"Hindi ako nagsising inamin kong gusto kita noong araw na iyon, Ysa. Mas lalong hindi rin ako nagsisising hinalikan kita pagkatapos no'n," seryosong sambit niya. Nanuyo ang aking lalamunan habang nakikipagtitigan sa kaniya. Hindi ko kasi inaasahan na sasabihin niya sa akin iyan na mas lalong magpapagulo ng aking puso at isipan. Ngunit kailangan ko na itong tigilan. Hindi kasi makakabuti sa akin kung magmamahal ako habang hindi pa naman maayos ang buhay ko. Marami pa akong dapat gawin sa buhay. Marami pa akong kailangang abutin at hindi ko mapagsasabay ang pag-ibig. Nabuhay ako para maghanap-buhay para sa amin ng kapatid at Mama ko. Hindi ako nabuhay para umibig. Ngumiti ako at umiling sa kaniya. "Baka naguguluhan ka lang, Vaughn. Baka iniisip mo lang na gusto mo ako kahit hindi naman."

