*Selena's POV*
Pagkatapos naming kumain ng hapunan ay tumambay muna ako sa bintana ng silid namin. Nauna ng umalis sila Jackie at bumalik sa sariling silid ng mga ito. Ang daming tanong sa isipan ko. Hindi ko alam kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Gusto kong malaman ang lahat. Gustong-gusto. Pero paano ko nga ba malalaman iyon? Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin namin alam kung sino ang pumatay kay Klint.
"Ayos ka lang?"
Napalingon ako sa nagsalita mula sa likod ko. Tumambad sakin ang maamo ngunit seryosong mukha ni Val.
"Ayos lang naman," tipid kong sagot sa kanya. Nakaupo ako sa kabilang gilid ng bintana habang si Val naman ay naupo rin sa kabilang gilid. Tumanaw kami sa kalangitan. Walang masyadong bituin ngayon.
"Walang masyadong bituin ngayon," sabi ko habang nakatanaw sa langit. Niyakap ko ang mga binti ko nang biglang umihip ang malakas na hangin.
"Oo nga, noong huling tumambay tayo dito ang daming bituin," sagot sakin ni Val. Nagawa kong pagmasdan ang mukha nya habang abala sya sa pagtingin sa kalangitan. Gwapo, matangkad, serious looking at alam kong maraming babae ang nagkakandarapa dito kay Val. Minsan napapaisip din ako kung may girlfriend na ba ito?
"Ah, Val?" tawag ko sa pangalan nya. Tumingin naman sya sakin.
"Hmm?"
"May girlfriend ka na ba?"
Natigilan sya sa tanong ko at hindi nakapagsalita agad. Nakaawang ang labi nya. Kumunot muna ang noo nito na para bang nagtataka ito kung bakit ko naitanong ang bagay na iyon. Sumagot ito pagkatapos ng ilang sandaling pagkatulala.
"Wala eh, bakit mo naman natanong yan?"
Ako naman ang natigilan dahil sa sinabi nya. Wala itong girlfriend? Parang ang imposible naman niyon.
"W-wala kang girlfriend?" ulit ko pa sa sinabi nya.
"Bakit, mukha bang may nakakagulat dun?" sabi nya sabay ngumiti ng pasimple. Napatango na lang ako sa kanya at umiling. Wala namang nakakabigla doon.
"Gusto mo ng kape?" pag-iiba ko ng usapan.
Ano bang 'yung sinabi ko. Tsk! Kakatapos lang namin kumain ng hapunan tapos nag-aalok na ako agad ng kape.
Bigla kasi akong nahiya dahil sa tanong ko sa kanya kanina.
"Sure!"
Napatingin ako kay Val nang sumagot sya sa tanong ko. Inaasahan ko na tatanggi sya sa alok ko.
"G-gusto mo?"
"Yeah,"
Napatango ako sa kanya dahil nakangiti sya habang nakatingin sakin. Tiningnan ko sila Lucas at Trinity pero nakahiga na ang mga ito at gumagawa na ng tulog kahit kakatapos lang namin maghapunan.
Napilitan akong bumaba mula sa puwesto ko upang timplahan ng kape si Val pati na rin ang sarili ko.
Nagpainit ako sa takure at naghanda ng dalawang tasa. 5 minutes lang ay kumulo na agad ang tubig kaya naman sinalin ko iyon agad sa tasa.
Black coffee ang tinimpla ko samin ni Val katulad noong unang beses na inalok ko din sya ng kape.
Lumapit ako sa kanya matapos kong matimpla ang kape naming dalawa.
"Ito na yung kape mo," mahinang sabi ko sa kanya. Inabot naman nya sakin ang kape at ngumiti.
'Thanks," sambit nito at inamoy ang usok niyon.
Muli akong naupo sa puwestong kinauupuan ko kanina.
Malamig ang dapyo ng hangin. Alas nuwebe pa lang ng gabi pero maingay pa din sa ibaba, siguro ay may mga estudyanteng nagkakagulo na naman doon at hindi makatulog.
"Mukhang hindi pa makatulog ang ibang mga estudyante," sabi ko kay Val.
"Nadidinig mo din?" balik na sabi nya sakin. Tumango naman ako sa kanya. Medyo malakas ang sigawan sa ibaba kaya naman dinig na dinig pa rin iyon. Gabi na ngunit nakakabulahaw pa ang ibang mga kasama namin sa babay-panuluyang ito.
"Tungkol pala roon sa sinasabi n'yong pader. Marami ka bang nakitang bangkay?" tanong ko kay Val.
"Sobrang dami. Parang yung mismong lugar na iyon eh talagang nilaan para maging tapunan ng mga patay,"
Medyo kinilabutan ako dahil sa sinabi ni Val. Gusto ko talagang makita ang lugar na iyon pero hindi ko alam kung bakit parang umaatras agad ang loob ko.
"Alam kong nacucurious ka pero wag mo na lang tingnan ang lugar na iyon. Baka mapahamak ka lang. Muntik na akong mapahamak doon," sabi ni Val sakin. Tila nababasa nya ang nasa isipan ko.
"Bakit alam mo ang nasa isip ko?" takhang tanong ko sa kanya.
"Kanina noong pinag-uusapan natin ang tungkol sa bagay na iyon, alam ko naman na curious ka na, at minsan hindi rin maganda ang nagagawa ng kuryosidad,"
Natahimik ako sa sinabi ni Val. Ramdam kong ayaw nya talaga na makita ko pa ang lugar na iyon. Siguro ay dahil natatakot sya sa pwedeng maging reaksyon ko.
Magsasalita sana ako nang bigla kaming nakarinig ng mga kalabog mula sa ibaba. Sabay kaming nagkatinginan ni Val at ibinaba ang hawak naming tasa sa bintana.
Dali-dali syang lumabas ng silid namin habang ako naman ay nagmamadali ring sumunod sa kanya upang tingnan kung ano ang nangyayari sa ibaba.
Pagdating namin sa ibaba ay nagulat pa kami dahil may nag-aaway.
Pero ganoon na lamang ang pagkunot ng noo ko nang makita ko si Ma'am Barromeo na inaaway si Xyla, ang girlfriend ni Mike na ex naman ni Lucas.
Bakit nandito si Ma'am Barromeo?
"Ang kapal ng mukha mong agawin ang boyfriend ko!" sigaw ni Ma'am kay Xyla. Nagulantang ako dahil sa sinabi nya.
Boyfriend? Tama ba yung narinig ko?
Nasa likod ako ni Val at gulong-gulo din ang reaksyon nya nang lumingon sya sakin.
"Ako ang girlfriend ni Mike kaya pwede ba wag kang ambisyosa?" balik naman na sabi ni Xyla kay Ma'am Barromeo.
Ang ibang mga estudyante ay nakatingin lang sa kanila.
Sumugod si Ma'am Barromeo kay Xyla at sinabunutan ang babae. Dali namang umawat si Mike at pinatitigil ang dalawa pero hindi nagpaawat ang mga ito.
Tiningnan ko sila Bruno at iiling-iling lang sila habang pinapanood ang dalawang babaeng nagsasabunutan. Walang gustong mangealam sa mga ito liban kay Mike na syang umaawat para paghiwalayin ang dalawa. May mga monoblock na upuan ang nakakalat sa sahig, siguro ay ito yung mga nadidinig naming kalambog kanina, mukhang inihagis ang mga upuang iyon.
"Ano ba, tumigil na nga kayong dalawa!" singhal ni Mike sa dalawa.
"Anong tumigil Mike? Sabihin mo sa babaeng 'yan na ako ang nobya mo!" galit na sabi ni Ma'am Barromeo kay Mike. Hindi nagawang magsalita ni Mike at tumingin ito kay Xyla nang alanganin. Para kaming nanonood ng movie habang pinapanood sila.
"Sabihin mo nga sakin, Mike. Totoo ba ang sinasabi ng babaeng ito?!" galit na tanong ni Xyla kay Mike.
"I-i'm sorry!" sambit ni Mike kay Xyla habang iiling-iling. Tila binuhusan ng malamig na tubig si Xyla dahil sa sinabi ni Mike. Sunod-sunod ang pag-iling ni Xyla at dumapo ang palad nito sa pisngi ni Mike. Nanlaki ang mga mata ko dahil sa nasaksihan ko, ganoon din ang ibang mga estudyante na nakapaligid at nanonood.
Nag-walk-out si Xyla habang si Mike naman ay hindi alam kung hahabulin ba ito or hindi.
"Sige Mike, subukan mong habulin ang babaeng iyon at magkakasubukan tayo!" galit na wika ni Ma'am Barromeo. Matalim ang mga mata nito habang nakatingin kay Mike. Hindi nagawang magsalita ni Mike bagkus ay tumingin ito sa mga estudyanteng nanonood.
"Kayo, ano pang tinitingin-tingin nyo? Tapos na ang palabas!" singhal ni Mike. Mabilis na nag-alisan ang mga estudyante dahil sa sinabi ni Mike. Hinawakan ni Val ang kamay ko at hinila ako palayo roon.
"Tayo na!" nagmamadali nyang sabi pero bago pa kami makarating sa hagdanan ay may tumawag sa pangalan ko.
"My Treasure!"
Nilingon ko si Bruno na syang tumawag sa pangalan ko.
"H-hi!" bati nya sakin nang magtama ang mga mata namin.
"May kailangan ka ba?" mahinahong tanong ko sa kanya.
Kumamot ito sa batok habang nakangisi. Halos wala na tuloy itong mata dahil sa ngiti nito.
"Ah, hehe kape tayo gusto mo?" tanong nya sakin.
"H-ha? Kakatapos ko lang magkape eh," sagot ko sa kanya.
"Ah ganun ba? Kwentuhan lang if pwede ka at hindi ka pa inaantok," pangungulit pa nito sa akin. Biglang sumabat si Val na nasa harapan ko pala at nakikinig din samin. Muntik ng mawala sa loob ko na kasama ko pala sya. Napatingin ako sa kamay ko na hawak pa rin nya.
"Pasensya na pare ha? Pero gabi na kasi at sa tingin ko hindi na papayag si Selena na makipagkwentuhan pa. Maaga pa ang pasok natin bukas," sagot ni Val kay Bruno.
"Hmm ganoon ba? Sige, next time na lang," nakangiting sabi ni Bruno sakin. Tumango na lang ako sa kanya at naramdaman ko ang pwersa ng paghila ni Val sa kamay ko. Bumalik na kami sa loob ng silid namin. Pagdating namin doon ay tulog na tulog na yung dalawang kasama namin, si Lucas at Trinity.
"Type ka ni Bruno," bigla ay sabi sakin ni Val.
"Type mo rin ba sya?" tanong nya pa sakin dahilan para kumunot ang noo ko. Tiningnan ko sya sa mga mata at seryoso lang sya habang nakatingin din sa akin.
"Ano bang klaseng tanong yan Val?" nagtatakang tanong ko sa kanya.
Naupo kami muli sa bintana.
Humugot ito ng isang malalim na buntong-hininga bago tumanaw sa kawalan.
"May itsura naman si Bruno eh. Hindi naman nakakabigla kung magustuhan mo rin sya," sabi pa nya sakin. Hindi ko talaga alam kung saan nanggagaling yung mga sinasabi ni Val. Kahit kailan ay hindi naman ako nagkagusto kay Bruno. Bakit naman kaya biglang naitanong ni Val ang bagay na iyon sa akin?
"Bakit ba bigla mo na lang naitanong ang bagay na 'yan?"
"Wala lang. Gusto ko lang malaman kung gusto mo rin sya,"
Tumingin ako kay Val at umiling.
"Hindi ko gusto si Bruno. Kung ano man ang pagtingin nya sakin eh sya lang mag-isa ang nakakaradam nun. Siguro kaibigan pwede pa, pero hanggang doon lang 'yun," sagot ko. Tumango-tango naman si Val.
"Mabuti naman,"
Hindi ko masyadong narinig ang sinabi nito dahil mahina lang ang boses ni Val sa huling katagang sinabi nito.
"H-ha? Ano nga ang sinabi mo?"
"Wala. May laman pa 'yang tasa mo?" pag-iiba nito ng usapan.
"Wala na, 'yung sayo ba?"
"Wala na rin. Pwedeng ipagtimpla mo pa ko?"
Bigla akong natigilan sa sinabi ni Val.
"Oh bakit? Ngayon lang ako nahilig sa kape simula nung pinagtimpla mo ako," sabi nya sakin. Parang may kumiliti sa puso ko nang marinig ko ang sinabi nya pero agad ko ring sinuway ang sarili ko.
"G-gusto mo pa?"
"Pwede ba?" nakangiting tanong nya. Ngumiti ako sa kanya at tumango.
"Parang gusto ko pa rin eh," natatawang sabi ko. Kinuha ko ang tasa nya upang timplahan pa ulit iyon ng kape. Ganoon din ang tasa ko na ubos na ang laman. Pagbalik ko sa bintana ay tahimik lang si Val habang nakatanaw sa kalangitan. Ang mga binti nya ay nakalawit sa bintana.
"Huy baka mahulog ka dyan?" sabi ko sa kanya at inilapag ang tasa ng kape nya.
Lumingon sya sa akin.
"Thanks sa kape, baka hanap-hanapin ko 'to," biro nya at umayos ng pagkakaupo. Ngayon ay magkatapat na ulit kami at parehong nasa dulo ng bintana.
"Eh di palagi kitang titimplahan," sagot ko naman sa kanya ng may ngiti.
"Paano kaya kung hindi na tayo makaalis sa lugar na 'to?"
Biglang naging seryoso ang mukha ni Val kaya naman pati ako ay natigilan sa sinabi nya.
Sa totoo lang ay natatakot akong isipin ang bagay na iyon. Paano nga kaya kung hindi na kami makaalis sa lugar na ito?
"Handa ka ba?" tanong sakin ni Val.
Umiling ako sa kanya. Hindi ako handa at kailanman ay hindi ako magiging handa. Ayokong manatili sa lugar na ito habambuhay dahil ayoko pang mamatay.
"I don't want to die. Marami pa akong gustong gawin," sagot ko sa kanya. Humigop ito ng kape at tumango-tango pero hindi naman ito nagsalita.
Naging tahimik na ang paligid, siguro ay tapos na rin tumambay ang ibang mga estudyante sa ibaba. Wala na kaming ingay na narinig ni Val. Hindi pa rin ako makapaniwala na nobya pala ni Mike si Ma'am Barromeo, sa pagkakaalam ko ay bawal makipagrelasyon ang mga guro sa estudyante. Siguro ay lihim lang ang relasyon ng dalawang iyon. Bigla kong naisip si Xyla, kawawa naman sya, siguradong magugulat si Lucas kapag nalaman nya ang lahat ng nangyari kanina.