Sinong hindi maiinis dahil doon?
Sobra kong kinaiinisan ang sarili ko. Para akong tanga dahil may palaglag-panga pa akong nalalaman. Kung tutuusin ay hindi naman ganoon ka-big deal ang malaman na may nagkakagusto sa akin pero bakit nang si Harlet ang nagsabi no’n ay para akong nawala sa katinuan?
Dati ko siyang crush pero noon pa iyon at hindi naman nagtagal. Sadyang nakontrol ko pa dahil alam ko kung ano ang nasa tuktok ng aking prayoridad. Pero ngayon? Masasabi kong wala ng kasiguraduhan ang lahat. Paano kung isang araw, mamamalayan ko na lang na may gusto na pala ako? Matitiis ko kayang hindi pormahan? Matitiis ko kayang hindi ligawan? Matitiis ko kayang iwasan?
Kung kakayanin, sana.
“Hindi ako sigurado, Harlet,” sagot ko nang mapulot ang phone at mahimasmasan. Kakainom ko lang ng tubig at mabuti hindi nabulunan. Ikaw ba namang tubig at asin lang ang ulam.
“Sige, pag-isipan mo kahit hanggang sa biyernes.”
“Titingnan ko ang sched. May practice kasi ako nu’n sa music team.”
“Music team?” nagtatakang ulit niya.
“Oo, sa church namin. Nagtutugtog ako ng gitara, pwede ring piano.”
“Born again christian ka?”
“Yupp. Ikaw ba?”
“Catholic,” aniya. Muli kong hinawakan ang kutsara at nagsalok ng pagkain sa mangkok.
“Pwede kang umattend sa’min kung gusto mo.”
“Oh? Talaga?”
“Oo naman, kahit sino. Basta pinahihintulutan ng relihiyon niyo.”
“Sige, gusto sana kasi kitang mapanood habang tumutugtog. Tuwing linggo ba ang simba niyo?”
“Oo, tuwing linggo. Alas diyes ng umaga.” Nang masabi iyon ay sinubo ko na ang kutsarang may pagkain. Kaagad ko na lang sinundan ng tubig dahil nalalasahan talaga ang alat.
“Makakapunta ako. Saan ba gawi ang church niyo?”
“Alam mo ang Plaza Rencio? Nasa tapat lang no’n.”
“Okay.”
“Aasahan kita ah?” Ngumisi ako.
“Yupp, makakapunta ako. Minsan lang naman eh.”
Nagtagal pa ang usapan namin sa cellphone. Pinalawig ko ang detalye tungkol sa mga aktibidad ng church namin at kung ano ang mga annual celebrations na dinadaluhan. Masyado naman akong ginahan sa pagkukwento kaya ganoon na lang ang gulat ko nang mamalayan na alas onse na pala ng gabi. Ibig sabihin, nagtagal ng halos oras ang linya namin!
Sinong hindi gaganahan sa tawag na iyon? Harlet’s a good listener. Siya iyong tipo na pakikinggan ka kahit na ano pang sinasabi mo. Ni hindi ko nga alam kung may sense na ba ang mga pinagsasasabi ko. Basta salita lang ako nang salita. Wala naman daw kasi siyang makwento dahil wala namang masyadong ganap sa buhay.
Maswerte siya dahil kahit anak siya sa labas, nagagawa pa rin siyang alalahanin ng mga magulang, sinusuportahan kahit na magkalayo at inaalala para sa gastusin at pag-aaral. Magagawa rin kaya iyon sa akin ng mga magulang ko? Heto, dise nuwebe anyos na, maraming taon na silang hindi nagpaparamdam kaya anong aasahan ko?
Masakit, oo. Pero wala eh, sanay na. Ang hindi ko lang maiwasang maramdaman ay ang inggit sa tuwing nakakakita ako ng mga taong kasama ang kanilang magulang. Nakakainggit na napunta sila sa mga responsable at tumutupad sa obligasyon. Alam ko ang sakit kaya iyon ang dapat na iwasan ko, sakaling magkaroon man ako ng anak.
Nang maibaba ang cellphone, saka ko nilinis ang lamesa. Naghugas din ako ng pinagkainan saka ginawa ang mga natitirang gawain. Pagbalik sa kwarto ay pinagmasdan kong maigi ang kalagayan ni Jaslo. Maingat akong lumapit upang ayusin ang pagkakayakap niya sa unan.
Hindi ko maunawaan ang sarili ko. Parang kailan lang talaga noong nanggigigil pa ako pero ngayon? Iba na. Nananaig na ang pagnanais ko na alagaan siya at hindi bitawan gaya ng ginawa ng mga magulang ko. He’s too young to experience this kind of treatment, too innocent to even witness how his family ruined.
Huminga ako nang malalim at tumungo sa study table. Umupo ako at binuklat ang libro na kinailangan ko pang basahin. Tiyak na tatanungin ako bukas ng coach kung ano ba ang mga na-review ko. Ano na lang ang isasagot ko kung wala talaga akong binasa?
Inaantok man, kinuha ko ang highlighter saka nagkabisa. Dalawang oras ko itong ginawa kaya halos ala una na nang makatulog. Nag-alarm ako ng alas singko ng madaling araw dahil sa oras na iyon ako bibili ng bigas, ulam, at gatas sa pinakamalapit na tindahan. Pilit man akong hinihila ng kama dahil sa matinding antok ay wala rin talaga akong nagawa.
Masarap pa rin ang tulog ni Jaslo. Magkatabi kaming natulog kaya buti na lang ay hindi natandyan ng mabigat kong paa.
Tahimik kong sinuot ang hoodie dahil sa lamig ng madaling araw. Tangan ang natitirang pera ay lumabas ako at tinahak ang daan kung saan ang paligid ay unti-unti nang inaagawan ng liwanag.
Gaya ng sadya ko nang marating ang tindahan, bumili ako ng bigas, pancit canton, sardinas, at ilang pakete ng milo at gatas. Buti na lang ay naalala ko pa ang paborito ng batang iyon. Ano kaya ang magiging reaksyon niya sakaling makakita ng milo?
“Jaguar?”
Paalis na sana ako ng tindahan nang biglang may humintong kotse sa harap ko at bumungad sa bumabang door glass si Carrie. Naka-school uniform na siya at mukhang papunta na sa campus. What the—ang aga-aga naman niya pumasok?
“U-uy, Carrie.”
Inayos ko ang pagkakabitbit sa sando bag kung saan nakalagay ang pinamili ko. Nakita kong bumaba ang tingin niya roon ngunit mabilis ding inangat sa akin.
“Papunta ka ng campus? Ang aga mo naman pumasok.”
“Sanay lang kasi talaga ako kaya nagagawa ko. Busy ka ba mamaya? Papatulong sana kami ni Mossa sa’yo.”
Napalunok ako nang marinig iyon. S-hit, pera na naman kaya ito?
“Basta nasa library lang ako.”
“Baka kasi ma-istorbo ka namin. Pasensya na agad sa abala ha?”
“W-wala ‘yon. Ayos lang.”
Kung sabagay, may bayad naman. Haha.
Mukhang pera na kung mukhang pera pero ‘di ba’t ito ang reyalidad? Sa pera rin naka-angkla ang lahat. Wala kang masarap na pagkain kung walang pera. Walang panggamot kung walang pera. Walang panggawa ng bahay kung walang pera. Ano kaya ang mangyayari sa mundong ito kung hindi sa salapi inaasa ang mga bagay-bagay?
Pagka-alis ng sasakyan, saka lang ako nagkaroon ng pagkakataon upang makapaglakad na pauwi. Pagdating naman ng bahay ay agad akong nagtimpla ng gatas para sa batang inabutan ko na nang gising.
“Thank you daddy!” aniya nang maiabot ko sa kaniya ang tasa ng gatas. Napangiti na lang ako nang wala sa sarili saka umupo sa tabi niya rito sa kama.
“Welcome, kiddo.”
Bago niya inumin ang tinimpla ko, pinanatili niya sa akin ang tingin at walang pag-aalinlangang nagtanong.
“Papasok ka sa iskol ngayon?”
Hindi ako nakasagot. Sa totoo lang kasi ay iyon din talaga ang tanong ko sa sarili ko. Paano ako makakapasok kung may batang maiiwan dito sa bahay?
Nahihiya na ako kay Aling Karay na mukhang hindi yata nakagawa ng gawain dahil sa kakulitan ng batang ito. Pero susubukan kong kausapin. Tatanungin ko muna upang makasiguro.
“Sandali lang.” Tumayo ako at akmang lalabas ng pinto.
“Saan ka po pupunta?”
Pilit akong ngumiti. “Diyan lang sa labas. Babalik din ako kaagad.”
Pagkatango niya ay saka na ako nakalabas. Quarter to six pa lang naman kaya marami-rami pa ang oras ko para gumayak.
Tinahak ko ang daan patungo sa bahay ni Aling Karay. Sa ilang sandali pa, nang marating ito ay mahinahon kong kinatok ang pinto.
“Tao po.”
Sa ikalimang katok ay bumukas ito. Sumalubong si Aling Karay na mukhang kagigising pa lang dahil medyo magulo pa ang buhok.
“Bakit, Jaguar?”
“Itatanong ko lang po sana kung pwede po ulit—” Hindi ko pa man natatapos ang sinasabi ay kaagad na siyang nagsalita.
“Ay pasensya na iho, aayusin ko kasi sa sentro ang pensyon ko kaya hindi muna ako makakapagbantay.”
“Uh, ganoon din po bukas?”
“Hindi ako sigurado eh. Maliban sa matagal ang proseso n’on, may iba din akong lakad ngayong linggo.”
Napalunok ako nang marinig iyon. S-hit, seryoso? Kung sakali mang isang linggo siyang mawawala, sino ang magbabantay kay Jaslo? Paano ako makakapasok? Paano ang training ko?
“S-sige po. Salamat.”
Bumagsak ang balikat ko nang isara niya ang pinto nang malakas. Halos kagatin ko na rin ang labi ko dahil napakalaking problema nito. Paano ko mairaraos ang linggong ito nang akong mag-isa lang? Una sa lahat, hindi ko siya pwedeng dalhin sa campus dahil masyadong makulit at alagain. Pangalawa, hindi ako pwedeng umabsent dahil masyado nang hectic ang sched, lalo na sa mga activities ng school organizations na sinalihan ko. At pangatlo, malapit na ang contest ko, dapat maipanalo ko iyon lalo’t ayaw kong mapunta sa wala ang pinaghirpan ko.
Pagkauwi ng bahay, nagsaing ako at binantayan nang nakaupo dito sa hapag. Nakapangalumbaba ako at tila wala na sa sarili. Samantala, nasa kwarto pa si Jaslo at kumakanta ng nursery rhymes. Natatawa na lang ako minsan dahil sa mali nitong lyrics.
Nang paluto na ang sinaing, saka ako nagkaroon ng pagkakataon upang tawagan si Harlet. Gagawa na lang ako ng palusot kung bakit liliban muna ngayong araw.
“Hello?” mahinhin niyang sagot sa kabilang linya.
“Nasa campus ka na?”
“Oo, nandito na ako.”
“Pwede pakisabi sa mga teachers natin na hindi ako makakapasok. Sobrang sama kasi ng pakiramdam ko…”
“Hala? Seryoso?”
Kinagat ko ang pang-ibabang labi. Halata ang pag-aalala niya kahit naririnig ko lang ang boses.
“Inuman mo ‘yan ng gamot ha? Magpahinga ka.”
“Noted. Ako na ang bahala.”
Pagkababa ng tawag, saka ko naman tinext ang coach ko. Sinabi kong hindi muna ako makakadalo ng training dahil sa parehong rason. Besides, pwede naman akong magbasa-basa rito habang nagbabantay kay Jaslo. Walang problema.
Nag-reply naman ang coach at sinabi na magpagaling ako. Napahinga na lang ako nang maluwag dahil kahit papano, naniwala sila sa palusot ko.
Pero paano bukas at sa mga susunod na araw? Kung sakaling hindi na naman pwede si Aling Karay, paano na?
Pagluto ng kanin ay saka ko tinawag sa kwarto si Jaslo para sa umagahan. At gaya ng sinabi niya sa akin noong isang araw, ginawa ko kung ano ang ginagawa niya sa milo. Binuhos ko ito bilang topping sa kanin saka nilagyan ng kaunting asukal. Naningkit ang mga mata ko. Ang wirdo naman kung talaga ngang inuulam ‘to.
“Wow! Yummy!”
Binuhat ko siya at pinatong sa ibabaw ng mesa. Umupo naman ako at nagbukas ng de-latang sardinas.
“Ayaw mo i-try Daddy? Masarap ‘to.”
Umiling ako. “Ayaw ko, sa’yo na ‘yan.”
Ngumuso siya at parang binagsakan ng langit. Wala sa sarili akong umirap at inagaw sa kaniya ang kutsara.
“Op op op! Huwag iiyak. Oo na, titikman ko na.”
Nagliwanag ang kaniyang mukha dahil sa aking sinabi. Nang subukan kong tikman kung ano ba ang lasa nito, parang tipikal lang namang lasa ng chocolate.
“Oo nga ‘no? Masarap nga,” pang-uuto ko para hindi umiyak. Lalong lumawak ang ngiti niya dahil sa reaksyon ko.
“See? Sabi ko sa’yo eh. Kaya ito na muna po ang ulamin mo.”
“Saka na kapag marami na tayong stocks ng milo.”
“Sure ‘yan ha?”
“Oo, sure ‘yon kaya kumain ka na.”
As usual, maingay siya nang magsimula na kaming kumain. Panay ang pagmamalaki niya sa milo at sinasabi na iyon daw ang nagbibigay lakas sa kaniya. Dahil bata, masyado siyang nagpaniwala sa pakete nitong may mga athlete na magaganda ang hubog ng katawan. Natawa nga ako nang sinabi niya na baka mahihigitan pa niya sa basketball si Lebron kapag lumaklak siya ng isang drum na milo.
Sa maghapong ito, doon ko mas nadiskubre kung gaano siya kakulit. Masyado niya akong inaaya sa paglalaro ng kung ano-anong makikitang gamit kaya halos hindi na ako nakapagbasa nang maayos. Kapag tatanggihan ko ay iiyak. Kapag naman pagagalitan ko, lalong iiyak. Masyado nang nakaka-abala iyon sa mga karatig-bahay kaya tinitiis ko na lang sumakay sa trip niya. Wala eh. Walang choice.
Alas tres ng hapon nang makatulog na siya nang mahimbng, sa wakas.
Saktong pagtayo ko mula sa pagkakaupo sa kama ay umilaw ang cellphone kong nakatapong sa study table. Agad ko itong nilapitan. Hindi naiwasang maningkit ng mga mata ko nang makita ang pangalan ni Harlet. Bakit siya tumatawag?
“Hello?”
“Hi Jaguar, kumusta?”
“M-medyo o-okay naman. Bakit ka napatawag?”
“Narito ako sa labas ng apartment mo ngayon, bibistahin ka lang sana...”
“What?” pasigaw kong tanong saka sumilip sa bintana. Ganoon na lang ang pamimilog ng mga mata ko nang makita siyang nakatayo sa tapat ng pinto at may bitbit na basket ng prutas. What the h-eck.
“Okay ka lang ba? Maghihintay ako…”
“Uh…”
Mabilis akong tumungo sa dresser at kumuha ng damit. F-uck. Wala pa akong ligo! Paano kung may maamoy siya sa akin?
Maliban pa ro’n, sa istura kong ito ay hindi naman ako mukhang may sakit. Paano kung mabubuko niyang gumawa lang ako ng kwento upang hindi pumasok?
Sana hindi muna magising ang batang ito. Walang hiya, napakamalas!
Nang makapagbihis at makapag-spray ng musky perfume ay muli kong binalikan ang cellphone.
“Palabas na ako Harlet, s-sandali lang.”
Bakit kasi pumupunta si Harlet nang walang pasabi? Nagmumukha tuloy akong bida sa The Flash dahil sa taranta at bilis ng galaw. Kung sa susunod ay uulitin niya ito, sasabihin ko na talaga nang harap-harapan na sana bago magpunta rito ay mag-text muna siya o ‘di kaya’y tumawag! Grabe!