BLACK 07

2128 Words
        “AYOKO! Hindi ako pwedeng magsalita ng kahit na ano. Hindi niya ako bibigyan ng Jollibee—” “Bibigyan kita ng mas maraming pagkain sa Jollibee! Lahat ng gusto mo, ibibigay ko. Sabihin mo lang sa akin ang lahat ng mga ipinapagawa sa iyo ni Black!” Walang pakialam si Angel kahit naririnig ni Black ang pinagsasabi niya. Alam niya na hindi pa nito pinuputol ang tawag nito. Sa tingin niya ay hindi bawal ang ginagawa niya dahil kung bawal iyon ay kanina pa niya narinig ang pag-angal nito sa kaniyang ginagawa. Natahimik ang pulubi habang nakatingin sa kaniya. Parang nag-iisip ito kung tatanggapin ba ang offer niya o hindi. Kailangan niyang makumbinse ang pulubi na magsalita para mapaghandaan niya ang mga susunod na mangyayari sa kwartong ito! “Ano?!  Sabihin mo na! Hihigitan ko ang ibibigay sa iyo ni Black!” Kumurap-kurap ang pulubi. “Isang timbang french fries ba kaya mong ibigay?” Tumango si Angel. “O-oo!” sabi na lang niya. “Tapos isang kalderong spaghetti at maraming-marami na burger?” “Oo!” “Tapos maraming—” “Oo! Lahat! Magsalita ka na!!!” Natataranta na si Angel dahil medyo sumasakit na ang braso niya. “E, galit ka sa akin. Tapos binugbog mo pa ako!” Pinilit niyang pakalmahin ang sarili at ngumiti kahit napipilitan. “S-sorry na. Si Black kasi… Inutusan niya akong bugbugin ka. P-pero promise, kapag sinabi mo sa akin ang mga gagawin mo o mangyayari sa kwartong ito ay hindi na kita bubugbugin. Bibigyan pa kita ng Jollibee. Mas marami sa ibibigay sa iyo ni Black!” Patuloy na pang-uuto ni Angel. “Talaga?” Sa tingin niya ay napapayag na niya ito. Sobrang dali talagang mauto ng pulubing ito. Napakatanga ni Black dahil hindi man lang ito kumuha ng taong may matinong pag-iisip. “Oo! Talagang-talaga! Ano? M-magsalita ka na. Magsasalita ka na, `di ba?” Umaasa siya na sasabihin na nito ang mga kailangan niyang malaman. “Ayoko!” At mariin itong umiling. Gumuho ang lahat ng pag-asa ni Angel. “Putang ina ka!” gigil niyang mura. Tumayo ang pulubi ang naglakad paikot sa kaniya. “Ang sabi ni Black ay hindi ako pwedeng magsalita. Kapag ginawa ko iyon ay papatayin daw niya ako, e. Ayoko pang mamatay kaya wala akong sasabihin sa iyo!” Humagikhik pa ito at kumanta. Mukhang wala na siyang maaasahan sa pulubing kasama niya. Ang tanging kakampi niya lang talaga dito ay ang sarili niya at wala nang iba. Sa pagkakataong iyon ay hindi na lang niya pinapansin ang pulubi pati na ang amoy nito. Nasanay na yata ang ilong niya kaya parang wala na sa kaniya kahit paikot-ikot ito sa kaniya. Iniisip na lang niya na nakahiga siya sa napakalambot na kama at hindi siya nakakapit sa bakal habang nakabitin. Sabi nga nila, mind over matter. Tatlong oras at sampung minuto na lang ang natitira sa timer. Kaunti na lang, Angel. Huwag kang susuko. Kaya mo iyan! Sarili na lang niya ang nagpapalakas ng loob niya ngayon. Ipinikit ni Angel ang mga mata. Masakit sa mata ang pulubi dahil kung anu-ano ang ginagawa nito sa harapan niya. Kumakanta, naglalaro, tumatakbo at tumatawa. Nagsasalita ito ng mag-isa at kung anu-ano ang sinasabi. Sa pagbukas niya ng mga mata ay muntik na siyang mapasigaw sa gulat nang makita niyang katapat ng mukha niya ang mukha ng pulubi. Nakatungtong ito sa monoblock chair. “Lumayo ka nga sa akin! Ang baho mo!” pagtataboy ni Angel. “Ang sabi ni Black ay galit ka sa katulad ko. Dahil isang katulad ko daw ang pumatay sa nanay mo. Totoo ba iyon?” inosente nitong tanong. “Wala kang pakialam! Lumayo ka sabi!” Tumiim ang bagang niya. Unti-unti na namang nagigising ang galit niya sa pulubi dahil pinaalala pa nito ang tungkol sa bagay na iyon. “Ang tao, hahanap at hahanap talaga iyan ng masisisi sa paghihirap nila kahit sa simula pa lang ay alam nila na sila ang tunay na dahilan kung bakit sila nahihirapan!” “Ano bang sinasabi mo?” Itinaas nito ang mga balikat. “Wala naman! Ewan ko ba… Kung anu-ano naiisip ko!” Tumalon ito mula sa upuan at hinila iyon palayo sa kaniya. Nang tatlong oras na lang ang natitira sa timer ay lumabas ng kwarto ang pulubi. Hiling niya na sana ay hindi na ito bumalik. Hindi siya makapag-concentrate dahil dito. Mas mabuti pang mag-isa na lang siya doon kesa may kasamang katulad ng mabahong pulubi. Ngunit nagkamali siya dahil wala pang isang minuto ay bumalik na agad ang pulubi. Nakalagay ang dalawang kamay nito sa likuran na para bang may itinatago ito. Bigla tuloy siyang kinabahan. May hinala siya na may gagawin na naman ito na mas lalong magpapahirap sa sitwasyon niya. “A-ano `yang itinatago mo sa likuran mo?” pilit niyang nilalabanan ang takot. “Ha? Wala po… Wala akong itinatago!” Naglakad ito at huminto sa harapan niya. “Meron! Ano `yan? Ipakita mo sa akin!” “Wala nga, e. Ang kulit-kulit mo naman!” Tumawa ito ng nakakaloko. Tumiin ang bagang ni Angel. Gusto na niya itong sipain pero ayaw niyang mag-aksaya ng lakas. Kailangan niyang i-reserve ang lakas na meron siya dahil halos tatlong oras pa ang kailangan niyang tiisin bago malagpasan ang pangalawang pagsubok ni Black. “Kung ayaw mong sabihin, bahala ka sa buhay mo!” Iyon na lang ang sinabi ni Angel. Muli siyang tinawanan nito. “Ang sarap mo talagang inisin, e! Joke lang po. Ipapakita ko na nga sa iyo! `Eto na!” Ipinakita na nito ang bagay na itinatago nito sa likod nito. Isa iyong piraso ng pang-ahit na blade. Nanlaki ang mga mata niya nang iwinasiwas pa nito iyon malapit sa kaniya. “I-ilayo mo sa akin `yan. Baka masugatan mo ako!” Kinakabahan niyang sabi. “Bago lang ito. Matalim ito at mabilis makahiwa ng balat!” Kahit parang bata itong magsalita ay nagdala pa rin ng walang kapantay na takot ang sinabi nito. “Itapon mo `yan!” Mabilis na umiling ang pulubi. “Hindi pwede! Ang sabi ni Black ay kailangan ko ito!” Nanlamig si Angel. Ibig bang sabihin nito ay gagamitin nito ang blade na iyon para mas pahirapan siya? “A-anong sabi sa iyo ni Black?” Hindi agad sumagot ang pulubi. Kinuha muna nito ang monoblock chair at ipinuwesto iyon sa tabi niya. Muli nitong tinapakan ang upuan. “Ang sabi sa akin ni Black ay gagamitin ko sa iyo ang blade na ito!” anito sabay hagikhik. Itinuro nito ang kili-kili niya. “Sabi niya ay hiwaan daw kita diyan pero huwag ko daw laliman, e. Kaunting hiwa lang daw.” Labis na kinilabutan si Angel sa ipinapagawa ni Black sa pulubi. “Black! Black!” tawag niya dito. “Alam kong naririnig mo ako! Magsalita ka!” Hinawakan ng pulubi ang kili-kili niya. “Huwag mo akong hahawakan!” palag niya. “Black! Sumagot ka! Kausapin mo ako!” “Bakit, Angel?” Sa wakas ay nagsalita na ulit ito. “A-ano ito? S-sasaktan mo ako? Bakit may