Nagmamaang-maangan lang ako pero may nararamdaman akong isa na nagkakagusto sa’kin. Si Mimossa.
She seems quiet. Tahimik pero may kagandahan. Sa tuwing mag-aaral ako sa library, naroon siya sa kabilang side ng lamesa kung saan mayroon din akong access para makita siya. Noong una, akala ko nagkakataon lang. Pero katagalan, nang mapansin ko na parang paulit-ulit ko siyang nakikita saan man ako magpunta, doon na ako nagkaroon ng hint na maaaring may gusto nga siya sa’kin.
Hindi iyon kumpirmado kaya walang sigurado. But who knows? Swerte talaga kung totoong may gusto siya sa akin. Sa yaman ba naman nila, kahit sino yata ay titingalain ‘yan.
Natauhan ako nang tumikhim si Harlet. Umayos tuloy ako ng tindig habang naglalakad sa gilid ng open field. Kung sana talaga may bike kaming dala, edi sana mas nakarating kami sa faculty nang mas mabilis.
“Tuwang tuwa ka naman," puna niya.
Tumawa ako. “Anong tuwang tuwa. Siyempre.”
“Mukhang marami namang nakakagusto sa’yo ah?”
“Sa tingin mo, bakit kaya?”
Saglit siyang nanahimik habang nakatingin lang sa harapan. Sumulyap naman ako upang tingnan ang kaniyang ekspresyon.
“Siguro dahil gwapo at matalino ka? ‘Yon ang sabi nila.”
“Sinong sila?”
“Yung mga kaklase natin na may gusto sa’yo…”
“Ah ganon ba. Hindi naman ako masyadong gwapo.”
“Gwapo ka.”
Napalunok ako. S-hit. Dapat ba akong kiligin? Bihira lang may magsabi ng ganito sa’kin at nagkataong babae pa.
Ayaw ko maging feelingero o mayabang pero sa tuwing titingin ako sa salamin, hindi ko mapigilang aminin sa sarili na may kagwapuhan din talaga ako. Nakikita kong dahilan ang pagkakaroon ko ng lahing Mexicano. Nagmula kasi sa Mexico ang side ng tatay ko. Hindi ko lang alam kung may pakialam pa sa akin dahil hindi naman nila ako hinahanap.
“Talaga ba?” pagpapakipot ko. Alangan namang maki-ayon ako agad? Ang bait-bait ng image ko tapos magiging mayabang lang pagdating sa kaniya? Siyempre hindi.
“Sige na nga. Pangit ka,” natatawang bawi niya. Nagprotesta naman ako nang ginugulo ang buhok niya.
“Grabe, bakit binawi?”
“Oo na, gwapo ka na. Happy?”
Habang nakikipagharutan kay Harlet, aksidente ko ulit nahagip ng tingin ang pwestong nilalakaran nila Carrie at Mimossa. Kapansin-pansin ang sama ng kanilang tingin sa amin na para bang hindi nila gusto kung ano ang nakikita. Anong mali? Siguro, totoo ngang isa sa kanila ang nagseselos at isa naman ay nagto-tolerate sa pagiging selosa ng kaibigan.
Kating kati na ako kumpirmahin kung tama ba ang kutob ko kaya lang hindi naman kami close. Sa tinagal-tagal kong nag-aral dito sa Capgahan High, ni minsan ay hindi ko sila naging kaklase. Minsan nga napapaisip pa ako kung ano ang pakiramdam na may kaibigan kang mayaman. Siguro araw-araw ay libre ano?
“Kinilig ka ba sa sinabi ko?” tanong ni Harlet nang kapwa na kami mahimasmasan. Nakalagpas na kami sa open field kaya sa pasilyo na kami naglalakad. Mangilan-ngilan lamang ang mga nakasasalubong naming kapwa-estudyante dahil patuloy pa rin ang klase.
“Hindi.”
“Sus, sinabi ko lang na gwapo ka, tuwang tuwa ka naman. Hindi ka ba aware na maraming nagkakagusto sa’yo?”
“Aware.”
“Eh ‘yon naman pala.”
“Wala lang talaga akong balak na pansinin. Study first muna.”
“So hindi ka pa nagkaka-girlfriend?”
“Hindi pa.”
Inaasahan ko ring itatanong niya kung virgin ba ako o hindi dahil hindi ako mag-aalinlangang sagutin iyon. Bakit? Dahil proud ako na sa edad kong ito, nagawa kong kontrolin ang sarili ko.
Pero buhay nga naman. Kung sino pa talaga ang nagpapakatino, siya pa itong inuulan ng kamalasan. Sa isang iglap, naging tatay ako nang walang ginagalaw. I mean, hindi sa against ako sa mga nag-aanak, naiinis ako dahil bakit ako?
Paulit-ulit ko itong idudulog sa langit dahil kahit kailan, hindi ko ito matatanggap.
Kumusta na kaya si Jaslo kila Aling Karay? Nagkukulit kaya iyon? Sana naman magpakabait nang hindi ako mahirapan maghanap ng bagong magbabantay sa kaniya.
Nang marating ang faculty, saka kami kinausap ng adviser. Mayroon daw mga kulang sa requirements na ipinasa namin para mapayagan kaming mag-conduct ng mga future programs at activities. Gusto raw niyang agad-agaran iyon magawa para maisunod mamayang hapon kaya wala kaming choice ni Harlet. Kinailangan naming ma-pull out sa klase para lang magawa iyon.
“Dala mo ang laptop mo?” tanong ko sa kaniya matapos kaming kausapin ng adviser. Nang umiling siya ay kinabahan ako.
“Hindi eh. Pwede naman tayo sumaglit sa computer shop sa labas.”
“Tingin ko hindi agad iyon matatapos. Napakarami no’n Harlet,” may bahid ng pagtanggi sa boses ko dahil hindi pabor sa akin ang magpunta sa computer shop. Dahil kung sakali mang ituloy namin iyon, ako ang lugi. Kasya na nga lang sa lunch at pamasahe ang pera ko, mababawasan pa.
Habang tinatahak ang dinadaanan namin kanina, namatyagan
kong kumunot ang noo niya.
“Kung inaalala mo ang bayad, ako na bahala. Basta tulungan mo lang sa paggawa.”
“Nakakahiya Harlet.”
“Uunahin mo pa ba ‘yang hiya mo Jaguar? Kailangan na nating matapos iyon.”
“Sige babawi ako sa susunod. Babayaran kita.”
“Kahit huwag na.”
Sa kaloob-looban ko, grabe ang labis na hiya. Ako ang lalaki kaya ako dapat ang magpaluwal. O kung mayroon ngang pera, edi ako na mismo ang mag-insist na magbayad. Kaso walang wala eh. Hilingin ko man na sana makahanap ako ng singkong duling maliban sa isang daan na nasa bulsa ko, para lang akong nananaginip nang gising.
Nanatili ako sa labas ng room at hinintay si Harlet dahil kinuha niya raw mismo ang wallet. Alam ko kasing hindi pa tapos ang oras ng pagtuturo ni Ms. Lacambra. Sakaling makita ko siya, siguradong mawawala na naman ako sa mood. Naiinis ako pero kailangang pawiin hangga’t kaya. Dahil tanggapin ko man ito o hindi, teacher ko pa rin siya.
“Hinahanap ka ni Ms. Lacambra,” ani Harlet nang makalabas na ng room. Papunta na kami ngayon ng computer shop gaya ng pinagkasunduan namin. “Bakit pala ayaw mo magpakita sa kaniya?”
“Uh… wala, medyo hindi ko trip.”
“H-huh?”
“Required bang pati ako magpakita? Naipagpaalam mo na rin ako ‘di ba?”
Nagkibit-balikat siya. “Siguro para makumpirma na kasama kita. Alam mo naman si Ma’am.”
“Sus.”
“Bakit? Ayaw mo sa kaniya?”
Naku Harlet. Kung alam mo lang ang ginawa niya kahapon, kahit laruan pa ng bata magugulat.
“Hindi ah.”
“Bakit para yatang ilag ka sa kaniya ngayon?”
“Wala lang ako sa mood.”
Hindi pahirapan sa amin na magpaalam sa guard dahil alam niyang kami ang president at vice ng student council. Liban pa roon, hindi naman kalayuan ang computer shop dito. Sadyang mauuna lang ang Aling Sepin’s. Iyon ang isa sa mga dinudumog na streetfood store tuwing uwian.
