bakit parang naaawa ka sa pulubing iyan? Hindi ba’t matagal mo nang gustong gawin iyan? Matagal mo nang gustong ipaghiganti ang ginawa ng isang pulubi sa nanay mo. Namatay ang nanay mo dahil sa isang pulubi na ninakaw ang pagkain mo… Kung hindi dahil sa mga pulubing iyan ay hindi ka sana nag-iisa ngayon, Angel. Hay… kawawa ka naman.”
Unti-unti ay nagkaroon ng galit sa mukha ni Angel habang nakatingin siya sa babaeng pulubi. Hindi man ito ang pumatay noon sa nanay niya ay parang makakaganti na rin siya kapag sinunod niya ang unang pagsubok ni Black.
“Ano, Angel? Gagawin mo ba? Kung hindi mo gagawin ay maaari ka nang umatras. Iyon nga lang ay ihihinto na natin ang larong ito at wala kang makukuhang—”
“Gagawin ko!” Matapang niyang putol kay Black. Matiim siyang nakatingin sa pulubi sa labas.