PROLOGUE
"'NAY, ALIS NA PO AKO!" Sigaw na paalam ko para marinig ako ni nanay dahil abala siyang nagwawalis sa may likod ng bahay. Normal lang naman iyon sa kaniya dahil maaga talaga siya kung magwalis. Tumingin ako sa orasan at may ilang minuto pa naman ako bago ang oras na ibinigay ng kaibigan ko. Saglit pa akong tumingin sa salamin para i-check ang sarili at saka nagmamadaling lumabas ng bahay.
Hindi ko na hinintay pang sumagot si nanay dahil kanina pa tawag nang tawag ang best friend kong si Helen. Aniya ay may importante siyang ipapakita sa akin.
Plano naman namin ang gumala pero mamayang hapon pa dapat iyon. Pero dahil nagmamadali siya ay maaga akong gumayak.
"Ano ba kasi 'yon? Naglalaba ako tapos bigla ka magmamadali sa lakad natin!" Iritang sabi ko sa kaibigan ko pagkarating ko pa lang.
Kasalukuyan kaming andito sa isang kilalang restaurant. Ang sabi niya ay nagugutom na daw siya kaya dito siya dumiretso.
"Lipat na lang tayo ng makakainan. Jusmiyo, marimar! Nalulula ako sa presyo ng mga 'yan!" Reklamo ko at ibinagsak sa mesa ang listahan ng mga pagkain. Sobrang mahal. Sa karinderya nga ay mura na, sure na mabubusog ka pa!
"Hah! Tumahimik ka nga diyan. Naku, mamaya ipagpapasalamat mo pa sa akin at isinama kita!" Pinanlakihan niya ako ng mata at dinuro-duro gamit ang hintuturo pero nahinto iyon sa ere nang malipat ang tingin niya. Nasa likod ko na naka-focus ang attention niya kaya naman nilingon ko ito.
Hindi pa nakakapihit ang katawan ko para lingunin iyon ay nahila na niya ang buhok ko.
Hindi ganoon kalakihan ang mesa namin at may apat na bangko. Kanina ay magkaharap kami pero ngayon ay lumipat siya sa tabi ko at pinigilan akong lumingon.
Ano bang problema nito?
Lumapit siya sa akin habang hawak ang menu na kunwari ay nagtitingin.
"Hah! Tingnan mo. Palihim lang ha! Wag kang tatanga-tanga at baka mahuli tayong pareho! Tingnan mo bandang 5:00." Ibig sabihin noon ay nasa bandang likod ako titingin.
Kung magsisimula sa 12 ang orasan at sa harap namin ang 12, panigurado nasa may likod ko sa bandang kanan ang tinutukoy niya. Ganito ang ginagamit naming technique sa tuwing may itinuturo kaming tao. Feeling spy kasi kami. Isa pa, ayaw naman naming malaman ng iba na pinagku-kwentuhan namin sila ano.
Unti-unti kong nilingon ang pwesto na tinutukoy niya at agad ko rin iyong binawi.
Teka. Tama ba ang nahagip ng mata ko?
Isang beses pa akong lumingon para makita kung tama ba ang nakita ko.
Inaalalayan ng lalaki ang kasama niyang babae na maupo. Familiar sa akin ang posture ng lalaking iyon.
Napatingin ako sa kaibigan ko. Seryoso ang itsura niya habang nakatitig din dito.
Dahan-dahan pa ulit akong lumingon at doon ko nakumpirma na tama nga ang hinala ko.
Kilala ko ang taong 'yon. Hindi lang basta kilala, kung 'di kilalang-kilala. Karelasyon ko ba naman ng halos pitong na taon, hindi ko pa ba makikilala?
Hah! Baka nga hindi! Naitago niya nga na may babae siya e! Tumalim ang paningin ko.
'Wag na 'wag niyang itatanggi sa aking hindi niya babae iyan! Kilala ko ang pamilya at mga kaibigan niya at hindi iyan pamilyar sa akin. Isa pa, malabong kaibigan lang iyan kung ganiyan siyang umalalay.
Tatayo na sana ako nang bigla akong pigilan ng kasama ko. Sinamaan ko siya ng tingin.
"Wag ka mag-eskandalo dito. Gaga ka ba? Nakakahiya oh! Iiwan kita dito, sige ka!" Pagbabanta niya pa sa akin.
Huminga ako ng malalim bago lingunin ulit ang pwesto ng boyfriend ko. Anak ng! Bakit hinahawakan niya ang kamay ng babaeng yon!?
Dali-dali kong kinuha ang cellphone ko mula sa dala kong sling bag.
"Hoy anong gagawin mo ha?" Nag-aalalang tanong ng kaibigan ko. Paniguradong iniisip nito na gagawa ako ng katarantaduhan e.
Tinawagan ko ang phone number niya.
Sinilip ko kung ano ang gagawin nito. Noong una ay hindi niya napansin pero kung pagbabasehan ko ang galaw nila, itinuro ng babae ang cellphone niya na nasa ibabaw ng mesa. Mukhang naka-focus talaga siya sa kasama niya, ha. Wow lang! Hello? Seven years na girlfriend here? Ignore na lang?
"H-hello? L-love?" Wow. Love mo mukha mo, gago! At talagang nauutal ka pa!
"Love," syempre pa-sweet ang boses ko para hindi halatang hinuhuli ko siya. "Where are you?" Kalmadong tanong ko pa. Sa loob-loob ko ay gusto ko na siyang pagmumurahin. Ang magaling kong kaibigan, nagpipigil ng tawa habang kunwaring nagtitingin sa menu. Tumataas at bumababa ang balikat niya na animong tawang-tawa.
Bumalik ang tingin ko sa pwesto ng boyfriend ko. Bahagya siyang lumayo ng konti sa kasama. Nasa may dulo na kasi sila nakapwesto.
"A-ahh.. nasa office lang, Love. Tambak ang paper works kaya hindi pa ako nagte-text sayo."
"Ah, talaga ba?" Automatic na lumabas ang sarcastic na salitang iyon sa bibig ko nang hindi ko inaasahan. Well, hindi ko rin naman pinagsisisihan. Ibang paperworks yata ang tina-trabaho niya?
"H-ha?" Naguguluhang tanong nito at nagpalinga-linga pa sa paligid kaya agad akong napaiwas ng tingin para itago ang mukha ko.
"I-I mean. Talaga, Love? Pasensya na, naka-abala pa ako. Sige na, balik ka na sa TRABAHO mo. Work hard." Page-emphasize ko sa salitang trabaho. Tambak pala ha. Tambakan ko kaya siya ng bubog sa mukha?
Nanggagalaiting pinatay ko ang cellphone at hindi na nagpaalam pa. Saglit ko pang tiningnan ang pwesto nila at kitang-kita ko kung paano siyang ngumiti sa babae na parang walang nangyari habang papalapit sa pwesto nito.
Nagpatiuna na akong umalis doon at sinundan naman ako ng kaibigan ko palabas.
"Thank you. Come again, ma'am." Nakangiting paalam ng guard doon.
"Hah! Come again your face!" Galit na sabi ko dito at kitang-kita ko kung paanong nagulat pa siya sa inasta ko pero hindi ko na siya tinigilan para humingi ng tawad dahil tuloy-tuloy akong umalis.
Narinig ko pang humingi ng tawad ang kaibigan ko bago ako sundan.
"Ano ka ba naman! Pati naman guard ginanon mo!" Sita nito sa akin nang maabutan niya ako.
"Kasalanan mo to!" Duro ko sa kaniya bago lumiko pakanan.
"O-oh? Bakit ako na naman? Hindi naman ako ang nagloko!" Depensa niya sa sarili.
"K-kung hindi mo pinakita! Okay sana ako!" Gigil na sigaw ko, hindi na makapag-isip ng rational. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko at parang hinahalukay ang sikmura ko. Parang gusto kong masuka.
"Awts, pain. Shot puno bespren?" Aya niya sa akin at inakbayan pa ako dahilan para madali ko lang siyang masiko sa tagiliran. Awts pain ka pa ha.
"Aray. Masakit yon, ano ba!?" Reklamo niya sa akin at ngumisi lang ako bago naging malungkot ulit. Hays.
Nanlulumo akong isa-isang inilalagay ang gamit sa maleta. Nagpasama ako sa kaibigan ko sa condo na tinutuluyan namin ng boyfriend ko. Saming dalawa ito dahil hati kami sa binabayaran dito.
Pareho naman kaming may trabaho. Ang kaibahan lang, nagmula siya sa mayamang pamilya at nagtatrabaho siya sa sariling kumpanya. Binalak niyang ipasok ako doon pero ako na rin ang umayaw dahil siya ang boss ko. Sa isip-isip ko ay baka magkaroon lang ng galit ang mga tao roon at magkaroon lang ng special treatment saming dalawa. I don't like that. I'm against romantic relationship inside the office.
As of now, hindi naman na kami ganoon kagipit. Nagtatrabaho naman na ako sa isa sa pinakamalaking kumpanya sa pilipinas at bunga iyon ng paghihirap ko. Halos limang taon na rin akong nagta-trabaho rito matapos kong grumaduate ng college. I strived hard to achieve what I have right now.
Literal na nagsimula ako sa mababang pwesto bago mapunta sa maayos na pwesto ng company na pinapasukan ko.
Akala ko ay ayos na ako sa ganoong buhay. Maaga man na kinuha ng Diyos ang ama ko ay nandiyan naman ang nanay at ang bunso kong kapatid, may maayos akong trabaho at may kasintahang mahal ako.. or not?
Hindi na. Para akong hindi makahinga sa isiping iyon. Ngayon na nahuli ko siya mismo, that made me think kung ilang beses na ba siyang nagloko sa loob ng pitong taon. Hindi naman kami consistent noon. May pagkakataon nga na naghiwalay kami pero napag-uusapan rin agad at naayos. Pero hindi ko inaasahan na magloloko siya. Ni hindi sumagi sa isipan ko na kaya niyang gawin iyon.
"Ano ka ba? Wag mo ngang iyakan 'yon! Dapat siya ang umiyak sa 'yo!" Gigil na sabi ng kaibigan ko at tinulungan akong i-pack ang mga gamit ko. Sumisinghot pa ako bago isarado ang bag at desididong umalis na roon. Mabuti na lang at medyo galante ang bff ko at may sarili siyang sasakyan.
"Hah! Sinabi ko na sayo e! Hindi talaga mapagkakatiwalaan 'yon! Naku, biruin mo nga naman ha!" Puro reklamo siya habang nasa biyahe. Minsan pa ay napapahampas sa manibelansa sobrang gigil niya. Napapaismid naman ako. Palagi niya akong pinapaalalahanan.
Ipinagpapasalamat ko na lang talaga na siya ang naging kaibigan ko. Kung sa iba marahil ay baka hindi nila gawin ito at ang malala ay baka hindi ko siya nahuli.
Sobrang sakit ng ginawa niya sa 'kin pero mabuti na lang at may kaibigan akong palaging nasa likod ko para tulungan ako.
Kung ang iba ay natutuwa sa mga ipinapakita ng boyfriend ko, siya naman ay parating against dito. Now, I know why.