Carlos POV
Dinala ko ang bata sa bahay ni Jenna, malapit lang sa lugar kung saan kami kanina. Nagulat siya nang makita ang bata, pero sinabi ko na kailangan nito ng matutulugan ngayong gabi, kaya pinatuloy niya kami.
Siya na ang nag-asikaso sa bata. Pinaliguan niya ito, binihisan, at pinakain. Matapos noon, hinarap namin ang bata nang maayos at maingat.
Ikwento ng bata kung bakit ibinebenta siya ng kanyang mga “magulang.” Doon namin nalaman na hindi niya tunay na mga magulang ang kasama niya ngayon. Pinagtapat niya na sampung taong gulang pa lang siya nang kunin siya ng kinikilala niyang magulang sa malaking bahay kung saan marami silang mga bata. Itinakas daw siya ng mga ito para makalaya sa bahay na iyon.
"Anong ginagawa nila sa mga bata sa bahay na iyon?" tanong ni Jenna.
"Dinadala nila kami sa party na puro mayayaman lang ang pumupunta… tapos…" Tumigil siya, parang nag-aalangan na ipagsabi ang iba pa niyang nalalaman. Hinawakan siya ni Jenna sa likuran at ngumiti. "Ok lang, Mina," sabi niya sa bata.
"Tapos… binibenta kami ni Papa sa kanila," dugtong niya. Nagkatinginan kami ni Jenna. "Sino itong si Papa? Siya ba ang tunay ninyong magulang?" Tanong ni Jenna ulit. Umiling si Mina. "Wala na kaming mga magulang… siya na lang, at sina Kuya Eron at Ate Elena ang nagpalaki sa amin," sabi niya, pero isang pangalan lang ang agad na humuli sa atensyon ko.
"Elena? Sino… sino siya?" Wala sa sarili kong tanong. Tumingin sa akin si Mina. "Siya po ang tunay na anak ni Papa. Sila ni Kuya Eron. Sila po ang nagtatanggol sa amin kapag pinapalo kami ni Papa," paliwanag niya.
"Segi… hanggang dyan na lang muna. Matulog ka na, ok?" Ani ni Jenna, saka tinulungan ang bata na humiga. Ilang sandali pa, lumapit ito sa akin.
"Hoy! Bakit parang apektado ka sa Elena na iyon?" tanong ni Jenna.
"Ano… wala," sagot ko lang. Nagpaalam na ako at sinabi na kukunin ko na lang ang bata bukas.
Kinaumagahan, naging malapit na ang loob ni Mina sa amin. Sinasagot na niya lahat ng mga tanong namin at sobrang nakatulong ito sa amin. Lahat ng sinasabi niya ay nagiging susi para maipagdugtong namin ang lahat ng nangyayari.
"Tama nga tayo… k********g at child trafficking nga ang nangyari sa mga bata. Kinuha sila sa murang edad para palakihin at ibenta sa mga mayayamang pamilya na hindi kayang magka-anak," sabi ni Luis. "Sigurado akong itong sinasabi niyang Papa ay ang leader ng sindikato. Ngayon naiintindihan ko na ang koneksyon nito sa Black Moon Organization. Malaki na ang ebidensyang hawak natin, pero kulang pa ito," dugtong niya.
"Kailangan nating imbestigahan ang pamilya na nagpalaki sa batang iyan, pati na rin ang nag-alaga sa kanila sa malaking bahay na sinasabi niya," dagdag ni Jam.
Inuwi namin si Mina sa kanilang bahay, pero mahigpit namin siyang binabantayan. Mabuti na lang at hindi na siya mailap sa pagtulong sa amin.
Ilang araw din naming pinag-aralan lahat ng impormasyong hawak namin bago muling nakakuha ng bagong impormasyon.
"Nakita ko na!" anunsyo ni Luis.
"Madrigal Family ang humahawak sa Black Moon Organization, at maswerte tayong nakakuha ako ng kakaunting impormasyon tungkol sa kanila," sabi niya, saka nag-flash ng litrato sa screen.
"Nanggaling sila sa Amerika at taong 2012 nang pumunta sila sa China para manirahan at magkapamilya doon. Taong 2015 nila sinimulang itayo ang Black Moon Organization, na dati’y tumutulong lang sa mga batang nasa ampunan o walang pamilya. Kilala sila sa ibang bansa bilang organisasyon para sa mga bata… ayon sa source ko, marami silang sponsor dahil sa ganda ng kanilang campaign. At taong 2018 nila dinala ang Black Moon Organization sa Pilipinas para dito ipagpatuloy. Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang mga batang kanilang tinutulungan ay kalaunan ibinebenta sa mga foreigner na mayayaman at hindi kayang magka-anak," mahabang paliwanag ni Luis.
"Dr. Evan Smith Madrigal, o mas kilala bilang Dr. Smith, ang CEO ng Organization," nag-flash siya ng litrato ng matandang lalaki, magara ang kasuotan, at malaki ang ngiti. Sa unang tingin, aakalain mo talagang mabait siya, pero hindi batid ang masama niyang intensyon.
"Ito naman si John Eron Madrigal, panganay na anak niya, na siyang nagma-manage ng mga hotels nila dito sa Pilipinas at sa ibang bansa," sabi niya.
Nang i-flash niya ang pangalawang litrato, halos mahulog ako sa kinauupuan sa gulat. Kaagad na bumilis ang t***k ng puso ko nang makita ang pamilyar niyang ngiti sa litrato.
"At ito si Kim Elena Madrigal, bunsong anak ni Dr. Smith. Ayon sa balita, maaga itong nawala dahil sa isang aksidente sa mismong kasal nito. Ito palang ang nakalap nating impormasyon, pero malaking tulong na ito sa kaso…"
Marami pa ang sinabi ni Luis, pero tila nabingi ako sa lahat ng iyon. Hindi ko maalis ang titig ko sa litrato ni Elena. Hindi ko na nga namalayan na pumatak na ang luha sa kaliwang mata ko habang nakatingin sa litrato niya na naka-wedding dress at may malaki at maamo niyang ngiti.
Sa unang pagkakataon, pakiramdam ko may tumusok na karayom sa dibdib ko. Masakit iyon at bumabaon. Gusto kong itanong sa sarili ko… bakit sa lahat ng taong pwedeng lumabas sa litrato… bakit… bakit ang asawa ko pa?