NAGAGAWA ang lahat sa pamamagitan ng pera at kahit ang imposible ay magiging posible kung meron kang marami nito. Iyan ang noon pa man ay napatunayan ni Mathilda. Sa edad ba naman niyang ito ay sinong mag-aakalang magkakaroon pa siya ng bata, sariwa at gwapong boyfriend na kagaya ni Kenzo. Well, hindi siya tanga para hanggang ngayon ay maniwalang mahal siya ni Kenzo sa kung ano siya at hindi sa kung ano ang meron siya. Alam na niya na ang pera niya ang dahilan kung bakit ito nananatili sa piling niya at magiging ganoon ito sa kaniya hangga’t meron itong nakukuha sa kaniyang pera at mga materyal na bagay.
Walang kaso sa kaniya kung ganoon ang gusto ni Kenzo. Ang importante ay manatili ito sa kaniya hanggang sa bawian siya ng buhay. Mahal niya si Kenzo at iba ang kaligayang naibibigay nito sa kaniya kapag magkasama sila. Iyon ang hindi niya nararamdaman ibang lalaki na nakakasiping niya kapag kailangan niyang maglabas ng init ng katawan.
Kanina nang tumawag si Rhian para sabihin na nawawala si Kenzo ay agad niyang pinakilos ang kaniyang koneksiyon. Pinatawagan niya sa ilang mapagkakatiwalaang tao ang lahat ng malapit na presinto at ospital sa lugar kung saan nakatira ang kaniyang boyfriend dahil may hinala siya na baka may kung anong nangyari rito.
May nakuha siyang impormasyon na nakulong ito dahil sa nakita sa isang night bar na ilegal ang ginagawa sa loob pero napalaya na ito. Hanggang sa ang kasunod niyang nalaman ay nasa Calamba Doctors Hospital ito. May nambugbog daw. Sinaksak pa.
Sa pagkataranta ni Mathilda ay nakalimutan na niyang sabihan si Rhian. Nakalimutan na niya ang usapan nila na agad niya itong iinform sa oras na malaman niya kung nasaan si Kenzo.
Dumiretso na siya sa naturang ospital at hindi niya akalain na masusurpresa siya sa tagpong kaniyang maaabutan. Sa pinto pa lang ng recovery room na kinaroroonan ni Kenzo ay natigilan na siya at hindi na nagawang magpatuloy sa pagpasok.
Mula roon ay kitang-kita niya ang paglalambingan nina Kenzo at Rhian! Nagyayakapan at naghahalikan na akala mo ay magkasintahan.
Nanikip ang dibdib ni Mathilda at para siyang nahirapan sa paghinga. Naningkit ang mata niya at umapoy ang puso sa labis na galit.
Magpinsan lang pala, ha! Mga manloloko! Napopoot na sigaw ng utak niya.
Sinasabi na nga ba niya na tama ang kaniyang hinala. Maging ang napansin ng kaibigan niya sa dalawa ay walang pagdududang tama. Hindi magpinsan sina Kenzo at Rhian kundi merong relasyon ang dalawa. Walang magpinsan na magyayakapan at maghahalikan ng kagaya ng ginagawa ng mga ito!
Ang kapal din talaga ng pagmumukha ni Kenzo para isama si Rhian sa birthday party ng kaibigan niya at ipakilala bilang pinsan nito. Napakalakas ng loob nito na gawin iyon. Pakiramdam niya tuloy ay harap-harapan siyang dinuraan ng dalawa sa mukha. Ibinigay niya ang lahat-lahat kay Kenzo kahit pa minsan ay sumusobra na ito tapos malalaman niya na niloloko lang pala siya nito!
Wala naman na problema kay Mathilda kahit pa pera ang habol sa kaniya ni Kenzo, e. Tanggap na tanggap niya iyon. Ang hindi niya kayang tanggapin ay ang katotohanan na niloloko siya nito at meron itong ibang babae bukod sa kaniya.
She invested so much to Kenzo! Hindi siya makakapayag na mauwi ang lahat ng iyon sa wala. Hindi siya makakapayag na meron siyang kahati!
Hindi lang si Kenzo ang may kasalanan sa kaniya kundi si Rhian din. Hindi pwedeng wala itong alam. Hindi ito isasama ni Kenzo sa party kung wala. Malamang, isang social climber ang babaeng iyon kaya nais maranasan ang kasiyahan ng mayayaman kagaya niyon.
Nagkamali ang dalawa ng taong niloloko. Hindi siya makakapayag na hindi makakaganti. Sa kaniya lang si Kenzo... Kaniya lang!
Maya maya ay lumayo na si Rhian kay Kenzo. Mukhang aalis ito. Hindi siya maaaring makita ni Rhian o kahit na Kenzo kaya nagmamadali siyang umalis roon. Sa ngayon ay hahayaan niyang magmukha siyang walang alam at tanga sa harapan ng mga ito nang sa ganoon ay madali niyang maisagawa ang isang planong nabubuo sa kaniyang utak.
Sige lang, magpakasaya kayong dalawa sa ngayon. Tingnan ko lang kung magawa niyo pang maghalikan at magyakapan matapos ng gagawin ko! Tumatawang bulalas ni Mathilda sa kaniyang sarili habang malalaki ang hakbang na naglalakad palayo.
ISANG araw lang ang inilagi ni Kenzo sa ospital at lumabas na rin ito. Walang ibang ginawa si Rhian kundi ang asikasuhin ang nobyo sa araw na nasa ospital si Kenzo. Iyon ay bilang pagbawi niya sa kasalanan niya.
Dadaanan niya sana si Mariposa sa bahay nito pero nakasarado iyon. Baka namasyal ito ang ang boyfriend nito sa kung saan.
Ngayon na nasa bahay na sila ay panatag na ang kalooban niya na ligtas na si Kenzo sa kahit na anong panganib. Ang kailangan na lang nitong gawin ay ang magpagaling ng sugat nito. Tinuruan naman siya ng nurse kung paano iyon lilinisin, lalagyan ng gamot at papalitan ng benda.
“Habang hindi pa magaling `yang sugat mo ay ako muna ang kikilos dito sa bahay, ha...” Paalala ni Rhian kay Kenzo matapos nitong humiga sa kanilang higaan.
“`Sus! Kaya kong kumilos. Baka mapagod ka masyado.”
“Mas okay na ako ang mapagod kesa bumuka iyang tahi mo at bumulwak ang dugo riyan! Gusto mo ba iyon?”
Napangiwi si Kenzo. “Ah, e... P-parang ayaw kong mangyari iyon. Nakakatakot!”
“Nakakatakot talaga lalo na at hindi ko alam ang gagawin kapag bumuka iyan. Paglilinis lang ng sugat mo ang alam ko.”
“Oo na. Basta, ayokong magpapakapagod ka.”
“`Eto naman. Hindi mabigat ang gawain dito sa bahay. Kayang-kaya ko lahat kahit mag-isa. Saka may pera pa naman tayo. May five thousand pa na natira doon sa sinasabi mo na itinabi mong pera. Makaka-survive pa tayo ng isa o dalawang linggo.” May pera pa kasi si Rhian at dinagdagan niya ang kulang niyon mula sa pera ni Kenzo na nasa ilalim ng kutson.
“Ang pinoproblema ko ay si Mathilda. Baka bigla siyang mag-aya na makipagkita. Baka magtaka iyon kapag nalaman na galing ako sa ospital.”
“Siguro ay hindi siya magtataka...”
“Bakit? Paano mo nasabi?”
“E, noong hindi ko alam kung saan ka nagpunta ay naisip kong tawagan si Mathilda kasi baka nasa kaniya ka. Kaya alam niya na nawawala ka at baka may hindi magandang nangyari sa iyo.” Pagtatapat ni Rhian. Hiling niya na sana ay hindi masamain ni Kenzo ang kaniyang ginawa. Sadyang hindi na niya alam ang gagawin sa labis na pag-aalala.
“Walang problema. Mas maganda nga na alam niya na baka may hindi magandang nangyari sa akin kasi magagamit ko itong sitwasyon ko para magkaroon ng dahilan sa paghingi ng pera sa kaniya. Hindi kasi natin pwedeng galawin iyong savings natin kahit na anong mangyari. Dapat ay padagdag iyon at hindi pabawas.”
“T-tama ka. Dapat ay mas madagdagan ang savings...” Hindi makatingin ng diretso kay Kenzo na pagsang-ayon ni Rhian.
Sandaling nagpaalam si Rhian kay Kenzo upang ayusin ang ilang gamit na dinala nila sa ospital. Karamihan ay dami ni Kenzo na dapat nang labahan at baka bumaho lalo. Ibababad muna niya ang mga iyon sa detergent powder para mamaya ay pwede na niyang kusutin.
Sa maliit na banyo sila naglalaba. Habang pinupuno niya ng tubig ang palanggana ay naisipan niyang kunin ang cellphone para hindi mainip. Mahina kasi ang tulo sa gripo kapag umaga dahil sa marami ang gumagamit. Iyon ang eksplenasiyong alam niya kung bakit iyon nangyayari.
Pagkakuha sa cellphone na nasa bulsa ng hinubad niyang pantalon ay tumambay na siya sa may pinto ng banyo upang bantayan ang pagpupuno ng tubig sa palanggana.
Napakunot-noo si Rhian nang malaman na merong mahigit benteng miscalled siya mula kay Mariposa. Halos magkakasunod ang mga miscalled kaya naisip niya na meron itong importanteng sasabihin sa kaniya.
May hindi maipaliwanag na kaba tuloy siyang naramdaman. Ang unang tumakbo sa utak niya ay ang perang ininvest niya sa Rise And Shine.
