CHAPTER 44

1364 Words
*SELENA's POV* Si Jerron ang gumahasa kay Maria Lisa? Tila ayaw maniwala ng isipan ko. Wala naman sa itsura ni Jerron na kaya nitong gumahasa at pumatay kahit na hindi namin siya gaanong ka-close. Kung totoo man na siya nga ang may-ari ng kwintas, hindi ko alam kung ano ang mga susunod na mangyayari. Parang ang hirap naman isipin na kasama lang pala namin ang taong dahilan ng lahat ng nangyayari dito sa Sahara. "Lucas, paano kung kay Jerron nga yan? Anong gagawin natin?" tanong ko kay Lucas. Naglalakad kami ngayon papunta sa waiting shed. Ang sabi nila Stanley ay doon daw nila iniwanan si Bruno at kasama nito si Lucas. Bigla akong napaisip. Kung mapatunayan namin na si Jerron nga ang nasa likod ng panggagahasa kay Maria Lisa, wala kayang alam si Bruno tungkol dito? Napailing ako. Ayokong isipin na baka may alam si Bruno at pinagtatakpan lang nito ang kaibigan nito. Hindi pa naman namin napapatunayan na si Jerron nga ang gumahasa kay Maria Lisa. "Papaaminin natin siya. Dapat niyang pagbayaran ang kasalanan niya kung siya man talaga ang pumatay kay Maria Lisa," sagot sakin ni Lucas. Habang papalapit kami ng papalapit sa lugar ay siya ring lakas ng kabog ng dibdib ko. Nakarating kami sa waiting shed at naabutan namin doon si Bruno, pero mag-isa lamang ito at hindi nito kasama si Jerron. "Akala ko ba magkasama sila ni Jerron?" bulong ko kay Jackie. Nagkibit lang ng balikat sakin si Jackie. "Magkasama naman talaga sila kanina eh. Dito namin sila iniwan," sagot sakin ni Jackie. Nagulat si Bruno pagkakita samin at napatayo ito sa kinauupuan nito. "Bruno nasaan si Jerron?" kaagad na tanong ni Lucas kay Bruno. Napakunot naman ang noo ni Bruno at halatang nagtataka ito dahil masyadong seryoso ang tinig ni Lucas. "Bakit ninyo hinahanap si Jerron? May kailangan ba kayo sa kaniya?" tanong ni Bruno. "Mayro'n," sagot naman ni Lucas. "Nasaan ba siya?" tanong ko kay Bruno. "Kakaalis lang niya. Bumalik siya sa bahay panuluyan eh. Kakausapin lang daw niya si Mike," sagot samin ni Bruno. Isa-isa kaming tiningnan ni Bruno at para bang sinusuri nito ang bawat isa sa amin. Halatang nagtataka ito at naguguluhan kung bakit hinahanap naming lahat si Jerron. "Ano bang mayroon kay Jerron at hinahanap niyo yata siya lahat?" Biglang inilabas ni Lucas ang pendant na hawak-hawak nito at ipinakita iyon kay Bruno. "Itong pendant na ito, kay Jerron ba ito?" tanong ni Lucas habang angat-angat nito ang pendat. Napakunot-noo si Bruno habang pinagmamasdan ang pendant. Sinuri nito iyon. Lahat kami ay naghihintay sa sasabihin ni Bruno. Matagal bago niya pinagmasdan ang pendant at parang may iniisip pa siya. Kinuha niya sa kamay ni Lucas ang pendant at inilagay iyon sa sariling kamay niya. "Kay Jerron nga ito. Bakit nasa inyo?" sabi ni Bruno. Napalunok ako at napatingin kay Val mula sa gilid ko. Napatingin din siya sa akin. Kay Jerron daw ang pendant na iyon. Ibig sabihin ay may kinalaman si Jerron sa panggagahasa kay Maria Lisa dahil matagal na raw walang gumagamit ng room na iyon simula ng mangyari ang insidente. Kaya paanong mapupunta doon ang pendant ng kwintas ni Jerron? Noong pumasok nga kami sa loob niyon ay sobrang daming alikabok dahil matagal ng hindi iyon nagagamit. "Nakita namin ito sa music room kung saan sinasabing ginahasa si Maria Lisa. Bakit naroon ang pendant ng kaibigan mo?" tanong ni Lucas kay Bruno. Nagulat si Bruno at napatitig ito kay Lucas. "A-anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong nito kay Lucas. Alam kong naiintindihan niya iyon. Nahihirapan lang siyang paniwalaan. "Posibleng may kinalaman si Jerron sa pagkamatay ni Maria Lisa," sabi ni Val. Seryoso ang mukha nito. "Gago talaga yang kaibigan mo na yan. Sabi ko na nga ba at wala akong tiwala sa Jerron na yon eh!" sabi naman ni Stanley habang iiling-iling. "Tumigil ka nga Stan, hindi pa naman natin nakakausap si Jerron!" saway dito ni Jackie. "Ano pinagtatanggol mo na naman ang lalaki na iyon? Jackie, kung kokomprontahin natin iyon, malamang hindi iyon aamin!" ani Stanley. "Sa tingin mo ba kayang gawin iyon ng kaibigan mo?" tanong ko kay Bruno. Tila shocked pa rin siya sa sinabi namin. "Hindi ko kayang paniwalaan ang bagay na yan," sabi ni Bruno. Napa-palatak si Stanley at umiling. "Oo nga naman! Kaibigan mo yun eh 'di ba?!" halatang inis na sabi nito kay Bruno. "Chill ka lang bro!" awat naman ni Lucas kay Stanley dahil napansin nitong umiinit na ang tensyon. "Ang dapat nating gawin ay kausapin si Jerron," sabi ni Trinity. "Hindi nga aamin 'yon, ang kulit niyo! Hindi aamin ang taong walang kunsensiya," galit pa rin na sabi ni Stanley. "Kung kailangan niyong makausap si Jerron ay sasama ako. Gusto ko ring malaman ang totoo," sabi ni Bruno. Tumango kami ni Lucas sa kaniya. Wala kaming sinayang na oras. Dali-dali kaming umuwi sa bahay panuluyan dahil ang sabi ni Bruno ay umuwi raw doon si Jerron para kausapin si Mike. Pagdating namin sa bahay panuluyan ay nakita namin agad si Jerron at kasama nito si Mike. "Anong ginagawa niyo rito?" tanong agad samin ni Mike. "Bakit hindi ba kami pwede dito? Bahay rin namin 'to 'di ba?" halatang asar na sagot ni Lucas kay Mike. Alam kong may tensyon sa pagitan ng dalawang ito kaya binulungan ko si Lucas na huminahon muna siya. Ang kailangan namin ay makausap si Jerron. Walang mangyayari kung away na naman ang mangyayari sa pagitan ng grupo namin. "Masyado ka talagang mayabang—" "Tama na nga kayong dalawa!" putol ni Trinity sa sinasabi ni Mike. "Nandito kami para makausap ka Jerron," si Bruno na ang nagsabi ng pakay namin. Kumunot naman ang noo ni Jerron habang nakatingin kay Bruno. "Ako? Anong kailangan niyo sakin?" tanong ni Jerron habang turo-turo pa ang sarili. "May kinalaman ka ba sa pagkamatay ni Maria Lisa? Ikaw ang gumahasa sa kaniya 'di ba?!" malakas at walang preno na sabi ni Stanley. Nagulat naman si Jerron dahil sa sinabi ni Stanley. Napatingin ito sa kasamang si Mike. Ilang sandali itong natigilan bago nagsalita. Lukot na lukot ang noo nito. "Anong pinagsasasabi mo diyan? Hindi ko alam ang sinasabi mo," sabi ni Jerron kay Stanley. "Itong pendant na 'to. Hindi ba't sayo 'to?" ani Lucas at ipinakita ang pendant ng kwintas kay Jerron. Napatingin si Jerron sa pendant at bakas ang pagkagulat sa mga mata nito. "S-sakin nga 'yan. Saan niyo ito nakuha?" tanong nito. "Sa music room kung saan ginahasa at pinatay si Maria Lisa. Kaya umamin ka ng gago ka, ikaw ang may gawa ng lahat ng ito hindi ba? Ikaw din ba ang killer?!" Ayaw talagang papigil ni Stanley. Hinarangan lang ito ni Lucas nang duruin nito si Jerron habang sinasabi ang mga katagang iyon. Naging mailap ang mga mata ni Jerron. Si Mike naman ay hindi umiimik sa tabi nito. Ilang sandali bago nagsalita si Jerron. "Naiwan ko lang yan sa music room noong minsang tumambay ako doon para usyosohin ang loob ng silid. Anong rape ang sinasabi niyo? Hoy ikaw dahan-dahan ka sa pananalita mo ha!" ani Jerron kay Stanley. "Ano? Tama ako 'di ba? Sabi sa inyo hindi aamin yan eh!" ani Stanley. "Wala akong dapat aminin sa inyo dahil wala naman akong ginagawang masama. Mga praning lang kayong magkakaibigan. Umalis na nga kayo," pagtataboy nito sa amin. "Oo nga, baliw na ba kayo? Wala nga kayong malinaw na pruweba diyan sa mga sinasabi niyo. Tsk tsk!" ani Mike habang iiling-iling. "Tara na Jerron. Mahirap makipag-usap sa mga taong 'yan," dagdag pa ni Mike at hinila na nito si Jerron palayo samin. Pumasok ang mga ito sa isang silid. Naiwan kaming magkakaibigan. "Naniniwala ba kayo na wala talaga siyang alam?" tanong ni Lucas samin matapos mawala ang dalawa. "Tama naman siya Lucas. Wala naman tayong malinaw na pruweba. Hindi natin mapapatunayan ang mga sinasabi natin dahil lang sa isang simpleng pendant na naiwan niya sa loob ng classroom," sabi ni Trinity. Tiningnan ko si Val mula sa gilid ko. Tahimik lang ito at katulad ng dati ay parang malalim na naman ang iniisip nito. Gusto ko siyang tanungin kung ano ang nasa isip niya pero mas pinili kong manahimik na lang kasabay ng malalim kong pagbuntong-hininga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD