Nagising si Ziya sa amoy ng nilulutong tocino. Pagdilat ng mata nya ay hinanap nya si Tor ngunit wala na ito sa tabi nya. Hinawi nya ang puting tela at tumambad sa kanya ang matandang lalaki at si Tor. Nakaupo ang dalawa sa lamesa.
"O, ayan pala, iho. Gising na ang kasama mo."
"Good morning, Ziya. 'Lika na at kumain na raw tayo, sabi ni Lolo Berting." Nilingon ni Tor si Ziya. Ngumiti pa ito na parang ang sarap-sarap ng pagkakagising.
"Aba, at talaga nga namang ang sarap ng tulog ni Mokong. Samantalang ako, pinahirapan nang husto." bulong ng isip nya.
Pa'no ba naman? Sa tuwing tatanggalin nya ang pagkakayakap ng bisig nito sa kanya ay lalo pa s'yang hinahapit! Naaasiwa sya sa posisyon nila pero ito naman, talagang idinikit pang lalo ang katawan sa kanya. Ang isang binti nga nito ay idinampi pa sa kanya! Akala ata nito ay isa syang malaking hotdog pillow. Nangangamba nga siya na baka maramdaman nito ang matinding kabog ng dibdib nya. Pero ito nga at parang wala lang sa lalaki. Napaka!
"Mukhang hindi maganda ang gising ng kasama mo, iho. Nakabusangot ke aga-aga," wika ng tinutukoy na Lolo Berting.
"Ayyy, Lolo, hindi po. Pasensya na po at may naalala lang. Ang totoo po, kalambot po talaga nitong kama. Sadyang may'ron lang pong nakadikit sa'kin kagabi na 'di ko matanggal," tukoy ni Ziya sa mga braso at binti ni Tor.
"Aba! Hindi ko na kasalanan, iha, kung hindi ka nakapagpunas kagabi ah. Baka malibag na yang katawan mo. Maalikabok kasi talaga rito sa lugar namin," sagot ni Lolo Berting na ikinahagalpak ni Tor. Seryosong-seryoso kasi ang mukha ng matanda. Kagabi pa sya nahihiwagaan dito, di nya alam kung mamahalin nya o kaiinisan.
"Ay, opo, Lolo. Hindi po kasi talaga marunong magpunas sa gabi 'yang si Ziya." Ngumisi pa si Tor pagkasabi niyon. Inirapan na lang ito ni Ziya.
"Aba, kumain na tayo at nang makabiyahe na kayo. Siguradong mas gugustuhin ni Ziya ang maligo na lang sa bahay. Tama ba, iha?"
"O-opo, Lolo." Tiningnan nya ng masama ang kababata. Wala pa rin kasi itong tigil sa kangingisi.
Tumayo na si Ziya at inayos ang pinaghigaan. Pagkatapos ay dumiretso na ito sa may lamesa. Umupo ito sa tabi ni Tor. Hinaplos naman ni Tor ang kanyang buhok ngunit pinalis nya ito. Di nya malaman bakit naiinis na naman sya rito. Ang hirap talaga ng meron, mainit dugo mo palagi.
" Kakatuwa kayong tignan. Ganyan din kami ng asawa ko noong nagliligawan pa kami. Pakipot din yun. Wala pa namang singsing ang inyong mga kamay, magkasintahan ba kayo?" Nangingiti pa si Lolo Berting, parang natutuwang i matchmake silang dalawa.
"Ay, hindi po Lolo. M-magkaibigan lang po kami ni Tor." Napapailing pa si Ziya upang maipakita ang matinding pagtanggi.
"Bagay ba kami, 'Lo?" Inakbayan pa ni Tor si Ziya na pilit naman nyang inaalis.
"Iha, wala namang masama kung aminin mo sa akin na nanliligaw na sa'yo itong si Ton? Ton nga ba?" Tumingin ito kay Tor. "Ikaw naman si Shiela?"
"A-ako po si Ziya, t-tapos ito naman po si Tor," paglilinaw ni Ziya. " Magkababata po kami nitong mokong na 'to." Pasimple pa nyang kinurot ang hita nito, nanggigigil sya sa kapilyuhan nito.
"Ahh.. mas maganda nga iyon, magsimula ang relasyon sa pagka-kaibigan tapos matutuloy sa pagkaka-ibigan. Wala naman masama kung manligaw itong si iho sa'yo, mukha namang 'di gagawa ng masama ito. O, sige, kain na tayo at baka lumamig pa itong niluto ko." Ipinagsandok pa sila ng kanin at binigyan ng ulam ng matanda.
Inalis naman na ni Tor ang kamay nyang nakaakbay kay Ziya ng makitang nagseryoso na ang dalawang kasama sa hapag-kainan.
" Salamat po, Lolo. Pede pong magtanong?" Ngumiti pa si Ziya.
" Oo naman, iha. Ano ba 'yun?"
" L-libre po ba itong almusal namin? Wala na po kasi kaming pandagdag ng bayad."
" Iha… wag mo na alalahanin ang kahit na ano. Libre itong almusal pati na rin ang bayad nyo rito sa bahay," paliwanag ni Lolo Berting.
" Ay, talaga po. Pero di po ba nakakahiya 'yun?"
"Iha, wala naman talagang natutulog d'yan," tukoy ng matanda sa kamang hinigaan nila. "Paborito kasing lugar iyan ng mahal kong maybahay. Dyan na kami natutulog nung nahihirapan na sya maglakad nung na-stroke sya," may lungkot sa boses ni Lolo Berting.
"Asan po si Lola?" Nabitin sa ere ang isusubong pagkain ni Ziya.
"Ay, nasa hospital ngayon e. Nastroke ulit. Nauwi lang ako kasi kukuha ako ng gamit. Yung panganay namin ang nagbabantay sa kanya ngayon."
"Sorry po, Lolo. Sana po gumaling na si Lola."
"Salamat, iha."
Dumaan ang katahimikan, wari pare-parehong nag-iisip ang bawat isa ng susunod na sasabihin.
"Ang ganda po ng lugar ninyo, Lolo. Maaliwalas, saka ang kama, pang prinsesa ang dating. Yun lang pong mga kabaong talaga ang di ko kinaya, Lolo." Sinulyapan pa nya muli ang mga kabaong na nakapagpanindig sa kanyang mga balahibo.
"Wala kasi kaming ibang mapagkakitaan, iha. Family business na namin 'yang mga kabaong, minana ko pa sa tatay ko. Alam mo bang itong bahay namin ay si Tonya ang nagdisenyo, yung minamahal ko?" proud na wika ni Lolo Berting.
"Nagdedesign sya ng bahay, Lolo? Architect po ang asawa nyo?" curious na tanong ni Tor.
"Napansin ko nga po na kakaiba itong bahay ninyo. Sa labas pa lang, unique na ang design. Di mo nga akalain na mayroong mga kabaong sa loob."
"Oo, pero hindi kasi sya lisensyado. Pero kahit ganoon, mahilig pa rin sya gumuhit. Ang iba nyang designs ay nakalagay pa sa taas. Sayang nga lang at di nya napakinabangan. Minsan may kumukuha sa kanya, pero ayun lang, nakakahiya namang maningil lalo na at mga kamag-anak. Bale, pag may mag-abot, salamat na rin." wika ng mabait na matanda.
"Sana po ma-meet namin si Lola balang-araw," wika ni Ziya. Totoo sa loob ni Ziya ang binanggit nya, kung kinatutuwaan nya si Lolo Berting, mukhang sa kwento pa lang nito sa asawa ay pihadong magugustuhan din nya ito.
"Balik kayo rito, mga anak. Welcome kayo matulog dito. Pero sana, ito e pakiusap lang, sana magdala na rin kayo ng makakain. Baka malugi ako sa pagkain, naubos mo na agad, e." biro ng matanda.
"Ay, sorry Lolo. Napasarap po, e." Nag peace sign pa si Ziya, pampawala ng hiya. Di na kasi nya namalayang naparami na nga ang nakain nya.
"Pambihira ka talaga, Ziya." Napakamot naman si Tor. Hindi alam kung matutuwa o maiinis sa katakawan ng kaibigan.
"Biro lang mga anak ang tungkol sa pagkain ha. Pero yung pagpunta nyo ulit dito, bukas ang bahay namin palagi. Ewan ko ba kung bakit ang gaan-gaan ng loob ko sa inyong dalawa."
"Salamat po talaga, Lolo. Sobra. Magaan din po ang loob namin sa inyo," wika ni Ziya.
Pagkatapos kumain ay nagpaalam na ang dalawa kay Lolo Berting. Nangako sila na dadalaw ulit dito kapag nagkaroon sila ng free time.
Sumakay ulit sila sa bus na katulad ng nasakyan nila kahapon. Nagpaliwanag sila na pagdating na lang sa bus terminal sila magbabayad. Ibinigay pa nga ni Tor ang cellphone nya sa konduktor, tanda na kukunin na lang ito pag naibigay na ang pamasahe. Hindi naman tinanggap ng konduktor, nagtitiwala naman daw ito sa kanila. Pagdating ng bus terminal ay ipinagtanong nila kung may naiwang gamit kahapon. Sakto namang walang nagkainteres sa mga iyon. Nagbigay na lang din sila ng tip, mahirap na noh? Mga laptop pa naman ang laman ng kanilang mga backpack. Laking pasasalamat na rin nila. Marami pa rin talagang mabubuting tao sa ngayon.
Pagdating sa kanila ay dumiretso si Tor at Ziya sa hardin ng mga Montemayor. Iba talaga ang simoy ng hangin doon at talagang pahingahan na rin kasi nila ang ilalim ng punong mangga.
"Ziya, saglit lang at kukuha ako ng maiinom natin. Anong gusto mo?"
"Kahit ano lang. Kahit malamig na tubig nga lang, okay na e."
"Sige, saglit lang ha?"
Pagbalik ni Tor ay nakita nya si Ziya na nakatayo. Ang kalahati ng katawan nito ay nakatago at ipinaypay nito ang kanang kamay, mukhang naiinitan. Tinamaan ng araw ang suot nitong bracelet.
"O, Tor, bakit di ka na makagalaw d'yan? Dalian mo at nauuhaw na rin ako." Ikinaway pa nito ang kanang kamay.
Naliyo si Tor dahil bigla syang may naalala. Para syang nasusuka na natatakot. Hindi na nya namalayan na nabitawan na pala nya ang hawak na lagayan ng tinimpla nyang juice at mga tinapay. Huling narinig nya ay ang pagsigaw ni Ziya sa kanyang pangalan.