Tinawagan niya si Mariposa at agad itong sumagot. “Bakla! Bakit ang dami mong miskol?” Pigil ni Rhian ang paglakas ng boses at baka marinig siya ni Kenzo.
“May problema, Rhian...” Nanginginig ang boses ni Mariposa kaya mas lalo siyang kinabahan. Huwag naman sanang magkatotoo ang naiisip niya.
“B-bakla, sabihin mo na. Pinapakaba mo ako, ha.”
“Rhian, ano kasi...”
“Ano `yon?!” Gigil na siya. Baka maihi na siya sa kaba.
“Nadagdagan na naman kasi ng ten thousand pesos `yong pera ko sa Rise And Shine! Ang problema ko ay kung paano ko gagastusin!” At malakas na tumawa si Mariposa na akala mo ay kinikiliti ang singit.
Muntik nang mapamura nang malutong pa sa chicharon si Rhian nang malaman na wala pala siyang dapat ikakaba. Binibiro lang pala siya ng kaibigang bakla. Pero mas lalo siyang nanggigil dito dahil alam niyang pinagti-trip-an siya nito ngayon.
“Bakla ka! Pinakaba mo akong hayop ka!”
Tawa naman nang tawa si Mariposa. “Ano bang akala mong sasabihin ko? Na wala na ang pera natin sa Rise And Shine? Gaga! Masyado kang paranoid. That will never happen!”
“Pa-suspense ka pa kasi! Saka bakit ang dami mong miskol sa akin?” Pinatay na muna ni Rhian ang gripo. Umaapaw na ang tubig sa palanggana.
“Aayain sana kita na mamasyal. Nandito kami ni bebeboy ko sa Solenad!”
“Sa tingin mo ba ay makakasama ako? Ngayon ko inilabas sa ospital si Kenzo.”
“Ay, ngayon ba iyon? Akala ko kasi ay bukas pa. Nasa bahay na kayo?”
“Kanina pa at iniistorbo mo ako sa paglalaba. Diyos ko, Mariposa! Pwede mo naman akong i-text kesa mag-miskol ka nang napakarami. Pinapakaba mo ako nang severe, ha!”
“Sorry na nga, `di ba? Naka-unlicall kasi ako. Sayang kung hindi ko magagamit!”
“Ang dami mong alam, bakla!”
“O, siya... Sige na. Mag-e-enjoy na kami rito ng aking bebeboy. Bye, Rhian!!!”
“Bye!” At siya na ang pumutol sa tawag.
Bigla siyang nakaramdam ng labis na panghihina kaya napasandal siya sa gilid ng pintuan ng banyo. Akala niya talaga ay may hindi magandang nangyari sa ininvest niyang pera sa Rise And Shine. Para na tuloy siyang maloloka noong hindi pa sinasabi ni Mariposa ang dahilan ng maraming miscalled nito sa kaniya. Minsan talaga ay masarap sabunutan ang kaibigan niyang bakla. Alam na alam nito kung paano siya tatakutin o papakabahin!
“Rhian.” Muntik nang mapasigaw si Rhian sa biglaang pagtawag ni Kenzo. Nakatayo ito sa pintuan ng kwarto habang nakahawak sa gilid.
Napahawak siya sa dibdib. “Nakakagulat ka naman! Teka, bakit ka tumayo? May kailangan ka ba?”
“Kukuha sana ako ng tubig. Alam ko na may ginagawa ka kaya hindi na kita tinawag.”
“Ano ka ba? Kahit may ginagawa ako, tawagin mo ako kapag may kailangan ka. Sariwa pa iyang tahi mo. Diyos ko, Kenzo!”
“Si Mariposa ang kausap mo, `di ba? Bakit para kang kinakabahan habang kausap siya? Sorry pero kanina pa kasi ako nandito. Hindi ko sinasadya na mapakinggan ang pakikipag-usap mo sa kaniya.”
Patay na! Sasabihin ko na ba sa kaniya ang ginawa ko sa pera naming dalawa? Baka magalit siya lalo na at wala pang resulta ang pag-invest ko... ani Rhian sa sarili.
“W-wala iyon. Nagbibiro kasi si bakla na naaksidente siya. Pina-prank lang pala ako. Saka inaaya tayo na lumabas, e, hindi naman pwede.”
“Ganoon ba? Akala ko ay kung ano na.”
“Iyon lang naman `yon. Saka ako na ang kukuha ng tubig mo. Bumalik ka na sa kwarto.” Nagmamadaling kumuha ng baso si Rhian at nilagyan iyon ng tubig mula sa water jug.
Napakagat-labi na lang siya dahil sa ginagawa niyang pagsisinungaling kay Kenzo.
Hindi bale, sa sandaling naging triple na ang pera nila sa Rise And Shine ay saka niya sasabihin kay Kenzo ang tungkol doon. Anim na araw pa ang kailangan niyang hintayin ngunit mabilis na lang naman iyon. Hindi niya mapapansin at malaki na ng tatlong beses ang savings nilang magkasintahan.