CHAPTER 29

1483 Words
       ALAS DIYES na ng gabi at hanggang sa oras na iyon ay wala pa rin si Kenzo. Kahit paramdam sa text ay walang natatanggap si Rhian. Ilang oras na rin itong naka-offline sa Messenger. May mali. May nararamdaman siya na may nangyayaring hindi maganda. Ganoon daw kapag matagal na kayong magkasama ng isang tao lalo na’t mahal ninyo ang isa’t isa. Para na kayong magkakambal na nararamdaman kapag may nangyayaring masama sa isa. Mula sa pagkakahiga ay bumangon si Rhian. Mabilis siyang nagsuot ng t-shirt at shorts at lumabas ng kwarto na ang dala ay wallet at cellphone. Hahanapin niya si Kenzo at ang una niyang pupuntahan ay si Mathilda. Malamang, naroon ang boyfriend niya at nang tawagan niya si Mathilda ay para itong nauulol na bakulaw na umuungol tapos binanggit pa ang pangalan ni Kenzo. Ang problema ay alam nga niya kung saan ang subdivision ni Mathilda pero hindi niya alam kung saan ang eksaktong address. Bahala na! Ang mahalaga ay masiguro niya na okay si Kenzo. Baka kasi nagiging halimaw ang Mathilda na iyon at kinain ng buo ang kaniyang nobyo! Pagbukas ni Rhian ay nagulat siya nang bumulaga si Kenzo. Nakataas ang kamay nito na parang akmang kakatok. Tagaktak ang pawis nito at hinihingal. Tumakbo pa ito nang pagkalayo-layo at ganoon ang hitsura nito? Ilang segundo silang nagkatitigan dahil parehas silang nagulat. “Kenzo?” basag ni Rhian sa katahimikan. Nagmamadali itong pumasok at isinarado ang pinto. Sumandal ito roon. “T-tubig! Ikuha mo ako ng tubig, please!” Habol nito ang paghinga. “A-anong nangyari sa iyo?!” Nataranta siya bigla. “Ikuha mo muna ako ng tubig. Nauuhaw ako!” “O-okay. Sige. Sandali lang!” Patakbong nagpunta si Rhian sa kusina. Wala pa siyang ideya kung anong nangyari kay Kenzo pero base sa hitsura nito ay mukhang tama ang kutob niya na may hindi magandang nangyari rito. Naku, humanda talaga ang Mathilda na iyon kapag nagkataon! Pagharap niya ay nagulat siya nang nasa likuran na pala niya si Kenzo. Kinuha nito ang hawak niyang baso at inubos ang tubig na laman. “Anong nangyari sa iyo? B-bakit pagod na pagod ka?” Nagtataka niyang tanong. Nanghihinang umupo si Kenzo sa upuan sa kanilang hapag-kainan. “Si Mathilda... Hinostage niya ako. Galit na galit siya nang malaman na hindi kita pinsan!” “Alam na niya kung ano mo ako?” Tumango ito. “Alam na niya. Ipinosas niya ako sa kama niya at wala siyang balak na pakawalan ako. `Buti at nakawala ako kung hindi ay naging s*x slave na ako ng baliw na matandang iyon!” Bakas sa mukha ni Kenzo ang labis na takot at pagod. “Kaya pala nang tawagan ko siya kanina ay panay ang ungol niya. May n-nangyayari na pala sa inyo...” “Ha? Walang nangyari sa amin. Siguro ay nagkukunwari iyon na umuungol para pagselosin ka pero wala talagang nangyari sa amin. Nakatakas ako bago pa siya magtagumpay!” Humila ng upuan si Rhian at umupo sa may harapan ni Kenzo. “Salamat sa Diyos at nakatakas ka. Kanina pa kasi ako nag-aalala sa iyo at pupuntahan ko na sana si Mathilda. Pero kung alam na niya ang lahat, ibig sabihin ay wala na rin kayo?” “Oo. Saka ayoko na rin sa kaniya. Nakakatakot ang pagkabaliw niya!” “Tama. Huwag ka nang babalik sa kaniya. Ano na ang plano? Baka puntahan niya tayo rito at kung ano ang gawin.” “Hindi iyon. Tinakot ko siya na kapag ginulo pa niya tayo ay ako ang makakalaban niya. Pero kung mangyayari iyon ay aalis tayo rito. Magtatago tayo kay Mathilda.” “Itong bahay ninyo... Paano?” Umiling si Kenzo. “Labag man sa kalooban ko ay kailangan natin itong iwanan. Pansamantala lang naman siguro. Pero dito muna tayo. Titingnan natin kung ano ang magiging hakbang ni Mathilda...” Awang-awa si Rhian kay Kenzo. Napapahamak ang buhay nito para sa kanilang pangarap. Talagang lahat ay gagawin nito para sa kaniya. Mas lalo tuloy siyang nakokonsensiya dahil sa kaniyang nagawa. Tama pa bang sabihin ko sa kaniya ang tungkol sa pera namin sa ganitong pagkakataon? Tanong ni Rhian sa sarili. Siguro ay papalipasin muna niya ang lahat at kapag humupa na si Kenzo ay saka niya sasabihin. Magulo pa ang utak nito sa ngayon at hindi tama na dagdagan pa niya ang iniisip nito. Umusog siya palapit sa nobyo at binigyan ito nang mahigpit na yakap. “Pahinga ka na. Alam kong pagod na pagod ka...” Masuyo niyang bulong. “M-maraming salamat, Rhian. Ikaw ang inisip ko kaya ginawa ko ang lahat para makatakas. Inisip ko na baka hindi mo kayanin kapag nawala ako!” “Hindi ka mawawala sa akin. Nakita mo, hindi hinayaan ng nasa itaas na magtagumpay si Mathilda...”   