CHAPTER 44

2016 Words
       ISANG linggo na ang nakakalipas simula nang magtrabaho si Rhian kay Albert bilang personal assistant nito sa bahay at masasabi ni Rhian na hindi mahirap ang kaniyang trabaho. Sa umaga ay ihahanda niya ang susuotin ni Albert. Pag-uuwi ito sa bahay ay sasabayan niya ito sa pagkain ng dinner at kapag nag-request ito ng masahe sa likod ay sumusunod siya. Halos wala nga siyang ginagawa tapas papasahurin pa siya nito. Para tuloy siyang tumama sa jackpot ng lotto lalo na at nakatira siya sa napakalaking bahay. Medyo nakakasundo na rin niya ang mga kasambahay. Ang hindi pa lang niya nakikita ay ang nag-iisang anak ni Albert na si Abigail. Ayon sa mga kasambahay ay palagi iyong wala at madalas ay nagbabakasyon sa ibang bansa. Kagaya ngayon, nasa South Korea raw ito kasama ang mga kaibigan at walang nakakaalam kung kailan ito uuwi. Nakikita naman niya si Abigail pero sa mga pictures lang na naka-display sa bahay. Napakaganda ni Abigail. Akala mo ay isang Korean actress. Sexy ito at halatang fashionista. Sa mga nakalipas na araw ay walang ibang nasa isip si Rhian kundi si Kenzo. Halos kalahating buwan na pala niya itong hindi nabibisita sa kulungan. Wala pa rin kasi siyang pera kaya hindi pa niya ito dinadalaw. Miss na miss na niya si Kenzo kaya ng umagang iyon ay kinausap niya si Albert. Sabado kaya wala siyang trabaho. Tuwing Sabado at Linggo kasi ang off niya dahil hindi pumapasok sa opisina si Albert ng ganoong araw. Wala siyang dapat asikasuhin. “Albert, may sasabihin sana ako sa iyo...” ani Rhian matapos iabot kay Albert ang isang baso ng mango juice habang nasa gilid ito ng pool. Kapag wala itong ginagawa ay madalas itong naglalangoy sa pool bilang exercise nito. Kaya siguro kahit matanda na ito ay maganda pa rin ang hubog ng katawan nito. “Ano iyon?” tanong ni Albert. “Nakakahiya man pero gusto ko sanang bumale kahit kalahati ng sahod ko para sa buwan na ito. Kailangan ko kasing magbigay ng pera sa nanay ko.” Pinanindigan na ni Rhian na wala siyang nobyo kaya kailangan niyang magsinungaling. “Hindi mo kailangang mahiya, Rhian. Magkano ba ang kailangan mo?” “`Yong kalahati sana ng sahod ko. Sampung libo.” “Okay. I’ll give it to you later. After my swim. Pero dadagdagan ko. Ibili mo ng groceries ang family mo.” “Naku, `wag na. Nakakahiya—” “Ang sabi ko, hindi mo kailangang mahiya. Magaan ang loob ko sa iyo kaya hayaan mo akong tulungan ka sa paraang alam ko. Saka malaki ang naitulong mo sa akin. Simula nang dumating ka rito sa bahay ay hindi na ako nakakaramdam ng pag-iisa. Hindi kagaya dati na pakiramdam ko ay wala akong kasama rito. Palagi namang wala ang anak ko—si Abigail.” “G-ginagawa ko lang po ang trabaho ko...” “I know. And you’re doing it great, Rhian, kaya let me reward you. Okay?” “O-okay, Albert.” Nahihiya niyang sagot. “May itatanong pala ulit ako. Si Abigail... bakit palagi siyang wala?” Tumingin sa kawalan si Albert. “She hates me. Tutol siya sa pakikipaghiwalay ko sa mommy niya. Sobrang close kasi nila kaya sa akin siya nagalit. Nagrerebelde. Halos ayaw na niya akong makita.” Ramdam niya ang lungkot sa pagsasalita nito kaya hindi na siya nag-usisa pa.   NAGPAALAM si Rhian kay Albert na uuwi muna siya sa kanila para iabot ng personal ang pera sa kaniyang nanay. Sa tingin niya ay hindi naman siya nito pinagdudahan. Bukod sa sampung libong piso ay binigyan siya nito ng limang libo para sa pang-grocery. Ibinili niya naman iyon ng grocery pero para kay Kenzo. Bumili rin siya ng pagkain sa isang fastfood restaurant na paborito ni Kenzo para doon na siya mag-lunch kasama ito. Excited siyang nagpunta sa kulungan. Habang hinihintay niya si Kenzo sa lugar kung saan sila pwedeng magkausap ay walang pagsidlan ang kaniyang kasiyahan. Kinalimutan na niya ang naging tampo niya rito. Hindi niya dapat wini-welcome ang ganoong emosyon lalo na at nasa kulungan si Kenzo nang dahil sa kagagawan niya. Medyo matagal na naghintay si Rhian bago dumating si Kenzo. Napatayo pa siya para salubungin ito. Ngunit nang papalapit siya kay Kenzo ay nawala ang ngiti niya at napalitan iyon ng pagtataka at pag-aalala. Meron kasing pahabang sugat sa kaliwang pisngi si Kenzo. Medyo sariwa pa iyon. Siguro ay dalawang pulgada ang haba at parang hiniwa iyon gamit ang kutsilyo. “A-anong nangyari sa mukha mo? Bakit ka may sugat?” tanong ni Rhian. Hahawakan niya sana ang mukha nito pero iniiwas nito iyon. “Ang daming galit sa akin kasi ang gwapo ko raw. Habang tulog ako, hiniwaan ako at muntik pang patayin.” Walang emosyon nitong sagot. “Totoo ba iyang sinasabi mo?” “Kung ayaw mong maniwala, bahala ka.” Nilagpasan siya ni Kenzo at dumiretso ito sa pagkakaupo na para bang hindi ito masaya na naroon siya. Umupo na rin si Rhian sa harapan ng nobyo habang tinitingnan nito ang laman ng ecobag na dala niya. “Pinamili pala kita ng mga kailangan mo. Mga deodorant, shampoo, sabon at—” “Saan galing ang pera mo? May sugar daddy ka ba ulit?” “Kenzo, w-wala. May trabaho ako. Nag-aalaga ako ng matandang b-babae...” Pagsisinungaling niya. “Saka bakit ganiyan ka sa akin? Nagtatampo ka ba dahil matagal akong hindi nakadalaw?” “Wala ba akong karapatang magtampo? Hindi ba nakakatampo ang ginawa mo? Akala ko ay hindi ka na dadalaw! Akala ko ay kinalimutan mo na ako!” “Oo! Sinadya kong hindi ka muna puntahan rito dahil walang-wala akong pera. Pinaalis lang naman ako sa apartment, ninakawan at naging palaboy. Mabuti nga at meron na akong trabaho ngayon dahil kundi ay baka nasa lansangan pa rin ako hanggang ngayon!” Walang preno niyang turan. Natahimik si Kenzo sa mga sinabi niya. Nakatingin ito sa malayo at hindi nagsasalita. “Iyang sugat mo, hindi mo ba isinumbong sa mga pulis?” Pag-iiba ni Rhian ng topic. Baka kasi mag-away pa sila ni Kenzo. Ang pangit naman kung ganoon. Ngayon na nga lang ulit sila nagkasama tapos mag-aaway pa. Umiling si Kenzo. “Mas lalo nila akong pag-iinitan. Pero may proteksiyon na ako. Kasama na ako sa isang grupo rito kaya hindi na ako natatakot na gagalawin nila ako.” “H-hayaan mo. Nag-iipon na ako ng pera. Ilalabas kita rito!” Mahinang tumawa si Kenzo. “Imposible na raw akong makalabas. Huwag mo nang sayangin ang oras mo sa akin, Rhian. Kalimutan mo na lang ako. Ayokong matali ang buhay mo nang dahil sa utang na loob mo sa akin. Isipin mo na patay na ako—” “Kenzo!” Lumuluhang pigil ni Rhian sa pagsasalita nito. “Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Ano bang nangyayari sa iyo?” “Sinasabi ko lang ang makakabuti sa iyo. Tatanda ka na palagi akong dinadalaw rito kaya tigilan na natin ito. Kalimutan mo na ako. Tanggap ko nang dito na ako habangbuhay! Umalis ka na, Rhian!” Biglang tumayo si Kenzo at naglakad pabalik sa kulungan. “Kenzo!” sigaw niya pero parang wala itong narinig na dire-diretso sa paglalakad.   PAGKAPASOK sa kulungan ay saka pinakawalan ni Kenzo ang luhang kanina pa niya pinipigilan. Sinuntok niya ang pader na agad na nagpadugo sa kaniyang kamao. Nilapitan siya ng isa sa mga naging kaibigan niya sa kulungan na si Tonyo. Magka-edad sila nito. Parehas na tungkol sa droga ang kaso nila kaya sila naroon. Iyon nga lang, mas matagal si Tonyo sa kaniya. Anim na taon na ito sa kulungan at hanggang ngayon ay hindi pa rin umuusad ang kaso nito kaya nananatili ito sa loob. “Pare, anong nangyari?” tanong nito sa kaniya. “S-sinabi ko na sa girlfriend ko na huwag na niya akong bisitahin. Ayokong hintayin ang araw na mapapagod siya kaya inunahan ko na. Ako na ang nagtaboy sa kaniya kahit masakit! Baka kasi magaya ako sa iyo na ilang taon na ay nandito pa rin.” Umiiyak na sagot ni Kenzo. Napaupo siya sa sahig. Tinabihan siya ni Tonyo. “Gago ka!” Binatukan siya nito. “Ang nangyayari sa akin ay pwedeng hindi mangyari sa iyo. Saka sabi mo matagal na kayo ni Rhian. Wala ka pa ring tiwala sa pagmamahal niya sa iyo?” “Hindi ko alam, pare. Natatakot ako na makita na nawawalan na siya ng gana sa akin. Iniisip ko rin kasi ang magiging future niya. Kung hihintayin niya akong makalaya ay walang mangyayari sa buhay niya. Mas mabuti siguro na kalimutan na niya ako.” “Hay! Iba ka talaga, p’re! Iba ka magmahal! Masyado kang martir! Pero tandaan mo, pare, iba rin ang girlfriend mo dahil hanggang ngayon ay hindi siya nawawalan ng pag-asa. Baka magsisisi ka sa pagtataboy mo sa kaniya...” Kahit paano ay biglang napaisip si Kenzo sa sinabing iyon ni Tonyo.   HINDI makapaniwala si Rhian sa mga pinagsasabi ni Kenzo. Nakikipaghiwalay na ba ito sa kaniya? Galit na ba ito sa kaniya dahil sinira niya ang buhay nito? Bigla na lang itong naging ganoon. O baka nagsawa na ito sa kaniya? Baka napagtanto ni Kenzo na puro kamalasan ang dinala niya sa buhay nito. Natatakot na siguro si Kenzo na baka may panibago siyang dalhin na kamalasan dito. Siguro nga ay tamang maghiwalay na lang silang dalawa. Siya nga siguro ang malas kay Kenzo at hindi maganda na magkasama pa sila. Dumiretso si Rhian sa sementeryo. Dinalaw niya si Mariposa. Ipinagsindi niya ito ng kandila at inalayan ng bulaklak. “Ang daya mo talaga, bakla! Kung nandito ka sana, may mapagsasabihan ako ng problema ko. Gusto sana kitang ilabas diyan sa libingan mo pero abo ka na nga pala. Ang hirap mong buuhin!” Natawa nang kaunti si Rhian sa sariling joke. Maya maya ay umiiyak na siya. Nami-miss rin kasi niya si Mariposa. Hindi siya handa sa biglang pagkawala nito. Daig pa niya ang namatayan ng isang kapamilya. Napakalungkot ni Rhian ng araw na iyon. Bukod sa nangungulila siya sa kaibigan ay hindi pa sila ayos ng kaniyang nobyo. Hindi tuloy siya makapag-isip nang maayos. Makalipas ang ilang minuto ay umalis na si Rhian sa sementeryo. Ayaw pa niyang umuwi kina Albert. Meron pa siyang gustong puntahan pero hindi niya masabi kung saan. Hanggang sa natagpuan niya ang sarili na sakay ng bus papuntang Rizal...   BUMABA ng bus si Rhian sa isang pamilyar na lugar. Isang lugar na ilang taon na niyang hindi napupuntahan ngunit wala pa ring ipinagbago. May mangilan-ngilang puno sa paligid, kabundukan at kabahayan na payak. Pumasok siya sa isang kalye na sementado ang daan. Tila may sariling utak ang mga paa niya at alam niyon kung saan siya pupunta. Matapos ang halos limang minutong paglalakad ay huminto siya sa harapan ng isang bahay na may katamtamang laki. Yari iyon sa semento at yero. May bakod na gawa sa kawayan. Mangilan-ngilan ang mga namumulaklak na halaman sa harapan. Nakabukas ang pinto sa harapan kaya alam niya na merong tao roon. Parang may kung anong mabigat na bagay siyang naramdaman sa kaniyang dibdib. Bumalik sa alaala niya ang mga hindi magandang memorya na nangyari sa bahay na iyon. Hindi alam ni Rhian kung gaano siya katagal na nakatayo roon. Nagulat na lang siya nang may isang babae ang lumabas. May hitsura ito at siguro ay nasa kuwarenta ang edad. Payat pero maganda ang pangangatawan. Nakatali sa likod ang itim nitong buhok. “Sinong kailangan mo?” Pasigaw nitong tanong dahil medyo malayo siya. Mabilis siyang tumalikod para umalis. Muntik na siyang mapasigaw nang isang lalaki pala ang nakatayo sa likuran niya. Agad siyang nakaramdam ng takot nang makilala ang naturang lalaki. “Rhian?” Nakangisi at hindi makapaniwalang turan ni Troy. Tumiim ang bagang ni Rhian. Hindi siya nagsasalita. Matalim ang tingin niya sa lalaki. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin niya napapatawad ang mga ginawa nito sa kaniya. Kahit kailan ay hindi niya yata iyon makakalimutan. Ito kasi ang sinisisi niya kung bakit sila nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ng kaniyang ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD