Oo, masasabi kong mabait at maganda ang pakikitungo sa akin ni Harlet. Hindi naman kami masyadong close kahit magkaklase. Nitong senior high lang din kasi siya nag-transfer kaya wala siyang masyadong kaibigan.
Gaya ng sinabi ko noon, matalino siya. Masasabing contender sa valedictory speech at hindi iyon magsisilbing banta sa akin. Marami kasi sa mga estudyante ngayon na tinitingnan bilang kompetisyon ang honor roll. Bakit ka makikipag-compete kung ang purpose lang ng pag-aaral ay para matuto? Aanhin ang mga awards kung katiting lang ang naimbak sa utak?
Sa parte ko, kinailangan kong magkaroon ng mataas na rank o ‘di kaya’y mataas na grade. Bukod sa nacha-challenge akong matuto sa maraming paraan, alam kong isa ito sa mga paraan para mag-stand-out sa mga interviews. Kahit papaano, mayroon akong maipagmamalaki. Maaari itong maging daan upang magawa kong pumasa sa mga nais kong apply-an.
Kinabukasan, nagising ako nang sobrang kulang sa tulog. Nakatulog kasi ako ng alas kwatro ng madaling araw at pilit na bumangon pagsapit ng alas sais. Parang binibiyak ang ulo ko sa sobrang antok ngunit walang magagawa dahil panibagong sagupaan na naman ito.
“Good morning Daddy!”
I rolled my eyes. Tatamad-tamad ko siyang hinawi sa gilid upang maitupi nang maayos ang higaan.
“Walang maganda sa umaga.”
“Anong wala? Meron kaya Daddy! Ang sabi kasi ni Mommy, sapat na ang gising natin para ipagpasalamat.”
“Nasasabi mo ‘yan dahil kumpleto ang tulog mo.”
“Bakit hindi ka na lang matulog—”
Padabog kong hinagis ang natuping kumot kaya natigil siya sa sinasabi. Mabagsik ang mga mata ko nang sinubukan ko siyang tingnan, na siyang nagdulot ng matinding takot sa kaniya.
“Ang aga-aga Jaslo. Tantanan mo muna ako diyan sa kadaldalan mo.”
Hindi siya sumagot. Tumungo na lang ako sa dresser para ihanda ang uniporme. Bwisit. Nakalimutan ko pala maglaba noong sabado.
“Okay ka lang Daddy?” tanong niya mula sa aking likuran. Hindi na ako humarap dahil baka makalimutan ko pa kung ano ang ginagawa ko.
“Mukha ba akong okay? May pasok pa ako.”
“Papasok? Mag-i-iskol ka?”
Lalo lang ako maiirita kung pahahabain ko pa ang usapan kaya sa halip na sagutin iyon, lumabas na ako patungong banyo dala-dala ang twalya.
Paano na ‘to mamaya? Paano ko mapapakiusapan ang kapit-bahay? Base sa natatandaan ko, nasa isang daan na lang ang pera ko sa wallet. Bukod sa baon ko na lang iyon, kailangan ko pang magbigay para sa magbabantay sa kaniya.
Naranasan ko namang pumasok noon nang walang baon kaya hindi na siguro ‘yon problema. Mamayang uwian, didiretso na lang ako kila Pastor para humingi ng pambaon ngayong linggo.
Pagkatapos maligo, saka na ako nagbihis ng uniporme. Naghanda rin ako ng makakain sa hapag gamit ‘yong natitirang ulam kahapon. Pinainit ko na lang para magmukhang bagong luto. Hindi pa naman panis.
“Jaslo, kain na!” malakas kong sabi. Lumabas naman siya sa kwarto nang malungkot ang mukha.
Tsk. Ang aga-aga naman nito kung magdrama. May balak pa yatang umiyak.
“Papasok ka nga ng school…”
“Oo, nag-aaral pa ako kaya kailangan kong pumasok.” Binuhat ko siya at ipinatong sa lamesa gaya ng posisyon na itinuro ko sa kaniya kahapon. May nabibili kayang upuan ng bata na pwedeng magbigay daan para maabot ang hapag? Dahil kung meron, wala naman pala akong pambili.
