KAHIT hindi alam ni Clara kung saan siya dadalhin ni Ethan ay sumama na lang siya dito. Lulan sila ng sasakyan nito at binabagtas nila ang gitna ng gabi. Wala nang masyadong sasakyan sa kalsada ng mga oras na iyon. Kanina ay tinatanong niya ang asawa kung saan ba sila pupunta ngunit hindi naman nito sinasabi. Anito, tumahimik na lang siya at sumama siya dito. Sigurado naman daw si Ethan na magugustuhan niya ang kanilang pupuntahan.
Hindi nagtagal ay inihinto na ni Ethan ang sasakyan at nagulat siya nang malaman na nasa harapan sila ng restaurant ni Antonia. “Anong gagawin natin dito?” buong pagtatakang tanong ni Clara habang inaalis ni Ethan ang seatbelt nito.
“Hindi ba ang sabi mo ay naglilihi ka sa luto ni Antonia? Kakain ka dito.”
“P-pero ang sabi niya ay sa susunod na linggo pa ako pwedeng bumalik.”
“Alam ko. Pero hindi pa ako kumakain dito sa linggo na ito. Iyong pagkain ko ay ibibigay ko na lang sa iyo. Baka kung mapaano ang baby natin kapag hindi mo nakain ang gusto mo, e.” Hinawakan ni Ethan ang tiyan niya kahit wala pa iyong umbok. “Kailangang maging malusog ang baby natin paglabas niya kaya lahat ng cravings mo ay makain mo dapat.”
Inalis ni Clara ang seatbelt niya at maluha-luhang niyakap ang kaniyang asawa. “Thank you, Ethan! Alam kong malaking sakripisyo ang gagawin mo pero salamat talaga!” Ngayon ay talagang dama niya ang pagmamalasakit ni Ethan sa kaniya. Hindi man nito palaging sinasabi na mahal siya nito ay ipinapakita naman nito sa gawa ang pagmamahal nito sa kaniya.
Masaya at excited na bumaba ng sasakyan si Clara kasabay ang kaniyang asawa.
Si Ethan ang kumatok sa restaurant. Maya maya ay nakita nilang bumukas ang mga ilaw sa loob at kasunod niyon ay ang pagbukas ng pinto.
“Ikaw pala, Ethan…” Walang emosyong turan ni Antonia. Nang magawi ang mata nito sa kaniya ay kumunot ang noo ng matanda. “Ikaw? Hindi ka ba marunong umintindi? Ang sabi ko ay sa susunod na linggo ka pa maaaring bumalik dito! Kung ganiyan ka kakulit ay baka alisin na kita sa mga taong aking pinaglulutuan!” May himig ng pagkainis ang boses ni Antonia.
“Huminahon ka, Antonia,” ani Ethan. “Ang mabuti pa ay sa loob na tayo mag-usap.”
Binigyan sila ni Antonina ng esapasyo para makapasok sa loob. Dumiretso silang mag-asawa sa isang bakanteng lamesa na malapit sa counter. Pagkasarado ni Antonia ng pinto ay sinundan sila nito. Tumayo ito sa harapan nilang mag-asawa.
“Si Clara—asawa ko siya. Buntis siya at naglilihi siya sa mga niluluto mo. Sa meat balls soup mo to be exact. Hindi pa ako nakakakain dito para sa linggo na ito at ibibigay ko na lang iyon sa aking asawa,” panimula ni Ethan.
Umiling-iling si Antonia at mahinang tumawa. “Ang akala niyo ba ay maaari ang inyong gusto? Oo, pwede mong ibigay sa asawa mo ang pagkakataon mo na kumain sa aking restaurant ngunit ang maipagluto siya ng gusto niyang meat balls soup ay imposible. Ethan, alam mo kung gaano kahirap makakuha ng sangkap sa lahat ng aking niluluto kaya nililimitahan ko sa isang beses kada linggo sa isang tao ang pagkain dito. Ang binabalik-balikan mong steamed siomai lang ang maaari kong idulot para sa iyong asawa.” Paliwanag ni Antonia.
Nababahalang napatingin siya sa kaniyang asawa. “Pero gusto ko ng meat balls soup…” Napahawak pa siya sa kamay nito na nakapatong sa lamesa.
“Siguro ay pagtiyagaan mo na muna ang steamed siomai. Tikman mo. Malay mo, magustuhan mo din gaya ko. Wala na tayong magagawa. Dapat nating sundin ang patakaran dito ni Antonia.”
Sandaling natahimik si Clara at nalungkot. Malungkot siya dahil hindi pala siya makakakain ng paborito niyang luto ni Antonia. Pero kung iisipin niya ang suhestiyon ni Ethan ay baka nga naman magustuhan din niya ang steamed siomai. Kaya kahit napipilitan ay pumayag na lang siya. Masarap din siguro iyon kaya binabalik-balikan dito ni Ethan.
“Hintayin niyo lang ako. Kalahating oras ay babalik ako na dala ang steamed siomai.” Bahagya pang yumukod si Antonia bago ito pumasok sa isang maliit na pinto na hula niya ay ang lugar kung saan ito nagluluto.
Parang gusto niya tuloy sundan doon si Antonia upang makita nito kung paano ito magluto. Gusto rin niyang malaman kung anu-anong sangkap ang ginagamit nito at ganoon kasarap ang mga pagkaing niluluto nito.
Tahimik lang silang naghihintay ni Ethan. Makalipas ang halos kalahting oras ay lumabas na si Antonia mula sa lutuan. May dala itong wooden container na ipinatong nito sa gitna ng lamesa nila. Nang alisin nito ang wooden container ay may usok na lumabas. Napapikit siya nang maamoy niya ang mabangong siomai. Amoy na amoy niya ang karne at iba pang sangkap ng siomai na nasa wooden container.
Umalis saglit si Antonia para ikuha sila ng chopsticks at sawsawan na toyo at kalamansi.
Hindi mawala ang mata ni Clara sa pagkakatitig sa tatlong piraso ng steamed siomai na nasa harapan niya. Parang gusto na niyang kamayin iyon at kainin kahit walang sawsawan. Ilang sandali pa ay bumalik na si Antonia na may dalang chopsticks, toyo at kalamansi.
Si Ethan ang nagpiga ng kalamansi sa toyo.
“Sa iyo na ang isa. Akin ang dalawa,” aniya sa asawa. Ayaw naman niyang maging madamot lalo na at alam niyang paborito ni Ethan ang pagkaing nakahain sa kanilang harapan.
“Sige. Ikaw na ang maunang kumain, Clara.”
Ngumiti siya at kinuha ang chopsticks. Kumuha siya ng isang siomain at isinawsaw iyon sa sa toyo at kalamansi. Marahang dinala ni Clara ang siomai sa loob ng kaniyang bibig. Buo niya iyong isinubo. Medyo mainit pa pero kaya naman niya.
Sa mga naunang pagnguya ni Clara ay sumabog na agad sa loob ng bibig niya ang samu’t saring flavor na meron ang siomai. May naramdaman pa siyang parang kumatas na lasang dugo ngunit wala siyang pandidiring naramdaman. Bagkus ay napapikit siya sa sarap dahil mas naging malasa ang karne ng siomai dahil sa lasang dugong iyon. Pagkaubos niya ng isa ay isinunod niya ang isa pa.
Gusto pa sana niyang kainin ang natitirang isa pero kay Ethan na nga pala iyon. Hinayaan na lang niya ang na mapunta ang huling piraso sa kaniyang asawa. Matapos nilang kumain ay nagbayad na ito mg one hundred thousand kay Antonia.
Kahit papaano ay nawala na ang paglalaway niya sa meat balls soup. Oo, masarap din ang siomai ni Antonia pero hindi niya pa rin ipagpapalit ang meat balls soup na natikman niya. Iyon ang pinakamasarap na pagkain para sa kaniya sa buong mundo!
“Oo nga pala, Ethan. Nalalapit na ang Big Event. Makakarating ka ba?” Narinig niyang tanong ni Antonia sa kaniyang asawa habang inihahatid na sila nito palabas ng restaurant.
“Kailan nga ba ang Big Event?”
“Sa huling gabi sa buwan na ito. Kulang-kulang dalawang linggo na lang.”
“Sige. Pupunta ako.”
“Aasahan kita.”
Hindi nawala sa isipan ni Clara ang pinag-usapang iyon ng dalawa kaya nang nasa sasakyan na sila ay itinanong niya kay Ethan kung ano ang Big Event na sinasabi ni Antonia kanina.
“Isang lihim na selebrasyon ng restaurant ni Antonia ang Big Event na sinasabi niya. Isang beses sa isang taon iyon nangyayari sa kaniyang restaurant. Dumadalo doon ang mga piling customer niya upang pag-agawan ang isang putahe na lulutuin niya para sa gabing iyon.”
“Isang putaheng pag-aagawan?” Hindi maintindihan tanong ni Clara.
“Tama ang narinig mo ngunit hindi literal na pag-aagawan. Magpapataasan ng presyo ang mga dadalo sa Big Event at kung sino ang may pinakamataas na presyo ay siyang makakakuha at makakakain ng putaheng lulutuin ni Antonia.”
“Parang auction? Tama ba ako?”
“Ganoon na nga.”
“E, ano naman ang mga niluluto ni Antonia?”
“Sa totoo lang ay hindi pa ako nananalo sa Big Event dahil sobrang mayayaman ang dumadalo doon. Kung gusto mo ay sumama ka sa akin sa Big Event upang makita mo pero huwag kang umasa na makukuha natin ang putahe para sa gabing iyon. Ngayon pa lang ay sinasabi ko na sa iyo na mas mayayaman sa atin ang dumadalo sa Big Event.”
“Sige. Gusto ko lang din kasi na masaksihan ang Big Event,” ani Clara. “Pero alam mo ba ang sangkap ng mga niluluto ni Antonia? Bakit sobrang sarap ng mga luto niya kahit wala namang espesyal sa hitsura ng mga iyon?”
Ngumisi si Ethan. “Alam ko pero hindi ko maaaring sabihin sa iyo. Isa sa mga patakaran ni Antonia na hindi mo pwedeng malaman ang sangkap ng pagkaing kinakain mo sa restaurant kung bago ka pa lang. Dapat ay atleast isang taon ka na niyang customer. Huwag kang mag-alala dahil malalaman mo rin pagkalipas ng isang taon at maiintindihan mo rin kung bakit napakasarap ng mga niluluto niya!” Makahulugang sagot nito sa kaniya.
“Kahit asawa mo ako ay hindi mo sasabihin sa akin?”
“Hindi, Clara. Sumunod na lang tayo kay Antonia dahil siya ang nagpo-provide ng cravings natin. Okay?” Mabilis siya nitong sinulyapan kaya malungkot siyang tumango.
HINDI na sinubukan pa ni Clara na magluto ng meat balls soup simula ng araw na iyon. Tanggap na niyang hindi niya kayang makuha ang lasa ng luto ni Antonia. Tanging ang matanda lang ang makakagawa ng mga ganoong kakasarap na putahe. Wala nang iba. Hihintayin na lang niya ang araw na pwede na siyang bumalik sa restaurant nito para makakain ulit ng paborito niyang meat balls soup.
Para na siyang mababaliw sa paghihintay na lumipas ang mga araw. Tunay na napakabagal ng pag-usad ng oras kapag may hinihintay ka. May mga pagkakataon pa nga na nananaginip siya na naglalangoy daw siya sa meat balls soup ni Antonia. Akala mo ay mababaliw na siya. Kaya upang mapunta sa iba ang isip niya, ang ginawa niya ay nagpakasubsob siya sa pagtatrabaho. Kahit ang pagbuburda ay ginagawa na niya ulit para maging abala ang utak niya.
Hanggang sa dumating na ang pinakahihintay na araw ni Clara—ang pagbabalik niya sa restaurant ni Antonia. Excited siyang nagpunta doon. Inihatid pa nga siya ni Ethan. Umalis din ito agad at susunduin daw siya kapag tapos na siyang kumain.
Medyo masungit pa rin si Antonia sa kaniya pero inihain nito sa kaniya ang meat balls soup na paborito niya. Ng araw na iyon ay hindi lang siya ang mag-isang kumakain. May isang lalaki na naroon. Nakasuot ito ng itim na long sleeves polo at itim na pantalon. Pati ang sapatos nito ay kulay itim din. Nakita niyang kumakain ito ng isang steak. Nang masulyapan niya ay parang medyo hilaw pa ang steak nito dahil halos puno ng dugo ang puting pinggan nito.
Iniiwas na lang ni Clara ang atensiyon niya sa lalaki at baka mapansin nito na tinitingnan niya ito. Baka isipin nito na pakialamera siya.
Ang pinagtuunan niya ng pansin ay ang kaniyang meat balls soup. Hindi na siya gaya noong una na akala mo ay patay-gutom sa pagkain. Sa pagkakataon na ito ay talagang ninanamnam niya ang bawat pagnguya sa karne at paghigop sa sabaw.
Akala mo ay nasa langit na si Clara ng sandaling iyon hanggang sa maubos niya ang isang mangkok ng meat balls soup. Gusto pa sana niyang humirit ng isang mangkok pero baka magalit lalo sa kaniya si Clara kaya nagbayad na lang siya at umalis sa lugar na iyon.
“ANONG klase ng karne ang ginamit mo sa steak ko?” Napaangat ang mukha ni Antonia mula sa pagkukwenta ng kinita niya noong nakaraang araw. Nasa counter siya nang biglang lumapit sa kaniya ang isang lalaki na nakasuot ng puro itim ang kulay. Mula sa long sleeves polo, pantalon at sapatos nito ay itim.
Bagong customer lang niya ang lalaki at ang in-order nito ay ang pinakamura sa kaniyang menu. Iyon ay ang steak. Sa hula niya ay tinitingnan ng lalaki kung masarap ba talaga ang mga pagkaing niluluto niya sa kaniyang restaurant.
Mataman na tiningnan ni Antonia ang lalaki. “Bago ka pa lang dito, `di ba? Maghintay ka muna ng isang taon bago mo malaman. May mga bagay talaga na kailangang hintayin,” sagot niya.
“Hindi naman kita pipiliting sabihin sa akin. Nagtanong lang ako.” Naglabas ng isang bungkos ng pera ang lalaki. “Twenty thousand pesos,” anito at ipinatong nito ang pera sa counter.
Kinuha niya ang bayad ng lalaki at tiningnan ito. “May Big Event na magaganap dito sa huling gabi ng buwan na ito. Iniimbitahan kitang pumunta.” Hindi niya alam kung bakit niya inimbitahan ang lalaking iyon. May nakikita siya dito na hindi niya maipaliwanag.
“Anong meron sa Big Event na sinasabi mo?”
“Pumunta ka para malaman mo!”
“Bakit hindi mo na lang sabihin ngayon para alam ko kung ano ang pupuntahan ko?”
“Mas maganda kung pupunta ka na lang. Hindi ako basta-basta nag-iimbita. Mga piling tao lang ang hinahayaan kong pumunta sa aking Big Event.”
“Okay.” Tila hindi interesadong sagot ng lalaki at umalis na ito.
Ipinagkbit-balikat na lang ni Antonia ang kawalan ng interes ng lalaki sa kaniyang imbitasyon. Kung alam lang nito, malaki ang mawawala sa buhay nito kung hindi ito dadalo sa Big Event ng kaniyang restaurant dahil isang kakaibang putahe ang ihahain niya sa gabing iyon. Sigurado siya na pag-aagawan iyon ng mga dadalo at siya ay kikita na naman ng malaki!
Pansamantala munang isinara ni Antonia ang kaniyang restaurant. Kinuha niya ang perang ibinayad ng lalaki. Isang pinto sa sahig sa may counter ang binuksan niya. Pinto iyon papunta sa basement kung saan niya itinatago ang lahat ng pera niya.
Pagbaba niya sa basement ay binuksan niya ang ilaw at bumungad sa kaniya ang tambak ng malalaking kahon na punung-puno ng pera.
Kailangan pa niya ng malaking halaga ng pera sa pagbili ng pangunahing sangkap sa putahe na lulutuin niya sa Big Event. Pero hindi siya nababahala kahit maglabas pa siya ng malaking halaga ng pera dahil alam niyang mapapalitan din iyon ng mas malaki pa oras na maibenta na niya ang pagkaing ibebenta niya sa Big Event!