"ANO'T NAGPATAWAG ka ng biglaang meeting, Ramiro?" Tanong ng isa sa matandang board member. Hindi nagsalita ang lalaki at tiningnan kung naroon na ang lahat ng inimbitahan niya. Nang masigurong naroon na lahat ay tumayo siya sa unahan. "Masaya ako at pinaunlakan niyong lahat ang aking paanyaya." Panimula niya. "Teka, hindi ba wala pa si Saga? Hindi na ba natin siya hihintayin?" Tanong ng isa pang board members. "Ipinatawag ko ang meeting na 'to para lang sa inyong lahat. Gusto ko lang ipaalam sa inyo na kukunin ko na ang lahat ng shares ko sa De Verdad Group of Companies, kasabay no'n ay puputulin ko na ang ano mang koneksyon ko kay Saga," wika niya. Lahat ay nagulat sa anunsyo niyang 'yon at kanya-kanya ito ng bulungan. Ang ilan ay nagtanong sa kung ano ang dahilan ng gagawin niya.