“Bili tayo mamaya diyan, libre ko.”
Tumanggi ako sa alok niya habang nakapamulsa.
“Ayoko, hindi ako mahilig sa streetfood eh.”
“Sigurado ka?” paninigurado niya.
“Oo. Di ba hindi raw safe kainin ‘yan?”
“Sabagay.” Saglit siyang huminto. “Pero minsan lang naman.”
“Ikaw, kung trip mo kumain, eh ‘di bumili ka.”
“Hmp, ikaw na nga itong ililibre.”
Natawa ako. “Salamat sa alok kung gano’n. Pero totoo, hindi talaga ako mahilig diyan.”
“Ayaw mo i-try?”
“Ayaw talaga.”
“Okay.”
Sa ilan pang mga hakbang ay narating na namin mismo ang computer shop. Nagkasundo kami na iisang computer na lang ang gamitin para makatipid.
So far, hindi naman naging mahirap ang proseso ng paggawa. Maliban sa sanay na akong sa mga ganitong klaseng gawain sa club, magaling din talaga mag-proofread si Harlet. She really got this editing skill that every president aim to have. Mabuti na lang at siya ang vice ko.
Dalawang oras ang ginugol namin sa loob ng computer shop. Pagkatapos ipa-print ay saka na namin ito pinapirma sa club adviser at dinala sa school head. Ala una nang matapos kami kaya nag-lunch kami sa canteen nang hindi dumalo sa afternoon class.
“Tingnan mo, silang dalawa na naman,” bulong ni Harlet nang nakatingin sa likuran ko. Naibaba ko tuloy nang bahagya ang kutsara at hindi muna isinubo.
Pasimple akong lumingon sa likod upang tingnan kung sino ang kaniyang tinutukoy. Hindi ko naiwasang ngumisi nang makita na naman sila Mimossa na nakaupo sa pwestong hindi kalayuan sa amin.
“Parang gusto mo yata na may nagkakagustong isa sa kanila. Dahil ba mayaman? Bakit hindi mo ligawan?” she asked softly.
Ibinalik ko sa dati ang tingin saka yumuko sa pagkain. Hindi sa nagmumukha akong pera pero kung pagiging praktikal ang paiiralin ko, bakit naman hindi? Sa mundong nangangailangan ng pera upang mabuhay, kailangan dumiskarte. Huwag na huwag lang sa ilegal na paraan dahil iyon ang hindi ko paiiralin.
“Hindi. Wala akong gusto ni isa sa kanila,” deklara ko bago isubo ang pagkain. Huminga ako nang malalim habang nginunguya ito.
I really mean it. Pilitin ko man ang sarili ko, mukhang hindi ako magkakagusto roon. Siguro nagugustuhan ko ang ideya na mayaman ‘sila’ pero wala eh. Kung t***k ng puso ang pag-uusapan, wala talaga.
Minsan nang nahulog ang loob ko noon sa isang tao pero alam kong puppy love iyon. Liban doon, wala pa talaga sa priority ko ang love life. Nauunawaan ko naman ang iba sa desisyon nilang magkaroon ng kasintahan. Hindi lang talaga iyon para sa akin.
“Ikaw, bakit hindi ka mag-boyfriend?” tanong ko.Inangat ko ang tingin sa kaniya. Agad naman siyang yumuko at uminom ng tubig. Parehas na kaming nangangalahati sa kinakain.
“Wala pa sa isip ko ‘yan,” naiilang na sagot niya.
“Pero may nagbabalak na manligaw?”
“Oo naman.”
Ngumiti ako na siya namang ikinasimangot niya. “Naks.”
“Umayos ka nga. Hindi iyon dapat ika-proud.”
“Huh? Anong hindi? Hindi ba patunay ‘yon na may nagkakagusto sa’yo?”
Lumalim ang linya sa kaniyang noo. “Bakit, kapag ba matatawag na manliligaw ang isang lalaki, nagugustuhan na agad ako? Paano kung iba ang intensyon niya?”
“Hmm, tulad ng ano?”
“Tulad ng… may matawag lang na girlfriend o mapaglalaruan.”
“Huwag mong lahatin. Hindi naman lahat ng lalaki gano’n.”
“Exactly, kaya mahirap nang maniwala ngayon. Mahulog ka lang sa maling tao, ikaw ang talo.”
“Bitter mo naman,” may tampo kong tono.
“Bitter kung bitter. Ang mahalaga, priority ang pag-aaral.”
Ngumiti ako. “Tama.”
Hindi ko namalayan na naging kumportable na ako kay Harlet. Kung tutuusin, ang dali-dali lang pala niya kaibiganin. Hindi ko kasi siya sinusubukang kaibiganin kahit noong nasa Grade 11 pa lang kami. Pakiramdam ko hindi talaga siya approachable pero iyon ang hindi ko napatunayan ngayon.
Oo, tipikal siyang babae pero nang mas makilala ko kung sino siya at kung ano ang pinagdadaanan niya, lalo akong napalapit. We really have things in common, partikular na sa pinagdadaanan sa buhay.
Alas dos nang sumapit ang uwian. Mag-isa akong dumiretso sa library para i-meet ang coach ko sa training. Sa kabutihang palad, ibinilin pala niya sa librarian na mag-self study na raw muna ako dahil may lakad pala itong pupuntahan. Kaya ang ending, ako lang ang mag-isa rito sa isang sulok at seryosong nagkakabisa ng mga terms at definitions.
Hindi lang science fair ang contest na sinalihan ko. May pending pa akong writing contest na siya ko namang pinagtutuunan ng pansin kapag nakauwi na ng bahay. Siyempre triple ang kayod. Marami mang kailangang isakripisyo, alam kong ito ang pinasok ko.
“Hi!”
Muntik na akong mapatalon sa gulat. Sh-it. Akala ko kung sino!
“Carrie, ikaw pala.”
Kusa siyang umupo sa tapat ko. Nasaan si Mimossa? Bakit hindi niya kasama?
“Na-istorbo ba kita?”
“Uh… hindi naman.”
“Kumusta ka?”
Wait. Ayaw ko maging assumero pero ano ‘to? Bakit si Carrie ang lumalapit sa akin? Bakit parang…
Sh-it. Ayaw kong isipin. Ayaw kong isipin na silang dalawa ni Mimossa ang nagkakagusto sa’kin!
“E-eto, okay lang. Nag-aaral para sa contest.”
“Oh. Ang sipag naman. Ilan bang mga contest ang sinalihan mo? Hindi lang iyan ang unang beses, ‘di ba?”
“Hindi naman ganoon karami, hehe…” Napahimas ako sa aking batok. What the f-uck? Ano bang nangyayari sa’yo Jaguar? Para kang tanga. Nilapitan lang at kinausap ng mayaman tapos nagkakaganito na? Parang ewan.
“Sus, pa-humble pa! Anyway, may itatanong sana ako sa’yo. Sandali lang ito.”
Pinagmasdan ko ang ginawa niya. May nilabas siyang notebook at binuklat iyon sa nakatuping pahina. Nilahad niya iyon sa akin at pinakita.
“Papaturo sana ako sa Gen Math, kaya mo bang ipaliwanag kung bakit naging ganiyan ang solution?”
Mataman kong tiningnan ang parteng sinasabi niya. Nang ma-gets ay kaagad ko namang ipinaliwanag.
“Wow! Oo nga ‘no? Grabe, sobrang salamat. The best ka talaga Jaguar,” natutuwa niyang sabi nang maituro iyon sa kaniya. Napangiti na lang ako nang wala sa sarili. “Anyway, may gusto ka bang kainin? Kahit ano sabihin mo lang.”
Hindi ako nagdalawang isip na umiling kahit medyo gutom na ang sikmura.
“Wala, ayos lang. Hindi mo na kailangan gawin ‘yan.”
“Sige na, hindi kasi ako papayag na wala akong maibigay.”
“Ayos lang talaga—”
Hindi ko na naituloy ang sinasabi nang bigla niyang ilapag ang five hundred pesos sa libro na binabasa ko. Nang ibalik ko ang tingin sa kaniya, tumayo siya at sinserong ngumiti.
“Tanggapin mo na okay? Maraming salamat!”
Sa pag-alis niya, wala sa sarili akong yumuko upang titigan ang limang daan. Natulala ako sa gulat at naiwang hindi alam kung ano ang susunod na gagawin.