Unti-unti nang bumabalik ang pagsasamahan nila Tor at Ziya. Kahit busy sila pareho sa kanya-kanyang trabaho, they make it a point na magkaroon ng oras sa bawat isa. Katulad ngayon, magkasabay silang pauwi sa bayan nila sa Bicol. Nagtatawanan silang dalawa nang biglang tumirik ang sasakyan ni Tor.
"Ziya, I think we have a problem."
"At ano naman yun? Baka pwede mong i-check muna yung makina or something? Di ba bago lang itong kotse mo? Ano naman magiging problema nito kung ganun?"
"Yes, it is 100% brand new pero kahit bago ang sasakyan kung wala namang gasolina, hindi rin tatakbo 'di ba?" Ngumisi pa si Tor na parang nagpapa-cute, nagbabakasaling hindi mabwisit si Ziya.
"N-naubusan ka na naman ng gas?! Seriously, Tor?" naiiritang wika ni Ziya. " Alam mo namang pauwi tayo, ni hindi mo chineck kung gaano pa karami ang laman ng tangke mo? Ilang taon ka na bang nagda-drive?"
Napatapik sa noo si Ziya dala ng frustration nya. Hindi pa rin pala natuto si Tor sa mga nangyari nung nakaraan.
"Maaga pa naman. Sakay na lang tayo sa bus. Wala naman tayo malalaking bagahe, madali na sumakay."
Kinuha na ni Tor ang backpack n'ya sa backseat bago lumabas ng sasakyan at dumiretso sa passenger's side para pagbuksan si Ziya ng pintuan.
"Pambihira ka talaga, Tor! Nakakagigil ka! Arrrgh!"
Padaskol na kinuha ni Ziya ang mga gamit nya bago tuluyang lumabas sa sasakyan.
"O, tama na yan at magka-wrinkles ka." Tumingin si Tor sa may kalsada nang may mamataan itong pampasaherong bus. "Yan, may parating ng bus. Tara na."
Pinara iyon ni Tor, sakto namang mayroon pang bakante para sa kanila.
Kasabay nilang sumakay ang isang nagtitinda ng jumbo hotdog sandwich, bumili sila ng tig-isa.Sa kagutuman at pagkainis kay Tor ay idinaan na lang ni Ziya sa pagkain ang nararamdaman kesa awayin na naman ang kababata.
"Ayy! Ano ba yan?! Kamalas-malasang araw naman, o" naiiritang sambit ni Ziya. Bigla kasi nyang nabitawan ang hawak na sandwich at napunta iyon sa kanyang puting-puti na t-shirt. Paniguradong magmamantsa ang ketsup na may mayonnaise sa damit nya.
"Dahan-dahan kasi sa pagkain. Para ka na namang mauubusan."
Hindi na lang pinansin ni Ziya ang pasaring ng kaibigan dahil baka mag-away na naman sila.
"Meron ka bang tissue dyan?" May pagtitimping humarap sya kay Tor at lalong napakunot ang noo nya nang umiling ang lalaki. Sakto namang huminto ang bus.
"O, yung mga mag C-CR dyan. Pwede na po magsibaba muna. Pwede rin po kayo bumili ng pagkain. Mahaba-haba pa po ang byahe natin," boses ng konduktor ng bus.
Iniwan saglit ni Ziya ang bag nya at bumaba na. Dumiretso sya sa comfort room.
" Bakit ba ang init-init ng ulo ko ngayon?" wika ni Ziya sa sarili habang hinuhugasan ang damit nya sa may faucet. "Makaihi na nga rin at malayo pa ang byahe."
Pagkaupo ni Ziya sa toilet ay bumulwak ang di nya inaasahang darating ngayon.
"Tssk, ano ba naman yan?! Talagang ngayon ka pa dumating. Wala akong dalang napkin!" palatak ni Ziya. Kinuha nya ang cellphone at tinawagan si Tor. Natatakot kasi syang lumabas at baka lalo pang lumakas ang dalaw nya, madalas pa naman s'yang matagusan.
"Tor, can you buy me some, ano, uhm…"
"Ano yun? Sige na, kahit ano bibilhin ko for you. Dalian mo lang kasi paalis na ang bus."
