Pinag-aralan ni Darent ang baril na ito ngunit hindi ng husto sapagkat sa huli, naisip niyang 'wag itong gagamitin. Natatakot siya rito, kaya't ibinalik niyang mabuti ang baril sa mesa at maingat na kinuha niya pagkatapos ang isa pang bagay sa drawer, ang awl.
Ang awl ay madalas na ginagamit upang ayusin ang sapatos. Sa tulis ng bagay na ito, maaaring mag-drill ng mga butas gamit 'to. Dinampot ito ni Darent, sinuri ng lubos, at saka inilagay din ulit sa mesa. Inilagay niya ang lahat ng natagpuang gamit mula sa drawer sa taas ng mesa gayunpaman, wala sa mga bagay na ito tila may kapaki-pakinabang. Marahil maaari niyang gamitin ang baril upang direktang masira ang hawakan ng pinto, ngunit ang diskarteng ito'y medyo mapanganib. Kailanma'y hindi pa siya nakagagamit ng baril, at saka alam niya sa sarili niyang duda siya sa kaniyang asinta. Sa partikular, mayroon lamang isang bala sa baril na ito, at sa konting kamalian ay hindi na siya muling magkakaroon pa ng pangalawang pagkakataon.
Kaya't kinailangan niyang mag-isip ng iba pang mga paraan upang mabuksan ang pinto.
Marahil kailangan kong makita kung ano ang nasa loob ng naka-lock na drawer? Nakatuon si Darent sa tuktok ng apat na drawer.
Sinubukan niyang bukasan ito kanina, ngunit ang kandado ay tila mas mahusay pa kaysa sa pinto.
Ngunit sinapak agad siya ng reyalidad at lumabas na walang talento si Darent sa pag-unlock ng mga naka-lock. Gumamit siya ng awl, wire, gunting, at lahat ng pwede niyang magamit, ngunit hindi niya mabuksan ang bwisit na lock na 'yan! Galit na galit si Darent kaya't hindi niya lang sinubukang sundutin ang naka-lock na drawer at sinubukang buksan ang kandado sa hawakan ng pinto, ngunit ito ay lalong imposible. Tilang inuubos ng mga lagayan ng susing ito ang pasensya niya, at ito'y sadyang nakakapangbwi-bwisit!
Gayunpaman, nalaman din niya na ang lagayan ng susi sa pintuang ito ay naiiba mula sa karaniwang mga pintuan. Ang butas nito sa hawakan ng pinto ay parang mas malaki, at ang kaukulang susi na maaaring magbukas dito ay dapat malaki din...
Lumuhod si Darent sa sahig at sinubukang tingnan ang loob ng malaking butas. Syempre, wala siyang makita. Pero ang maliit ngunit madilim na butas na ito'y nagbigay pangamba sa kanya. Tumayo siya at humakbang pabalik upang maingat na pagmasdan muli ang pintuan. Ang pintuang ito'y pininturahan ng pulang-pula na pintura, ay medyo kakaiba sa makitid na silid na ito. Ang doorknob ng pintuan ay mayroon pang mga kalawang ngunit pininturahan, na para bang may isang taong matagal nang gumagamit nito.
Ang unang impresiyon ni Darent sa pintuang ito ay luma na, ngunit walang gaanong mga marka sa pintuang ito na gawa sa kahoy pa mismo, ito'y makinis at malinis. Kaya nag-isip-isip siya sandali; kinuha niya ang awl, at sinubukang guhitan ng ilang marka ang pintuang kahoy. Gayunpaman, may hindi inaasahang nangyari kay Darent, gaano man katulis ang awl na hawak niya sa kanyang kamay ni hindi makapag-iwan ng kahit anumang marka sa pintuang kahoy na ito, ni kahit gasgas man lamang.
Mayroon bang kakaibang mahika sa bwisit na hindi maipaliwanag na pintuang ito? O may idinagdag kaya na mga espesyal na materyal na hindi ko pa nalalaman at narinig?
