"Ma, pupunta ako sa palengke," paalam ko kay Mama.
Lumingon naman siya sa akin habang nakakunot ang kaniyang noo.
"Bakit? Ano ang bibilhin mo sa palengke? Aabutin ka nang umaga sa paglalaba kung hindi mo pa sinimulan ngayon," wika niya.
Wala kasi talaga akong choice. Alam kong nauumay na si Mia sa itlog. Kaya mas mabuti pang bumili na lang ako ng repolyo roon at hahaluan na lang ng corn beef. Bibilhan ko rin naman si Mama ng niyog dahil kailangan niya iyon.
Mahirap na lalo na ngayon dahil baka umatake na naman ang UTI niya kapag nasobrahan siya sa paglalaba ngayon.
"Saglit lang ako, Ma. Wala na rin kasing ulam kaya bibili ako ng repolyo saka corn beef," paliwanag ko at inayos ang money bag sa aking bewang.
Short na hanggang tuhod at mahabang damit ang gamit ko. Nakasuot na rin ang ng sumbrero ngayon dahil mataas na rin ang araw. Nakakapaso na rin.
Kung tutuusin ay maglalagay pa dapat ako ng parang manggas pero mukhang pagpapawisan ako nang husto kapag ganoon. Bumuga ako ng hangin at mabilis na hinalikan ang pisngi ni Mama para magpaalam.
"Ako na bahala sa mga labada, Ma. Huwag mo nang galawin. Kailangan mong magpahinga," sambit ko at saka inayos ang bike.
"Anak, huwag ka nang bumili ng niyog. Ayos na sa tubig," paalala niya sa akin ngunit ngumiti lang ako saka nagbisikleta.
"Manang, magkano po ang repolyo niyo?" tangkang tanong ko sa nagtitinda.
Suki niya ako dahil madalas akong bumili sa kaniya ng mga gulay. Mas gusto ko kasi rito dahil ang ganda ng awra niya kumpara sa ibang tao na sobrang sungit at parang ayaw pang makabenta sa sobrang mahal ng kanilang mga paninda. Katulad na lang ng isang pirasong carrots, singkuwenta raw iyon at mapapamura ka na lang at mas pipiliin mong bilhin iyong naatado na rekado para sa pancit.
Mas mura kasi iyon at kung tutuusin, bente pesos lang ay marami ka ng iluluto. Kaso ang kailangan ko lang kasi ay repolyo. Mahal naman kasi ang cauliflower at broccoli at minsan ay ayaw ni Mia kaya wala akong magawa kung hindi bumili na lang nang tatlong piraso ng repolyo para ihalo sa itlog, corn beef o igisa.
"Ilan ba ang bibilhin mo, Ysabel?" tanong niya.
Nangingiti na lang ako at sinabi kung ilan ang bibilhin kong reployo.
"Apat po sana," saad ko.
Mabilis siyang namili ng repolyo at saka ito ikinilo. Umabot siya sa dalawang kilo kaya medyo nag-alangan ako lalo na ngayon dahil baka magkulang ang budget ko.
"150 lahat," sambit niya.
Napalunok naman ako at napalingon saglit sa hawak kong pera. Dalawang daan lang ang dala ko at kailangan ko pang bumili sana ng corn beef sa madadaanan kong tindahan sa daan. Mahal na rin ang corn beef ngayon. Sa pagkakaalam ko ay nasa 35 pesos na ang isa. Kailangan ko pang bumili ng niyog na dalawa na nagkakahalaga ng 30 pesos isa.
"Magkano po kapag dalawa lang, Manang?" tanong ko sa kaniya.
"Kulang ba ang pera mo—"
"Magkano po ba lahat ng binili niya?" tanong ng isang binatilyo.
Nangunot naman ang aking noo dahil pakiramdam ko ay katabi ko lamang siya. May naamoy rin akong panlalaking amoy ngunit hindi ito masakit sa ilong. Sakto lamang. May ibang lalaki kasi na matapang masyado ang kanilang pabango na halos mahilo ka talaga.
"150, pogi. Pero may tawad iyon kasi suki ko naman si Ysabel," sagot naman ni Manang.
"Ako na po ang magbabayad. Sakto kasi bibili rin naman ako sa inyo ng gulay. Gagawing pancit ni Manang," kalmadong wika niya.
Hindi ko alam kung bakit kumalabog ang aking dibdib lalo nang maramdaman kong lumingon siya sa akin. Tila hindi naman ako makagalaw sa nangyari dahil pakiramdam ko, mawawalan ako ng malay.
"Magkano ba bibilhin mo, pogi?" tanong naman ni Manang at nagsimulang ilagay sa plastic ang apat na repolyo na para sa akin.
"Iyong sapat na po sa isang kilo. Hindi po kasi sinabi sa akin kung ilang piraso ba pero ikaw na ang bahala, Manang," sambit niya.
Inabot naman sa akin ni Manang ang plastic pero umiling ako. "Babayaran ko, Manang."
Hindi kasi ako sanay na may nanlilibre sa akin na hindi ko kakilala. Lalo pa ngayon na lalaki ang lumapit sa akin, hindi ko kakayanin. Mas mabuti pang ma-short na lang ako at hindi na ako bumili ng corn beef. Saka na lang kasi kulang iyong pera ko.
Ayaw ko kasi sa lahat iyong nililibre ako nang hindi ko naman kakilala kahit pa sabihin nila sa akin na ayos lang daw. Hindi kasi ako pinalaking ganoon. Kaya kahit gustuhin ko, kailangan kong tumanggi dahil baka magkaroon pa ako ng utang na loob sa kanila.
Ang pera kasi ay nababayaran pero ang utang na loob, hindi. Iyon ang ayaw ko. Kaya mas mabuti pang tanggihan ko ang mga taong tumutulong sa akin dahil una sa lahat, hindi naman kami magka-ano-ano para tulungan nila ako.
"No. Don’t take her money," matigas na wika niya.
Mabilis akong lumingon sa kaniya ngunit mukhang mali yata dahil nakatingin pa rin siya sa akin.
Pasimple kong kinilatis ang kaniyang mukha. Magmula sa moreno niyang kutis, magulong itim na buhok, makapal na kilay, masungit na mga mata na para bang hinahalukay ang mga bagay sa isip mo, matangos na ilong, makapal ngunit mapupulang labi at matalim na panga.
Mas matangkad din siya sa akin at sa pagkakaalam ko, nasa 5'10" ang kaniyang tangkad. Hanggang balikat niya lang kasi ako kaya tuloy nagmumukha akong maliit. Malapad din ang kaniyang katawan at lumilitaw ang kaniyang mga muscle. Halatang ginawang tambayan ang gym dahil kitang-kita mo talaga ang kaibahan niya sa mga lalaking taga rito.
Halata ring may dugo siyang banyaga pero hindi ko lang matukoy dahil hindi naman ako magaling kumilatis ng mga may ibang lahi.
"Ako na ang magbabayad," mahinang sambit ko.
Umangat naman ang kaniyang gilid ng labi na para bang hindi makapaniwala sa aking sinabi.
"Huwag na. Ako na ang magbabayad. Ipambili mo na lang iyan ng mga kakailanganin niyo," saad niya.
Bumuga ako ng hangin at walang nagawa kung hindi abutin ang plastic na naglalaman ng mga repolyo. Lumingon muli ako sa kaniya.
"Salamat."
Mabilis akong naglakad palayo at hindi na tiningnan pa ang lalaking iyon. Siguro ay ipangbibili ko na lang ng karne ng manok =. Puwede iyon kay Mia. Matagal na rin kasi noong huli siyang nakakain ng manok kaya tingin ko, wala namang masamang kumain muli siya ngayon nang ganoon.
May naitabi rin naman akong pera sa mga gamot at vitamins niya kaya ayos lang. Nakakaluwag-luwag naman ako kahit papaano hindi kagaya noon na kayod ako nang kayod pero wala akong nakukuhang pera dahil mabilis maubos.
Mabuti na lang talaga at maraming nagpapalaba ng mga damit sa amin. Medyo umuusbong na rin. Kaya sana kapag nagkaroon ako ng budget ay bibili ako ng washing machine at dryer para mabilis kaming makalaba. Ang hirap kasi kapag manu-mano ka naglalaba. Ang sakit sa katawan lalo na kapag hindi ka naman sanay.
"Magkano ang kalahating kilo, Manong?" tanong ko habang tinitingnan ang mga hita ng manok.
"75, anak. Mura lang ngayon," mahinahong sagot naman ni Manong.
"Kunin ko na—"
"Gawin mo nang dalawang kilo ng manok, Manong. Tapos isang kilo ng baboy."