Chapter 07

2198 Words
Gabi na nang mapagpasyahan kong umalis ng library. Hanggang eight pa naman ang alloted time na maaari kong gugulin dito ngunit may bata pa akong uuwian. Nasisiguro kong nananabik na iyon para makita ako. Hindi na ako tinanong ng guard kung bakit ginabi ako ng labas ng school dahil sanay na rin naman siyang isa ako sa mga huling lumalabas dito. Kung may award lang talaga ang late na uwi, siguro nasa qouta na ako. Masyado kasi akong pabibo kaya ‘yan tuloy, nahihirapan. Ano naman? Ano kung kabi-kabila ang commitment ko? Dapat pa nga ay maging proud ako lalo’t nagagawa ko ito kahit walang katuwang sa buhay. Ginagawa ko ito dahil may pangarap ako at hindi lang ito basta-basta. Laking pasasalamat ko nang makapara ako ng tricycle. Swertehan na lang kasi kung makatagpo pa ng sasakyan kahit nasa alas siyete pa lang ng gabi. Sinabi kong sa sentro muna ako ihatid bago sa mismong baranggay kung nasaan ang apartment ko. Partikular na sa isang kilalang fast food resto para bilhan man lang ng pasalubong si Jaslo. Hindi na ako nagpasyang pumunta kay Pastor kanina dahil hulog talaga ng langit kung ano ang binigay ni Carrie. Napakabait niya. Hindi ko inakala na magagawa niya akong bigyan ng ganitong kataas na halaga dahil lang sa pagturo ko. Wait, bakit hindi na lang ako magtutor para may pagkakitaan? Oo nga ‘noh? Bakit ba hindi ko iyon naisip? Kaagad akong bumili ng chicken joy at sundae. May natitira pa namang pagkain doon sa bahay kaya iyon na lang siguro ang kakainin ko para makatipid. Ganoon din naman ang busog na maidudulot nito sa sikmura ko, walang pinagkaiba sa masasarap at mamahaling pagkain. “Tara na po,” may hinahon kong wika nang makapasok muli sa tricycle tangan ang ni-take-out kong order para kay Jaslo. Kung hindi niya pa magugustuhan itong pasalubong ko, aba’y saksakan na ‘yon ng arte. Akin na lang kung tatanggihan niya, magtiis siya sa gutom. Habang nasa biyahe, nag-vibrate sa bulsa ko ang phone. Pagkakuha nito ay nakita kong tumatawag si Harlet. Kaagad ko na lang itong sinagot. “Hello?” “Jaguar? Nasaan ka? Hindi ka pa nakakauwi?” “Uh, hindi pa.” “Hala, anong oras na.” I chuckled. “Sanay na ako. Madalas naman akong umuwi ng gabi.” “Sure ka bang safe ‘yang sinasakyan mo?” “Oo naman.” “O sige, ingat ka. Napatawag lang ako dahil may itatanong lang sana about sa student council. Text mo na lang ako kapag nakauwi ka na.” “T-teka, wala na kasi akong load kaya baka hindi kita mate-text.” “Problema ba ‘yon? Edi loadan kita.” “Oh nice. Salamat! Kahit piso lang ha?” “Anong piso, pwupwede ba ‘yon? Sige ibababa ko na at baka makalagpas ka sa apartment mo.” Nangingiti kong ibinulsa ang cellphone nang i-end na niya ang call. Para akong tanga habang nakatitig sa mga poste ng streetlights na nadadaanan. Bakit ganoon na lang ang dulot sa’kin ng babaeng iyon? Honestly, hindi ko maitatanggi na muntik ko na maging crush noon si Harlet. Kamuntikan lang dahil nagawa ko pang mapigil ang sarili ko. She’s too studious, isang trait na hinahanap ko sa isang babae. Kaya lang, dahil mas pursigido akong makapagtapos ng pag-aaral, mas pinili kong ibaling ang atensyon sa school activities. Nagawa kong putulin ang paahong atraksyon dahil nawalan