“SANDALI, sandali. Bakit aalis ka agad?” Hinawakan ni Troy ang braso ni Rhian nang aalis na sana ang huli.
Kinilabutan si Rhian nang dumaiti ang palad ng lalaki sa kaniyang balat. Malakas niyang ipiniksi ang braso at nang makawala ay itinulak niya si Troy. “`Wag mo nga akong hahawakan! Nakakadiri!” asik niya habang umaatras.
“Ang arte mo na ngayon, a. Pero mas lalo kang gumanda—”
“Troy, sino ba `yang nandiyan? Bakit parang nag-aaway kayo?” tanong ng babaeng nakita niyang una. Naglakad ito palapit at tiningnan siya mula ulo hanggang paa.
“Wala, tita. Dati kong classmate. Ganoon lang kami magbiruan. Sige na, tita. Pasok ka na sa loob.” Sumunod agad ang babae sa sinabi ni Troy bago siya nito ulit kinausap. “Pumunta ka ba rito kasi nami-miss mo ako?”
“Gago! Huwag mo akong kausapin na parang wala kang ginawang kababuyan sa akin dati. Si mama—nasaan siya?”
Nakakalokong tumawa si Troy nang mahina. “Si Wilma? Wala na siya rito matagal na. Last year pa yata. Iyong nakita mong babae ang bagong asawa ni papa! Ang ganda niya, `no? Mas maganda at sexy sa mama mo!” Nanunutya nitong sagot.
Natigilan at kinabahan si Rhian. “A-anong ibig mong sabihin na wala na rito si mama? Nasaan siya?”
SEMENTERYO—iyon ang lugar na sinabi ni Troy kay Rhian nang tanungin niya ito kung nasaan ang kaniyang ina. Ano pa nga ba ang naroon kundi mga patay.
Noong nakaraang taon raw ay sumuko na ang nanay niya sa pakikipaglaban sa colon cancer. Wala siyang kaalam-alam na meron itong ganoong karamdaman. Malakas ito nang lumayas siya. Hindi raw ito nabigyan ng tamang gamutan dahil sa kakulangan sa pera.
Ang sakit lang bilang anak na namatay ang nanay niya na wala siya sa tabi nito. Siya na kaisa-isa nitong anak para lang sa kaalaman niya!
Ngayon ay nasa harapan si Rhian ng puntod ng kaniyang nanay. Yumukod siya at nagsimulang bunutin ang nakapaligid na d**o sa lapida. Halos natatakpan na kasi ng d**o ang pangalan ng nanay niya. Mukhang kinalimutan na ito nina Troy at Dennis. “Ano, `ma? Pati ba naman ikaw, iniwan na ako. Bakit hindi ka man lang nagparamdam sa akin na patay ka na? Dinalaw mo sana ako sa panaginip. E, paano kung hindi ko na naisipan na bisitahin ka sa impyernong bahay na iyon? Edi, forever kong hindi malalaman na wala ka na!” Akala ni Rhian ay hindi siya maiiyak sa ganoong tono ng pananalita pero hindi niya nagawang kontrolin ang sariling emosyon.
Napahagulhol siya kasabay ng pag-agos ng kaniyang mga luha. “Mama, s-sorry po! Sorry sa lahat! Sorry sa p-pagiging s-suwail at walang kwenta kong anak. K-kung alam ko lang na mangyayari ito, hindi na sana ako naglayas. H-hindi na sana kita inaway! `Ma, sorry po talaga! Mahal na mahal kita!” Sa pagitan ng paghagulhol ay pinilit niyang magsalita.
Sa araw na iyon ay napagtanto ni Rhian na maikli ngang tunay ang buhay ng isang tao. Maaaring ang isang tao na kasama mo ay mawala na bukas o kaya ay mamaya. Pwedeng siya rin mismo ang biglang mamatay. Kaya habang nabubuhay pa siya ay dapat na niyang gawin ang mga gusto niya at kumilos na siya para maabot na niya ang kaniyang mga pangarap!
WASAK na wasak ang pagkatao ni Rhian nang umuwi siya sa bahay ni Albert ng gabing iyon. Tila ibinuhos na ng langit ang lahat ng kamalasan na dapat niyang maranasan sa buong buhay niya sa isang araw. Hindi lang ang katawang lupa niya ang pagod kundi parang pati yata ang kaluluwa niya. Parang gusto na lang niyang mawala ng mga sandaling iyon.
Natagpuan niya si Albert sa salas. Mag-isang umiinom ng alak.
“You’re late, Rhian. Kumusta ang pagbisita mo sa family mo?” Tiningnan siya nito at bumakas ang pagtataka sa mukha nang makita ang hitsura niya.
Namumugto ang mga mata niya dahil sa pag-iyak. Tulala at parang nawala na sa sarili.
Walang anu-ano’y tumulo ang luha ni Rhian.
May pag-aalalang nilapitan siya ni Albert. “What happened?”
“P-patay na ang nanay ko...” Hindi niya kayang sarilinin ang katotohanang iyon. Kailangan niya nang may mapaglalabasan ng bigat na meron siya ngayon sa dibdib. Kahit paano ay mabawasan iyon. “Ang tagal ko kasing hindi siya binisita tapos kanina nalaman kong w-wala na pala siya.”
“I’m sorry.” Isang mahigpit na yakap mula kay Albert ang natanggap niya.
Mas lalong lumakas ang pag-iyak ni Rhian. Pakiramdam niya ay nagkaroon siya ng isang karamay sa katauhan ni Albert. May kakaibang comfort na hatid ang mainit at puno ng pagsuyo nitong yakap.
