EAT 04

2329 Words
        “HINDI ako basta-basta tumatanggap ng customer kaya hindi bukas sa lahat itong restaurant ko. Ang gusto ko ay iyong kayang bayaran ang mga niluluto ko dahil hindi kaya ng pangkaraniwang tao lang ang presyo ng aking mga putahe.” Nakatingin lang si Clara sa babaeng may-ari ng maliit na restaurant na nakita niya kanina habang pauwi siya ng bahay. Antonia—iyon ang pangalan ng matandang babae. Nakaupo na siya at inilapag na nito ang putaheng sinasabi nito na nakalagay sa mangkok. Isang meat ball soup. Amoy na amoy niya ang nakakagana at mabangong aroma ng pagkain na iyon. Umuusok pa ang sabaw niyon at halatang kakaluto pa lamang. Wala iyong anumang sangkap kundi ang sabay at tatlong piraso ng meat balls. Ang kulay ng sabaw niyon ay maputlang dilaw. Gustong matawa ni Clara sa sinabi ni Antonia pero pinigilan niya dahil ayaw niyang makainsulto. “Ito na po ba iyong sinasabi ninyong pagkain na mahal ang presyo?” Kung ito na iyon ay magtataka na siya. Sa unang tingin pa lang niya sa meat ball soup ay masasabi niyang walang espesyal dito. Umupo si Antonia sa upuan sa tapat niya. “Alam ko nagtataka ka kung bakit ko nasabing mahal ang presyo ng soup na iyan. Pero bago mo husgahan ang isang pagkain base sa anyo o hitsura nito ay tikman mo muna. Saka mo sabihin sa akin kung hindi ka magbabayad ng isandaang libong piso para sa isang mangkok na meat ball soup na iyan.” “I-isandaang libong piso?!” Kulang na lang ay masamid siya sa sinabi nitong presyo ng pagkain. Muli niyang tiningan ang pagkain. Kapag pinagsama niya ang dalawa niyang palad ay ganoon lang kalaki ang mangkok. Tapos tatlong meat ball lang na kasing-laki lang ng bolang ginagamit sa paglalaro ng table tennis. Parang gusto na tuloy niyang umayaw kaya lang ay naihain na ni Antonia ang sinasabi nitong specialty nito na binabalik-balikan ng mga customer nito. Mahinang tumawa si Antonia. “Alam kong nag-aalinlangan ka na. Pero sige… Ganito ang gawin natin. Tikman mo lang iyan at kapag ang lasa ay hindi pang-isandaang libong piso ay hindi na kita sisingilin. Sige na, tikman mo na.” “Okay po.” May pag-aalinlangan pa rin siya. Ngunit maganda ang offer ni Antonia. Hindi na siya talo doon. Pwede niyang sabihin na hindi pang-isandaang libong piso para sa kaniya ang meat ball soup nito at aalis na siya sa lugar na iyon. Sino ba naman kasing tanga ang gagastos ng ganoong kalaking halaga ng pera para sa isang mangkok ng pangkaraniwang pagkain na kayang lutuin ng kahit na sino sa bahay. Nagtataka lang talaga siya kung bakit nahikayat siyang pumasok sa restaurant na ito. Ngiming ngumiti siya kay Antonia bago niya damputin ang kutsara. Marahan niyang hinati sa dalawa ang isang meat ball. Napaatras siya sabay tayo nang may makita siyang dugong lumabas nang hatiin niya iyon sa gitna. “M-may dugo! Hilaw pa yata ang karne!” Nahihintakutan niyang sabi. “Sadyang ganiyan ang pagkakaluto niya para mas malasahan mo ang tunay na lasa ng karne…” “P-pero—” “Sinabi ko naman sa iyo, kung hindi mo magustuhan ay hindi kita oobligahin na magbayad.” May pagkabahalang tiningnan niya ang meat ball soup lalo na ang hinati niyang meat ball. Bahagya pang may umaagos na dugo doon at humahalo na sa sabaw. Huminga siya nang malalim at nagdesisyong umupo ulit. Naginginig pa ang kamay niya nang kumutsara siya ng sabaw na may kasamang kalahating meat ball. Tumingin muna siya kay Antonia bago niya dinala ang kutsara sa kaniyang bibig. Agad siyang napapikit nang mariin nang maramdaman niya sa loob ng bibig niya ang malambot na meat