"Uhm, n-napkin?" nag-aalangang wika ni Ziya.
"Napkin? Yun lang ba? Sure. Wait mo ako dyan," turan ni Tor at ibinaba na ang telepono.
Nagmamadaling bumaba ng bus si Tor at tinungo ang isang sikat na convenience store. Nang ma-spot-an ang hinahanap ay kumuha sya ng isang balot at binayaran na sa cashier. Pagdating nya sa women's comfort room ay may mangilan-ngilang nakapila. Nahiya tuloy s'yang pumasok na lang sana para iabot dito ang binili nya. Sinubukan na lang nyang tawagan si Ziya pero walang signal. Pinakiusapan nya ang isang babaeng nasa hulihan ng pila para ipaabot kay Ziya ang nasabing napkin. Mayamaya lang ay pagalit nang lumabas si Ziya ng comfort room, ang isang kamay ay nakatakip sa may bandang puwitan nito.
"Aanhin ko itong tissue?!" Ibinato pa ni Ziya ang plastic niyon sa lalaki. Dali-dali namang sinalo ni Tor ang plastik.
"O, bakit nagagalit ka na naman? Nagpapabili ka kamo ng napkin, edi ito, di ba pampunas mo sana sa blouse mong namantsahan ng kinakain mo kanina?" pagpapaliwanag ng naguguluhang si Tor. Tinignan nya pa ang parte ng damit nito na narumihan kanina. Medyo may mantsa pa rin pero mukhang nahugasan na dahil may basa-basa pa iyon.
"Napkin ang pinapabili ko, Tor?! Napkin?! Yung para sa ano, yung sa, pambihira naman o!" Napahampas pa ang babae sa binti nito at napaupo na lang sa frustration paano sasabihin sa lalaki ang gustong ipabili.
"M-mali ba ang binili kong brand ng tissue? Ano bang gus…to.. Ahh, hindi mo naman kasi nilinaw, e." Sa wakas ay napagtanto na ni Tor ang pagkakamali nya. "S-sorry.. Anong brand ba bibilhin ko? Saka di ba merong ano yun, yung may wings saka no wings at all, am I right?" Tinapik pa nya ang balikat ni Ziya na ngayon ay nakayuko na at ayaw pang ipakita ang mukha.
"Bahala ka na! Basta bumili ka!" pasigaw na sagot ni Ziya, nahihiya kasi sya kay Tor. First time nya mawalan ng napkin tapos natagusan pa sya dahil lumakas na agad ang buwanang dalaw nya. Wala naman siyang ibang mautusan at ni hindi sya makalayo para sya na ang bumili sa tindahan sa takot na lumaki pa ang tagos nya.
"Wag ka na mainis. Sige, babalik na ako sa tindahan. Hintayin mo na lang ako ulit. Saglit lang ako, promise."
Tumakbo na si Tor pabalik ng convenience store. Nang nasa harap na sya ng mga estante ng napkin ay hindi nya akalaing mas maguguluhan sya. Ang dami palang brand nun tapos iba-iba pa! Hindi lang pala with wings at non-wings!
Nauna nyang nadampot ang pantyliner.
"Meron palang ganito, para ba ito sa unang araw ng mens, kaya manipis lang? Siguro dahil mahina lang sa mga unang araw. Eh, paano kung malakas na sa unang dating?"
Ibinaba nya ang pantyliner at dinampot ang with wings at yung non-wings na napkin. Ipinagkumpara nya ang dalawa.
"There is no difference at all, with wings or non-wings pareho lang naman ng size."
Tumingin pa sya sa estante dahil nakita nya pa ang ibang klase.
"Overnight?? Merong pang-umaga lang tapos merong panggabi rin? Ganun ba yun?"
Ikiniling nya ang ulo dahil hindi nya alam kung kailangan din iyon dahil baka gabihin sila sa daan. May isa pang klase na naka-catch ng attention nya, ang menstrual pants.
"What's this? Adult diaper for menstrual flow?? Magulo na nga mag-isip ang mga babae tapos andami pa nila pinagpipilian pag may dalaw sila. Ano bang bibilhin ko??" Tiningnan pa nya ang relo at nagulat na lang sya dahil 15 minutes na pala ang nakalipas sa pagpili nya. Sa huli ay kumuha na lang sya ng tig-isa sa lahat ng klase na nakita nya. Pagdating nya sa comfort room ay dali-dali nyang ibinigay sa dalaga ang mga pinamili nya, nasa labas pa rin kasi ito ng banyo. Pumila pa ulit ito bago nakapasok ng tuluyan sa banyo. Pagkalabas ni Ziya sa public toilet ay mabilis nilang tinakbo ang pwesto ng bus na sinakyan nila dahil napatagal na sila, ngunit wala na ito roon, may iba ng nakaparada.
"A-anong gagawin n-natin ngayon? Tapos iniwan mo pa ang gamit natin dun sa bus!" asar na sisi ni Ziya sa lalaki.
"Nabubwisit na rin ako sa'yo, Ziya, ha. Pero please lang, can you calm down? Wala naman magagawa ang pagsigaw-sigaw mo dyan, e. Babalik ba yung bus kung patuloy kang magmamarakulyo dyan?" sermon ni Tor sa dalaga.
Napahinto naman si Ziya, napahiya sa kinikilos nya. "S-sorry, it was just that, blame it to my hormones, i guess."
"Wag ka sana magagalit sa sasabihin ko ha. Pwede?"
"Depende.. pero sige, makikinig ako."
"Can you not say it anymore? About blaming your hormones? It was like telling us that you can do anything you want just because you have your period. Halimbawa, it can be your excuse to not say sorry 'pag may nabangga kang taong nakaharang sa daraanan mo kahit nakita mo na in the first place. Wala e, mayroon ka kasi that time. But you can choose to avoid the person right?"
Hindi nakarinig ng sagot si Tor kaya ipinagpatuloy nya ang kanyang sasabihin.
"I mean, sarili mo pa rin yan. You can control your emotions. Hindi ka papayag lang na hayaan ang sarili mo na mainis o magwala dahil pwede mo namang piliin ang huminga muna at magpakahinahon."
"S-sabagay, you have a point. I'll try pero hindi ako mangangako, dahil mahirap talaga. Mahirap i-explain ang PMS. Ang hirap maging babae, satru lang."
"Okay na sa'kin na marinig na you'll try." Nginitian pa ni Tor si Ziya.
Huminto si Ziya at tiningnan ang langit. "Dito na lang ba tayo? Maghihintay pa ba tayo ng bus o maghahanap ng matutuluyan?"
Tumingin na rin sa kapaligiran si Tor at dun lang nya narealize na gabi na pala. Tiningnan nya ang kanyang relos. Kaya pala ganoon ang nararamdaman ng dalaga. Kung meron man kasing darating na bus, siguradong punuan na iyon. Ayaw naman nyang nakatayo sila pareho dahil napaka- inconvenient nun para sa kanilang dalawa. Malayo pa kasi ang ibabyahe nila. Tama naman ito, mahirap din matulog sa may bus station. Kailangan nila humanap ng pansamantalang matutulugan nila.
Tinanggal nya ang kanyang jacket at lumapit sa dalagang nakatakip pa rin ang kamay sa may puwitan nito. Inilagay nya ang jacket sa may balikat nito. Kilala nyang lamigin si Ziya.
"Tanggalin mo na yang kamay mo sa may puwitan mo. Wala naman ng makakakita nyan. Wag mo na ikahiya. Natural lang sa babae ang matagusan, naiintindihan naming mga lalaki yan. At lalo naman kayong mga babae, panigurado." Hinimas-himas nya ang mga balikat nitong nagsisimula nang lumamig. " Sa bewang mo sana ko ilalagay 'tong jacket pero alam kong lamigin ka kaya dito na lang sa balikat mo."
Hinuli nya ang tingin ni Ziya at matamis na nginitian. Alam nya kasing aside sa naiinis ito sa nangyari sa sinakyan nilang bus, mas lamang ang nahihiya ito dahil sa pinabili nitong napkin sa kanya.
"S-salamat, Tor."
"Wag ka na mahiya, ah. Ako nga, hindi nahihiya sa daladala ko ngayon, o." Itinaas pa nito ang dalang transparent na plastik na kitang-kita ang mga lamang iba't ibang napkin.
Napangiti na rin si Ziya.