Dalawang tao na malapit sa puso niya ang namatay—si Mariposa at ang kaniyang ina. Tapos nakipaghiwalay pa si Kenzo sa kaniya. Napakalaking bagay na meron siyang Albert na karamay ngayon.
“Sige lang, iiyak mo lang iyang lahat...” anito.
“Napakasama kong anak, Albert! W-wala man lang ako sa tabi niya habang naghihirap siya sa sakit niya!”
“`Wag mong sisihin ang sarili mo. Sigurado ako na kung kaya mo lang ay nandoon ka sa tabi ng nanay mo nang sandaling iyon.”
“W-wala na siya! Wala na akong pamilya. Mag-isa na lang ako!”
“I am here, Rhian... I am always here. Hindi kita iiwanan.”
Kumalas si Albert sa pagkakayakap sa kaniya at hinawakan ang magkabila niyang pisngi. Nagtama ang mata nila hanggang sa unti-unting lumapit ang mukha ni Albert. Napapikit siya nang lumapat ang labi nito sa labi niya. Isang halik na puno ng tamis ang pinagsaluhan nilang dalawa.
Muntik nang madala si Rhian pero bigla niyang naalala si Kenzo. Bahagya niyang tinulak ang dibdib ni Albert at huminto naman ito sa paghalik. Inilayo nito ang labi pero nakatitig pa rin sa kaniya.
“A-albert, b-bakit mo ako hinalikan?” Naguguluhan niyang tanong.
“Bakit ka gumanti sa halik ko?” naghahamon nitong tanong.
Natigilan siya at napaisip. Oo nga. Bakit ba hindi niya pinigilan si Albert noong akmang hahalik pa lamang ito sa kaniya. Pumikit pa talaga siya na parang ineengganyo itong ituloy ang paghalik sa kaniya.
Hinawakan ni Albert ang isa niyang kamay. “I want to be honest with you now, Rhian. The first time I saw you... I already fell in love with you. Mahal kita, Rhian. And I want you...” Titig na titig ito sa mata niya.
Napamaang siya at hindi makapaniwala sa naririnig.
“Gusto mo ako?”
“Yes. I want you to be my wife! Ipinapangako ko sa iyo na kapag mag-asawa na tayo ay hindi ka na ulit mag-iisa. Ipaparanas ko sa iyo ang buhay na kahit sa panaginip ay hindi mo pa nararanasan. Hinding-hindi ko hahayaan na makakaranas ka pa ng paghihirap. I will make you my queen, Rhian!”
Sandali! Nagpo-propose ba ng kasal itong si Albert? Ang bilis naman! Wala man lang ligawan? Proposal agad-agad?! Natitilihang turan ng utak ni Rhian.
Pero ano nga ba ang magiging buhay niya kung magiging asawa niya si Albert?
Siyempre, asawa na siya ng multi-billionaire kaya hindi na talaga siya maghihirap hanggang sa malagutan siya ng hininga. Paniguradong may katotohanan rin ang sinabi nitong magiging reyna siya. Makakapag-travel siya kahit saang bansa at mabibili na niya ang mga mamahalin at signature bags and shoes na dati pa niyang pangarap. Hindi na siya mamumroblema ng kakainin niya at hindi na rin niya magiging problema ang pera. Kahit hindi na siya magtrabaho ay kayang-kaya siyang buhayin ni Albert.
Tutal, nakipaghiwalay na sa kaniya si Kenzo. Ito na rin ang nagsabi na isipin na lang nila na patay na ang isa’t isa. Handa naman sana siyang maghintay ngunit ito na ang unang bumitaw. Gagawin naman niya ang lahat hanggang sa makalaya na ito pero ito na ang sumuko. Nawalan agad ito ng pag-asa.
“Just be my wife, Rhian, kahit isunod mo na lang ang pag-aralan na mahalin ako. Matanda na ako. Gusto ko na bago ako mawala ay meron akong masasabi na isang babae na kasama ko at nasa tabi ko. Ikaw ang gusto kong makasama hanggang sa aking huling hininga, Rhian,” untag ni Albert sa pananahimik niya.
Maya maya ay umiling-iling si Albert at mahinang tumawa. “Masyado yata akong mabilis. I am sorry. Hindi ko na napigilan ang sarili ko kasi talagang gusto kita, Rhian.” Tumalikod na ito at nagsimulang maglakad papunta sa hagdan paitaas.
“Albert...” tawag ni Rhian. Napahinto ang lalaki at nilingon siya. “Sige. T-tinatanggap ko ang proposal mo. M-magpapakasal ako sa iyo basta ipapangako mo sa akin na hinding-hindi na ako maghihirap kagaya ng mga naranasan ko.”
Pikit-matang pumayag si Rhian. Wala na rin siyang mapupuntahan kaya isang magandang opurtunidad na ang kumakaway sa kaniya. Baka kapag pinatagal pa niya ay bigla iyong mawala at pagsisihan niya sa huli.
Malapad ang ngiti na binalikan siya ni Albert. “Totoo ba ang narinig ko?! Ulitin mo nga!” Masayang-masaya nitong bulalas.
“Oo, Albert! Magpapakasal ako sa iyo. Papakasalan kita!”
Muli siyang niyakap nito. “Maraming salamat! Pangako ko sa iyo, hinding-hindi ka na makakaranas ng hirap, Rhian. Pangako!” Mangiyak-ngiyak na turan ni Albert.
Siguro nga ay hindi sila nakatadhana ni Kenzo. Baka nga si Albert ang talagang sagot sa lahat ng pangarap niya. Totoo nga na may mga taong pinagtagpo pero hindi magiging magkasama hanggang sa dulo. Kailangan niyang tanggapin na tapos na ang kwento nila ni Kenzo...