dalang blade ang pulubing alagad mo?!” “May sinabi ba ako na hindi kita sasaktan?” Natigalgal siya sa sinabi ni Black. “Ang sabi ko ay may mga pagsubok ako na ipapagawa sa iyo kapalit ng pera. Wala akong natatandaan na nangako ako na hindi ka masasaktan… Lahat ay gagawin mo para sa pera, `di ba?” “O-oo pero hindi naman—” “Kung ganoon, gawin mo ang lahat ng ipapagawa ko. Tatanggapin mo ang lahat ng sakit at hirap! Hindi ito easy money, Angel. Hindi ako basta-basta magbibigay ng pera nang wala akong makukuha sa huli. Iyan ang tandaan mo.” “Anong ibig mong sabihin na may makukuha ka sa huli?” “Gaya ng sabi ko ay sa huli. Malalaman mo rin kapag nagtagumpay ka sa lahat ng pagsubok ko. Sa ngayon, hayaan mo lang ang pulubing kasama mo na gawin ang ipinapagawa ko sa kaniya. Hmm… Pwede ka namang sumuko na pero tandaan mo na oras na gawin mo iyon ay hindi mo makukuha ang sampung milyon!” Napalunok ng sariling laway si Angel. Wala naman pala siyang choice kundi ang sumunod na lang sa lahat ng gusto ni Black. “Okay. Sige…” aniya sabay tingin sa pulubi. “Hoy, ikaw! Gawin mo na ang dapat mong gawin sa akin. Bilisan mo!” Nanginginig na ang buong katawan niya sa takot. Masaya itong tumango. “Yehey! Payag ka na! Huwag kang malikot, ha…” Imbes na pumikit para hindi niya makita ang gagawin ng pulubi sa kili-kili niya ay tiningnan niya ito. “Mababaw lang dapat ang hiwa sabi ni Black, e…” bubulong-bulong pa ang pulubi. “Ayusin mo iyan! Papatayin na talaga kita kapag nilaliman mo ang hiwa!” “Relax lang po. Hinga nang malalim…” Naramdaman niya na nakadikit na sa kili-kili niya ang malamig na talim ng blade. Hanggang sa maramdaman niya ang paghiwa ng blade sa kili-kili niya. Impit siyang napasigaw nang gumuhit ang hapdi at sakit. May dugong umaagos na doon. Alalay na ang pagbitin niya dahil kapag pinuwersa niya ay maaaring lumaki lalo ang hiwa niya sa kili-kili. Baka mapunit pa nang tuluyan ang balat niya doon. Nang tingnan niya ang ginawang paghiwa doon ng pulubi ay hindi naman malalim. May dugo nga lang talaga. Pahalang ang hiwa. “`Yan, ha. Hindi iyan malalim!” pakli pa nito sabay baba sa upuan. Lumipat ito sa kabilang kili-kili niya. Nang maramdaman niyang hihiwain na nito iyon ay pumikit na lang siya nang mariin. Tiwala siya na magiging maayos ang paghiwa ng pulubi kaya sa kabila niyang kili-kili. Mukhang alam naman nito ang ginagawa nito. “Dahan-dahan lang po…” mahinang sabi ng pulubi. Kahit nakapikit siya ay alam niyang tumatalon-talon ito nang kaunti. Parang na-e-excite ito sa ginagawa sa kaniya. Dama niya ang mainit nitong hininga malapit sa mukha niya. Naaamoy niya tuloy ang mabaho nitong hininga. Amoy bawang na may kasamang dumi ng tao. Gusto niya tuloy masuka ng oras na iyon. Hindi man lang pinaligo at pinaglinis ni Black ng katawan ang pulubing ito bago ito pumasok sa kwartong iyon para pahirapan siya. Mas lalong dumiin ang pagkakapikit ni Angel nang bumaon na ang blade sa kili-kili niya. At sa hindi inaasahang pangyayari ay umuga ang nahulog mula sa monoblock chair ang pulubi. Halos mabaliw siya sa pagsigaw nang mahiwa siya ng blade mula kili-kili hanggang sa tagiliran niya! Medyo malalim pa ang pagkakahiwa dahil sa nawalan ng kontrol ang pulubi. Nahulog ito dahil kanina pa ito naglilikot habang nakatungtong sa upuan. Para siyang mawawalan ng ulirat nang makita ang nangyari sa kaniya. Panay ang labas ng dugo sa mahaba niyang sugat. Napakahapdi at napakasakit! “Anong ginawa mo?! Hayop ka!!!” Palahaw ni Angel. “Aray ko… Ang sakit naman!” reklamo ng pulubi habang tumatayo mula sa pagkakahulog sa upuan. Nang makita nito ang mahaba niyang sugat mula kili-kili hanggang tagiliran ay nanlaki ang mata nito. “Hala! Napahaba! Sorry po!” “`Tang ina ka talaga!!!” Puro mura na ang lumabas sa bibig niya. Mas lalo tuloy siyang nanghina. Parang gusto na lang niyang bumitaw dahil parang napupunit ang sugat niya dahil sa pwersang nakalagay sa braso niya habang nakasabit. “Sorry na nga, e. Hindi ko kaya sinasadya. Nahulog ako sa upuan. Ako nga masakit ang puwitan, e!” Kung makapagreklamo ito ay para bang mas malala ang sinapit nito kumpara sa kaniya. Gusto pa niyang patayin sa mura at masasakit na salita ang pulubi ngunit mas inisip niya ang kaniyang sitwasyon ngayon. May sugat siya at kapag nagsalita pa siya ay mauubusan siya ng lakas. Baka iyon pa ang maging dahilan para bumitaw siya mula sa bakal. Pero napakasakit talaga ng sugat niya lalo na iyong mahaba sa tagiliran niya. Mahapdi pa naman ang hiwa na gawa ng blade. Humanda ka talaga sa akin kapag natapos ito! Gigil niyang turan sa isip habang tinitiis ang sakit ng mga sugat niya. Alalay lang din ang pagkakabitin niya dahil kapag pinupwersa niya ay lumalakas ang balong gn dugo at mas lalong sumasakit ang sugat niya sa katawan. Talagang papahirapan siya ni Black bago niya makuha ang sampung milyon. Pangalawang pagsubok pa lang ito ngunit ganito na agad ang nangyari sa kaniya. Ano pa kaya kapag umabot na siya sa huli? Baka mamatay na siya no’n at hindi rin niya mapapakinabangan ang sampung milyong piso na ibibigay ni Black! Hindi siya papayag na ganoon ang mangyayari. Hindi siya papayag na mauwi lang sa wala ang lahat. Marami na siyang nakaplanong gagawin sa perang makukuha niya kaya hindi siya pwedeng sumuko. Hindi lang siya ang matutulungan niyon kundi pati na ang matalik niyang kaibigan na si Cecilla. Tama… Hindi lang ang sarili ko ang gagawin kong inspirasyon ngayon kundi pati na si Cecilla! Aniya sa sarili. Gagawin niya ito para makaalis na ang kaibigan niya sa trabaho nito. Hinigpitan niya lalo ang pagkakahawak sa bakal. Ngalay na ngalay na siya pero kailangan niyang tiisin iyon. Hindi na lang niya iniisip ang mga sugat niya dahil mas lalo lang siyang pinanghihinaan. Masakit at mahapdi man ang mga iyon pilit niyang iniisip na wala ang mga iyon. “Gusto mo bang dalhin na kita sa ospital? Dami mo na dugo, e!” putol ng pulubi sa katahimikan. Napatingin siya sa timer. Napangiti siya nang makitang isang oras at apatnapung minuto na lang ang natitira. “Tumigil ka diyan. Ang baho mo!” Naiinis niyang sagot sa pulubi. “Bakit kasi hindi ka pa sumuko? Hindi ka pa ba masaya sa perang meron ka ngayon?” “Tumigil ka sabi! Kasama ba sa utos sa iyo ni Black na bwisitin ako?” “Hindi naman. Ang sabi niya ay pwede kitang kausapin kung gusto ko.” Kumibit-balikat ito. “Sabagay, karamihan sa tao ay naghahangad ng higit pa kahit meron na sila. Normal na lang ang ganiyan sa ating mga tao. Hindi tayo marunong makuntento!” At nagpaikot-ikot na naman ito sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD