Si Darent El Mundo ay nagkaroon muli ng panaginip na iyon, ang panaginip na madalas niyang napapaniginipan. Palaging may isang tao sa kaniyang panaginip na hindi mawari ang kanyang mukha at patuloy siyang kinakausap. Pinagsikapang iminulat ni Darent ang kanyang mga mata upang makita ng malinaw ang mukha ng nasabing nilalang, at nagsikap din siyang maituon nang malalim ang kanyang atensyon upang marinig ang sinasabi nito sa kaniya. Ngunit ang lahat ng ito'y walang saysay.
Isiping magkaroon ka ng panaginip na pinapaginipan ng paulit-ulit, magbibigay ng pag-aalinlangan sa iyong puso, pilit na ninanais makakuha ng kasagutan, sabik na maabot ng iyong dalawang mga kamay, subalit maiiwang walang laman ang iyong mga kamay, at iyong mapagtatantong wala kang nadakot.
Pagkatapos ay nagising si Darent, tulad ng bawat umaga, tuwing magbubukas siya ng kanyang mga mata'y labis siyang nakakaramdam ng kawalan na tila ba'y may kulang. Sa isip niya'y ang mga unang ilang segundo ay halos blangko, at maya-maya lang, napagtanto niyang parang may mali.
Hindi ito ang kanyang sariling kama, at hindi rin ito ang kanyang sariling silid.
Kaya't mabilis siyang bumangon mula sa kama, tuliro, at pinagmamasdan niyang maigi ang kaniyang kapaligiran. Natagpuan niya ang kanyang sarili sa isang sira-sira at maliit na silid na mas mababa sa dalawampung metro, ang uri na halatang noong mga 80's pa na bahay, na may isang bintana at isang pintuan, at isang madilim na ilaw sa kisame sa itaas ng kanyang ulo na tanging nagsilbing liwanag upang makita ang paligid. Mayroon lamang isang solong kama at isang mesa sa maliit na silid na 'to.
Simpleng arrangement ng isang silid, walang kagamitan maliban sa kama at mesa. Ngunit parang ang silid na ito'y kapag tiningnan mong mabuti'y parang may kakaiba at 'di naka-sync, at tila hindi napansin ni Darent kung saan mismo nanggagaling ang kakaibang pakiramdam na ito, kaya't umupo na lamang siya sa kama, natutulala, at pagkatapos ay mabilis niyang naisip ang pinakaimportanteng problemang kaniyang kinahaharap- saan ba talaga siya?
Ang huling memoryang mayro'n siya ay ang pag-uwi mula sa trabaho tulad ng dati, naligo pagkatapos maghapunan, isinulat ang iskedyul ng trabaho para bukas, at natulog nang maayos. Ang kanyang karaniwang iskedyul sa pagtatrabaho ay halintulad ng isang robot, hindi nagbabago sa loob ng sampung taon, ngunit bakit nang siya'y magising kinaumagahan, lumitaw na lamang siya sa 'di maipaliwanag na silid na 'to?
Sumakit ang ulo ni Darent at tila ba'y 'di na siya makapag-isip ng maayos. Naramdaman lamang niya na ang silid ay maliit, napakaliit na nakaramdam siya ng kaonting takot at pagkawalang-hininga. Tumayo siya at naglakad patungo sa nag-iisang pintuan sa silid, isang pulang pulang pintuan na gawa sa mabibigat na kahoy. Tila ba'y napakatanda na nitong pintuan. May isang bakal na doorknob dito. Inabot at hinawakan niya ang doorknob, pinilipit ito nang husto, ngunit nanatiling walang nangyari.
Anong nangyayari? Nakulong ba ako?
Mahigpit na hinila nito ang doorknob, itulak man ito o paatras, o kahit na itulak pakaliwa at pakanan, nanatili walang senyales ng pagbukas ang pintuan, na parang ikinabit lang ang pintuang ito sa pader ng tinunaw na bakal. Saglit na natigilan ulit si Daren. Kumatok siya nang malakas sa pinto. Nadama niya na parang mayroong tao sa labas, kaya sumigaw siya:
"Hello? May tao ba sa labas?! Bakit ako nakakulong dito?!"
Walang tugon. Ang silid ay binalot ng patay na katahimikan. Inilagay ni Darent ang kaniyang tainga sa pinto at sinubukang pakinggan ang tunog sa labas, ngunit sa loob ng mahabang panahon, wala siyang narinig ni tunog ng simoy ng hangin.
Kaya medyo nagpanic si Darent. Nakaramdam siya ng malamig sa kanyang likuran, at may malamig na pawis na lumabas sa kaniyang noo. Tinanong niya ang sarili kung ano ang nangyayari? Kinidnap ba ako? Sino ang naging dahilan ng pagkawala ng aking malay at kinulong ako dito? Ngunit kahit na ito ay talagang isang pag-kidnap, diba't kailangan mong mag-ransom? Tanungin ang mga numero ng telepono ng iyong mga malapit sa buhay, upang makapang-blackmail?!
Pero wala. Walang dumating at tanging katahimikan lamang.
Huminga ng malalim si Darent. Naramdaman niya na dapat maging mahinahon siya. Marahil ang mga tao sa labas ay tinatalakay pa kung magkano ang makukuha mula sa kanya, kaya't hindi siya sisingilin sa ilang mga sandali. Marahil ay nagpapanic lang siya ng sobra. Tanging kailangan niya lamang gawin ay maghintay.
Kaya't sinubukan Darent na kalmahin ang kanyang kalooban. Naglakad siya papunta sa nag-iisang bintana sa silid na ito at binuksan ang makapal na kulay-abong mga kurtina. Oo naman, ang bintana ay selyado at ang glass windows ay buo. Ngunit sa labas ng bintanang ito'y matigas na frame ng bakal, at ang tanawin sa labas ay ganap na hindi nakikita. Tanging ningning ng bakal lamang ang iyong makikita.
Walang malay na bumuntong hininga si Darent, at muling isinara ang kurtina, at naintindihan niya sa puntong iyon na siya ay nasa isang ganap na saradong silid. Hinahadlangan nito ang lahat ng pakikipag-ugnayan sa labas ng silid na ito, tulad ng isang maliit na hayop sa isang hawla, maaaring 'di pa ito maikokompara sa mga hawla ng mga nasabing hayop.
Umatras si Darent at umalis sa may bintana, ngunit 'di nagtagal ay lumingon ulit siya. Nakatuklas siya ng isang bagay na nakasingit sa pader at bintana, na halos kapantay ng paningin sa kaniyang mga mata - isang piraso ng papel.
Isang sulat na may mga pattern na kulay lila sa kanang ibaba.
Sa taas, may mga salitang nakasulat sa pinakamaayos na sulat-kamay na ginamitan ng fountain pen, at intensyong iwanan para sa tao sa silid na ito, isang mensahe para kay Darent El Mundo.
Agad na umusad si Darent, at hindi hinihila ang pin, hinugot lamang niya ang sulat sa dingding, at ang magandang panulat ng mga salita ang dumungaw sa kanyang mga mata.
Aming pinakamamahal na piling kandidato, G. Darent El Mundo.
Itong unang linya ng mga salita ay nagpalito kay Darent. Anong napiling kandidato? At ang kabilang partido ay malinaw na alam ang kanyang pangalan at alam ang kanyang pagkakakilanlan, ngunit wala siyang oras upang mag-isip pa at ipinagpatuloy ang pagbabasa:
Siguro'y nalilito ka tungkol sa iyong kasalukuyang sitwasyon, ngunit lubos akong nanghihinayang at hindi ko maaaring sabihin sayo ang higit pa. Mayroon lamang isang pangunahing bagay na kailangan mong gawin ngayon. Mangyaring maghanap ng isang paraan upang iwanan ang silid na ito sa loob ng isang oras. O ma-e-eliminate ka.
