"Ate, hindi mo ba talaga boyfriend iyon?" pangungulit sa akin ni Mia.
Napatampal na lang ako ng noo dahil sa sinasabi niya. Ilang araw na niyang tinatanong sa akin kung boyfriend ko iyong lalaking iyon pero ang palagi kong sinasabi ay kakilala lang.
Hindi naman kasi ako papatulan at seseryosohin ng lalaking iyon dahil hindi naman kasi talaga ako kagandahan para lang kabaliwan ng lalaking mukhang mayaman o sobrang guwapo. Saka marami namang mas maganda riyan na puwede niyang kulitin. Kaya posibleng gusto niya lang akong pag-trip-an dahil nakikita niya na hindi ako pumapatol sa mga lalaking kagaya niya.
Wala kasi talaga sa isip ko ang magkaroon ng kaibigan o kung ano pa. Hindi naman sa sagabal pero ayaw ko kasing makarinig ng kung anong salita na hindi ko magugustuhan. Saka kaya ko namang lumaban. Kaya walang kaso sa akin ang mga bagay na iyan.
"Mia, hindi ko siya boyfriend," mahinahon kong paliwanag sa kaniya. "Kakilala ko lang talaga siya."
"Pero guwapo siya, Ate Ysa," rason naman niya.
Halos lumuwa sa gulat ang aking mga mata dahil sa kaniyang sinabi.
Alam kong guwapo siya pero hindi ko naman inaakala na sasabihin ni Mia iyon! Ganoon ba kalakas ang appeal niya at pati bata ay nakikita ang taglay niyang kaguwapuhan?
"Kaya nagtataka talaga ako bakit hindi mo pa rin siya ginagawang boyfriend, ate," natatawa niyang saad.
"Mia! Hindi naman porket guwapo ay gagawin ko na kaagad siyang boyfriend!" hindi makapaniwalang wika ko.
Pumintig ang aking sintido lalo na nang sabihin niya iyon sa akin. Hindi ako makapaniwala na lumalabas sa bibig niya ang ganitong bagay kahit na wala naman kaming sinasabi sa kaniya.
"Saan mo ba natutunan ang mga iyan?" naiinis na sambit ko.
"Sa pocket book ni Mama, ate. Sinusubukan ko kasing hasain ulit kakayahan ko sa pagbabasa."
"Mia, anong pocket book ang binasa mo?" kinakabahan kong tanong.
"Iyong tungkol sa Mafia—"
"Mia, hindi para sa bata ang ganiyan!" pasigaw na saad ko.
Hindi bagay sa batang kagaya niya ang pagbabasa ng ganoong kuwento lalo pa at hindi biro ang Mafia. Wala akong masyadong alam sa ganiyang bagay pero iilan sa mga kuwentong nabasa ko ay nababanggit na hindi mo gugustuhing makakita sa personal ng Mafia. Nakakatakot kasi silang nilalang. Hindi kasi sila basta-basta dahil sa sobrang dami ng kanilang mga gawain na hinding-hindi mo magugustuhan.
Iilan sa mga nalalaman ko ay ang pagbebenta nila ng mga lamang loob, pagbebenta ng droga, pagpatay ng mga inosenteng tao at higit sa lahat ay marami rin silang mga illegal transactions na tinatakpan sa pamamagitan ng mga business na legal.
Iyon ang mga natutunan ko sa mga binabasa kong kuwento. Hindi ko rin alam kung bakit gustong-gusto nilang magbasa ng mga ganoon kahit alam naman nating hindi maganda ang mga ganoong klase ng tao. Nakakatakot sila at mga wala silang puso. Ang mahalaga lang kasi sa kanila ay pera na galing sa illegal o legal nilang mga gawain.
"Hindi ka pa puwede sa ganitong mga libro, Mia," mahinahon kong paliwanag at kinuha ang mga librong nasa kuwarto niya. "Bata ka pa para sa ganito. Ang mga ganitong libro ay para lamang sa mga nasa legal age na."
"Pasensya na, ate. Hindi ko kasi alam," malungkot na sambit niya.
Para namang kinurot ang aking puso pero kailangan kong magsungit. Hindi kasi pupuwede ang mga ganitong kuwento sa kaniya dahil bukod sa mga topic na Mafia ay may mga hindi pa kaaya-ayang mga topic dito. Kagaya na lang ng mga usapin na hindi para sa bata. Pakikipagtanan, mga bagay na ginagawa ng mga taong mahal ang isa't isa o mag-asawa at kung anu-ano pa.
"May mga pocket book ako sa kuwarto na para sa mga teenager," saad ko at saka mabilis na nagpunta sa aking kuwarto.
Tungkol ito sa mga bata at nagkakaroon ng crush. Iyon lang at wala ng iba. Kaya pupuwede sa kaniya ang ganitong mga kuwento dahil pang bata lamang. Nabasa ko na rin kasi ang mga ito pero hindi ko na maalala ang ibang detalye. Nakahiwalay rin kasi ang mga kuwentong medyo maselan pero hindi ko naman alam na pinagdiskitahan na naman ni Mia.
"Ito ang basahin mo. Mas maganda pa ang mga ito kaysa sa mga libro na kinuha mo kay Mama," wika ko saka inilahad sa kaniyang harapan ang mga ito.
Pagkatapos naming mag-usap ni Mia, lumabas kaagad ako ng kuwarto para makapagpahangin. Wala kasi akong mga labada ngayon pero paniguradong may mga labada na naman ako bukas. Kaya susulitin ko na ang araw ko ngayon—
"Magandang umaga," bati ng isang pamilyar na boses.
Lumingon ako sa aking kaliwa na kung saan may duyan doon at bumungad sa akin ang lalaking wala na namang damit na suot. Kitang-kita ang kaniyang magandang katawan kaya medyo nainis na naman ako lalo pa at baka makita na naman siya ng kapatid ko na ganito ang kaniyang ayos.
"Ano ang maganda sa umaga kung nandito ka?" naiinis na tanong ko sa kaniya.
Palagi niya akong ginugulo. Akala mo ay wala siyang mga dapat na iararo at nagawa pang tumambay rito na para bang sa kaniya ang lupa na ito.
"Kagandahan mo," paos na wika niya.
Natigilan naman ako sa kaniyang sinabi at hindi maiwasang kumalabog ng aking puso na halos mabingi na ang aking mga tainga. Para rin akong nawalan ng hininga at medyo nanuyo rin ang aking lalamunan dahil sa kaniyang sinabi.
Hindi ako maganda at wala pang nagsasabing maganda ako. Kaya big deal sa akin na marinig ang kaniyang sinabi dahil hindi ko inaakala na sasabihin niya ang bagay na ito.
Unti-unting sumilay ang ngisi sa kaniyang labi hanggang sa maramdaman kong namula ang aking pisngi at parang nagwawala ang mga paru-paro sa aking tiyan na para bang gustong lumabas.
"Tumigil ka nga! Umagang-umaga, mang-aasar ka," sita ko sa kaniya at saka mabilis na kinuha ang walis tingting.
Kailangan kong maglinis ngayon dahil marami na naman ang mga dahon sa bakuran namin. Mabuti na rin ang ganito kaysa mga damo. Ayaw ko kasi ng mga damo dahil may posibilidad na may mga ahas doon. Takot pa naman ako sa ahas at hindi ko alam ang gagawin ko kapag nakakita ako ng ahas.
"Ysa, huwag kang gagalaw," mahinahong saad niya.
Hindi ko siya maintindihan kaya tinapunan ko siya nang masamang tingin. Kukunin ko lang ang walis kasi kailangan kong maglinis tapos ito ang sasabihin niya sa akin?
"Bakit naman kita susundin—"
"Saan itong itak niyo?" tanong niya bigla saka tumayo sa kaniyang pagkakahiga sa duyan.
"Bakit—"
"Saan, Ysa? Sagutin mo na lang," nagtitimping tanong niya sa akin.
"S-sa kusina. Malapit sa lababo—"
Hindi ko pa natatapos ang sasabihin ko nang bigla siyang pumasok ng bahay namin. Bago pa man ako mag-react ay may narinig akong kaluskos sa aking likuran.
Napalunok ako dahil sa takot. Sinasabi ng katawan ko na umalis na ako dahil delikado pero parang nanigas yata sa ako sa aking kinatatayuan lalo na nang maalala ko ang sinabi sa akin ng lalaking iyon.
"Ysa, huwag kang gagalaw."
Kaya ba nagtitimpi na siya kanina kasi may nakikita na siya sa likod ko na hindi ko napansin?
Mabilis siyang lumabas ng aming bahay dala-dala ang itak at mga kutsilyo saka tumakbo papalapit sa akin. Ngunit sa gulat ko ay hindi ako nakagalaw. Ilang hakbang na lang kasi siya sa akain ngunit tumigil siya at mabilis niyang ibinato nang sunod-sunod ang itak at mga kutsilyong hawak niya.
Hindi ko alam kung bakit nakatitig lamang ako sa kaniyang mga mata ngunit pagkaraan nang ilang segundo ay mabilis siyang napunta sa akin at saka ipinulupot niya ang kaniyang matigas na bisig sa aking bewang at mabilis na inilayo ako sa lugar na iyon.
"Sh-t! Muntikan ka nang kagatin ng ahas."