Naghimay ako ng isda para sa kaniya. Todo-ingat ako lalo’t suot-suot ko na ang puti kong uniporme.
“Ikaw ba? Ilang taon ka na ba? Hindi ka pa ba nag-aaral?” tanong ko kahit may laman pa ang bibig. Mukhang naintindihan naman niya kaya nakasagot.
“Four years old na ako at daycare pa lang ang school ko.”
“Oh? Edi kindergarten ka na ngayong taon?”
“Hindi pa ako tapos sa daycare, Daddy.”
Pucha, bukod sa alagain pa ito, paniguradong mapipilitan ako para pag-aralin ito. Pero paano kung wala namang nagbabantay sa kaniya? Sa dami ng gawain ko sa school, minsan ginagabi pa ako.
Sa ngayon, stick muna ako sa plano ko. Pipilitin kong hanapin ang kamag-anak niya dahil walang wala rin talaga ako. Anong kakainin niya kung wala akong maipakain? Sa huli, anumang gustuhin ko para makaraos nang matagalan, batid kong imposible pa iyon sa gaya kong wala pang napapatunayan sa buhay.
Pagkataposs naming kumain, laking gulat ko na lang nang makitang six forty five na ng umaga. Seven thirty pa naman ang pasok ko kaya may oras pa ako para maglakad patungong campus.
Inayusan ko siya. Talagang naghalughog pa ako ng cabinet para lang maghanap ng pinaglumaan ko noong bata. Laking tuwa ko nang may mahanap akong isang shirt at isang short na hindi maitatangging kasya sa pangangatawan niya.
“Isasama mo ako Daddy?” tanong niya nang hawakan ko ang kaniyang kamay. Suot-suot ko na ang aking bag at nakapag-ayos na ng sarili.
“Hindi, ipababantay kita diyan sa kapit-bahay. Kaya please lang, magpakabait ka kung ayaw mong pagalitan kita pagkauwi ko.”
Kumunot ang noo niya nang maisara ko na ang pinto. “Bakit ayaw mo akong isama? Baka hindi ka na bumalik…”
“School ang pupuntahan ko, Jaslo. Sa dami ng iniisip ko, tingin mo sasagi pa sa isip ko na bantayan ka roon? Isa pa, bakit naman ako hindi babalik sa sariling pamamahay? Babalik ako.”
“Daddy…”
Huminto ako sa palalakad at bumusangot. “Jaslo, pwede ba? Tantanan mo muna ako sa kaartehan. Ang aga-aga.”
Nanahimik siya. Paglipas ng ilang segundo ay saka namin napagpasyahang magpatuloy. Napakahirap naman mag-alaga ng bata. Paano na sa susunod na araw kung wala na akong maipambigay?
“Tao po.” Mahina kong kinatok ang pinto ng kapit-bahay. Hindi ito kalayuan sa apartment kong sagot ng simbahan ang renta.
Sa pangatlong katok ay bumukas ang pinto. Sumalubong si Aling Karay na parang nasa 50s na ang edad. Sa pagkakaalam ko ay meron siyang mga anak na nag-aaral sa elementary. Mabait naman siya at mukhang maaasahan.
“Oh! Ikaw pala Jaguar, bakit?”
“Magandang umaga po, uh, naparito po ako para sana ibilin muna po sa inyo ang pinsan ko,” pagsisinungaling ko. Lihim ko namang binaba ang tingin kay Jaslo na biglang bumusangot ngunit kaagad na nawala nang pandilatan ko ng mata.
Tumango nang walang pag-aalinlangan si Aling Karay na siya ko namang ikinangiti lalo.
“Walang problema. Nasaan pala ang mga magulang nito?”
“Umalis po eh. Babalikan daw po pero hindi pa sigurado kung kailan.”
“O sige, mga anong oras mo siya babalikan?”
“Pagkatapos po ng klase ko. Depende po.”
Dumukot ako ng natitirang pera sa bulsa at wala itong pagdadalawang-isip na inabot sa kaniya. Matagal siyang tumitig doon na para bang iniisip kung ano ang maaaring gawin.
“Kunin niyo po ito. Pambili po ng pagkain—”
“Ay huwag na. Sa’yo na ‘yan. Ako nang bahala rito.”
“Hindi po—”
“Mas kailangan mo ‘yan iho. May mga stocks pa ako rito na pwede sa pinsan mo kaya hindi mo na kailangan magbigay.”
Saglit akong nanatili sa kinatatayuan ko, hindi makapaniwala dahil ang inaasahan kong pagpasok ngayon nang walang baon ay hindi naman mangyayari.
“Hindi ko po alam kung sa paanong paraan po kita mapapasalamatan pero maraming salamat po. Babawi po ako sa susunod.”
“Wala ‘yon. Sige na at baka ma-late ka pa.”
Binitawan ko ang kamay ni Jaslo at inabot kay Aling Karay. Tiningnan ko nang mata sa mata ang bata upang mapaalalahanan kahit gamit ang tingin. Wala naman siyang nagawa nang magsimula na akong maglakad palayo at huminto sa tabi ng kalsada upang pumara ng masasakyan. Nakasakay naman agad ako.
Paano ko mahahanap ang kamag-anak niya? Paano ako magsisimula? Sino ang maaari kong tanungin? Makakatulong kaya kung dadalhin ko siya sa baranggay hall at ipakikilala siya sa staffs? Nasabi na niyang nakapag-aral na siya sa daycare kaya hindi malabong rehistrado na ang kaniyang pangalan.
Saktong alas siyete nang marating ko ang campus. Medyo marami ng estudyante kaya halos makipagsiksikan na ako sa daanan. Anong oras kaya ako mapu-pull out mamaya? Ang dami ko pang meeting na hindi mapupuntahan dahil sa training.
“Jaguar, ito na ‘yong minutes ng meeting noong nakaraan. Ano ang susunod na plano?” tanong ng secretary ko sa student council nang makapasok na ng room. Kusang hinanap ng mga mata ko si Harlet dahil siya ang na-assign ko para sa next activities.
Nakita ko siyang tahimik na nakaupo sa likuran kaya agad ko siyang tinawag. Mabilis naman siyang lumingon na para bang nagulat.
“Tara, pag-usapan natin ‘yong suggestions mo noon.”
She slowly nodded. May pagkamahiyain kasi ito pero kapag tinanong, may sense naman ang sagot.
Nang makaupo siya sa aming tabi, saka niya sinabi kung ano ang pwedeng activity next month, sa October. Isa na roon ang orientation na ni-request sa amin ng school head, pati na ang outreach programs na isa sa magiging highlight ng aming plano.
Marami pa kaming pinag-usapan bukod sa mga balak na programs. Nagdesisyon na rin kaming pagplanuhan kung paano ang magaganap sa darating na orientation. Medyo malaki ang gagastusin dahil sa theme pero kakayanin naman dahil mag-aambagan. Pina-relay ko na ‘yon sa treasurer para hindi na ako ang mismong mamroblema.
Nang sumapit ang recess, ako na mismo ang lumapit kay Harlet. Sa kaniya ko na kasi iiwanan lahat ng pending works na gagawin ko bilang president. Sa sobrang bait niya, tinanggap niya lahat iyon kahit mas masyado itong kakain sa oras niya. Mamayang after lunch kasi ‘yong training ko at may posibilidad na gabihin ako.
Kanina sa klase, pilit kong nilalabanan ang antok. Buti na lang at nairaos naman.
Nang makabalik sa upuan, saka tumunog sa bulsa ko ang cellphone. Kaagad ko naman ‘tong sinagot dahil adviser ito ng aming club.
“Good morning maam, napatawag po kayo?”
“Urgent lang ito. Punta kayo ng vice dito sa faculty ko.”
“Noted po.”
Sa huli, inaya ko si Harlet upang maglakad patungo sa faculty. Ipinagpaalam ko na lang sa mga kaklase na baka maya-maya ang aming balik dahil baka dumating na sa ilang sandali ang teacher.