"Ano ang ibig nitong sabihin? Anong ma-e-eliminate?" Mukhang hindi maipaliwanag ni Darent ang nangyayari sa kaniya. Ngunit ang mga salitang patungkol sa eliminasyon at ang nakakagulat na nilalaman nitong sulat ang naging dahilan upang ipagpatuloy niyang basahin ito nang paunti-unti:
Upang hindi lumikha ng isang bagong kaso ng kamatayan sa loob ng silid na ito, bibigyan kita ng mga kaonting pahiwatig:
Una: 'Sa loob ng isang oras', sa sandaling gumising ka at iminulat ang iyong mga mata, mayroong isang orasan sa mesa; mayroon ka lamang oras na pwedeng igugol simula sa 12 o'clock mark hanggang sa 1 o'clock mark.
Pangalawa: Ang pinto lamang ang tanging paraan upang makalabas sa silid na ito. Huwag mong asahan ang mga bintana maliban kung nais mong mamatay.
Pangatlo: Hindi ito biro.
'Yang tatlo lamang ang ibibigay ko sa'yo. Good luck!
Ang mga salitang 'yon lamang ang nilalaman ng sulat, at ito'y isang magaan na piraso ng papel lamang ngunit nararamdaman ni Darent na ito ay kasing bigat ng ilang libong kilo. Dinala niya ang sulat at lumakad papunta sa nag-iisang mesa sa silid. Talagang mayroong isang maliit at bilog na alarm clock dito, ang kamay ng oras ay tumuturo sa alas-12, ngunit ang minutong kamay ay tumuturo sa iskala na walo, nangangahulugang walong minuto ang lumipas mula nang magising siya hanggang ngayon.
Lisanin ang silid na ito sa loob ng isang oras, kung hindi man ay ma-e-eliminate ka.
"Halatang biro ito!" Inisip ni Darent na ito'y sadyang walang katotohanan, ngunit ang salitang 'eliminate' sa sulat ay nagbigay sa kaniya ng kaonting kilabot. Inilapag niya ang sulat at naglakad pabalik sa pintuan, at itinulak ulit ang pinto. Ngunit tulad ng dati, wala itong senyales ng pagbukas. Nagsimula nang magpanic si Darent, hindi mahalaga kung totoo ang mensahe sa sulat o hindi, ang pagtakas sa loob ng silid na ito sa loob ng isang oras ay hindi pangit na ideya at talagang hindi niya gusto ang nakakulong sa sarado at maliit na silid na ito. Napakasikip at nakakawalang-hininga.
Kaya't ibinaba ni Darent ang kanyang ulo at muling tinignan ang pintuan. Mayroong lagayan ng susi sa hawakan ng pinto, nagpapahiwatig na maaari itong buksan gamit ang isang susi. Malamang naisipan niyang may tao mula sa labas ang nag-lock sa kaniya dito. Kung ang susi ay nakatago sa kung saan sa loob ng silid, edi maayos. At kung hindi ay kailangang mag-isip siya ng iba pang mga paraan upang buksan ang pintuang ito.
Bumalik siya sa mesa. Maliban sa maliit at bilog na alarm clock, mayroon lamang nakatambak na patong-patong na mga libro sa mesa. Napakapal ng balat ng mga ito, ngunit sadyang kakaiba ang mga libro na ito sapagkat ito'y nakasulat sa banyagang wika. Wala siyang maintindihan sa mga salitang tila para bang mga uod. Kaniya itong binuklat-buklat at nang wala siyang napala inilagay niya ito sa isang sulok.
