One-K
Inihinto ni Denver ang Honda Civic na kulay itim sa parking space ng KLM University kung saan nagtuturo ang mama niyang si Luissa Rebollado bilang English professor.
Pag-aari din nila ang semi-private university na iyon na itinayo pa ng kanyang Ama.
Sumaludo agad sa kanya ang dalawang naka-assign na unipormadong security guards sa parking area nang makita siyang papalapit sa gawi nila.
"Boss, nasa building three si Ma'am Luissa ngayon, patapos na rin ang meeting niya kasama ang board."
"Salamat." Tinapik niya sa balikat ang guwardiya.
Narinig ni Denver ang malakas na hiyawan na nagmumula sa activity area. Madadaanan 'yon papunta sa building three. Kumunot ang noo niya nang makita ang pinagkakaguluhan ng mga estudyante.
"Valentine's Day ba?"
May mga nagkalat na balloons, mga rosas, at mga pusong gawa sa papel na may kulay na pula. Napansin din niya ang isang babae at lalaking nakatayo sa hugis-pusong arko sa gitna ng activity area.
The man must be proposing to the woman standing beside him. But surprisingly, the crowd were not cheering for the couple who were holding each other's hands but for the girl who was strumming her guitar and singing Christina Aguilera's old hit, "I Turn To You." Nakasukbit ang strap ng gitara sa balikat ng babae.
Na-realize ni Denver na mataman din niyang pinapakinggan ang pagkanta ng babae habang pinag-aaralan ang hitsura nito.
Matangos ang ilong nito, napansin niya mula sa pagkaka-side view nito. Gumagala ang mapupungay nitong mata sa mga estudyanteng nanonood. Mahaba ang kulot at kulay-mais na buhok ng babae na mukhang natural at hindi kinulayan lang. The woman was a bit small, sa height niyang six foot three, siguradong hindi aabot sa balikat niya ang babae.
Inilahad ng babae ang kanang kamay sa harap ng pares nang matapos kumanta.
"One thousand pesos for a job well done." Nakangising sabi nito.
Napakamot sa batok ang lalaki.
"Two fifty na lang. Hindi mo naman kabisado 'yong kanta, eh."
"Over. Inclusive sa one thousand pesos yong set up at pagliligpit ng mga kalat ninyo. Sige na, napa-oo mo naman agad si Fiona, eh." Nilingon ng babae ang tinawag na Fiona, kinindatan.
Nahihiya namang ngumiti si Fiona at siniko ang boyfriend.
"Sige na, Tim. Maganda naman ang pagkakakanta niya, eh."
Walang nagawa ang lalaking tinawag na Tim at dumukot na ng pera sa wallet.
Napailing na lang si Denver, na-amuse sa babaeng may gitara na nakangiti habang tinatanggap ang pera mula kay Tim.
"Denver, ang aga mo naman." Napalingon siya sa pinanggalingan ng boses at nakita niya ang nakangiting ina.
Puwersahan niyang inalis ang atensiyon sa babaeng may gitara at hinarap ang ina.
Ngumiti siya.
"Early bird catches the worm."
Tinawagan siya ng kanyang ama at ibinilin na sunduin niya ang ina sa eskuwelahan dahil hindi nito maiwan ang kausap sa Solaire Resorts and Casino.
Ibinalik ni Denver ang mga mata sa mga estudyante sa activity area nang mapansing tumahimik ang mga ito. Bakit nga naman hindi, nakalapit na kasi ang terror at overweight a professor na si Violeta Concepcion.
"What is the meaning of this?!" Dumagundong ang boses ni Prof. Concepcion, pinanlakihan ng mga mata ang bawat estudyanteng madapuan ng tingin nito.
"Halos tilian n'yo na lang ang naririnig sa buong campus, ah! Wala ba kayong mga pasok?!" bulyaw nito. Lalong kumunot ang noo nito nang mapasulyap sa singer.
"Tiu!"
"Maam."
"Ano na naman 'tong pakulo mo?"
"Nagkakatuwaan lang ho kami," nagkakamot ng kilay na sagot ng babae.
"Puwes, ako, hindi natutuwa sa ingay ninyo! Bumalik kayong lahat sa klase!"
Kanya-kanyang pulasan ang mga estudyante. Kinuha ng babaeng may gitara ang bag nito na nakapatong sa bench, saka naglakad papunta sa gawi nila.
Huminto ito sa paghakbang nang makita si Denver, nanlaki ang mga mata, pagkatapos ay ngumiti nang matamis.
"I can see you are happy, Miss Tiu." sabi ng mama ni Denver, hindi napansin ang obvious na pagtitig ng babae sa kanya.
"Sino ba naman ang hindi matutuwa kapag ganito kaguwapo ang masasalubong ko sa daan, Ma'am?"
Tumawa ang mama niya. "Sige na, baka ma-late kasa susunod mong subject."
Tumango ang babae, ngingiti-ngiti pa rin. Tiningnan uli siya at sumisipol pa nang lumiko sa isang hallway. Napapailing na sinundan ni Denver ng tingin ang papalayong babae.
She was charming. Hindi niya maikakaila ang amusement kanina habang pinagmamasdan ito sa ginagawang diskarte sa dalawang estudyante. Hanggang ngayon.
"Dumaan tayo sa paborito kong bakeshop bago, tayo umuwi." sabi ng mama niya.
Nagpunta na sila sa kinapaparadahan ng kotse niya.
Sumilip si Chastity mula sa pagtatago sa hallway. Sinundan niya ng tanaw ang papalayong mag-ina. Kampante siya kay Mrs. Luissa Rebollado dahil magiliw at mabait ito sa lahat ng mga estudyante sa KLM University. Hindi kagaya ng ibang masusungit na professor, matatakot kang lumapit.
Crush niya ang anak nitong si Denver Roi Rebollado, unang kita pa lang. Iyon na ang pangatlong beses niyang nakita ang binata sa University para sunduin ang ina. Ang una ay may isang taon na ang nakararaan, first sem noon.
Si Denver mismo ang guest of honor sa welcome party para sa mga estudyanteng nakatanggap ng scholarship mula sa management ng KLM University noong nakaraang taon.
Isa siya sa dalampung masuwerteng nabigyan ng full scholarship ng University. Habang pinapanood si Denver, hindi maiwasan ni Chastity na humanga rito. Sa pananalita pa lang, halatang edukado ito. Magaling manamit at napakaguwapo kahit pormal ang mukha palagi.
Hindi biro ang taglay na karisma ng anak ng may-ari ng university nila. Nang bumaba ito ng stage ay hindi magkamayaw ang mga estudyante at professors sa pagbati at pagpapa-cute dito. Hindi siya sumali sa mga babaeng iyon. Nakontento na lang siya sa pagngisi-ngisi mag-isa at pagtanaw sa lalaking hindi man lang siya napansin o nakita.
Ang pangalawang beses nilang pagtatagpo ni Denver ay nang hindi sinasadyang makabungguan niya ito sa harap ng faculty limang buwan na ang nakararaan. Sa liit niya at laki naman nito, mao-off balance sana siya kung hindi lang siya nito maagap na nahawakan sa braso.
"I'm sorry. Are you okay?" tanong ni Denver. Bumilis ang t***k ny puso ni Chastity nang magtama ang mga mata nila. Nakita niya ang amusement sa mga mata nito nang maramdaman yata ang paninigas niya.
"O-okay lang..." nakuha niyang isagot. Gusto niya ang pakiramdam ng mainit na kamay ni Denver sa kanyang braso. Parang ang sarap sundin ang udyok ng maharot niyang utak na yumakap na lang sa lalaki.
"Denver, kanina pa ako naghihintay sa'yo," narinig niyang sabi ni Prof. Wendy mula sa likuran ni Denver. Gustong habulin ni Chastity ang kamay ni Denver nang maramdaman ang unti-unting pagbitiw nito sa kanya. Nilingon ng lalaki si Wendy na nakangiti nang matamis.
Hay, panira ng moment, bulong niya habang ume-exit.
Kahit hindi madalas makita ni Chastity si Denver sa university, hindi nawala-wala ang pagkagusto niya sa lalaki.
Ngumiti siya at sinulyapan uli ang halos hindi na matanaw na mag-ina. Pasakay na ang mga ito sa kotse ni Denver. Hindi siya araw-araw nagkakaroon ng pagkakataong makita si Denver. Pero masuwerte siya sa araw na iyon. May one K na, nakita pa niya ang kanyang crush na si Denver Roi Rebollado.