ball. Tila natutunaw iyon sa ibabaw ng kaniyang dila. Pagnguya niya ay sumabog na ang kakaibang lasa ng meat ball. Nanlaki ang mata niya nang tuluyan niyang malasahan ang naturang pagkain. Mabagal pa niya iyong nginuya habang ninanamnam ang lasa. Hindi niya maipaliwanag ang lasa ng meat ball soup ni Antonia. Hindi niya pa masabing masarap kaya nang pagkalunok niya ng unang subo ay kinuha pa niya ang kalahati. Nginuya niya iyon nang husto. Ninamnam muli. Sa pagkakataong iyon ay halos mapaiyak na siya sa sobrang sarap! Parang nilalaro ng lasa niyon ang kaniyang dila. Kinikiliti ang lahat ng kaniyang taste buds. May nalalasahan siyang alat, asim at tamis. Meron ding kakaibang pakiramdam kapag dumadaloy ang mainit-init na sabaw sa kaniyang lalamunan. Nakaka-relax at nakakagaan sa pakiramdam. Ang una’t ikalawang subo ni Clara ay nasundan pa ng marami. Hanggang sa nakita niyang ubos na ang laman ng kaniyang mangkok. “Pahinging isa pa!” Akala mo ay gutom na gutom na kinuha niya ang mangkok at akmang iaabot iyon kay Antonia. Tumawa ito ng mahina. “Ano, Clara? Ngayon mo sabihin na hindi pang-isandaang libong piso ang kada mangkok ng aking meat ball soup?” Tumaas ang isa nitong kilay na parang nagmamalaki. Sunu-sunod na tumango si Clara. “Tama ka! Kahit isang milyong piso ay magbabayad ako para sa isang mangkok! Pakiusap, isa pa!” Nakikiusap na siya dito. Umiling si Antonia. “Ikinalulungkot ko pero isang mangkok lang ang kaya kong ibigay sa iyo ngayon, Clara…” “S-sandali!” Natataranta siyang kumuha ng cheke sa kaniyang bag at sinulatan niya iyon ng one hundred thousand pesos. “`Eto ang bayad ko sa unang mangkok. Magbabayad ulit ako basta bigyan mo pa ako ng isa pa!” “Gaya ng sinabi ko, isang mangkok lang ang maibibigay ko sa iyo. Hindi basta-basta ang sangkap ng aking meat ball soup. Hindi ko iyon ibinabahagi sa iba kaya huwag ka nang magtangka na itanong sa akin. Ngunit dapat kang matuwa, Clara. Isa ka na sa ilan at piling tao na makakakain ng aking meat ball soup!” Kinuha nito sa kaniya ang cheke at tumayo. “Makakaalis ka na.” “P-pero kailan ulit ako pwedeng magpunta dito para makakain ng meat ball soup mo?” “Isang beses sa isang linggo lamang—” “Ano?! E, parang gusto ko pa ngang kumain ngayon. Tapos kailangan ko pang maghintay ng isang linggo? Dodoblehin ko ang bayad basta bukas ay mabibigyan mo ako.” Umiling ito. “Hindi lang ikaw ang customer ko, Clara. Huwag kang umastang ikaw lang ang anak ng Diyos. Sige na, makakaalis ka na!” Pagtataboy ni Antonia sa kaniya. Gusto pa sana ni Clara na pilitin si Antonia pero nabahala siya na baka magalit ito sa kakulitan niya at tuluyan na siyang hindi i-entertain. Kaya umalis na lang siya ng restaurant nito at bumalik sa sasakyan para makauwi na. Habang sakay ng sasakyan ay nakatulala lang siya habang nakatingin sa labas ng bintana. Hindi mawala-wala sa kaniyang dila ang lasa ng meat ball soup ni Antonia. Iyon na ang pinaka masarap na pagkain na nakain niya sa buong buhay niya! Walang kasing-sarap kaya hindi na siya nagtataka kung bakit nagkakaganito siya ngayon. Parang hindi niya kayang matulog nang hindi ulit nakakakain ng ganoong kasarap na meat ball soup. Kahit naka-aircon ang sasakyan ay pinagpapawisan pa rin siya ng butil-butil sa noo. Hindi kasi talaga siya mapakali. “Ma’am, lalakasan ko pa ba ang aircon?” Napansin yata ng driver ang pagpapawis niya. Hindi niya ito sinagot. Nasa meat ball soup pa rin ni Antonia ang utak niya sa kasalukyan. Kung hindi siya makakakain ngayong ng luto ni Antonia ay pwede sigurong siya na lang ang magluto niyon para sa sarili. Tama! Ganoon nga ang gagawin niya. “Kuya, sa palengke tayo!” utos niya sa driver.   TIG-TATLONG kilo ng giniling na karne ng baboy at baka ang binili ni Clara sa palengke. Bumili rin siya ng iba pang sangkap na kailangan sa paggawa ng meat ball soup gaya ng harina, celerey, patatas, carrots, itlog, paminta at asin. Pagkauwi niya sa bahay ay agad niyang sinimulan ang pagluluto ng meat ball soup. Nanood siya ng video sa internet kung paano iyon lutuin. Nagawa naman niya pero nang tikman niya ay na-disappoint lang siya dahil hindi niya nakuha ang lasa ng meat ball soup ni Antonia. Kaya itinapon din niya ang unang niluto niya. Sinubukan niya sa pangalawang pagkakataon pero nabigo pa rin siya. Huminto muna siya sa pagluluto at inisip kung anong kulang sa ginawa niya. Hindi kaya may technique o secret ingredients si Antonia kaya hindi niya makuha ang lasa ng meat ball soup nito? Baka naman pinagsama nito ang karne ng baka at baboy. Tapos hindi gaanong luto kaya meron pang dugo sa loob. Tapos hindi malapot ang sabaw. Malabnaw lang. Iyong ginagawa niya kasi ay medyo malapot. Ano kaya kung durugin niya ang patatas at iyon ang isama niya sa sabaw? Ginawa ni Clara ang lahat ng naisip niya. Makalipas ang ilang minuto ay natapos na siya sa ikatlong subok niya sa pagluluto ng meat ball soup. Medyo napangiti pa siya dahil sa tingin niya ay nakuha niya ang hitsura ng meat ball soup ni Antonia. Nang hatiin niya sa gitna ang isang meat ball ay may lumabas na dugo doon. Hindi niya kasi niluto iyon nang masyado. “Sana ay nakuha ko na…” Mahina niyang sabi. Kinakabahan pa siya habang mabagal niyang inilalapit ang kutsarang may laman na meat ball at sabaw. Pagkatikim niya niyon ay mabilis din niyang iniluwa. “Ang sama ng lasa!” pakli niya sabay inom ng maraming tubig.   HALOS alas dose na ng hating-gabi nang makauwi si Ethan sa bahay dahil sa dami ng kailangang asikasuhin sa patahian. May mga orders kasi sila na nagulo kaya kailangan niyang ayusin ng personal. Siya na lang kasi ang mag-isang gumagawa niyon dahil hindi na pwedeng magpagod si Clara nang husto. Buntis na kasi ito at hindi dito makakabuti maging sa nabubuong sanggol sa sinapupunan nito ang pagtatrabaho nang husto. Kaya nga pinauwi niya ito ng maaga kanina. Alam ni Ethan na kapag ganitong oras ay nasa itaas na si Clara at natutulog kaya doon siya dumiretso. Ngunit pagpasok niya sa kanilang kwarto ay wala ito doon. Kahit sa CR ay wala din ito. Nagtaka siya kaya bumaba siya. Eksaktong may isang kasambahay na aakyat sa itaas kaya tinanong niya ito kung nasaan ang kaniyang asawa. “Sir, nasa kusina po si ma’am,” sagot ng kasambahay sa kaniya. “Ng ganitong oras?” Tumango ito. “Anong ginagawa niya doon?” “May niluluto po siya, sir. Kaninang pag-uwi po niya ay nagluluto na siya hanggang ngayon. Gusto nga po naming tulungan pero ayaw niya.” “Sige, sige. Salamat. Ako na ang kakausap sa kaniya.” Nakakunot ang noo ni Ethan habang naglalakad siya papunta sa kusina. Pero hindi niya nakita doon si Clara. Ang sumalubong sa kaniya ay ang makalat na lamesa. Tambak sa lababo ang mga kaldero at kung anu-anong gamit sa kusina. Ang akala ba niya ay nandito ang asawa niya? “Clara—” Natigilan siya sa pagtawag kay Clara nang may maapakan siya sa sahig. Nang tingnan niya kung ano iyon ay isa piraso pala ng meat ball. Doon lang niya napansin ang nagkalat na meat balls sa sahig. Hanggang sa may narinig siyang tila humihikbi. Naglakad pa siya paloob hanggang sa matagpuan niya si Clara na nakasiksik at nakaupo sa isang sulok ng kusina. Kaya pala hindi niya ito nakikita dahil natatakpan ito ng refrigerator. Buong pag-aalalang nilapitan niya ito at itinayo. Namumugto ang mga mata nito at amoy karne. “Anong nangyayari sa iyo, Clara?” Nagtataka niyang tanong habang hawak ito sa magkabilang balikat. Nakatingin ito sa kawalan at tuloy ang pag-agos ng luha. Hindi siya sinagot ni Clara. Niyugyog na niya ito at doon lang ito tumingin sa kaniya. “E-ethan… H-hindi ko makuha ang lasa. N-nagugutom na ako…” sagot nito sa pagitan ng paghikbi. “Magpapaluto ako kay manang.” Umiling si Clara. “May gusto akong kainin. May pinaglilihian ako p-pero iyong lasa ay hindi ko makuha. Ethan, kailangan kong makain iyon! Mamamatay ako kapag hindi ko nakain ang pagkain na iyon. Tulungan mo akong magluto, Ethan!” Inalis nito ang mga kamay niya at pinunasan ang luha gamit ang mga kamay. Parang walang nangyari na kumuha ito ng mixing bowl at naglagay ito ng giniling na karne doon. Nilagyan nito ng tinadtad na bawang at sibuyas. Nilamutak nito iyon gamit ang isang kamay. “N-nagluluto kasi ako ng meat ball soup. Hindi ko makuha iyong lasa ng natikman ko, e! Kulang siguro ng asin o ano kaya?” Kahit hilaw pa ang giniling na karne ay tinikman na nito iyon. “Hindi ganito ang lasa, e!” Sa kilos nito ay para bang wala na ito sa sarili. Muli niya itong nilapitan at pinigilan ang mga kamay nang muli nitong hahawakan ang giniling na karne. “Ano bang nangyayari sa iyo? Ha?!” Marahas na iniharap ni Ethan si Clara sa kaniya. Humagulhol ulit si Clara. “H-hindi ko makuha ang lasa no’ng meat ball soup, Ethan! Hindi ko kayang lutuin!” Iyak nito. “Meat ball soup?” “Iyong natikman ko kanina. Sa restaurant ni Antonia! Ang sarap-sarap ng luto niya. Hindi ko alam pero matapos kong matikman iyon ay hinahanap-hanap ko na. Sinubukan kong gayahin ang lasa pero hindi ko makuha. Mababaliw na yata ako! Hindi ko na alam!” Tila nalilito nitong sagot. Natigilan si Ethan sa kaniyang narinig mula kay Clara. Napalunok siya at bumaba ang tingin. “Hindi kita masisisi kung bakit ka nababaliw sa luto ni Antonia…” “Anong sabi mo? Kilala mo siya?” “Oo. Dahil isa ako sa mga regular customer niya sa kaniyang restaurant. Gaya mo ay nababaliw din ako sa mga luto niya. Ngunit hindi sa meat ball soup kundi sa kaniyang siomai. Iyon ang binabalik-balikan ko doon.” Tinapunan siya ni Clara ng hindi makapaniwalang tingin. “K-kaya ba minsan ay madaling araw ka na umuwi?” Tumango siya. “K-kung ganoon ay matutulungan mo ba ako? Ang sabi sa akin ni Antonia ay isang beses sa isang linggo lang ako makakabalik sa kaniya dahil hindi basta-basta ang sangkap ng pagkain na gusto ko!” Ngumisi siya at pinakawalan na ang mga kamay ni Clara. “Ganiyan din ako noong una. Nang matikman ko ang siomai na gawa ni Antonia ay halos mabaliw na ako sa paghihintay ng mga araw. Pero nasanay na rin ako. Naiintindihan kong ang masarap na pagkain gaya ng mga niluluto ni Antonia ay nararapat dapat magkaroon ng mahabang preperasyon. Iniisip ko na lang na ang once a week na pagkain ko doon ay reward ko sa lahat ng mga pagod at stress ko sa buhay.” Parang nakikita tuloy niya sa kaniyang alaala ang unang beses na matikman niya ang luto ni Antonia. “A-ano na ang gagawin ko ngayon, Ethan? Parang mamamatay ako kapag hindi ako nakakain ng meat ball soup. Saka doon ako naglilihi. Baka kung anong mangyari sa baby natin kapag hindi ko nakain ang gusto ko!” “Mag-ayos ka. Maglinis ka ng sarili mo. Pupunta tayo ngayon kay Antonia!” aniya kay Clara.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD