BLACK 06

2263 Words
        SUNUD-SUNOD ang pagbubuhos ni Angel ng tubig sa kaniyang hubad na katawan gamit ang tabo. Nasa banyo siya at naliligo. Panay ang salok niya sa timba habang walang tigil ang paglabas ng tubig sa gripo. Pagkabalik niya sa apartment mula sa pambubugbog sa kawawang pulubi ay dumiretso siya sa banyo para maligo dahil talagang dumikit sa kaniya ang mabahong amoy nito. Nang magsawang magbuhos ng tubig ay saka niya sinabon ang kaniyang katawan. Halos mabura na ang balat niya dahil sa mariin niyang pagkuskos doon. Dahil sa wala na palang shampoo ay ang sabon na rin ang ginamit niya sa kaniyang buhok. Tinapos na ni Angel ang pagligo at nagtapis siya ng tuwalya nang lumabas siya sa banyo. Naghahanap na siya ng damit sa aparador nang tumunog ang kaniyang cellphone. Iniwan muna niya ang paghahanap ng masusuot upang tingnan kung sino ang tumatawag sa kaniya at nalaman niyang si Cecilla lang pala. Naisip niya na baka makikipag-kwentuhan lang ito kaya hindi na lang niya sinagot. Mamaya na lang niya ito tatawagan. Gusto lang niyang makapagpahinga muna sa ngayon dahil hindi na niya kaya ang pagod na kaniyang nararamdaman. Bumalik na siya sa may aparador at tanging panty at bra lang ang nagawa niyang maisuot. Pagkasuot niya ng mga iyon ay ibinagsak na niya ang kaniyang katawan sa ibabaw ng kaniyang higaan at ipinikit ang mga mata. Ilang minuto lang ay nakatulog na si Angel. Ngunit ang mahimbing niyang tulog ay nabulabog nang may marinig siyang pagkalabog sa may salas. Parang tunog ng isang upuan na natumba ng kung sino. Inakala niya na baka imahinasyon lang niya ang narinig o baka kasama sa kaniyang panaginip kaya pumikit ulit siya. Wala pang isang minuto siyang nakapikit ay nakarinig naman siya ng yabag ng paa sa labas ng kaniyang kwarto. Kasunod niyon ay ang muling pagtunog ng kaniyang cellphone. Kinapa niya iyon sa ilalim ng kaniyang unan. Si Cecilla ulit. Tumatawag. Sa tingin niya ay hindi ito titigil kakatawag hanggang hindi siya nakakausap kaya sinagot na lang niya iyon. “Hello, friend…” Inaantok niyang sagot. “Friend! Kumusta ka naman diyan? Nandito na pala kami sa airport. Mamaya ay sasakay na ako ng airplane! Grabe! Excited ako kasi first time kong makasakay ng eroplano!” Halata sa pagsasalita nito na masaya ito. “Mag-iingat ka, ha. I-update mo ako kapag nandoon ka na sa Palawan, friend.” Nawala na tuloy sa isip niya ang yabag ng paa na narinig niya kanina. Umupo siya sa gilid ng kama. Nakatalikod siya sa gawi ng pintuan ng kwarto. “Kinabahan nga ako kanina at akala ko ay kailangan ng passport. `Di ba, wala ako no’n! Hindi naman ako kumukuha niyon kasi hindi ko na-imagine ang self ko na makakasakay ako sa airplane someday! Napahiya pa ako sa kasama ko!” Malakas itong tumawa. “Hindi na kailangan ng passport kapag hindi ka lalabas ng bansa, friend. Ano ka ba?” Natawa siya ng bahagya sa sinabi ni Cecilla. “Kaya nga, e. Malay ko ba? Ikaw ba diyan… kumusta ka, friend?” “Ayos lang ako, friend. `Wag mo akong isipin. Mag-enjoy ka lang sa bakasyon mo.” “O, basta kapag kailangan mo ng pera ay magsabi ka lang. Okay?” “Okay, friend. Thank you!” “Ay, siya… tinatawag na ako ng kasama ko. Later na lang, friend! See you soon!” “Bye, friend!” Doon na natapos ang pag-uusap nila ni Cecilla. Masaya siya para dito dahil nakakapunta ito sa isang magandang lugar. Pero oras na makuha niya ang sampung milyon kay Black ay bibigyan niya ito ng pera para makapagbagong buhay na ang kaibigan niya. Ayaw niya na habangbuhay nitong ibinebenta ang sarili para kumita ng pera. Ibinalik na ni Angel ang cellphone sa ilalim ng kaniyang unan. Pabalik na sana siya sa pagkakahiga nang may maramdaman siyang presensiya ng tao sa kaniyang likuran. Iyong pakiramdam na parang hindi siya nag-iisa sa silid na iyon. Bigla tuloy lumakas ang kabog ng dibdib niya dahil doon. Kinakabahan man ay pinili pa rin niyang lumingon sa kaniyang likuran. Marahan siyang lumingon ngunit hindi pa man niya nakikita kung may tao nga sa likuran niya ay isang kamay ang bigla na lang sumulpot sa likuran niya at tinakpan niyon ang kaniyang ilong at bibig gamit ang isang panyo! Isang nakakahilong amoy ang pumasok sa kaniyang ilong at kasunod niyon ay sumakit ang ulo niya. Hanggang sa unti-unti ay naramdaman niya na nawawalan na siya ng malay…   “PUTA…” Nanghihinang mura ni Angel nang magising siya. Medyo masakit pa ang ulo niya. Iginala niya ang kaniyang mata sa paligid. Nasa isang abandonadong silid siya. Walang kalaman-laman ang silid na kinaroroonan niya. Ang tanging nakikita niya ay isang pinto na kulay itim. Nakakasilaw ang liwanag na nagmumula sa iisang ilaw sa gitna ng kisame. Suot pa rin niya ang panty at bra niya. Ang huli niyang naaalala ay may nagpatulog sa kaniya sa sarili niyang kwarto. Hindi kaya may nakaalam na may pera ako! Bigla siyang kinabahan nang maisip niya na baka kinidnap siya at pipilitin siyang kunin ang pera na meron siya ngayon. Aba, hindi siya papayag na basta na lang ibigay sa taong iyon ang perang pinaghirapan niya. Gagalaw sana si Angel nang mapagtanto niya na wala siyang kakayahang gawin iyon dahil sa nakatali pala ang mga kamay niya sa mahabang bakal na nakakabit sa kisame gamit ang lubid. Kasing-taba lang ng normal na tubo ang bakal sa kisame. May tinutuntungan siyang monoblock chair kaya halos maabot na niya ang kisame. Dahil doon ay mas lalong lumakas ang hinala niya na kinidnap siya. Bago pa man siya makapag-react ay may narinig siyang boses na nagsalita sa kaniyang kaliwang tenga. “Hello, Angel…” boses iyon ni Black. Doon lang niya nalaman na nasa isa niyang tenga ang earphone na ibinigay sa kaniya nito. “B-black? Ikaw ang—” “Tama ka kung ano ang iniisip mo ngayon. Ito na ang simula ng pangalawang pagsubok ko sa iyo. Ang pangalawang letra sa salitang BLACK—letrang L! L na ang ibig sabihin ay LONG.” “Long? Mahaba? Anong koneksiyon niyan sa pagkidnap mo sa akin at pagtali dito?” sarkastiko niyang tanong kay Black. “Dahil magiging mahaba ang ikalawang pagsubok. Mahabang oras ang gugugulin mo, Angel. Dito makikita kung gaano ka katatag!” “Bakit hindi mo na lang sabihin sa akin kung ano ang gagawin ko para matapos na agad ito? Mahabang oras pala, e. Tapos dami mo pang sinasabi diyan!” “Simple lang. Ang kailangan mo lang gawin ay kumapit sa bakal kung saan ka nakatali. Kahit anong mangyari ay huwag na huwag kang bibitaw diyan dahil oras na gawin mo iyon ay tapos na ang larong ito. Madali lang matanggal ang taling nasa mga kamay mo.” Sa sinabing iyon ni Black ay iginalaw-galaw niya ang mga kamay hanggang sa maalis na ang lubid at nalaglag iyon sa sahig. “Iyon lang? Hahawakan ko lang ang bakal na ito?” “Yes! At kahit ano ang mangyari ay hindi ka pwedeng bumitaw. Dapat kahit isang kamay ay nakakapit sa bakal. Limang oras ang itatagal mo diyan. Mahabang oras na iyan para lang sa pagkapit sa bakal, `di ba?” “Kuha ko na. Alam ko na. Simulan na natin, Black, para matapos na ito!” determinado niyang turan. Talagang handang-handa na siyang mapasakamay ang sampung milyong piso. May umilaw na digital clock sa dingding sa harapan niya. May timer na nakalagay doon. Five hours ang nakalagay. “Sa oras na umandar ang timer ay simula na ng ikalawang pagsubok. Ihanda mo na ang sarili mo, Angel…” seryosong sabi ni Black sa kaniya. Huminga nang malalim si Angel at hinigpitan ang pagkakapit sa bakal. Inihanda na agad niya ang sarili dahil sigurado siyang hindi simpleng paghawak lang sa bakal ang gagawin niya. Mahirap na ang unang pagsubok kaya inaasahan niyang mas mahirap ang pangalawa. Matapos ang mahabang katahimikan ay narinig niya ulit ang boses ni Black. “Kapag nagtagumpay ka sa pagsubok na ito ay magiging isang milyon ang isandaang libong piso na nasa account mo. Ngayon ay sinisimulan ko na ang ikalawang pagsubok!” Sa hudyat na iyon ni Black ay umandar na paatras ang timer sa harapan niya. Isang minuto na ang lumilipas. Wala pa ring nangyayari. Mahigpit pa rin ang pagkakahawak niya sa bakal. Inilagay na niya sa kaniyang utak na hindi niya bibitawan ang bakal kahit na ano ang mangyari. Alam niyang may mangyayari. Naghihintay lang siya… Limang minuto na. Wala pa rin. Wala pa siyang nararamdaman na pagkangalay dahil hindi niya kailangang i-stretch nang husto ang mga braso. Salamat sa monoblock na tinutuntungan niya. Kung may nararamdaman man siya ay init. Wala man lang bintana o kahit maliit na butas ang silid na iyon para labasan ng hangin. Nang labinglimang minuto na ang nababawas sa limang oras sa timer ay may narinig siyang yabag ng paa na naglalakad sa labas ng silid na kinaroroonan niya. Hindi nagtagal ay bumukas ang pinto at nagulat siya nang makita ang pulubing binugbog niya. Pumasok ito at nakangiting nakatingin sa kaniya. Ganoon pa rin ang hitsura nito. Puno pa rin ng grasa ang buong mukha. Kitang-kita pa rin ang mga pasa at natuyong dugo sa mukha nito. Nang isarado nito ang pinto ay napuno ng mabahong amoy ng pulubi ang buong silid. Umasim ang mukha ni Angel. “Anong ginagawa mo dito?! Umalis ka nga. Ang baho-baho mo!” Pagtataboy niya sa pulubi. Umiling ito at umupo sa may harapan niya. “Ayoko!” Umiling ito at nakakalokong ngumiti. “Kumusta ka naman diyan?” Matinis pa rin ang boses nito. Hindi niya maintindihan kung boses ba iyon ng isang bata o manananggal o tiktik. “Nagtanong ka pa! Paano ka napunta dito? Pinapunta ka ba ni Black? Para ano? Para inisin ako?” Dire-diretso niyang tanong. “Parang ganoon na nga!” Hagikhik nito. Ngayon ay alam na niyang kasama ang mabaho at maduming pulubi na ito sa ikalawa niyang pagsubok. Talaga ngang magaling din mag-isip ng mga ipapagawa si Black. Hindi talaga siya nito bibigyan ng pera nang hindi siya pinapahirapan. “Hayop ka. Ang baho mo!” Inalis muna niya ang isang kamay mula sa pagkakahawak sa bakal upang gamitin na pangtakip sa ilong niya. Tiningnan niya ang babaeng pulubi na nakatitig lang sa kaniya na akala mo ay isa itong bata. Sa wari niya ay naka-recover na ito sa pagbubugbog niya. Bagaman at nakapikit pa ang isa nitong mata at may mga natuyong dugo sa braso. Saan naman kaya nakuha ni Black ang pulubi na ito? Tumatagaktak na ang pawis sa mukha at buong katawan ni Angel. Ang kalaban lang talaga niya ngayon ay ang amoy at presensiya ng pulubi at ang temperatura sa silid na iyon. Wala bang pa-epectric fan si Black para man lang umiikot ang hangin doon. Muli siyang napatingin sa timer. Five seconds na lang at isang oras na agad ang nabawas sa limang oras na dapat niyang tiisin. Kung ganito lang ang gagawin ni Black sa kaniya ay kayang-kaya niyang tiisin na makasama ang pulubing ito ng ganoon katagal. Kung kapalit ba naman niyon ay isang milyon, e. Ano ba ang limang oras kung ganoong halaga ng pera ang makukuha niya. Apat na oras na lang, Angel. Apat na lang… aniya sa sarili. Tatlong oras at limampu’t siyan na minuto na ang nakalagay sa timer… Ganoon na lang ang gulat niya nang biglang sinipa ng pulubi ang monoblock chair na tinutuntungan niya. Mabuti na lang at nakita niya agad ang gagawin nito kaya nailipat niya nang mabilis ang isa niyang kamay na nakatakip sa ilong sa bakal kung saan siya dapat nakahawak! Kaya ang nangyari ay nakabitin siya sa bakal at wala na siyang tinutuntungan ngayon. Sa tingin niya ay tatlong dangkal ng kamay ang espasyo ng paa niya mula sa sahig. “Puta ka! Bakit mo ginawa iyon?! Ibalik mo ang bangko ko!” gigil na sigaw ni Angel. Kung pwede nga lang niya itong sipain ay sinipa na niya ito. Kaya lang ay hindi ito abot ng mga paa niya kaya hindi niya iyon magagawa. Humagikhik ang pulubi at tumayo na ito. Inilayo nito ang upuan at inilagay sa isang sulok. Bumalik ito sa harapan niya. “Inutos niya sa akin, e! Ginawa ko lang…” Nakakainis ang mga ngiti nito sa kaniya. “Bakit? Nahihirapan ka na ba? Kung nahihirapan ka na, bumitiw ka na lang—” “Hindi!” Mabilis niyang tutol. “Hindi kayo magtatagumpay ni Black sa gusto ninyong mangyari. Alam kong gusto ninyong bumitaw na ako pero hindi ko ibibigay ang gusto ninyo!” Matapang niyang turan. “Sabi mo, e. Basta dito lang ako…” Muli itong umupo sa harapan niya. Nakatingala sa kaniya. Unti-unti na siyang nakakaramdam ng hirap. Nakakangalay ang pagbitin sa bakal. Ilang minuto pa lang siya sa ganoong posisyon ay nangangalay na agad siya. Ngunit kailangan niyang tiisin. Ang sabi nga pala ni Black ay susubukin nito ang katatagan niya. Kung tutuusin ay hindi naman mahaba ang limang oras. Kaya lang kung ganito naman ang sitwasyo mo ay talaga ngang hahaba ang limang oras! Ten million! Ten million! Ten million! Paulit-ulit niyang sabi sa kaniyang sarili. Hindi na lang niya tinitingnan ang pulubi para hindi siya ma-distract. Ngayon ay naaamoy na niyang muli ang nakakasulasok na amoy nito dahil hindi na niya magawang takpan ng kamay niya ang ilong. Hindi lang ang pagkangalay ng mga braso at kamay ang kanilangan niyang tiisin kundi maging ang mabahong amoy ng pulubi. Ang buong akala pa naman niya ay tapos na siya sa pulubing iyon. Hindi niya akalain na pati sa ikalawang pagsubok ay makakasama niya pa rin ito! Kaya hindi na siya magtataka kung sa mga susunod na pagsubok ay naroon pa rin ang pulubi. “Hirap ka na, `no? Bitaw ka na—” “Tumigil ka! Huwag kang magsalita!” Nanlilisik ang mga mata na tiningnan niya ito. “Sino ka ba? Tauhan ka ba ni Black? Pulubi ka ba talaga?” “Ewan ko po. Basta sabi niya ay bibigyan niya ako ng Jollibee kapag sinunod ko siya!” “Ano pa ang inutos niya sa iyo?” Kung malalaman niya ang mga gagawin pa ng pulubi ay mapaghahandaan niya iyon. Mukha naman kasing wala sa katinuan ang pulubi base na rin sa kilos at pananalita nito. Siguro ay oras na para maging mabait siya dito. Kahit pansamantala lang. Para lang malampasan niya ang pangalawang pagsubok ni Black!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD