CHAPTER 23

1952 Words
       APAT na araw na ang nakakalipas simula nang makalabas ng ospital si Kenzo. Para kay Rhian ay dalawang araw na lamang ang hihintayin niya para maging triple na ang pera nila sa Rise And Shine Investment Company. “Bakla! Two days na lang at ang five hundred ay magiging one million five hundred na!” Hindi mapigilang matuwa ni Rhian sa sobrang excitement habang kausap niya si Mariposa sa park sa katabing subdivision kung nasaan ang squatter’s area. Sa magkatabing swing sila nakaupo. Nagmemeryenda sila ng kikiam na nasa stick at samalamig. Kilala na sila ng guard na nagbabantay sa entrance ng subdivision kaya nagagawa nilang maglabas-pasok doon. Alam kasi ng guard na ang pakay lang nila sa tuwing magpupunta roon ay ang parke. Tahimik kasi at maraming nagbebenta ng kung anu-anong meryenda. Tuwing hapon sila nagpupunta roon para hindi na gaanong mainit. Sabagay, kahit tanghaling-tapat ay hindi ramdam ang init dahil sa dami ng mga puno. “Ay! Sana all! Milyonarya na ang friend ko. Beke nemen...” tili ni Mariposa. “Anong beke nemen ka diyan?! Para iyon sa future namin ni Kenzo, `no!” “Para sa wedding?” Umiling siya. “Hindi pa. Saka na ang kasal kapag meron na kaming bahay, lupa at negosyo. Ayokong magpapakasal kami na wala pa ang mga iyon at baka makaranas ng hirap ang magiging anak namin. Isa iyan sa ipinangako ko na hindi mararanasan ng mga anak ko ang hirap na nararanasan ko ngayon. A-ayokong paglaki nila ay magiging katulad ko sila na nanloloko ng tao para sa pera...” Nalungkot tuloy siya sa kaniyang sinabi. Kapag naiisip niya kasi na maghihirap ang magiging anak nila ni Kenzo ay hindi niya maiwasang makadama ng kalungkutan. Baka kasi kapag ganoon ang nangyari ay kasuklaman sila ng kanilang mga anak. “Sabagay, dapat ready talaga kayo kapag magpapamilya. Mahirap iyong bigla ka na lang magbubuntis nang wala sa plano!” “Korek! Pero kinakabahan ako, bakla. Hindi pa rin kasi alam ni Kenzo na ininvest ko ang savings namin. Ang balak ko kasi ay kapag nagtriple na saka ko sasabihin para hindi na siya mag-iisip na baka scam o kung ano.” “Hmm... Dapat sinabi mo na agad sa kaniya pero may point ka rin. Mas okay kapag nandiyan na ang sisiw bago mo sabihin sa kaniya.” “Anong sisiw pinagsasbai mo, bakla? Pera ang ininvest ko sa Rise And Shine at hindi itlog. Paano `yong magiging sisiw?” “Gaga! Representation lang ang sisiw. Ginawa mo namang literal!” Maarteng itinirik ni Mariposa ang mata. “By the way, sa next weekend ay magbe-beach kami ni bebeboy sa Laiya, Batangas. Baka gusto ninyong sumama ni Kenzo. Tayong apat lang.” “Pag-iisipan ko. Kapag kaya na ni Kenzo ay sasama kami.” “Asahan ko kayo, ha. Malaki-laki na rin kasi ang pera ko sa Rise And Shine. Hindi ko nga binabawasan kasi para mas lumaki pa! `Eto na nga yata talaga ang sagot sa pagyaman natin, Rhian! Mabuti at nadiscover ko ang Rise And Shine, `no?” “Mabuti at ipinasok mo rin ako.” “`Sus! E, nagdadalawang-isip ka pa nga noong una!” “E, kasi hindi birong pera ang ilalabas ko saka hindi lang sa akin ang pera na iyon. Sa aming dalawa iyon ng jowa ko kaya pinag-isipan ko nang severe. Pero tama ka, hindi nakakapagsisi kasi alam ko na may pupuntahan iyong perang ininvest ko...” Puno ng pag-asa na turan ni Rhian habang nakatingin sa malayo. “Sabagay. May point ka! Pero sobrang laki ng help sa akin ng Rise And Shine. Hindi lang basta pag-iinvest ang ginawa ko kundi naging agent din nila ako.” “Agent? Deter-agent? Naging sabong panlaba ka?” biro niya. “Gaga ka! Hindi. Agent. Ibig sabihin ay binigyan nila ako ng sideline. Iyong kagaya ng ginawa ko sa iyo. Nagre-recruit ako tapos merong komisyon. O, `di ba? Bongga!” “Talaga? Marami ka na bang na-recruit?” “Bukod sa iyo ay merong tatlo na tagaroon sa atin at dalawa sa ibang lugar.” “Ikaw na talaga! Baka mas yayaman ka pa sa akin, bakla ka!” “Ay, hindi naman. Mas yayaman ka pa rin sa akin, Rhian. Naniniwala ako na makakaalis ka rin sa squatter’s area kasi iyang ganda mo ay hindi bagay doon. Bagay ka sa mansion tapos ang breakfast mo ay ham, cheese, bread, hotdog, tocino tapos hindi mo nauubos palagi!” Nakikini-kinita na ni Rhian sa kaniyang imahinasyon ang tuwa ni Kenzo sa oras na malaman nito na naging triple ang halaga ng savings nila. Baka nga magbukas na sila ng negosyo. Ano nga kayang negosyo ang maganda? Pwedeng restaurant kasi walang lugi sa pagkain basta masarap at affordable ang ise-serve. Maganda rin ang bigasan kasi pangangailangan iyon ng tao sa araw-araw. Hindi rin sila malulugi. Pwede rin ang water refilling station tapos maghahanap sila ng lugar kung saan wala pang ganoon para sa kanila na bibili ng inumin na tubig. Siyempre, kapag stable na ang kanilang negosyo at meron na silang ipon ay isusunod na nila ang kasalan. Gusto niya iyong engrandeng kasal! Sa malaking simbahan gaganapin at nakasuot siya ng gown na kagaya ng kay Marian Rivera nang ikasal ito kay Dingdong Dantes! Hay! Ang sarap mangarap lalo na’t kasama mo ang taong mahal mo at mahal ka.   HINDI na halos nakatulog si Rhian pagsapit ng gabi sa labis na excitement. Kaya pagputok ng umaga ay inaantok siya habang nag-iisip ng maaaring almusalin nila ni Kenzo. Tulog pa ang boyfriend niya at dapat ay meron na silang almusal paggising nito. Merong sardinas, meat loaf at corned beef sa kusina. Sa antok ay tinatamad siyang magluto. Magsasaing pa siya kapag nagbukas siya ng de-lata. Kaya sa huli ay pinili niya na lumabas at bumili ng lutong almusal kay Mariposa. Tapos bibili na rin siya ng pandesal. Sa gayon ay hindi na niya kailangan pang magluto. Wala talaga siya sa huwisyo na gawin iyon dahil sa antok. `Di bale, mamaya ay pipilitin niyang matulog kahit paano. Nagpapasalamat siya na bumalik na ang lakas ni Kenzo at humihilom na ang sugat nito. Sa susunod na linggo ay babalik sila sa ospital para sa follow up check up. Ilang dipa na lang ang layo ni Rhian sa bahay ni Mariposa nang makita niya ang kaibigan at si Francis na nagmamadaling lumabas ng bahay. May tig-isang travelling bag ang dalawa na para bang may pupuntahan at magtatagal doon. Naalala niya iyong nag-aya si Mariposa na magbakasyon sila sa Batangas. Ngayon na ba iyon? Akala ko ay next week pa... Nagtataka niyang tanong sa sarili. Mabilis niyang nilapitan sina Mariposa. Hindi pa nga siya nito napansin kaya kinailangan niya itong tawagin at hawakan sa kamay. Bumakas ang gulat sa mukha ng kaibigan nang makita siya habang sa kaniya ay may pagtataka. “R-rhian!” Namutla ito na akala mo ay nakakita ng multo. “Bakla! Anong meron? Sa’n punta ninyo ng bebeboy mo?” Patawa-tawa pa siya dahil natatawa siya sa reaksiyon ni Mariposa. “Rhian, k-kailangan ko munang magpakalayo-layo! Kukuyugin ako ng mga na-recruit ko sa Rise And Shine, e!” Agad ang pagbaha ng kaba sa kaniya sa narinig. “A-anong ibig mong sabihin?” Biglang umiyak si Mariposa. “Rhian! Patawarin mo ako. H-hindi ko kasi alam na scam pala iyong Rise And Shine! Ngayon ko lang nalaman nang sinabi sa akin ng isa sa narecruit ko na wala nang laman ang bank account nila! Nagbanta pa iyong iba na idedemanda ako kaya magtatago muna ako. A-ayokong makulong lalo na at wala akong kasalanan. Rhian, w-wala akong alam. Biktima lang din ako—” “Sandali! `Yong pera ko... W-wala na rin ba iyong pera namin ni Kenzo?!” Halos maghisterikal na si Rhian. Nanlalamig siya at parang hihimatayin. “W-wala na rin iyon. Kahit ang pera ko, wala na! Itinakbo na ng Rise And Shine!” Inalis ni Mariposa ang kamay niya na nakakapit rito. “Sorry, Rhian. Kung alam ko lang sana, hindi na kita nirecruit doon. Pasensiya ka na. Kailangan ko nang umalis!” Hinila na ni Mariposa si Francis palayo. Gusto sana niyang habulin ang dalawa upang mas ipaliwanag sa kaniya nang malinaw ang lahat pero tila nawalan ng lakas ang buo niyang katawan. Kahit ang paghakbang ay hindi niya magawa. “Mariposa! `Yong pera kooo!!!” Tanging pagsigaw ang nagawa ni Rhian. Mabilis na lumingon si Mariposa habang tigam ng luha pero hindi ito huminto sa pagtakbo papalayo. Napatulala si Rhian habang pilit na pinoproseso ang mga sinabi ni Mariposa. Scam daw ang Rise And Shine at tinangay na ang pera nilang lahat. Kung ganoon ay kasama sa nawala ang five hundred thousand pesos na ininvest niya sa naturang kumpanya. “A-ang pera namin...” Nauutal niyang bulalas habang lumuluha. Paano niya sasabihin kay Kenzo ang lahat? Paano na ang kinabukasan nila ngayong nawala nang ganoon kadali ang perang pinaghirapan nilang ipunin ng ilang taon?   HANGGANG sa pag-uwi ay tulala si Rhian. Naabutan niya si Kenzo na nagkakape sa kusina. Isang matamis na ngiti ang agad nitong ibinigay sa kaniya. Pandesal at keso ang tanging nabili niya. Wala sa sarili na inilapag niya iyon sa lamesa. “Parang ang tagal mo yata,” ani Kenzo habang kumukuha ng mug para ipagtimpla siya ng kape. “M-maraming bumibili sa bakery.” Parang robot na umupo si Rhian. “Ang akala ko pa naman ay magluluto ka o bibili kina Mariposa. Pero ayos na iyang pandesal at cheese. Masarap iyan na kapartner ng kape!” “I-iyan na lang din kasi ang naisip ko.” Hindi niya maitago ang panginginig ng boses. Tiningnan tuloy siya ni Kenzo na may kasamang pagdududa. “May nangyari ba? Bakit parang wala ka sa sarili?” Inabot nito ang kaniyang leeg at noo para salatin. “Wala ka namang lagnat. Hindi ka sobrang init.” “Wala. Nagugutom na kasi ako.” Pagsisinungaling niya sabay ngiti. “O, `eto na ang kape mo. Uminom ka habang mainit pa para mainitan iyang sikmura mo. Ang kaunti yata ng kinain mo kagabi. Diet pa!” May halong pang-aalaskang wika ni Kenzo. “Hindi mo na kailangang mag-diet kasi kahit tumaba ka ay ikaw pa rin ang love ko. Kahit ano pa ang maging hitsura mo basta ikaw pa rin si Rhian Jacinto ay walang magbabago sa nararamdaman ko sa iyo!” “Kenzo, p-paano kung may nagawa akong malaking kasalanan? M-mamahalin mo pa rin ba ako?” “Aba, siyempre—Ay! Depende pala sa kasalanan mo. Bakit? May nagawa ka ba na kasalanan sa akin? Umamin ka na agad para hindi ako magalit nang sobra.” “W-wala naman. Naitanong ko lang.” “Sigurado ka ba?” Tumango siya. “O-oo naman. Tara, kumain ka na rin.” Tahimik na tinapos ni Rhian ang pagkain ng almusal. Hinayaan niyang si Kenzo ang maghugas ng mga ginamit nila dahil kakaunti lang naman. Sinamantala niya ang pagkaabla ng boyfriend upang tingnan sa cellphone ang bank app ng bank account na ibinigay sa kaniya ng Rise And Shine Investment Company. Halos gumuho ang mundo niya nang makita niya na zero balance na iyon. Walang iniwan kahit piso o isang sentimo ang Rise And Shine sa pera niya! Mga hayop kayo! Mga manloloko! Hindi na kayo naawa! Pinaghirapan namin ang perang iyon! Nagagalit na sigaw ng utak ni Rhian. Gustuhin man niyang magwala at magalit ay hindi maaari. Kailangan niya iyong solohin dahil hindi pa siya handang sabihin ang lahat kay Kenzo. Hindi nga rin niya alam kung magiging handa siya. Ngayon pa lang ay nakikita na niya na isusumpa siya nito sa oras na malaman kung ano ang ginawa niya sa iniipon nilang pera.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD