Chapter 1

1282 Words
Zoe Ysabel Victoriano Point of View "Anak, kunin mo nga iyong palanggana sa lababo!" sigaw ni Mama sa labas ng bahay. Naglalaba kasi siya habang ako naman ay naglilinis ng bahay namin. Maliit lang ang bahay namin at sakto na sa aming apat. Ang mahalaga kasi sa amin ay may matitirhan kami sa tuwing umuulan o umaaraw. Ang estado rin ng buhay namin ay hindi mataas ngunit masasabi ko namang nakakakain kami nang tatlong beses sa isang araw. Hindi kami nagugutom palagi. Pero may mga araw talaga na wala kaming makain. Kaya ang ginagawa namin ay maglalagay kami ng toyo at mantika sa kanin namin. "Teka lang, Ma!" sigaw ko at mabilis na iniwan ang aking nililinis para kunin ang palanggana na inuutos ni Mama. Ang trabaho ni Mama ay paglalaba. Minsan ay ako ang gumagawa no'n dahil mabilis siyang mapagod. Kinailangan ko lang maglinis nang bahay ngayon lalo pa at medyo madilim na sa aking paningin ang lahat. "Malapit na po akong matapos sa paglilinis, Ma. Ako na kaagad ang maglalaba niyan pagkatapos ko rito," wika ko. "Anak, kaya ko naman," saad ni Mama. "Ma, huwag makulit. Baka sumakit na naman ang balakang niyo. Bawal din kayo sa pagbubuhat nang mabigat kaya ako na maya-maya," panenermon ko kay Mama. Natatawa naman siyang nailing sa akin ngunit hindi na siya nagsalita kaya mabilis akong pumasok sa loob ng bahay para maglinis. Kailangan kong bilisan ngayon lalo pa at marami rin ang nilalabhan ni Mama. Ayaw ko pa namang napapagod siya dahil sumasakit ang kaniyang balakang. Minsan nga ay napipilitan akong bumili ng niyog dahil iyon ang makakapagpaginahawa sa kaniya ngunit ayaw naman niya. Kaya wala akong nagawa kung hindi mapailing na lang at bigyan siya ng tubig. Dagdag gastos lang daw kasi kapag bibili pa ng niyog kung puwede naman daw kasing uminom na lang daw siya ng tubig at magpahinga. Kaso ayaw ko. Kapag sigurado akong nakakapagtabi ako ng pera sa paglalaba ay mabilis kong ipinambibili ng niyog para sa kaniya. Kailangan niya iyon lalo pa at madalas sumakit ang balakang niya. Minsan din ay nahihirapan siyang umihi kaya pursigido talaga ako sa pagbili ng niyog para sa kaniya. "Ate," tawag sa akin ni Mia, ang aking bunsong kapatid. Nakita kong namumutla ang kaniyang kutis kaya bahagyang kumirot ang aking puso habang tinitingnan siya sa kaniyang kalagayan. Isa rin sa dahilan kung bakit kumakayod kami parehas ni Mama dahil sa pinsan kong may sakit. Sabi ng Doctor sa amin ay may leukemia raw siya. Kaya labis kaming nadurog sa nalaman namin lalo at alam naming malala ang sakit na iyon. Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa sakit ng kapatid ko. Kaya talagang minabuti kong unahin muna siya kaysa sa akin na dahil kailangan naming agapan ang sakit niya kaso wala kaming pera para sa chemotherapy niya. Magastos iyon at kahit gustuhin man namin, wala kaming sapat na pera. Dahil ang Papa naman namin ay madalas sumugal at makipag-inuman sa kaniyang mga barkada. Uuwing lasing tapos makikipag-away pa. Si Mama naman ay masakit ang balakang dahil sa kaniyang sakit na UTI. Madalas umatake ang sakit niya kapag bigla siyang nagbubuhat nang mabibigat. Minsan naman ay bigla na lang darating kaya sinasabi ko sa kaniya na mas mabuting ako na lang ang maglaba dahil kaya pa ng katawan ko. Ayaw ko kasing mahirapan pa si Mama kaya mas gugustuhin kong akuhin na lang ang lahat. Puwede naman kasi siyang maupo na lamang o magluto kaysa siya pa ang naglalaba. "Bakit? Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ko sa kaniya at mabilis siyang dinaluhan. "Nagugutom lang po, ate," sagot niya sa aking tanong. Mahina ang boses niya ngunit sa tuwing nakikita kong medyo namumutla ang kaniyang labi ay naiiyak ako. Mas matanda ako kay Mia nang sampung taon. Kaya ang bata pa niya para maranasan ang bagay na ito. Hindi ko kayang makita siyang nahihirapan nang sobra dahil nasasaktan ako. "May itlog dito at may kanin," saad ko at mabilis na inihain ang prinito kong itlog para sa kaniya. Ito kasi ang isa sa mga puwedeng kainin niya na available rito sa aming bahay. Susubukan ko pa ngang bumili ng broccoli, cauliflower at repolyo mamaya sa palengke kung kakayanin ngunit nang maalala kong ilang labada rin ang kinuha ni Mama ay natigilan ako. Alanganin pala dahil aabutin ako nang madaling araw sa paglalaba. Hindi ko kakayanin na hayaan namang maglaba si Mama lalo pa at alam ko rin ang kaniyang kondisyon. Pero hindi naman kasi puwedeng bumili ako maya-maya dahil ilang oras din ang aabutin bago ako makarating sa palengke. Nagbibisikleta lang kasi ako dahil kapag sumakay pa ako ng tricycle ay alanganin na ang budget ko. Mahal pa naman ang pamasahe kaya mas titiisin ko na lang ang sinag ng araw kaysa ang mamasahe. "Gusto mo ba ng tubig muna?" tanong ko sa kaniya at mabilis siyang inalalayan. "Opo, ate. Medyo nanunuyo na rin po kasi ang lalamunan ko," magalang naman niyang sambit. Kinuha ko naman ang baso at mabilis na sinalinan ng tubig na galing sa pitsel saka ito inilapag sa kaniyang harapan. "Kaya mo bang kumain—" "Kaya ko, ate," wika niya pero nang sinubukan niyang kunin ang kutsara ay nahulog ito. Napalabi ako at mabilis na kinuha ang kutsara sa ilalim ng mesa. Pinigilan ko ang aking sarili na maiyak lalo pa at hindi ako pupuwedeng umiyak sa harapan ng kapatid ko dahil sa akin siya kumukuha ng lakas. Nang makuha ko iyon ay mabilis kong inilagay sa lababo at kumuha ulit nang panibago. Hindi ko siya susubuan dahil sinabi naman niyang kaya niya. "Subukan mo pa, Mia," saad ko at ngumiti sa kaniyang harapan. Hindi ko alam kung bakit ngumiti siya sa akin nang malungkot pero sinubukan ko pa ring ngumiti sa kaniya kahit na nasasaktan ako sa paraan ng kaniyang pagngiti. Sinubukan niya ulit kunin ang kutsara sa mesa. Hinawakan niya iyon nang mabuti at mabilis na sumandok ng maliit na kanin at itlog. Akmang isusubo na sana niya ngunit mabilis na naman niyang nabitawan ang kutsara. Kinagat ko ang aking dila at ngumiti sa aking kapatid na ngayon ay nawalan na ng sigla ang kaniyang mga mata. Tumingin siya sa akin at umiling. "Hindi ko na kaya, ate," naluluhang sambit niya. Hindi ko alam kung bakit iba ang dating sa akin ng kaniyang sinabi pero umiling ako at tinatagan ang aking sarili. Sa akin lang siya kumukuha ng lakas kaya hindi dapat ako puwedeng umiyak sa harapan niya. "Kaya mo iyan, Mia. Hindi ba ang sabi ko sa iyo, pupunta pa tayo sa ibang bansa para makapasyal ka sa lugar na may snow? Kaya huwag kang tumigil. Laban lang nang laban. Nandito pa naman kami ni Mama," pagpapalakas ko sa kaniyang loob. "Pero, ate. Dalawang beses ko ng nahulog iyong kutsara." "Mia, wala namang masama roon." Lumapit ako sa kaniya at hinaplos akong kaniyang balikat. "Walang masama kung ilang beses kang magkamali. Ganiyan kasi ang buhay, eh. Kailangan mong magkamali nang ilang beses para lang matuto at i-apply sa totoong buhay. Kasi kapag hindi mo ginawa, paulit-ulit lang iyan. Ibig sabihin lang no'n ay hindi ka natuto sa mga pagkakamali mo." "Pero, ate. Nanginginig ang mga kamay ko. Hindi ko na kayang hawakan ang kutsara." May kung ano ang bumara sa aking lalamunan at nahirapan ako sa sinabi ng aking kapatid. Ngunit sinubukan kong lumunok at tatagan ang sarili ko kahit na naiiyak na ako sa aking naririnig. "Mia, ano ba ang sabi mo kanina? Kaya mo, hindi ba?" ngumingiting saad ko. Tumango naman siya bilang sagot. "Try mo ulit hawakan ang kutsara tapos kapag hindi mo nagawa, susubuan na kita." Ginawa niya ang aking sinabi at sa huling pagkakataon, nagawa niya ang gusto niyang gawin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD