Carlos POV
Nagising ako sa malakas na pagsabog na narinig ko mula sa malayo. Kaagad kumunot ang noo ko nang mapansing nasa loob ako ng simbahan. Bigla akong napatayo, may hawak pala akong b***l.
Napatingin ako agad sa pintuan nang may sumabog na naman. Ano’ng nangyayari? Mabilis akong tumakbo para silipin ang labas. Pagbukas ko ng pinto, bumungad sa’kin ang wasak na harapan ng simbahan habang tuloy-tuloy ang putukan ng mga b***l. Nasaksihan ko ang mga kapwa kong pulis na tumatakbo habang nakikipagputukan sa mga kalaban. Nang tumingin ako sa gitna ng kaguluhan, halos mapa-atras ako sa gulat nang makita ang sarili ko—yakap si Elena habang pinoprotektahan siya.
Pero napahinto ako nang mapansin ko—hindi pala ako ang lalaking kasama ni Elena.
"Leo…" wala sa sarili kong sambit. Lumingon siya sa’kin at tumitig. Nakikita niya ba ako? Bigla siyang natumba—may tama na ng bala sa kaliwang mata. Kitang-kita ko kung paano siya niyakap at iniyakan ni Elena. Humahagulhol ito habang nakikiusap na huwag siyang iwan.
May kung anong kumirot sa dibdib ko kaya napilitan akong tumalikod. Pero sa pagtalikod ko, hindi ko nakita ang balang papalapit—naramdaman ko na lang ang mainit na bakal na bumaon sa dibdib ko. Napakapit ako roon hanggang sa bumigay ang tuhod ko at napaluhod sa semento.
"Santiago… Santiago! Gising!"
Napamulat ako bigla at napahawak sa dibdib ko. Sinilip ko kung may tama nga ako ng bala at napahinga ako nang maluwag nang wala akong makita. Hinilamos ko ang mukha ko, pilit inaalis ang panandaliang kaba.
"Ayos ka lang?" takang tanong ni Jam. Umiling lang ako saka tumayo at kumuha ng tubig sa dispenser—nilagok ko lahat. "Sabi pala ni Jenna—mauna na daw tayong manghalian," dagdag niya. Lumingon ako sa kanya. "Sige."
Lumabas kami at pumunta sa dati naming kinakainan tuwing tanghalian—sa karinderya ni Aleng Maleen. Masasarap ang mga tinda rito kaya talagang binabalik-balikan. Pagkaupo namin, agad kaming nilapitan ng utusan.
"'Yong dati," sabi ni Jam—at kaagad naman itong naintindihan.
Habang naghihintay ng pagkain, napatingin ako sa cellphone ko nang may mag-text. Agad kong nakilala ang number—ito ang nag-te-text sa’kin mula pa kahapon.
Nanlaki ang mga mata ko nang magsend ito ng litrato namin ni Jam, dito mismo sa karinderya. Kinuha lang iyon ngayon. Napalingon ako sa paligid, pero wala akong nakitang kahina-hinala. Biglang nag-ring ang cellphone ko kaya agad ko itong sinagot—pero walang nagsasalita sa kabilang linya.
"Hello?" tanong ko, pero wala pa ring sagot. Napalingon si Jam. "Sino ’yon?" bulong niya. Umiling lang ako. Dahil walang nagsasalita, pinatay ko na lang ang tawag. Mabuti na lang at dumating ang pagkain kaya hindi na siya nagtanong pa.
Kinagabihan, naglalakad ako papunta sa sakayan dahil nasa repair shop ang motor ko—kaya wala akong choice kundi mag-jeep. Habang naglalakad, napansin ko ang aninong kanina pa sumusunod sa’kin. Pinakiramdaman ko ang paligid at binilisan pa ang lakad—madilim at halos walang tao.
Binilisan ko pa hanggang sa naging takbo na. Nang makalayo, mabilis akong nagtago sa pader at sinilip kung sino ang sumusunod. Malakas ang kutob kong may kinalaman siya sa mga text na natatanggap ko.
Nakita kong nakamasid siya sa dinaanan ko, tila hinahanap kung nasaan ako. Papalapit siya—pero hindi niya ako nakita. Sinamantala ko ang sandali—itinulak ko siya dahilan para mapaluhod, sabay bunot ng b***l at itinutok sa tagiliran niya.
"Sino ka? At bakit mo ako sinusundan?" tanong ko.
Tumawa siya. "Boss… 'wag namang ganyan," sabi niya. Mas lalo kong idiniin ang b***l sa tagiliran niya. "Sinong nagpadala sa’yo para sundan ako?" tanong ko ulit.
"Hulaan mo," sagot niya, sabay tawa. "Hindi ako nakikipagbiruan sa’yo," seryoso niyang sabi. Ngumisi siya. "Pareho pala tayo…" Bigla niyang inuntog ang ulo niya sa baba ko—nawalan ako ng balanse sa hilo.
Hindi niya sinayang ang pagkakataon—sinipa niya ako kaya bumagsak ako. Inagaw niya ang b***l at itinutok sa’kin. Marahas niyang sinabunutan ang buhok ko. Minura ko siya—pero sinuntok niya lang ako nang malakas.
Nalasap ko ang dugo sa bibig ko. Tang’na. Tiningnan ko siya nang masama kaya sinuntok niya ulit ako hanggang sa mahilo.
"Ano, ha? Ang tigas-tigas ng bungo mo!" sabi niya, sabay sampal sa’kin.
"Tang’na! Bitawan mo ako!" sigaw ko. Ngumisi siya. "Warning na ’to sa’yo, SPO1 Santiago. 'Wag na kayong makialam sa kaso ni Anna."
"Sino ka?! At ano’ng alam mo?!" galit kong tanong. Lalo lang siyang ngumisi. "Hindi ako ang kalaban n’yo—mas hayop ang kakalabanin n’yo. Kaya kung gusto n’yo pang sikatan ng araw sa susunod na taon… ibagsak n’yo na ang kaso."
"Bitawan mo ako!" pagpupumiglas ko. "Alam mo… ang ingay mo. Alam mo bang kaya kitang patayin dito mismo? At kapag ginawa ko ’yon, walang makakaalam sa nangyari sa’yo—pero hindi… mabait ako," sabi niya, sabay tingin sa b***l.
"Papatulugin lang kita—ng ilang araw," dagdag niya bago pinukpok ang ulo ko gamit ang b***l. Nandidilim ang paningin ko—parang sasabog ang bungo ko sa sakit.
Binitawan niya ako at naglakad palayo. Naramdaman ko ang mainit na dugong dumadaloy sa mukha ko.
"Tang’na…"
At hindi ko na namalayan nang tuluyan bumagsak ang katawan ko sa malamig na semento hanggang sa tuluyan nang magdilim ang paningin ko.