Ang mesa ay may apat na drawer, at tanging ang pinakataas na drawer ang mayroong isang lagayan ng susi. Sinubukang buksan ni Darent ang nasabing drawer at nalamang naka-lock ito, kaya sumuko siya pagkatapos ay binuksan niya ang pangalawa. Laman nito'y isang itim na notebook na may itim na takip. Binuklat-buklat niya ito at napansin niya ang tila ang mga unang ilang mga pahina lamang ang may mga sulat, at ang mga sumunod ay blangko. Tingin niya'y 'di rin siya matatagalang magbasa, kaya't sinimulan niya itong basahin.
Ang unang pahina ay nagsasabi: "Ang aking kaliwang gilid ay ang hubog na sumasalamin ng namatay." Binasa ito ni Darent ng malakas, at habang binabasa niya itong mga linya sa pahinang ito, hindi niya namalayang tumingin sa kanyang kaliwang gilid ng silid, puting dingding ang tumambad sa kaniya, ngunit ang puting pintura ay halos mawala at matapyas, inilalantad ang mga bakas ng mga pulang laryo.
Biglang nakaramdam ng kaunting lamig sa kanyang likuran si Darent, kaya't binuklat niya ang susunod na pahina at nagpatuloy na basahin, "Ibinaon ng pumatay ang sariling sandata sa kanyang sarili."
Sobrang nakalilito! Umiling si Darent, binuksan ang pangatlong pahina, at patuloy na binasa ang mga salita sa kanyang sarili: "Oh Diyos ko, hindi ako kailanman patatawarin ng Diyos sa ginagawa ko ... ano ang ibig sabihin nito?" Hindi ito maintindihan ni Darent, ngunit ang pangatlong pahina ay may dalawang linya ng pangungusap, at ang pangalawang linya ay nakasulat sa ilalim ng pahina. Tatlong nakakagulat, malalaking salita at nakasulat sa pula ang lumantad: "Pinatay ko siya!"
Sumimangot si Darent, binuksan ang ika-apat na pahina; isang blangkong pahina, ang ikalimang pahina; isang blangkong pahina, ang pang-anim na pahina; isang blangko ... Sa wakas, nagpunta siya hanggang sa huling pahina, at sa wakas ay nakakita siyang muli ng mga salita, isang baluktot na pangungusap: "Nais mo bang lumabas?" Pagkatapos ay wala na.
"Ano ito?!" Lubhang litong-lito si Darent sa mga nabasa, ngunit ang mga maiikling pangungusap na ito'y naging sanhi ng kanyang pagkayamot. Kaya't inihagis niya sa sahig ang notebook at binuksan ang pangatlong drawer na naglalaman ng isang gunting, isang wire, at isang bolpen. 'Di naman masama. Kung siya'y isang magaling na magnanakaw at may angking galing sa pag lo-lock-pick, madali niyang mabubuksan ang pintuan. Sa kasamaang-palad, wala siyang kaalaman sa ganito.
Kaya't binuksan ni Darent ang huling drawer.
Nasa loob nito ay isang awl at ... isang baril.
Saglit na natigilan si Darent bago siya nag-abot upang ilabas ang baril. Medyo mabigat sa palad niya at mula sa pananaw ng kalidad ng istruktura, malinaw na hindi ito peke o modelo. Ito ang kauna-unahang pagkakataon makakahawak siya ng tunay na baril, ginawa nitong manginig ng bahagya ang kamay kung saan hawak nito ang baril. Pinag-aralan ng kaunti ni Darent ang baril, at natagalan pa upang maibaba ang clip ng bala. Matapos ang sandali niyang pagtigil, natagpuan niya na mayroon lamang isang bala sa loob.
Bakit may baril dito? Mabilis na naisip ni Darent ang problemang ito. Ang domestic control ng mga baril ay napakahigpit. Maliban kung ikaw ay isang pulis na may lisensya o isang tanod na may lisensya sa baril, kahit na mayroon kang lisensya sa baril, kailangan mong kumuha ng isang permiso upang magpaputok. Ito ay bihirang nakikita sa lugar nila at ngayon ay may isang baril sa harap ni Darent, itim, hindi makilalang modelo, at siguradong tunay.