"Gawin mo nang dalawang kilo ng manok, Manong. Tapos isang kilo ng baboy," saad na naman nang isang pamilyar na boses.
Ipinikit ko ang aking mga mata at humugot nang malalim na hininga. Hindi ko alam kung nakikipagbiruan sa akin ang tadhana o talagang sinusundan lang talaga ako ng lalaking ito.
Kalahati nga lang ang bibilhin ko tapos ginawa niyang dalawang kilo at saka isang kilo ng baboy? Wala naman kaming ref kaya bakit kailangan niyang bumili nang ganito karami?
"Para kanino ba, pogi?" tanong ni Manong.
Napamulat naman ako ng aking mga mata at doon ko napansin na medyo marami na pala ang nakatingin sa akin.
Sabagay, malakas kasi sa hatak niya sa mga babae kaya hindi ko rin siya masisisi. Ang problema lang ay nadadamay ako at ayaw ko rin ng atensyon na nakukuha ko sa kanila. Hindi ako sanay. Mas gugustuhin ko pang hindi nila ako makilala kaysa ganito.
"Para sa babaeng kasama ko, Manong," seryosong wika niya.
"Manong, kalahati lang po ang bibilhin—"
"Huwag kang makinig sa kaniya, Manong. Gawin mong dalawang kilo," pangungulit ng lalaking itong nasa tabi ko.
Inis na lumingon naman ako sa kaniya at namaywang. Pero sa gulat ko, nakatingin na pala siya sa akin at nakataas ang gilid ng kaniyang labi na para bang natutuwa sa kaniyang nakikita.
"Wala kaming ref," nagtitimping saad ko. "Marami ang isang kilong karne ng baboy at dalawang kilong karne ng manok."
"Bilhan na lang kita ng ref—"
"Malaki ang babayaran namin sa kuryente kapag binilhan mo kami ng ref," paliwanag ko.
Totoo naman kasi iyon. Bukod sa hindi naman stable ang pagiging labandera ko ay hindi pa sigurado kung may ilalagay kami sa ref. Sayang kapag hindi rin nagagamit dahil baka masira.
"Ako na ang magbabayad ng kuryente niyo—"
"Hindi natin kilala ang isa't isa para bilhan mo ako ng ref."
Binasa niya ang kaniyang labi gamit ang kaniyang dila saka lumingon sa nagtitinda ng karne.
"Dalawang kilong karne ng manok lang, Manong. Ako ang magbabayad," saad niya. "Kakausapin ko lang siya. Medyo matigas kasi ang ulo."
Natawa naman ang nagtitinda. "Baka naman kasi may nagawa kang mali, pogi? Nako! Malalang suyo na naman ang gagawin mo."
"Parang ganoon na nga po," natatawang saad naman niya.
Umarko ang aking kilay sa kaniyang sinabi. Hindi naman kasi kami magkakilala para gawin niya ito. Bigla na lang siyang sumulpot sa kung saan at hindi ko alam kung bakit tinulungan na lang niya ako bigla.
Imbis na hindi ako nagngingitngit sa galit ngayon ay mukhang wala tuloy akong magawa kung hindi pumayag na lang kahit mukhang alanganin na mauubos namin ang mga ibinigay niya.
Lumingon siya sa akin ngunit hindi pa rin nabura ang ngisi sa kaniyang labi. Mas lalo tuloy akong nainis dahil sa kaniyang ginagawa. Hindi man lang niya tanungin ang opinyon ko kung gusto ko ba o hindi nag ginagawa niya! Basta-basta na lang siyang susulpot at dadagdagan ang kilo ng mga bibilhin ko.
Inabot sa kaniya ang mga pinamili niya na mabilis naman niyang binayaran. Ginamit ko tuloy iyong minutong iyon para makaalis na sa lugar na iyon.
Mas mabuti pang umuwi na lang kaysa makita ang lalaking iyon. Kaso kailangan ko pa kasing bumili ng niyog. Ang problema lang ay kung paano ko bubuhatin ang lahat. Wala pa namang basket ang bisikleta ko.
Naiiling na lang ako at bumuntong hininga. Siguro bili na lang ako ng isang niyog—
"Manang sampung niyog nga po."
Pumintig ang aking sintido nang marinig ko na naman ang boses niya.
"Kaya mo bang buhatin ang lahat, pogi?" saad ng tindera.
"Kaya naman po. Mag-aarkila na lang po ng tricycle," saad niya.
Imbis na magtagal pa roon ay mabilis akong lumisan para kunin ang bike ko. Kailangan ko pang maglaba dahil panigurado ay aabutin ako nang umaga roon.
Ayos na sa akin ang repolyo dahil hindi ko naman kailangan bumili nang marami dahil wala naman kaming ref sa bahay. Wala namang saysay iyon. Mabilis lang masisira ang lahat ng binili niya kung hindi naman mailalagay sa ref.
Kung ice box naman ilalagay, magastos sa ice saka mainit ngayon. Mabilis lang matutunaw ang mga yelo dahil hindi rin naman semento ang bahay namin kaya mas mabuti pang huwag na lang.
Pagkauwi ko sa bahay ay mabilis kong inilagay ang aking pinamili sa mesa at saka mabilis na nagpunta sa aking kuwarto para ilagay ang perang hindi ko naman nabawasan sa aking taguan ng pera.
Itinatago ko kasi ang pera ko dahil hindi puwedeng makita nang magaling kong ama. Sugarol at lasinggero kasi iyon. Hindi puwedeng pakalat-kalat lang ang mga pera dahil possibleng kunin niya iyon at isugal na naman. Kaya mas mabuti pang itago ko na lang at huwag ipakita sa kung sino dahil kailangan kong mag-ipon para sa pangpa opera ng kapatid ko.
"Ysa, kanina ka pa riyan, ha?" tanong sa akin ni Mama.
Napalingon naman ako sa kaniya habang naglalaba. Last na banlaw ko na ito at pupuwede ko nang isampay maya-maya. Pero hindi ko napansin na ginabi na pala ako sa paglalaba. Medyo nanghihina na rin ako dahil wala pa akong kain magmula kaninang umaga dahil dumiretso ako kaagad sa paglilinis.
"Kaya ko ito, Ma. Patapos naman na ako. Last na banlaw ko na ito kaya pupuwede na po akong magpahinga," pagpapakalma ko sa kaniya.
Nag-aalala kasi siya pero pinilit kong maging malakas dahil kung magkakasakit man ako, sino na ang magtatrabaho? Kanino na sila kukuha ng lakas? Kaya bawal akong mapagod. Madami pa akong balak abutin at sana lang ay hindi ako bumigay dahil hindi naman ako papayag na lang nang basta.
"Sigurado ka, ha? Kumain ka kaagad pagkatapos mo riyan. Matutulog na kasi ako," wika ni Mama. "Huwag mong kalimutang isara nang maayos ang mga pinto at bintana, Ysa."
"Opo, Ma."
Pagkatapos kong isampay ang huling damit at saka nag-unat ng aking katawan. Masakit na kasi ang katawan ko at medyo nangalay sa posisyon ko kanina kaya dapat lang na mag-unat-unat ako.
"Dito ka lang pala nakatira," saad ng pamilyar na boses.
Nanlaki ang aking mga mata at mabilis na lumingon sa lalaking nagsalita. Lumitaw sa akin ang lalaking nakita ko kanina sa palengke. Medyo madilim sa kaniyang puwesto pero sakto na ito dahil may ilaw naman ang daan. Medyo natatamaan din naman ang kaniyang mukha ng ilaw kaya medyo kita ko kung sino iyon.
Ah, hindi ko pala alam ang kaniyang pangalan.
"Iniwan mo ako kanina sa palengke. Iniwan mo pa iyong mga pinamili kong para sa iyo dapat," kalmadong sambit niya.
"Hindi naman kasi kita kilala para tanggapin ang mga pinamili mo," paliwanag ko sa kaniya.
"Hendrix Vaughn Rivanov," seryosong saad niya.
Napaangat naman ang aking kilay sa kaniyang sinabi.
"Hendrix Vaughn Rivanov ang pangalan ko. Kukunin mo na ba ang mga pinamili ko kanina para sa iyo?" tanong niya sa akin na nagpaawang ng aking bibig.
Hindi ko alam kung nagbibiro siya. Ang sabi ko lang ay hindi ko naman siya kilala pero bakit sinabi niya ang buo niyang pangalan? Hindi ba siya nag-iisip? Ang ibig kong sabihin ay hindi ko siya kilala dahil never naman kaming nagkita o nagkausap maliban kanina.
At hindi porket sinabi niya ang kaniyang pangalan ay automatic ko na siyang kilala. Hindi nga ako sigurado kung anong klase siyang tao at kung ano ang pakay niya sa akin, hindi ba? Mukha kasing galing siya sa mayamang pamilya lalo na sa paraan ng kaniyang pananalita. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit kinakausap at nilalapitan niya ako.
"Hindi ko kailangan ng mga pinamili mo," matapang na pahayag ko.
Nakita ko namang unti-unting kumurba ang kaniyang labi at saka ibinulsa ang kaniyang mga kamay sa bulsa ng kaniyang short habang nakatingin sa akin nang mataman.
Kumalabog ang aking puso nang malakas na halos mabingi ako. Hindi ko rin maintindihan ang aking sarili lalo na nang titigan niya nang mataman ang aking mga mata.
"Kailangan ko kasi ng atensyon mo."