na talaga ako ng panahon para paigtingin ito. Ngayong nasa huling taon na kami ng high school, kung kailan malapit nang magsimula ang bagong pagsubok sa buhay ay siya namang paglapit ng loob namin sa isa’t isa. No double meaning. Purong kaibigan lang. Sa mga taong malisyoso at marurumi ang isip, siguro iba ang iisipin nila. Sa ilang minuto pa ay nagpahinto ako mismo sa tapat ng bahay ni Aling Karay. Pagkabayad ng pamasahe ay mabilis akong naglakad patungo sa saradong pintuan. Bitbit sa isang kamay ang pasalubong, maingat akong kumatok sa pinto. Sa ikalawang katok ay bumukas na agad ang pinto. Bumungad sa akin si Aling Karay na handa na yata matulog sa suot nitong daster. “Magandang gabi po.” Bumuntong hininga siya nang malakas, bagay na agad kong ikinakaba. “Hay sa wakas, buti nakauwi ka na. Maghapon kasing umiiyak itong pinsan mo. Hinahanap ka at halos magwala kakangawa.” Bumagsak ang balikat ko. Napakagat-labi ako at yumuko sa sobrang hiya. “Pasensya na po.” “Kailan ba siya susunduin ng magulang? Talaga bang Daddy ang tawag niya sa’yo?” Mabilis akong umangat ng tingin saka tiningnan siya nang mata sa mata. What the actual f-uck? Talagang pinagsigawan ng batang iyon na tatay niya ako? “A-ah o-opo, iyon po talaga ang tawag n’on sa’kin.” “Akala ko naman anak mo talaga. Sana matawagan mo na ang magulang nito ha? Hindi ‘yan pwede magtagal sa’yo dahil nag-aaral ka pa.” “Sige po.” Mas nilawakan niya ang pagkakabukas ng pinto at pumwesto sa gilid. Sa puntong ito ay nagkaroon ako ng access na makita si Jaslo na masarap ang tulog sa pambatang bangko. “Kanina pa tulog ‘yan kahit hindi pa kumakain. Ang hirap pilitin dahil ikaw daw mismo ang gusto niyang magpakain sa kaniya.” “Sige po Aling Karay, ako na po ang bahala.” Inalis ko ang sukbit ng isang bag strap sa balikat ko at naglakad nang marahan papasok. Saglit kong tinitigan si Jaslo nang marating na mismo ang tapat niya at mas nakita sa malapitan ang namamagang eye bag. Kahit hindi ko nasaksihan, sigurado akong sakit sa ulo ang inabot ni Aling Karay. Hindi ko naman pwedeng sisihin dahil bata pa. Pero hindi ko rin maiwasang kumulo ang dugo ko sa inis. Tahimik ko siyang binuhat at hinayaang tulog sa aking balikat. Nang makuha siya ay kaagad na akong tumalikod at naglakad patungo sa pintuan. “Maraming salamat po Aling Karay, babawi po ako sa susunod.” “Walang anuman. Ingat ka at baka matalisod ka sa dinadaanan. Medyo madilim pa naman. Kailangan mo ng flashlight?” “Hindi na po, medyo maliwanag naman po ang buwan.” Sa pagtango niya, pilit akong ngumiti at lumabas nang buhat sa isang kamay si Jaslo at tangan sa kabila ang pasalubong sa kaniya. Ngayong naglalakad na ako sa dilim, hinayaan kong buwan na lang ang tanging nakakakita ng namumuong luha sa aking mga mata. Tang ina. Naaawa ako sa sarili ko pero mas naaawa ako sa batang ito. Kung ipagpipilitan kong hanapin ang kamag-anak nito at ibibigay siya doon, paano kung hindi maganda ang masasapit niya roon? Paano kung hindi siya maaalagaan nang husto? Paano kung mapapasama siyang lalo? Ayaw kong i-justify ang kapabayaan ng magulang niya pero sumasagi rin sa isip ko na may rason ang nanay niya kung bakit sa akin ito ibinigay. Dahil kung may kakayahan