“Kuya..” mangiyak ngiyak na bungad ni Jean sa kuya Brandy niya nang pagbuksan siya nito ng pinto ng silid nito.
“Jean? kaloka! bakit ganiyan ang hitsura mo? papasa ka ng zombie sa The Walking Dead!” nahihintakutang hinila siya nito papasok sa loob ng silid.
Ala una na ng madaling araw at hindi siya makatulog kaya kumatok siya sa silid nito. Para siyang robot na basta na lang nito inakay at iginiya paupo sa gilid ng kama.
“Anong problema?”
“K-kuya..mahal ako ni Zac,” umiiyak na sabi niya. Naguguluhang pinagmasdan siya nito.
“May problema ba kung mahal ka niya?”
“Nalilito ako eh.. ang tanga ko..” sa pagitan ng paghikbi ay ipinaliwanag niya dito ang buong pangyayari.
Mula sa umpisa kung papaano sila nagkakilala ni Zac at kung papaano sila nauwi sa pagpapanggap. Kahit ang muling pagsulpot ni Edison ay ipinagtapat na rin niya dito.
Batid niya na nagulat ang kuya Brandy niya sa mga natuklasan kaya hindi niya magawang salubungin ang tingin nito.
“Kuya, sorry ha? hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga ako makawala sa anino ni Edison.”
Sa halip na pagalitan siya ay pinunasan lamang nito ang mga luha niya at tinapik ang magkabilang pisngi niya.
“Ang kawawa kong bunso. Dahil sa pag eemote ko ay hindi ko na napansin na may sariling problema ka rin pala.” naaawang sabi nito. Sinabi niya ang nangyari kanina sa parke kung saan bigla siyang hinalikan ni Edison sa pisngi.
“Anong naramdaman mo?” tanong nito.
“W-wala..”
“Walang sparks?”
“Wala. Hindi na kagaya ng dati na makita ko pa lang siya ay bumibilis na ang t***k ng puso ko. Walang slowmo na nagaganap kapag ngumingiti siya. Hindi na ganoon kalakas ang epekto niya sa akin.”
Ngumiti ang kapatid at tinapik ang ibabaw ng ulo niya.
“Dahil nga hindi mo na siya mahal.”
“Kuya.” awang ang mga labing anas niya.
“Kasi nga, Jean hindi mo na nararamdaman sa kaniya ang mga naramdaman mo noong kayo pa. Hindi mo na siya mahal at nalilito ka lang dahil masyado mong ibinuhos ang lahat ng atensiyon at pagmamahal mo sa kaniya noon. Noon pa man ay itinatak mo na sa isip mo na siya ang magiging kasama mo sa hinaharap. Na siya ang kahapon, ngayon at bukas mo. Nahihirapan kang pakawalan siya dahil ikinulong mo ang sarili mo sa mga alaala ninyo. Hinayaan mo ang sarili mong makulong sa mga masasayang oras kasama siya at nanghihinayang ka na basta na lang kalimutan iyon. Gumising ka na baby sister.”
Napahikbi siya nang hawakan siya ng kapatid sa magkabilang balikat.
“Si Zac ang lalaking nararapat sa'yo, hindi lang dahil pareho kayo ng estado sa buhay. Mahal ka niya at hindi ka niya hahayaan na tuluyan pang malito kaya lumayo na muna siya. Nangako siya na maghihintay sa'yo dahil umaasa siya na darating ang panahon na matatanggap mo na tapos na ang kabanata ng buhay mo kasama si Edison. Move on na, baby girl. May panibagong kabanata kang dapat harapin at hindi ka na mag isa dahil may kasama ka na at nasisiguro ako na hinding hindi ka iiwan ni Zac, may sapat na dahilan man siya o wala.”
Hindi siya nakapagsalita dahil tuluyan ng naumid ang dila niya. Hinayaan niya ang sarili na pag isipan ang mga sinabi ng kuya niya. Tama ito, hinayaan niya ang sarili na mabuhay sa nakaraan dahil pakiramdam niya ay isang malaking investment iyon.
Hinawakan ng kuya Brandy ang baba niya at iniangat nito ang ulo niya para magtama ang mga mata nila.
“Tatanungin kita.. kung sakay ka ng isang papalubog na bangka at kasama mo ang ex boyfriend mo at si Zac sino ang unang ililigtas mo?”
Huminga siya ng malalim bago sumagot.
“Si Zac.”
“Kung nasa itaas ka ng isang bangin at parehong humihingi ng saklolo sayo si Edison at Zac habang inaabot nila ang mga kamay nila sayo ay kaninong kamay ang una mong aabutin?”
“Kay Zac..”
“Kung nasa ospital ka dahil nalaman mo na parehong naaksidente sila Edison at Zac ay sino ang unang lalapitan mo?”
“Si Zac.”
“Bakit?”
Sumikdo ng malakas ang dibdib niya at seryosong sinagot ang tanong nito.
“Dahil mahal ko siya at siguradong sigurado na ako ngayon sa bagay na iyan.”
☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆☆
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Jean bago siya nagpasiyang ituloy ang paglalakad sa bakuran ng pamilya nila Edison. Sa loob ng ilang taon na tumigil na siya sa pagbisita sa mga ito ay malaki na ang ipinagbago ng lugar.
Ang dating giba-giba ng bahay na yari sa kahoy ay sementado na. May extension na rin iyon dahil nagkaroon na ng garahe sa bungad at may second floor na rin ang bahay. May pintura na at higit sa lahat ay nakapagpakabit pa ng aircon.
Kahit papaano ay naging masaya siya sa nakikitang pag asenso ng dating nobyo. Ang sasakyan ni Edison ay nakaparada sa garahe kaya tiyak na naroon pa ito. Mabuti kung ganoon dahil gusto niyang makipag usap dito. Gusto niyang pormal na magpaalam dito at sa pamilya nito. Hindi na sila dapat pa na magkaroon ng ugnayan dahil gusto na niyang harapin ang bagong kabanata ng buhay niya na wala ang mga alaala nito. Gusto niyang gumawa ng masasayang alaala kasama ang lalaking mahal niya.
Lakas loob na dumungaw siya sa pinto nang mapansin niya na nakabukas na iyon kaya hindi na siya nag abalang kumatok pa. Nakatayo siya sa may pinto at malaya niyang makikita ang kilos ng mga tao sa sala ng bahay. Ang ate Berna ni Edison ay abala sa mga resibong hawak nito habang nakayuko.
Ang nanay ng mga ito ay panay ang pindot sa calculator at parang nanggigigil na. Si Edison naman ay nakatayo lang sa isang sulok at parang may malaking problema. Namumutla kasi ito at panay ang iling. Natigilan siya ng marinig na binanggit ng kapatid ni Edison ang pangalan niya.
“Yan! yan ang sinasabi ko sa inyo eh. Dapat kasi noon pa ay pinakitunguhan na ninyo ng maganda ang Jean na iyon. Oh, di sana ngayon nakahiga tayo sa salapi at hindi ako nahihirapan sa paghahagilap ng pangtuition fee ng mga pamangkin mo.” asik ni Ate Berna sa bunsong kapatid.
“Ate naman eh, bakit naman kasi sa private school mo pa pinag aral ang mga anak mo? nasa UK pa lang ako ay sinabi ko na sa inyo na naubos na ang pera ko dahil nga nalugi ang itinayo naming negosyo ni Mareth.”
“Siraulo ka kasi! isa pang walanghiya yan kalive in mo eh! nang masiguro na wala ng mahihita pa sa'yo ay basta ka na lang iniwan at sumama sa ibang lalaki. Ano na ang gagawin natin ngayon, ha? nakikita mo ba ang sangkaterbang resibo na hawak ng ate mo? bill ng ilaw, tubig, internet at kung anu-ano pang bayarin dahil ang lakas ng loob ninyong kumuha ng mga appliances. Isang buwan ka pa lang dito sa Pilipinas ay puro sakit na ng ulo ang dala mo. At ang sasakyan na yan! lintik ka Edison! umutang ka pa ng kakarag karag na sasakyan sa kumpare mo, wala ka naman ibabayad.”
“Eh, kasi naman itong si Edison hindi ginagamit ang utak. Pinapili naman pala siya noon ng daddy ni Jean kung ano ang gusto niya eh. Dapat kasi ng ioffer sa kaniya ng matandang intsik na iyon na pababalikin siya sa pag aaral at sasagutin ang lahat ng gastos ay tinanggap na niya. Sana ngayon ay professional na siya. Mas pinili pa niya ang second option, aalis na lang bitbit ang malaking salapi. Umalwan nga ang buhay natin pero pagkalipas ng ilang taon tingnan ninyo, babalik na naman ba tayo sa hirap?”
Para siyang pinagbagsakan ng langit dahil sa sinabi ni Ate Berna. Bumilis ang paghinga niya kasabay ng unti unting paninikip ng dibdib niya. Naikuyom niya ang mga palad at hindi makapaniwalang pinagmasdan ang dating nobyo.
“Eh, ano ba naman ang malay ko na malulugi ang negosyong pinasok namin sa UK? saka hindi ko naman sinolo ang pera, ha? nagbuhay mayaman man ako sa ibang bansa ay hindi ko kayo nakalimutan. Nagpapadala naman ako ng pera noon sa inyo. Hayaan na nga, sinusuyo ko na ulit si Jean. Tutal naman ay wala na rin akong pag asang makabalik pa sa UK dahil wala na akong pera maliban sa kaunting naipon ko.”
“May kaunting ipon ka naman pala bakit hindi mo ibigay sa amin?” singhal ng nanay ng mga ito.
“Nay naman, hindi naman pwedeng sumugod ako sa laban ng walang bala. Ang lagay ba ay manunuyo ako kay Jean ng walang dalang imported chocolates? saka papaano ang gasolina ng sasakyan? magastos na manligaw ngayon. Kaunting tiis na lang muna at kapag napasagot ko na si Jean ay aalukin ko na agad siya ng kasal para makaahon ulit tayo. Si Jean na lang ang tanging pag asa para hindi ulit tayo malugmok sa hirap.”
Nagkatunog ang kanina lamang ay impit na pagtangis niya. Gulat na tumingin naman sa kaniya ang mga ito.
“Jean..” namutla si Edison nang makita siya.
Nabahag ang mga buntot ng nanay at ate nito dahil sa presensiya niya. Nawala ang kanina lamang ay tapang na animo ay nakahandang manunggab ng kaaway.
Mabilis na nilapitan siya ni Edison at tinangkang hawakan sa kanang braso pero umiwas siya. Umigkas ang palad niya at binigyan ito ng mag asawang sampal.
“Masaya ka na? plano mo akong suyuin ulit dahil ano? dahil sa pera! pera na lang ba talaga ang mahalaga sa'yo? sana hindi ka na lang bumalik at ginulo pa ako. Alam mo ba kung gaano kahirap sa akin na malaman ang lahat ngayon, ha? para mo na rin ipinamukha sa akin kung gaano ako katanga dahil hinayaan kong lokohin mo ako ng paulit ulit.” nanginginig sa galit na binayo niya ito sa dibdib.
“Ang kapal ng mukha mo! ang lakas ng loob mong tumanggap ng pera sa daddy ko! mas masahol ka pa sa inaakala ko! ano ba ang ginawa ko sa'yo, ha? hindi ba ako naging mabuting girlfriend? hindi pa ba sapat na lokohin mo ako ng isang beses? kulang pa ba?” halos namumula na ang mga kamay dahil dahil sa paulit ulit na paghampas niya sa matigas na katawan nito.
Nang mapagod ay nanghihinang tumigil na siya at naglakad palayo. Humabol naman ito at tinawag siya. Hindi na niya ito pinakinggan at basta na lamang siya pumara ng taxi sa labas. Nagpahatid siya sa mansiyon dahil gusto niyang makausap ang mga magulang niya. Gusto niyang marinig mula sa mga ito ang buong katotohanan.
Pagkauwi ay agad na hinanap niya ang daddy niya. Nakita niya ito sa mini library na abala sa papeles na binabasa nito.
“Dad..” humihikbing bungad niya dito. Nagulat ito nang makita ang nakakaawang hitsura niya. Tumayo ito at ibinuka ang mga bisig. Para siyang paslit na tumakbo palapit sa ama at yumakap ng mahigpit dito.
“A-alam ko na ang lahat..alam ko na ngayon na niloloko lang ako ni Edison nang sabihin niya sa akin na umalis siya ng bansa para magtrabaho kaya siya nawala noon. B-binigyan mo siya ng pera kaya niya ako iniwan. Gusto kong magalit sa inyo ni mommy pero alam ko na may rason kayo kung bakit ninyo iyon ginawa.”
“My poor baby girl...... sinabi na sa amin ng kuya mo ang lahat kaya hindi namin maiwasang mag alala para sa'yo. Kaya lang hija, laban mo iyan. Hindi kami pwedeng makialam na lang at alam ko na malalampasan mo din ang lahat.” naaawang hinagod nito ang likod niya.
Ipinaliwanag ng ama sa kaniya ang buong pangyayari bago umalis ng walang paalam noon si Edison. Natuklasan pala ng mga magulang niya na malaki ang nababawas sa pera niya sa bangko kaya agad na nagduda ang daddy niya at nagpaimbestiga.
Ayon sa detective na inupahan nito ay tumigil na sa pag aaral si Edison ng matanggal ito sa scholarship at mali ang inaakala niya noon na nagpatuloy pa ito sa pagpasok. Nang malaman nito na ibinibigay niya ang pera niya sa nobyo ay natakot itong komprontahin siya. Sinubukan nito kung hanggang saan ang pagmamahal sa kaniya ni Edison at nagbigay ito ng dalawang option sa binata.
Ang unang option ay babalik sa pag aaral si Edison at hindi na muling tatanggap pa ng pera mula sa kaniya. Ang mismong ama na niya ang gagastos sa pag aaral nito. Ang ikalawang option ay tatanggapin nito ang malaking halaga na ibibigay ng ama kapalit ng kasunduan na lalayo na ito sa kaniya.
Mapait na ngumiti siya at nag angat ng tingin sa daddy niya.
“Pera lang ba talaga ang magpapatakbo sa buhay ng tao, dad?”
“Hindi anak.. maaaring may mga bagay na kayang bilihin ng pera pero hindi ang pagmamahal. Kapag may tao na totoong nagmahal sa'yo ay hinding hindi ka niya lalagyan ng presyo sa ibabaw ng ulo mo. Hindi niya bibigyan ng pagkakataon ang kahit na sino na bilihin ang pagmamahal mo.”
Kahit papaano ay nabawasan ang matinding sakit na nararamdaman niya dahil sa narinig. Alam niya na maghihilom din ang sugat sa puso niya at hindi magtatagal ay makakalimutan niya ang lahat ng masasakit na pangyayari sa buhay niya.
“Pero bago ang lahat ay kailangan mo na muna sigurong mamili sa kanila bago pa tuluyang dumating ang mga pulis.”
“Po?” nagulantang siya nang lumapit ang kaniyang ama sa may bintana. Hawak nito ang isang palad niya kaya napilitan siyang sumunod dito. Namutla siya nang makita niya si Zac na inuundayan ng suntok si Edison sa labas ng gate nila.
“Zac!” para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang makita na kamuntik na itong masipa ni Edison sa tiyan. Mabilis pa sa alas kuwatro na kumaripas na siya ng takbo para awatin ang dalawang lalaki.