Habang naglalakad palabas ng room kasama si Harlet, saka ko naman namataan na papasok na si Ms. Lacambra. Sa pagtama ng aming mga mata, kahit pinilit ko ang sariling batiin siya at magpaalam ay hindi ko nagawa. Dire-diretso akong lumabas at si Harlet na mismo ang nagpaalam.
Ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala. Everythings feels surreal at weird lang na siya pa mismo ang nag-aya noon. May posibilidad na sinadya niyang sirain ang doorknob para lang may dahilan akong pumunta roon. Paano niya ito nagawa sa mismong estudyante niya?
May karapatan akong magsumbong ngunit bibigyan ko muna ng pagkakataon. Saka na lang kapag inulit niya dahil hindi lang lisensya niya ang mawawala, matatanggal din siya sa trabaho.
“Ni-snob mo si Ms. Lacambra?” mahinhing tanong ni Harlet nang makatabi na siya sa akin. Nagsimula na kami sa paglalakad habang ang klase sa mga classrooms ay nagawa nang magpatuloy.
“Medyo wala kasi ako sa mood.”
“Bakit? Ilang oras ba ang tulog mo?”
“Siguro dalawa?”
“Hala. Bumawi ka sa susunod ha? Hindi maganda kung tuloy-tuloy ‘yan. Magkakasakit ka.”
Mahina akong tumawa nang napapakamot ng batok. “Oo, huwag kang mag-alala. Hindi ko naman pinababayaan ang sarili ko.”
“Uhm, talaga bang ikaw lang ang mag-isa sa inuupahan mo?”
“Yupp. Ako lang.”
“Ganoon din kasi ako.”
Bahagya akong natigilan nang maring iyon. Seryoso?
“Nangungupahan ka rin at mag-isa ka?”
“Kailangan dahil parehas OFW ang mga magulang ko,” sagot niya.
“Wala ka bang mga kapatid?”
Mapait siyang ngumiti. “Anak ako sa labas kaya… hindi tanggap.”
“Sorry, natanong ko…”
“No. Ayos lang. Matagal ko nang tinanggap kaya walang problema.”
“Mabuti at pinapadalhan ka ng mga magulang mo?”
She nodded. “Oo kahit papano. At least kahit sa sarili ko, nairaraos ko ang araw-araw. Ikaw, saan ang magulang mo?”
This time, natigilan ako, nawalan ng salita upang maisagot. As much as I want to tell her the truth, hindi ko maaaring sabihin na anak ako ng dalawang kriminal. Aaminin kong ikinahihiya ko iyon, na kinahihiya ko sila bilang mga magulang. Sino ba namang magiging proud para roon? Talagang inabandona ako nang walang kaalam-alam kung paano mairaraos ang buhay.
“Wala na sila. Patay na.”
Tumigil sa paglalakad si Harlet, dahilan kung bakit ako ay nagawa ring tumigil.
“Hala, sorry.”
Mapait akong ngumisi. “Ayos lang. Hindi naman na sila mabubuhay kung magdadrama pa ako. Tara na.”
“Sorry ha?”
“Oo, wala ‘yon.”
Tahimik kaming nagpatuloy sa paglalakad. May kalayuan din kasi ang faculty kaya talagang natatagalan. Sa lawak ng campus na ito, ang iba ay sadyang nagdadala na ng bike para hindi mahirapan sa layo. Hindi naman iyon pinagbabawal.
“Kilala mo sila?” Napalingon ako sa tinutukoy ni Harlet. Nakita ko sina Carrie at Mimossa na napansin kong palihim na tumitingin sa amin.
Binalik ko ang tingin kay Harlet saka tumango.
“Ah oo, kilala ko, bakit?”
“Hindi sa assumera pero pansin ko na may isa sa kanila na nagkakagusto sa’yo.”
“Woah.” Ngumiti ako. “Malabo. Bakit naman sila magkakagusto sa isang mahirap na kagaya ko?”
Totoo. Hindi maabot-abot ang yaman ng dalawang iyan. Swerte na lang kung totoo ngang isa sa kanila ay may gusto sa akin.
“Hindi ‘yon malabo, Jaguar.”
“Edi maganda,” bulong ko sabay ngisi.