Umiling ako nang ilang beses nang maalala ko ang mukha kong napasubsob sa dibdib ni Vaughn. Hanggang ngayon ay nasa ilong ko pa rin ang kaniyang amoy. Wala na yatang balak umalis ang amoy na iyon kahit ilang beses akong suminghot ng pabango ko. Ramdam ko rin ang init ng kaniyang balat noon at hanggang ngayon ay hindi ko pa nakakalimutan.
Bumuga ako ng hangin at ipinagpatuloy na lang ang paglalaba dahil natambakan na naman ako pero ang mabuti ay kahit papaano nakakapag-adjust na rin ang aking katawan at mas bumibilis na rin ang aking paglalaba.
Napakain ko na rin naman ang kapatid ko. Hindi ko nga siya naririnig magsalita pero alam kong busy iyon sa pagbabasa ng mga pocket book. Kaya pinag-iisipan ko ring bumili pa ng mga pocket book para may mabasa ang kapatid ko at kahit papaano ay matuto siya sa pagbabasa.
Target ko ring bumili ng mga dictionary at mga English novels para may mabasa ring English si Mia at para na rin matuto siya. Wala kasi akong panahon sa pagbabasa ng kuwento dahil kailangan kong kumayod nang husto. Kaya mas mabuting bilhan ko siya ng mga ganoon para matulungan niya ang kaniyang sarili.
Nakakaintindi naman ako ng English pero hindi ako marunong magsalita. Hindi ako ganoon ka-confident dahil hindi naman kasi ako nakapagtapos ng pag-aaral.
Pagkatapos kong makapagsampay, lumitaw na naman ang lalaking pinaka ayaw kong makita.
"Ysa," tawag niya sa akin.
Hindi siya pumasok ng gate at nakatingin lang sa akin habang nakapamulsa.
Nagsalubong ang aking kilay ay namaywang sa kaniyang harapan kaya lumitaw ang ngisi sa kaniyang labi.
"Sama ka? Punta ako sa falls," aya niya sa akin.
Gusto kong sumama dahil matagal-tagal na rin noong huli akong nagpunta sa falls. Ngunit dahil walang kasama ang aking kapatid, umiling lamang ako.
"Walang kasama ang kapatid ko," wika ko.
Natigilan naman siya sa aking sinabi. Nakita na niya ang kapatid ko sa ganoong kalagayan kaya sigurado akong mag-aalala rin siya lalo pa at wala naman akong kasama rito ngayon dahil wala si Mama.
"Hindi ba siya puwedeng sumama?" tanong siya sa akin.
Alam kong umaasa siyang sasama ako pero ang priority ko talaga ay ang kapatid ko. Dapat ko kasi talaga siyang bantayan lalo pa at minsan ay kailangan niya ng tulong ko.
"Hindi puwede," maikling wika ko.
Ngunit gusto ko talagang sumama lalo pa at matagal na noong huli akong nagpunta roon. Ilang taon na rin ang nakalipas at sigurado akong marami na rin ang nagbago.
Bumuga ako ng hangin at lumingon muli sa lalaking naghihintay sa akin sa labas ng gate namin.
Ilang linggo na yata ang lumipas magmula nang magkakilala kami pero hindi ko pa nababanggit ang kaniyang pangalan.
Parang hindi kasi yata tamang tawagin ko siya sa kaniyang pangalan lalo pa at hindi naman kami magkakilala nang husto. Ngunit tinatawag naman niya ako sa aking pangalan. Kaya wala naman sigurong masama kung tatawagin ko rin siya sa pangalan niya, hindi ba?
"Pero susubukan ko. Bibilinan ko lang si Mia," saad ko. "Vaughn."
Nakita kong nabigla siya pero kaagad din akong tumalikod dahil hindi ko nakayanan ang kabog ng aking puso at kahihiyan.
Hindi ko alam kung bakit ako nahihiya kahit normal lang naman na tawagin ko ang pangalan niya. Ngunit habang tumatagal kasi, alam kong may iba akong nararamdaman.
Hindi naman ako inosente para hindi matukoy ito pero hindi kasi puwede. Marami pa akong dapat gawin at hindi ko dapat iyon puwedeng patagalin lalo pa at hindi na namin sigurado kung ilang taon na lang ang natitira sa buhay ng kapatid ko. Kaya as much as possible, kailangan kong mag-ipon nang mag-ipon dahil para sa kaniya rin naman ito at para sa aking ina.
"Mia," tawag ko sa kaniya nang makita ko siyang nakahiga at nagbabasa ng libro.
Umangat naman ang kaniyang mga mata at napaawang ang kaniyang labi nang kaunti. Marahil ay may mga binibigkas siya mga salita kanina habang nagbabasa.
"May pupuntahan ako saglit, Mia, ha? Huwag kang lalabas at huwag na huwag mo ring bubuksan ang pinto lalo na kapag hindi naman ako iyong nagsasalita," paalala ko sa kaniya.
"Sige po, ate," saad niya at tumango nang kaunti. "Matatagalan ka po ba, ate?"
"Hindi ko lang sigurado, Mia. Pero susubukan ko. Nakapagsaing na rin naman ako at nakapagluto na ako ng ulam mo," sagot ko naman. "Saglit lang ako, ha? Huwag kang aalis."
"Opo, ate."
Yumuko ako at mabilis na hinalikan ang kaniyang ulo saka mabilis na isinara ang pinto. Naka-lock na rin ang pinto at alam ni Mia kung saan nakalagay ang lock.
Nakasara rin ang ilan naming bintana at kaunting siwang lang ang iniwan ko para makapasok ang hangin.
Nang makita ako ni Vaughn na papalapit sa kaniya at mabilis siyang umayos ng tayo.
Tinulungan niya akong buksan at isara ang gate namin saka siya nagsimulang naglakad palayo sa akin.
Nangunot ang aking noo habang tinitingnan siyang maglakad. Sinenyasan niya rin akong maghintay muna hanggang sa lumipas ang ilang minuto, nakita kong may nakasunod na sa kaniyang kabayo.
"Sa inyo ba iyan?" tanong ko sa kaniya.
Ngumiti lang siya ng tipid at umiling. "Hindi. Inarkila ko lang sa kaibigan ko."
Mangilan-ngilan lang ang kabayo rito sa amin dahil ang madalas ay mga kalabaw at baka. Pero kung kabayo ang usapan, iyong mga may kaya lamang ang may kakayahang magkaroon nito.
"Kaya mong sumakay?" tanong niya sa akin.
Sa totoo lang ay hindi ko kaya pero nakakahiya naman kasing magpatulong sa kaniya kaya sinabi ko na lang na oo kahit hindi naman.
"Para ka lang sasakay ng bisikleta," paliwanag niya. "Apakan mo ito tapos gagabayan na lang kita para hindi ka mahulog."
Huminga ako nang malalim at napalingon sa kaniya. Ngunit seryoso siya masyado at hindi mo makikitaan ng pagbibiro ang kaniyang mukha. Puwedeng-puwede ko naman siyang pagkatiwalaan dahil alam kong wala naman siyang gagawing masama sa akin dahil ilang araw na rin kaming nagkikita at nagkakausap.
Hindi lang maganda ang pagkikita namin noon dahil pakialamero talaga siya at pilit akong tinutulungan kahit ayaw ko naman.
Sinunod ko ang kaniyang sinabi ngunit naramdaman ko ang kaniyang mainit na palad sa aking bewang para tulungan akong iangat sa kabayo.
Nang makasakay ako ay mabilis din siyang sumakay at saka pinatakbo nang mabilis ang kabayo.
Medyo napangiwi nga lang ako dahil yumuyugyog ang aking dibdib kaya mabilis kong hinanap ang kaniyang hita at saka kinurot ito.
"Bakit?" kalmadong tanong niya sa akin na para bang hindi man lang nasaktan sa aking pagkakurot.
"Masakit kapag mabilis," sita ko sa kaniya.
Hindi ko alam kung naintindihan niya ang sinasabi ko pero mukhang oo dahil bumagal ang pagtakbo ng kabayo hanggang sa marating namin ang falls na tinutukoy niya kanina.
Halos malula naman ako sa ganda lalo pa at hindi gaanong malakas ang tubig na bumabagsak.
Tinulungan niya akong bumaba at nagpaalam saglit para itali ang kabayo sa may lilim.
Ngunit masyado na akong naalaw sa ganda ng falls kaya mabilis akong nagtanggal ng damit. Walang masyadong tao rito dahil mangilan-ngilan lang ang nakakaalam at malayo rin kasi ito sa barangay namin.
Ang kilala lang nilang falls ay iyong malapit sa amin at maraming tao ang nagpupunta roon palagi.
Nakasuot ako ng bra at panty. Hindi naman ito masyadong revealing. Sakto lang para matakpan ang mga bagay na dapat takpan.
Kaagad akong lumusong sa tubig at napapikit na lang nang yakapin ako ng tubig.
Ngunit natigilan ako at napamulat nang may mabilis nang tumunog ang tubig na para bang may tumalon.
Nang lumingon ako sa pinanggalingan ng talon, naramdaman kong may umahon sa aking harapan at mabilis hinapit ang aking bewang.
"Sino ang nagsabing basta-basta ka na lang magtatanggal ng damit?"