MATAPOS maligo at magpalit ng preskong kasuotan ay tumabi na si Kenzo kay Rhian sa kanilang higaan. Hindi man iyon kasing-laki ng malambot na kama sa bahay ni Mathilda ay iyon ang pinaka kumportableng higaan para sa kaniya dahil katabi niya roon ang babaeng mahal na mahal niya—si Rhian. Ang daming nangyari sa araw na ito. Karamihan pa ay hindi maganda. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na nakatakas siya kay Mathilda. Nakatulong sa kaniya ang hindi pag-iisip ng matanda. Napakatanga nito para pakawalan ang isa niyang kamay mula sa pagkakaposas. Pinagmasdan niya ang nahihimbing na si Rhian. Lahat ng iyon ay ginawa niya para rito. Gusto niya na makaahon na sila sa paghihirap. “Sana ay huwag kang mapapagod sa akin, Rhian. Huwag ka sanang mainip sa paghihintay kung kailan tayo yayaman, ha. Huwag mo akong iiwanan hanggang dulo. Mahal na mahal kita...” At isang halik sa labi ang iginawad niya rito bago niya ipinikit ang mga mata para matulog.   “M-MATHILDA?!” Nagulantang si Kenzo nang magising siya sa kama ni Mathilda habang walang saplot sa katawan. Nakaposas ulit ang mga kamay niya sa magkabilang dulo ng headboard. Nasa may paanan niya si Mathilda. Nakatayo at nakangisi. “Akala mo siguro ay makakatakas ka sa akin, `no? `Di ba, ang sabi ko ay akin ka lang! Sa dami ng perang ibinigay ko sa iyo ay nabili ko na ang buo mong pagkatao at kaluluwa, Kenzo!” Isang malakas na halakhak ang pinakawalan nito. Nagpumiglas siya. “Pakawalan mo ako! Hayop ka! Paanong nandito ako ulit?!” “Lahat ay kaya kong gawing posible dahil sa pera. Baka nakakalimutan mo ang kasabihan kong iyan?” Biglang sumagi sa isip niya si Rhian. “Si Rhian? Nasaan siya?!” “Ah! Iyong totoo mong girlfriend? Sandali at kukunin ko siya, ha...” Naglakad palabas ng silid si Mathilda. Kinakahaban si Kenzo. Huwag naman sana na sinaktan ng matandang iyon si Rhian. Makalipas ang ilang segundo ay bumalik na si Mathilda. May dala itong kulay puting banga na halos isang dangkal ang taas. “Si Rhian?” Natatakot niyang tanong. Binuksan ni Mathilda ang banga. Ibinuhos nito ang laman niyong abo sa dibdib niya. “There! Iyan na si Rhian! Pina-cremate ko siya nang buhay!” tawa nito. “Hayop kaaa!!!” Halos mabaliw na sigaw ni Kenzo. Nagwala siya. Nagpumilit na makawala. Talagang papatayin niya si Mathilda. “Mas hayop kayo! Ngayon, tikam ninyo ang ganti ng isang matandang tigang!!!” Mula sa gilid ng kama ay may kinuhang isang galon si Mathilda. Binuksan nito iyon at itinaktak ang laman sa kaniya. Nahihintakutang nagsisigaw si Kenzo nang malaman niya na gasolina ang laman ng galon. Nang maubos iyon ay itinapon ni Mathilda ang galon sa kung saan. “M-mathilda, a-anong gagawin mo sa akin?!” “Oras na para sa paghihiganti ko sa iyo, Kenzo! Inuna ko lang tustahin si Rhian. Pero don’t worry kasi ikaw na ang isusunod ko!” “Hayop ka talaga! Pakawalan mo ako ditooo!!!” “Asa! Susunugin na kitang hayop ka! Mas mabuti na mamatay ka na lang din!” “Huwag, Mathilda! Huwaaag!!!” samo niya. “Ayaw mo ba? Magkakasama na kayo ng mahal mo sa impyerno!” “Maawa ka sa akin! Huwag mong gagawin iyan!” “Say goodbye to me now, Kenzo. Ciao!” Nanlaki ang mata niya nang maglabas ng posporo si Mathilda. Sinindihan nito iyon at walang pag-aalinlangan na itinapon sa kaniya ang palitong may apoy. Mabilis na kumalat ang apoy sa buong katawan ni Kenzo. Nilamon niyon ang katawan niya habang walang patid ang kalunus-lunos niyang sigaw. Ramdam niya ang walang kasing-sakit na paglamon ng apoy. Tinutunaw niyon ang kaniyang balat at tumatagos iyon hanggang sa buto! Nakakabingi ang pagtawa ni Mathilda habang tuwang-tuwa itong pinapanood ang pagtupok ng apoy sa kaniya... Marahil ay mas maganda na rin ito—ang mamatay. Tutal ay wala na si Rhian kaya wala na rin siyang dahilan pa para mabuhay. “Rhiaaan!!!” Ang pangalan ng babaeng minamahal ang huling isinigaw ni Kenzo bago siya tuluyang lagutan ng hininga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD