1
MASAKIT ang mabigo sa first love at marami ang nahihirapan na magmove on dahil sa matinding epekto nito sa isang tao. Kaya para sa isang biguan na kagaya ni Jean -na nakaranas ng matinding sakit na dulot ng first break up niya- ay isang madaling paraan ng pagmove on ang paghahanap ng bagong pag ibig.
Subukang hagilapin si Mr. Right. Kahit saan. Kahit sa loob ng mall, sa public toilet, sa school, sa palengke, sa gitna ng kalsada. At kapag natagpuan mo na siya hindi mo dapat pang pakawalan ang moment na iyon.
"Eh, dakilang shonga ka pala eh,"
Natigil si Jean sa pakikinig ng paborito niyang radio program nang marinig ang tinig ng kuya Brandy niya. Nakakunot noong nilingon niya ito. Nakatutok ang mga mata nito sa daan habang nagmamaneho ng kotse pero ang atensiyon naman nito ay nasa sinasabi ng sikat na radio DJ.
"Ako?" kunot noong tanong niya sa nag iisang kapatid.
"Hindi ikaw, iyon radio dj. Pero oo nga pala, pwedeng ikaw rin ang tinutukoy ko."
"Kuya!" inis na napapiksi siya.
Madalas na ganoon ang eksena sa tuwing magkasama silang dalawa ng kuya Brandy niya. Kahit lalaki ito ay hindi nito itinago sa pamilya nila ang pagiging pusong babae nito. Kaya nga magkasundo sila dahil batid niyang naiintindihan nito ang mga sintemyento niya sa buhay.
"Ate..ate ang itawag mo sa akin. Ilan beses ko ba dapat sa'yo ipaalala ha? isa pang marinig ko sa'yo iyan at ihahagis na kita sa outer space."
Napalabi siya. Mas gusto sana niyang manahimik pero hindi talaga niya kayang tiisin na hindi isiwalat sa kapatid niya ang mga hinanakit niya.
"Ichika mo na kasi baby girl, mahirap iyan tiisin at baka sa iba pa lumabas ang itinatago mong sama ng loob." dagdag pa ng kuya niya.
Nakagat niya ang mga labi. Bente tres anyos na siya pero 'baby girl' pa rin ang tawag nito sa kaniya. Marahil ay mahihirapan itong hindi siya tawagin ng ganoon dahil ultimo ang mga magulang niya ay 'baby girl' ang tawag sa kaniya.
Bunso kasi siya at nag iisang anak na babae pa kaya marahil naibuhos sa kaniya ng pamilya niya ang buong pagmamahal at atensiyon ng mga ito. Mas matanda sa kaniya ng limang taon ang kapatid niya at isa itong kilalang TV host sa bansa.
"Kasi nga 'di ba kagabi pa ako hindi kinakausap ni Leo. Feeling ko nainis siya dahil napansin niya na hindi siya tanggap nila daddy." nakangiwing wika niya nang lingunin niya ito.
Ang tinutukoy niyang Leo ay ang nobyo niya. Pagkatapos kasi niya itong ipakilala sa mga magulang niya kagabi ay umuwi itong walang imik at hindi man lang nag abalang itext o tawagan siya.
Malakas na humagalpak ng tawa ang katabi niya kaya nagsalubong ang mga kilay niya.
"May nakakatawa ba sa sinabi ko Mr. Brandy Tan?" nanggigigil na tanong niya.
"Sinong hindi matatawa? alam mo kahit naman hindi boto sila mommy sa relasyon ninyo ni Leo ay wala na rin silang magagawa. Basta ako sis, botong boto ako sa relasyon ninyong dalawa."
"T-talaga?" namimilog ang mga matang hinawakan niya ang kanang braso ng kapatid niya. "O.M.G! kuya-ate pala! I love you na talaga. Tama ako nga ako, hinding hindi mo talaga ako bibiguin."
"Alam mo kung bakit kayo bagay?" nakangising tanong nito sa kaniya.
Umiling siya at nagwika.
"Bakit?".
"Dahil ahente siya ng Life Plan at ikaw may negosyo ka namang flower shop. Bagay na bagay kayo dahil kapag namatayan siya ng kliyente pwede na rin niyang alukin ng bulaklak ang mga kamag anak na naiwan 'di ba?" pagkatapos ipaliwanag ang dahilan kung bakit boto ito sa boyfriend niya ay muli itong humagalpak ng tawa.
"Grabe ka naman!" mangiyak ngiyak na hinampas niya ito sa braso. Pareho silang tumili ng bahagyang gumewang ang takbo ng sasakyan.
"Xenia Jean Tan! gusto mo na bang mamatay kaagad at gamitin ng maaga ang life plan na kinuha mo sa boyfriend mo, ha?" tili ng kuya Brandy niya.
Napasigok si Jean. Sa kagustuhan niyang makalimutan ang unang nobyo niya ay pinilit niya ang sariling maghanap ng iba. Kagaya nga nang sinabi ng Radio Dj kanina ay pwede namang subukan na hanapin si Mr. Right sa kahit saang lugar. At kahit marahil sa South Africa ay willing siyang magtour makalimutan lang niya ang matinding sakit na dulot ng first love niya.
Nakinig naman ang langit sa dasal niya noon dahil nakilala niya ang second boyfriend niya na si Wex. Kaya lang ay hindi rin sila nagtagal dahil ito ang mismong nakipaghiwalay sa kaniya. Natuklasan na lang niya na ipinagkasundo pala ito ng mga magulang nito sa childhood friend nito. Si Jack naman na third boyfriend niya ay nagawa pa niyang ipakilala sa kuya Brandy niya. Nakipaghiwalay ito sa kaniya pagkatapos nitong aminin na isa pala itong binabae.
At ang pang apat na nobyo niya ay si Leo. Hindi niya mapigilan ang mapailing. Dalawang linggo pa lamang ang relasyon nila at nang sabihin nito na gusto nitong makilala ang pamilya niya ay pumayag kaagad siya. Wala siyang ideya na magiging isang malaking disaster pala ang pagkikita ng nobyo at mga magulang niya, excited pa naman siya.
"Ikaw naman kasi, bakit naman kasi ahente pa ng life plan ang jinowa mo." tila nakonsensiya naman ang kuya Brandy niya nang mapansin na malapit na siyang pumalahaw ng iyak. Inabot nito ang kamay niya at marahang pinisil iyon.
"Hayaan mo na, yayaman naman kayo dahil magkalapit lang ang linya ng mga career ninyo."
"Kuya!" tuluyan na siyang humikbi. Mahinang tumawa ito at tinapik ang kamay niya.
"Sorry na.. sorry na.."
"Ikaw kasi eh.." umatungal na siya. Aminado siya na medyo masama ang loob niya sa mga magulang niya.
Kasi naman ay hindi matanggap ng mga ito ang estado sa buhay ng nobyo niya. Dahil purong intsik ang ama niya ay gusto nito na makapag asawa siya ng isang kagaya nito na negosyante. May pag aaring textile company ang kaniyang ama na minana pa nito sa namayapang lolo niya.
"Ba..bakit kasi hindi na lang ninyo tanggapin na hindi naman natin kagaya si Leo na nagmula sa mayamang pamilya. Simple lang ang buhay nila pero hindi naman sila naghihirap na kagaya ng iniisip ninyo."
"Jeez! sinong hindi maiinis sa boyfriend mo? alukin ba naman niya ng life insurance sila daddy. Aba! pasalamat ka nga at hindi inatake ng highblood si daddy kagabi." sermon nito.
Napalabi siya. "Ano ba ang malay ko na maliban sa gusto niyang makilala sila daddy ay ipapaliwanag din pala niya sa inyo ang mga offer ng kompanya nila."
"Kaya nga.. hindi siya nakipagkita sa amin at pumunta sa bahay natin dahil lang gusto niya kaming makilala, may ibang motibo pa siya. Gusto niya kaming bentahan ng kabaong para lumaki ang sales niya. At mantakin mo naman na binilang pa niya sa mga daliri niya kung ilan taon pa mabubuhay si daddy kung hindi tatamaan ng malubhang sakit o kaya ay maaaksidente. Eh, 'di galit na galit tuloy ang matanda." Natatawang saad nito.
Inis na napapikit siya. Totoo ang sinabi nito, dahil sa matinding galit ng daddy nila ay nagwalk out pa ito. Wala tuloy siyang nagawa kundi ang pauwiin ang nobyo niya dahil napansin niya na masama na ang tingin ng mommy niya dito.
Narinig niyang tumunog ang cellphone niya kaya hindi na niya pinansin pa ang kapatid. Mabilis ang mga kilos na kinuha niya mula sa bag ang cellphone at binasa ang natanggap na text message.
Babe. Sorry medyo nagtampo lang ako dahil sa nangyari kagabi. Nandito ako now sa Hernandez Hospital dahil nasa ospital ang tita ko. Usap na lang tayo later.
Kumabog ng malakas ang dibdib niya nang mabasa ang text ni Leo. Malakas na nahampas niya sa braso ang kuya Brandy niya.
"What?" nagtatakang tanong naman nito.
"Sa Hernandez Hospital mo ako ihatid, bilis!"
"Huh? bakit? may sakit ka?" nag aalalang sinalat nito ang noo niya. Tinabig naman niya ang kamay nito at nagsalita.
"Nasa ospital si Leo dahil dadalawin niya ang tita niya. Kailangan ko siyang puntahan ngayon dahil ayoko ng patagalin pa ang tampuhan namin. Feeling ko kapag lumipas pa ang isang oras ay mas lalo kaming magkakaroon ng gap."
"Papaano ang flower shop mo?"
Napabuntong hininga siya. Dapat kasi ay ihahatid siya nito sa flower shop na pag aari niya.
"Bahala na! basta ihatid mo ako sa ospital. Bilis! bilis! bilis!" aniya at niyugyog ang kanang braso nito.
"Aray-oo na!" nakasimangot na sinunod nito ang utos niya. "Akala ko ba ay takot ka sa ospital dahil simula ng mamatay si Lolo ay never ka nang nagpunta sa mga ospital?"
Natigilan siya nang maalala na may phobia nga pala siya sa mga ospital. Kaya nga kahit nagkakasakit siya ay mas pinipili niya na sa bahay na lang magpagaling. Dahil malapit siya sa lolo niya ay naging bangungot para sa kaniya ang pagkamatay nito.
Nasaksihan niya kung papaano ito mawalan ng buhay sa ospital at doon nagsimula ang phobia niya.
"Kaya mo ba?" basag ng kapatid niya sa pananahimik niya.
Nagsisikip ang dibdib ni Jean. Kaya nga ba niya?
Ah! bahala na!