Kinagat ni Darent ang kaniyang labi at itinapon ang awl sa kanyang kamay. Ang maliit na bagay na ito ay walang nagawa para sa kanya, kaya umatras siya at itinaas ang kanyang mga paa upang pwersahang sipain ang pinto sa kanyang harapan. Hindi man lang siya nagpahinga kahit saglit at patuloy niyang sinipa-sipa ang pinto, kapag napagod ang isang paa'y gagamitin ang isang paa, at kung sakaling mapagod itong muli ay ang kabilang paa na naman ang ginamit ng pangsipa. Malakas na dagabong ang naririnig sa pwersang kaniyang ginagamit.
Gayunpaman, wala kahit na anong bakas ang naiwan sa pinto. Naramdaman lamang ni Darent ang manhid sa kanyang mga paa.
"'Tang ina 'to!" Hindi mapigilan ni Darent na magmura. Ano ba talaga ang putang pintong ito at ganito ito katibay? Matagal niya itong pinagsisipa at kahit mga paa niya'y nagmamanhid na ngunit wala kahit biak ang naiwan sa pintong ito. Gawa pa ba talaga ito sa kahoy?!
Biglang na-excite si Darent! Mali! Marahil ay bigla siyang kinilabutan! Napakaliit ng makitid at selyadong silid na rinig niya ng malinaw ang sariling pintig ng kanyang puso. Ang takot sa kanyang puso ay parang isang ahas na sa wakas ay nagising pagkatapos ng isang mahabang pagkatulog; ang malamig at walang buto nitong katawan ay dahan-dahang dumulas at pinapalibutan nang mahigpit ang puso ni Darent dahilan ng panginginig ng kanyang mga ngipin!
Ang paglitaw ng sindak na ito'y kinatatakutan ni Darent, pero sa kabilang banda'y ginawa rin siya nitong maging matapang. Biglaan niyang dinampot ang baril sa mesa, at ginaya niya ang paghawak ng baril ng mga pulis sa TV, itinutok niya ito sa pulang pintuan. Ngunit hindi nagtagal, pinigil niya ang kaniyang sarili upang gawin ang ignorante at mapanganib na galaw na ito.
Isa lang ang dahilan kaya siya sumuko. Kung ang pintuan ay napakatibay na kahit mga bala'y 'di to kayang masira, kung gayon sa makitid na silid na ito'y may mataas na posibilidad na mag-bounce pabalik ang bala, at sa pag-bounce na ito'y siguradong tatamaan siya at mangyaring magkaroon ng isang malaking butas sa kanyang sarili, na magiging sanhi upang siya ay mamatay sa isang katawa-tawang dahilan, at tiyak na ayaw ni Darent na hayaan itong mangyari sa kanyang sarili.
Walang na siyang maisip na paraan pa kung kaya'y umupo sa sahig habang hawak ang kanyang baril, huminto siya sandali, pagkatapos ay biglang napukaw ang kaniyang atensiyon at tumingin sa alarm clock sa mesa, at ang oras at minutong mga kamay ay malinaw na binasa, 12:22.
Ang sulat na may kulay lilang pattern dito ay malinaw na nilimitahan siya sa isang oras, at hindi pa niya nauunawaan kung ito ay isang biro lamang na ginawa ng isang tao para sa kanya. Ngunit kung ito ay talagang isang biro, hindi na ito nakakatuwa pa. Tinimbang ni Darent ang baril na hawak niya, at ang bigat nito'y nagpapahiwatig na ito'y talagang tunay.
Bagaman hindi pa nakagagamit ng baril si Darent, isang taong mahilig sa mga baril ang kilala ni Darent at sabik na ipinakilala siya sa mga koleksiyon nito. Lahat ng mga ito ay mga pekeng modelo lamang ng mga baril, bagaman hindi siya nakinig dito nang mabuti, natutunan pa rin niya kung paano makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng tunay at pekeng mga baril. Ang paglo-load, pag-unload, kalidad, at bigat ng mga cartridge ng bala ay lubos na naiiba mula sa tunay at peke.
Namroblema si Darent sa sandaling iyon. Ibinalik niyang muli ang kanyang baril sa mesa, sinimulang hanapin ang sulat na nakalimbag ang mga lilang bulaklak bilang mga pattern, ang sulat na itinapon niya pagkatapos niyang basahin ang laman nito. Di nagtagal ay nahanap niya ito sa ilalim na gilid ng kama. Dinampot ito ni Darent at tiningnan muli ang magandang panulat dito. Wala siyang mahanap na kakaiba mula rito. Maingat niyang tiningnan ang lilang bulalak na pattern na nakalimbag sa kanang ibabang sulok ng papel. Ang bulaklak na pattern ay kahawig ng Bulalak sa Kabilang Baybayin, kilala sa pangalang Manjusaka, ang maalamat na Bulaklak ng Impiyerno.
Ang mga pulang-pulang kulay ay simbolo ng bulaklak na ito, na nagsasabi ng 'di magandang paghihiwalay ng dugo at kamatayan. Ngunit sa sulat na ito, ang pulang Bulalak ng Impiyerno ay naging lila.
Ang Bulaklak sa Kabilang Baybayin.
Sa loob ng isang libong taon ito'y mamumulaklak, sa loob isang libong taon, ito rin ay magsisimatayan, ngunit ang mga bulaklak at dahon ay hindi kailanman magtatagpo.
Ang sentimyento ay 'di nakatadhana, pero ang tadhana nito'y para sa buhay at kamatayan magpakailanman.
Ang kahulugan ng bulaklak na ito ay lalong kinatakot ni Darent. Ibinaliktad niya ang sulat upang tingnan ang likuran nito upang makita kung mayroong anumang nakasulat pa. Dahil sa labis na pangyayari sa loob ng saradong silid, nakalimutan niyang suriin nang mabuti ang sulat na ito, kung kaya'y 'di niya nalaman itong pinaka-importanteng detalye.
At mayro'n ngang nakasulat sa likuran nito, nagsasabing:
Noong 1989, isang kaso ng pagpatay ang naganap sa silid na ito. Pinatay ng mamamatay-tao ang biktima sa maliit na apartment na inuupahan niya. Nanatili ang mga bakas ng dugo, ang mga bintana at pintuan ay sarado, ngunit ang sandata ng pagpatay, ang bangkay at ang mamamatay-tao ay parang naglaho na parang bula.
Mayroon lamang isang maikling pangungusap, ngunit alam ni Darent na ito ang tinaguriang bakas. Tumingala siya at nagpatuloy sa pagmamasid sa maliit na silid kung nasaan siya. Ang silid na ito ay malinaw naman na ilang taong gulang na. Maraming mga lugar sa puting pader ang kupas na, ang iba'y may malalaking basag na rin at tumambad ang mga pulang semento nito sa ilalim. Ang bintana ay luma at kulay dilaw, ang mga frames na gawa sa bote ay may kaonting mga cracks, at mga sulok-sulok ay wala, ngunit ang bakal na frame sa labas ay tila bago, at ang mga bintana ay mahigpit na sinelyado.
Ang mga kurtina ay kulay-abo at nakakabit sa isang bagay, sa itsura nito'y tila mahuhulog na anumang oras. Paulit ulit na hinila ni Darent ang kurtina, pagkatapos ay bumahing siya; mabigat ang alikabok na dala nito. Yumuko siya at tumingin sa ilalim ng kama; puno rin ito ng alikabok. Ngunit napakalinis ng kama na hinigaan niya. Ang mga sapin at kumot ay tila bagong-bago. Maputi at malinis ang mga ito. Parang kama na makikita mo sa mga ospital.
Sinuri muli ni Darent ang mga kumot at mga unan ngunit wala siyang nahanap.
Ang pakiramdam na wala kang napala ay hindi komportable. Ibinaling niya muli ang kaniyang pansin sa mga bagay na hinalukay niya na. Maingat niyang sinuri ang mesa; ang mesa na ito ay hindi katulad ng pintuan, madali nitong magagamit ang iba`t ibang mga bagay upang magdulot ng pinsala dito. Sumulyap si Darent sa naka-lock na drawer. Dahil 'di niya masira-sira ang putang pintuan kahit gaano pa siya karahas, kung gayon bakit 'di natin ibaling ang lahat ng iyon dito sa drawer na ito, 'di ba?
Kaya kinuha ni Darent ang gunting at awl, at maging ang ballpen; desperado na siyang wasakin ang lock sa drawer. Ang kandado na ito ay hindi katulad ng kandado sa pinto, tila mas marupok ito. (Mas marupok pa sa 'yo, charr) Halos pati kandado ay kanyang hinila mula sa drawer. Minsan, gamit niya ang gunting at awl para buksan ito at sa kabilang banda sinipa niya ito ng bahagya gamit kanyang mga paa. Tuluyan niyang tinilapon ang mesa, at sa wakas ay nabuksan niya rin ang putang kandado na ito!
Gayunpaman, ang mga nilalaman ng drawer ay talagang ikinagulat ni Darent.
"Martilyo?" Dinampot ni Darent ang malaking martilyo sa drawer. Mukha itong matibay na martilyo. Tinimbang niya ang bigat, ito ay mabigat, baka sakaling masisira ko na ang pesteng pintuan na 'yon.
Pagkaisip pa lang niya nito, agad na kinuha ni Darent ang martilyo at sinubukang basagin ang pulang pinto. Ngunit nakagugulat pa rin ang resulta! Halos bitawan ni Darent ang martilyong hawak niya sa lakas ng pwersa, ngunit nanatiling maayos ang pinto; mistulang mahiwaga na nakatayo parin, 'di gustong ipakita ang labas ng mundo sa kanya.
Bakas ang pagngiwi ng mga labi ni Darent habang tinitingnan niya ang maayos pa ring pinto. Marahil ay kailangan niya pang pukpukin ito ng maraming beses.
Ngunit pagkatapos niyang pukpukin ito nang ilang beses, halos mawala sa tuliro si Darent! Kahit na ang isang pinto na gawa sa bakal, kapag pinukpok ng ilang beses ay mag-iiwan pa rin ng marka, at paanong ang pinto na gawa sa kahoy na ito'y tila 'di masira-sira?!
Pagkatapos ay muling tumingin si Darent sa bintana, bagaman sinabi ng sulat na hindi niya dapat subukang lumabas sa bintana, ngunit ngayon ay hindi niya mapigilang makabuo ng gayong ideya. Subukan ko kaya? Marahil ang sulat ay ganap na mapanlinlang, sinasadyang hindi pinapayagan ang mga tao na lumapit sa bintana?
Lumakad si Darent at binuksan ang bintana, at hinawakan ang bakal na sumiselyado sa labas, natagpuan niyang walang alikabok dito.
Sa pag-iingat niya, kiniskis ni Darent ang bakal gamit ang isang awl, ngunit ang resulta ay isa sa mga huling bagay na nais niyang matanggap. Walang naiwang anumang mga bakas sa bakal tulad sa pinto, na parang sinasabi kay Darent ang mga katotohanan - anumang marahas na pinsala ay hindi gagana para sa kanila.
Tumayo ang buong balahibo niya sa katawan, nakaramdam siya ng tiyak na kilabot. Ang madilim na ilaw sa silid ay tila nakikisama sa kanyang kalagayan. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, may biglang masilaw na ilaw na nagpalinaw sa madilim at masikip na silid na ito, saglit lamang iyon pero ramdam niya na ang malamig na pawis sa kanyang likuran.
"Huminahon ka! Kailangan kong huminahon! Ano pa kaya ang meron dito? Siguro may susi na nakatago saanman sa silid na ito? Kung ang pintuang ito ay hindi masira-sira, kung gayon ang tanging paraan upang buksan ito ay ang susi, 'di ba? Tama! Parang katulad lang ito sa mga strategy games, isang landas lamang ang kailangan kong tahakin, kailangan ko lang maghanap ng mga pahiwatig!"
Namumutla ang mukha ni Darent. Takot, habang kinakagat ang labi, at nagsimulang kausapin ang sarili.
"Hinanap ko na lahat ng sulok ng silid na ito at wala akong makitang bakas ng anumang susi. Mangyaring saan kaya ito pwedeng itago? Saan ba dapat tinatago ang mga susi? Sa bulsa ng may-ari? Tama, isang magandang simula ito. Pero sino ang may-ari ng silid na 'to?"
Nasulyap ni Darent ang sulat, nakabaling ang kaniyang atensyon sa huling linya, ang sandata ng pagpatay, ang bangkay at ang mamamatay-tao ay parang naglaho na parang bula.
"Ang susi sa silid ng mamamatay-tao ay natural na nasa kamay ng mamamatay-tao." Nakakalokong humalakhak si Darent. Alam niya na ang kanyang mental na kalagayan ngayon ay 'di normal, ngunit sa bwisit, maliit at masikip ng lugar na ito, kahit ang pinakanormal na tao'y mababaliw sa ganitong klaseng kalagayan!
"Hangga't malulutas ko ang misteryo ng lihim na silid ito, natural na makakahanap ako ng susi upang makaalis." Sinulyap ni Darent ang sulat, at isang malamig na ngiti ang dumungaw sa kanyang mga labi, "Ano ang ibig mong ipahiwatig sa akin, may nais kang sabihin sa akin, tama ba?"
Tapos, isang 'di kapani-paniwalang pangyayari ang naganap!
Sa sandaling tinapos ni Darent ang pagbigkas ng kaniyang mga salita, biglang lumitaw ang mga salita sa blangko na tala:
Tama ka, ito ang nais kong mangyari. Kaya, good luck na lang sa iyo.
Tinapon ni Darent ang kapirasong papel na ito sa kanyang kamay na para bang nakuryente siya nito. Ang kanyang mukha ay maputla tulad ng isang multo, at hindi niya magawang huminga sa pagkakataong iyon!
Ngayon lang, walang anumang pagkakamali!
Ang mga salitang iyon ay tiyak na lumitaw lang mula sa blangkong sulat! Ito ay tila isang kahanga-hangang himala na ginawa gamit ang mga kamay ng isang salamangkero! Gawin ang ganap na imposibleng mga bagay na posible at makatotohanan, ngunit ang lahat ay natatawa pa rin, dahil alam nilang lahat na ang mahika ay isang paraan lamang upang makapanlinlang ng mga mata, ito ay gumagamit ng mga bagay upang 'di mabigyang pansin ang mga paraan sa paglikha ng kanilang 'mahika'!
Ngunit sa makitid! Sarado! Madilim! At nakakabaliw na silid na ito!
Sino ang gagawa ng mahikang ito upang makita ni Darent?!
Naramdaman ni Darent ang panginginig ng kanyang mga ngipin. Hindi na siya naglakas-loob na tumingin muli sa sulat na iyon, at hindi niya mapigilang tumingin sa alarm clock sa mesa. Ang oras ay 12:40.
Wala nang oras!
Kung hindi siya makahanap ng paraan para makalabas, malamang na mananatili siya sa loob ng silid na ito magpakailanman!
Desperado na si Darent. Kinuha niya muli ang martilyo, at pinilit ang sarili na huminahon habang iniisip ang tungkol sa mamamatay-tao sa silid na ito. Ang mga pahiwatig ay nag-udyok na dito pinatay ng mamamatay-tao ang biktima. Tumingin-tingin saglit si Darent sa paligid ngunit wala siyang makitang mga bakas ng dugo. Kung ang silid na ito ang talagang pinangyarihan ng pagpatay, maaaring ang silid na ito noo'y hindi pa selyado. Sapagkat upang malinis ang mga marka ng pagpatay at mga mantsa ng dugo sa silid, tiyak na bubuksan ng pinatay ang pintuan at lumabas, at gumamit ng mop na may tubig at paggamit ng lahat ng posibleng mga tool sa paglilinis.
Matapos itapon ang mga kagamitan sa paglilinis, ang silid ay naging isang selyadong silid. Dapat narito pa rin ang mamamatay-tao at ang biktima, ngunit naglaho lang sila na parang bula.
"Hindi, hindi sila nawala. Nandito pa rin sila."
Biglang bulong ni Darent sa kaniyang sarili. Naalala niya ang notebook ng mamamatay-tao na nakita niya dati, at ang unang linya sa unang pahina ay nagsabi:
Ang aking kaliwang gilid ay ang hubog na sumasalamin ng namatay.