Elena's POV
Nagising na naman ako sa simbahan na paulit-ulit na lumalabas sa panaginip ko. At muli, nakasuot ako ng wedding dress. Bakit palagi kong napapanaginipan ito? Ano bang nangyari sa akin dito?
"Elena!"
Napalingon ako sa pintuan nang may tumawag sa pangalan ko. Laking gulat ko nang makita si Carlos. Kaagad akong napangiti at tumakbo papunta sa kanya, pero hindi ko magalaw ang mga paa ko. Napatingin ako at may mga duguang kamay na nakakapit sa akin, hinihila ako palayo sa asawa ko.
"Asawa ko!" sigaw ko. Bigla akong hinila ng mga kamay nang sobrang lakas at napaupo. Nang itaas ko ang tingin, nasa ilalim ako ng altar, at dugo ang wedding dress ko. Anong nangyayari?
"Elena… dito ka lang. 'Wag ka nang aalis. Naiintindihan mo?" sabi ng lalaking nakayakap sa akin habang maririnig namin ang sunod-sunod na putok sa paligid.
Umangat ang tingin ko sa kanya. "Anong nangyayari?" tanong ko.
"Nilusob tayo ng gagong Leo na 'yon. May dala siyang mga pulis na kasama niya. Sabi ko na nga bang tama ako na ilayo ka sa kanya. Dito ka lang… at tuturuan ko lang ng leksyon ang gagong 'yon," paliwanag niya.
"Kuya… sandali!" napatingin ako sa kanya, nagulat sa sinambit ko. Bakit ko siya tinawag na “Kuya”?
"Dito ka lang, Elena. Babalikan kita," sabi niya, dala ang b***l, saka dali-daling tumakbo palayo. Napasigaw ako nang marinig ang ilang nakakabinging putok. Ano bang nangyayari?
"Elena!" nabigla ako nang may humawak sa kamay ko. Tinakpan nito ang bibig ko.
"Ako ‘to, si Leo," sabi niya. Nanlaki ang mata ko nang makilala ang mukha—si Carlos. Pero bakit Leo ang pangalan niyang sinabi?
"Makinig ka. Itatakas kita dito. Kailangan nating umalis," dagdag niya, saka hinila ako.
"Carlos!" tawag ko, pero hindi siya lumingon.
"L-Leo…" tawag ko sa ibang pangalan, at nagulat ako nang humarap siya sa akin. Anong ibig sabihin nito?
"Elena. Kailangan nating umalis. Hindi ka pwedeng makita ng mga kasama kong pulis… itatakas kita," paliwanag niya sa nagmamadaling tono. Huminto ako sa pagtakbo, at tumingin siya sa akin.
"Sino ka—ah!!" napasigaw ako nang may pumutok na b***l mula sa malayo, tumama sa balikat niya.
"Sh*t!" mura niya, saka hinila ako sa likod ng simbahan, sa isang malaking pader.
"Ayos ka lang ba?" natataranta kong tanong. Halos maiyak na ako nang makita ang dugo sa kanya.
"Ok lang ako. Hindi kita papabayaan… mahal na mahal kita," sabi niya, saka hinalikan ang buhok ko.
Hindi ko alam kung bakit gumaan ang pakiramdam ko sa pagkakataong iyon. Parang may bumalik na pakiramdam sa puso ko na hindi ko maintindihan.
---
Carlos POV
Nagising ako sa sikat ng araw. Nagtaka ako sa liwanag at sa parang batong higaan. Pagmulat ko ng mata, kaagad akong napabangon sa gulat.
"Teka… nasaan ako?" tanong ko sa sarili. Napansin ko na nakahiga ako sa buhangin. Paano ako napunta dito? Napatayo ako at napatingin sa paligid.
"Nasa Manila Bay ba ako?!" gulat kong tanong. "Paano ako nakarating dito?" Hawak ko ang ulo ko, litong-lito. Nalasing ba ako kagabi? O na-kidnap ba ako at tinapon dito?
May nakita akong babaeng nakaupo sa buhangin.
"Elena?" tawag ko. Lumingon siya at ngumiti, sabay kumaway.
"Asawa ko! Halika dito!" tawag nya. Dali-dali akong lumapit.
"Paano tayo nakapunta dito?" tanong ko habang umupo sa tabi niya.
"Pinagsasabi mo ba? Naka-drugs ka ba? Diba nga dinala mo ako dito kasi isa sa mga wish ko ay pumunta sa Manila Bay?" sabi niya. Napatingin ako sa paligid—parang kami lang ang tao dito.
"Segurado ka bang dinala kita dito?" tanong ko.
"Ano bang nangyayari sa’yo?" sagot niya, halatang inis. "Check na ‘to sa Bucket List ko. Dalawang kahilingan na lang ang gagawin mo para sa akin, Asawa ko," sabi niya, nakatingin sa akin.
"Dalawa? Ano 'yon?"
Matagal niya akong tinitigan bago sumagot. "Yung dadalhin mo ako sa MOA, tsaka…" tumingin siya sa dagat.
"…ang malaman kung sino ba talaga ako," dugtong niya, at tumigil ako sa paghinga. Kaagad akong umiwas ng tingin.
Lihim kong tinignan siya. Nakatitig siya sa dagat at nilalaro ng mga paa niya ang tubig na dinadala ng alon. Napaisip ako—ano kaya ang mararamdaman niya kapag nalaman niya ang totoo niyang pagkatao? Kaya ko bang sabihin?
"Carlos… kapag nalaman mo na kung sino ba talaga ako… pwede bang…" tumingin siya sa mata ko.
"Pwede bang ipangako mo sa akin na hindi mo ako iiwan? Ayoko na kasing maiwan ulit…" Sabi niya, at biglang kumurot sa dibdib ko. Napaiwas ako ng tingin.
"Hindi ko alam," sagot ko, wala sa sarili. Natatakot ako sa sarili ko kung ano ang gagawin ko kapag marami pa akong nalaman tungkol sa kanya.
"'Wag mo naman akong iiwan…" Napalingon ako sa kanya sa mahina niyang paghikbi. Kaagad akong naalarma.
"Teka… 'wag kang umiyak," sabi ko, saka pinunasan ang luha niya. Umangat ang tingin niya sa akin, at kitang-kita ko ang kalungkutan sa mga mata niya.
"Ipangako mo sa akin, Asawa ko," sabi niya. Tumitig ako sa kanya at dahan-dahang bumaba sa matangos niyang ilong hanggang sa hindi ko na mapigilan ang sarili kong humipo sa labi niya.
May kung anong kumokontrol sa mga kamay ko para hawakan ang makinis niyang mukha at iaangat ito. Hindi ko namalayan na dumikit na ang labi ko sa kanya. Nakuyom ko ang kamao niya nang humalik siya pabalik sa akin. Naramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Nangibabaw ang kakaibang sensasyon—sa pagkakataong ito, ayaw ko munang matapos.
"Mahal kita, Asawa ko," bulong niya.
Umalingaw-ngaw ang boses niya sa paningin ko hanggang sa imulat ko ang mata ko. Napatulala ako sa kisame ng kwarto ko.
"Sh*t…" bigla kong nasabi. Panaginip lang 'yon, pero bakit bumilis ang t***k ng puso ko?
Ano itong nararamdaman ko ngayon? Hindi kaya… may nararamdaman na ako para sa babaeng iyon?