naman ang kamag-anak nila, bakit hindi sa kanila? Totoong mataas ang lipad ng pangarap ko para sa sarili ko pero mas mataas na ang tayog ng takot ko para sa kinabukasan ng batang ito. Habambuhay akong hahabulin ng konsensya kung bibitawan ko na lang ito nang basta-basta sa mga taong walang kasiguraduhan kung mabibigyan ba siya ng magandang buhay. Kaya siguro, kahit na mahirap, sa akin na muna siya. Kahit na hindi ko pa maisip kung paano mairaraos ang mga susunod na bukas nang kasama siya, ako muna ang kukupkop sa kaniya. Alam ko na ang pakiramdam nang iniwan ng mga magulang. Kaya ngayong ako ang kinikilala niyang ama, bakit ko pa ito ipaparamdam gayong batid kong masakit? Mariin akong pumikit nang huminto na sa harap ng apartment ko. Hinayaan kong magsibagsak ang mga luha at marahang ibinaba sa lupa ang pasalubong sa isa kong kamay. Pagkadilat, hirap na hirap kong hinagilap sa loob ng bag ang susi. Na-unlock ko naman ang doorknob kahit buhat ko pa sa kabilang braso si Jaslo. Ramdam ko na ang laway niyang tumutulo sa aking balikat. Nang maitulak ang nabuksang pinto, saka ko pinulot ang naibabang plastic. Dire-diretso akong naglakad sa loob at maingat na ipinatong sa sofa si Jaslo. Tulog na tulog pa rin siya hanggang ngayon, napagod siguro nang sobra kakaiyak maghapon. Bukas kaya? Tatanggapin pa rin kaya ni Aling Karay? Paano kung hindi? S-hit, baka mapilitan pa akong um-absent. Iniwan ko siya sa sofa saka tahimik na tumungo sa kusina para ilapag ang pagkain niya. Mabilis din akong nagbihis ng sando at shorts sa kwarto at tiningnan ang cellphone kung pumasok na ba ang load. May pahabol pa itong text mula kay Harlet na siya ko rin namang binasa. Harlet: I-register mo ‘yan para tumagal ng isang linggong unli. Wait, send ko kung paano. Nang pumasok muli ang sunod niyang text kung saan naroon ang instructions, kaagad ko itong sinunod. Wala sa sarili akong ngumiti nang magawa ito sa loob ng maikling sandali. Ako: Salamat. Nakauwi na ako, Harlet. Harlet: Okay. Pagod ka pa siguro kaya magpahinga ka muna. Tatawag na lang ako kapag alas diyes na. Hindi na ako nag-reply nang marinig ang iyak ni Jaslo sa sala. Mabilis akong lumabas ng kwarto para daluhan siya roon. Parang dinurog ang puso ko nang makita siyang nakaupo at nakapikit na umiiyak. Sa puntong iyon, nakita ko nang mas malinaw ang sarili sa kaniya. Ganyang ganyan din ako nang sobra akong nananabik sa mga magulang ko. Kahit na sabihing dose anyos pa lang ako noon, ang mabuhay nang hindi kasama ang magulang ay higit pa sa matatawag na bangungot. Niyakap ko siya at binuhat. “Shh, nandito na si Daddy…” “D-daddy...” garalgal niyang boses. Sumayaw-sayaw ako habang buhat-buhat siya para lang maibsan ang iyak niya. “Tahan na, okay? Dito na ako.” “Bakit ang tagal mo sa iskol? Ayaw mo ba ako makita Daddy?” “Hindi sa ganoon. Sadyang marami lang akong ginawa kaya ginabi.” “Bukas ba iiwan mo na naman ako?” “Hindi na.” Sa isang iglap, parang pisi na naputol ang iyak niya. Napalitan ng masayang ngiti ang malakas na iyak na para bang iyon ang pinakamagandang narinig niya sa buong buhay. Lalong nanlamot ang puso ko. Para akong nakatagpo ng kapayapaan kahit nakita lang ang sinero at inosente niyang ngiti. Parang kailan lang noong napipikon pa ako sa kaniya pero bakit naging ganito na lang sa isang iglap? Nakita ko lang ang sarili sa kaniya ay nagbago na kaagad ang loob ko. “May pasalubong ako.” “Talaga daddy, ano ‘yon?” “Jollibee.” “Yehey!” Mabilis siyang pumalakpak habang buhat-buhat ko. Nang marating ang kusina ay saka ko siya pinaupo sa mesa. Dahan-dahan kong inalis sa loob ng plastic ang laman na siyang nagdulot ng liwanag sa masaya niyang ekspresyon. Ngumiti ako nang walang bahid ng pait. “Paborito mo ba ito?” “Wow! Hindi ko pa ‘yan natitikman Daddy pero tingin ko masarap ‘yan.” “Oo naman. Masarap ‘to. Saglit lang, kukuha muna ako ng plato.” Saglit akong tumalikod at kumuha ng plato at kutsara. Isa-isa kong nilipat ang laman nito sa plato saka hinimay sa harapan niya. Hinayaan ko siyang kainin ito nang mahimay ko iyon nang mabuti. Umupo lang ako sa tabi niya at pinagmasdan siyang kumain. Aaminin kong nagkamali ako sa masamang turing ko sa kaniya kahapon. Siguro nabigla lang at hindi gaanong natauhan. Pero paano na sa mga susunod na araw? Paano kung sapat lang sa mga gastusin dito sa apartment ang mahahawakan kong pera? Bukod doon ay may gastusin din ako sa school. Kung patuloy akong aasa sa bigay ni Pastor, siguradong hindi iyon sasapat para sa amin ni Jaslo. Kung may isa man akong option, kailangan kong maghanap ng part-time job at mag-ipon nang sa gayon ay makapaghanap ng magbabantay kay Jaslo. Pero magkano kaya ang aaubutin sa pagpapasasahod? Hindi biro ang babysitting. “Dad, kumain ka na? Eto oh.” Umiling ako sa alok niya. “Kumain na ako, ubusin mo na ‘yan.” “Hmm sigurado ka po?” “Oo naman, mukha ba akong nagbibiro?” Saka na lang ako kakain ng kung ano mang mahahanap na tira-tira rito. Mabilis na lumipas ang dalawang oras. Pagkatapos pagbihisan si Jaslo ay kaagad ko na siyang pinatulog sa kwarto. Bago iyon ay sinigurado ko munang hindi na siya ganoon kabusog. Napagod yata talaga siya kakaiyak maghapon kaya agad na nakatulog. Tangan-tangan ko ang cellphone habang nagsasandok ng tutong sa kaldero. Halos apat na kutsara lang ang nakuha ko at minalas pa dahil wala ng bigas sa kaldero. “Hello?” bungad ko nang sagutin ang tawag ni Harlet. Nagbudbod ako ng kaunting asin sa kanin saka nilunod sa saktong dami ng tubig. Dinurog ko ito sa mangkok at dinala sa hapag. “Wala ka na bang ginagawa?” “Heto, kumakain pa, pero ayos lang, makakasagot naman ako nang maayos.” “Sure ka ha?” “Yupp.” “Actually wala na akong problema sa student council, naidulog ko na kasi ‘yon kay Ma’am.” “Ah ganoon ba…” sagot ko sabay subo ng pagkain. Saglit kong nalasahan ang alat dahil mukha yatang napasobra ako ng asin. “Oo, napatawag na lang ako para sabihing gusto kita...” Literal kong nabitawan ang hawak na kutsara. Nalaglag ang panga ko at tumayo mula sa tamad na pagkakaupo. What the h-ell? Seryoso? Nagpatuloy siya. “Sorry, nabitawan ko ang phone. I mean, gusto kita imbitahan sa sabado para mag-volunteer sa peer tutoring. Payag ka ba?” Nilapag ko sa mesa ang cellphone at wala sa sariling napasapo sa panga. Paulit-ulit akong bumulong ng mura dahil para akong tanga na umasa at naniwala sa loob ng napakaikling segundo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD