MATAPOS mahimasmasan ni Rhian sa nangyari sa pera nila sa Rise And Shine ay agad siyang nag-isip ng kaniyang magiging hakbang.
Nagpaalam siya kay Kenzo na may bibilhin sa mall pero ang totoo ay pupuntahan niya ang opisina ng investment company na pinaglaanan niya ng kanilang pera. Gusto pa ngang sumama ni Kenzo pero pinigilan niya ito. Mabuti ay nakinig ito sa kaniya na hindi pa ito maaaring bumyahe dahil sa sugat nitong tinahi.
Hindi siya makakapayag na mawawala nang ganoon ang perang pinaghirapan nila ni Kenzo. Hahabulin niya iyon sa Rise And Shine! Aba, sinuswerte naman yata ang kumpanyang iyon kung hindi niya mababawi ang perang dapat ay sa kaniya.
Ngayon niya naisip na too good to be true ang naturang kumpanya. Pinasarap lang sila sa una para maniwala na hindi scam ang mga ito at nang makakuha na ng malaking pera ay saka nagpakita ng totoong kulay!
Habang sakay ng jeep ay sinusubukang tawagan ni Rhian si Mariposa upang tulungan o samahan siya sa pagpunta sa opisina ng Rise And Shine kaya lang ay patay ang cellphone nito o baka nagpalit na ito ng number. Hindi na rin niya masearch ang f*******: nito dahil malamang ay nag-deactivate na ito sa takot na makuyog ng mga narecruit nito. Ang Messenger nito ay deactivated na rin kaya hindi na niya mapapadalahan ng mensahe.
Ang totoo ay naiintindihan niya si Mariposa at wala siyang nararamdaman na galit o kahit paninisi para sa kaibigan. Alam niya na biktima rin ito at kung alam nito na scam ang Rise And Shine ay hindi siya nito hihilahin papunta roon para mapahamak. Nais lang nitong matulungan siya pagdating sa pinansyal. Sana nga lang ay tinutulungan siya ngayon ni Mariposa na sumugod sa Rise And Shine para mabawi ang pera nilang lahat.
Mabuti at natatandaan pa rin ni Rhian ang lugar kung saan sila bumaba noon ni Mariposa nang unang beses na nagpunta sila sa opisina ng Rise And Shine. Pagkababa ng jeep ay patakbo na siyang naglakad hanggang sa marating ang building. Sumakay siya sa elevator at pinuntahan ang opisina ng Rise And Shine.
Nanlumo nang husto si Rhian nang malaman na nakasarado na iyon at may nakalagay sa pinto ng pinaparentahan na iyon.
Muli siyang napaiyak habang nanginginig ang buong katawan. Mukhang kailangan na niyang tanggapin na wala na ang pera nila ni Kenzo. Gustuhin man niya na magdemanda ay nagdadalawang-isip siya sapagkat malalaman ni Kenzo ang kaniyang ginawa.
“Ang tanga-tanga ko...” Lumuluhang bulong ni Rhian.
“RHIAN? Rhian!”
Napapitlag si Rhian mula sa pagkakatulala nang pasigaw siyang tawagin ni Kenzo habang nanonood sila sa telebisyon ng isang pelikula ng hapon na iyon. Wala na silang kailangang gawin kaya nagkasundo silang manood sa TV.
Tumingin siya kay Kenzo na katabi niya sa upuan. “Ano `yon? May sinasabi ka ba?”
Nahulog na naman kasi sa malalim na pag-iisip si Rhian. Dalawang araw na ang nakakalipas simula nang mawala ang pera nila sa Rise And Shine at wala pa ring kaalam-alam si Kenzo sa bagay na iyon. Natatakot pa kasi siya na sabihin dito ang katotohanan.
Ang paraan na naiisip niya ay ang palitan ang pera. Kaya lang ay wala pa siyang maisip na paraan kung paano. Wala siyang sugar daddy ngayon kaya wala siyang pwedeng mahingan ng ganoon kalaking halaga ng pera. Kung magkakaroon man siya ng sugar daddy kahit ngayon ay imposibleng magtitiwala iyon na bigyan siya ng kalahating milyon.
Ano kaya kung umutang siya? Pero kanino? Wala siyang kilala na may ganoon kalaking pera. Saka paano siya makakapagbayad kung sakali?
“E, kanina pa ako may sinasabi sa iyo pero hindi mo ako naririnig yata...” ani Kenzo.
“S-sorry. Ang ganda kasi ng palabas. Masyado akong nakatutok. Ano ba `yong sinasabi mo ulit?”
“Ilang araw ka nang ganiyan. May problema ba? Sabihin mo sa akin kung meron.”
“Wala. Kung anu-anong napapansin mo. Ano ba iyong sinasabi mo?”
Hindi na niya pinilit si Rhian. “Ipapadeposit ko sana sa iyo bukas ng umaga iyong pera na meron ako sa savings natin para madagdagan iyon. Ang laki na siguro ng pera natin sa banko, `no? Kapag nakahingi ulit ako kay Mathilda ay idadagdag kong lahat doon. Baka bukas kasi ay puntahan ko siya sa bahay niya kaya hindi kita masasamahan sa pagde-deposit.”
“Ayos lang. Kaya ko naman na mag-isa.”
“Tapos iyong five thousand ay sa iyo. Bumili ka ng kahit na anong gusto mo. Deserve mo iyon kasi ilang araw mo na akong inaalagaan. Sobrang swerte ko talaga sa iyo, Rhian! Ano na lang kung mag-asawa na tayo. Haay... Hindi na ako makapaghintay na dumating ang araw na maikasal tayo at mag-umpisa sa pagbuo ng pamilya!”
Nagkakamali ka, Kenzo. Sobrang malas mo sa akin. Baka kapag nalaman mo ang ginawa ko ay hiwalayan mo na ako. Sorry kung sinayang ko ang pinaghirapan mong pera... Sa loob ni Rhian ay kinakain na siya ng konsensiya.
KINABUKASAN ay umalis ng bahay si Rhian dala ang twenty thousand pesos. Kinse roon ang idedeposit niya sa banko at ang limang libo ay para sa kaniya kagaya ng sinabi ni Kenzo. Gusto sana niya na ilagay na ang lahat ng pera sa banko pero naisip niya na kailangan niyang i-treat ang sarili upang kahit paano ay mabawasan ang stress na kaniyang dinadala dahil sa nangyayari.
Masakit tanggapin pero kailangan. Wala na ang pera nila ni Kenzo at hindi na niya iyon mababawi pa. Dalawa na lang ang maaari niyang gawin sa ngayon. Una, ang palitan ang pera para hindi na niya kailangang umamin kay Kenzo at ang pangalawa ay ang sabihin kay Kenzo at tanggapin ang kahit na anong maaaring gawin ng nobyo niya sa kaniya.
Mas nananaig sa kaniya ang unang option. Nag-iisip na siya ng paraan kung saan siya makakakuha ng kalahating milyon.
Naiwan sa bahay nila si Kenzo pero nag-aasikaso na ito paalis. Papunta ito kay Mathilda dahil inimbitahan ito ng matandang iyon.
Inagahan talaga ni Rhian ang pagpunta sa banko at paniguradong mahaba ang pila. Para pagkatapos niya na magdeposit ay didiretso na siya sa mall.
Tama naman ang ginawa niya dahil pagkabukas ng banko ay dagsa na ang tao. Halos kalahating oras din ang ginugol niya sa banko bago siya natapos na magdeposit. May kalahating oras pa bago magbukas ang mall kaya naglakad-lakad muna siya bilang pagpapalipas ng oras.
HINDI manhid si Kenzo para hindi maramdaman na may problema si Rhian. Ilang araw na niyang napapansin ang biglaan nitong pagkakatulala o kaya ay parang nag-iisip nang malalim. Kapag tinatanong naman niya kung meron ba itong problema ay palagi nitong sinasabing wala. Hinahayaan na lang niya si Rhian na magsabi nang kusa.
Matagal na silang magkasama ni Rhian kaya kahit ilang beses nitong sabihin na ayos ito ay alam niya na hindi. Alam niya kapag totoong masaya ito o nagpapanggap lang.
Pagdating sa bahay ni Mathilda ay dumiretso siya sa may swimming pool area dahil doon siya pinapunta ng kasambahay.
Muntik na siyang umatras nang makita si Mathilda na nakasuot ng two-piece swimsuit na may print ng leopard skin. Nakatihaya ito sa palutang-lutang na salbabida sa gitna ng swimming pool. Akala mo ay binibilad itong bayawak doon.
Tumikhin si Kenzo upang kunin ang atensiyon ni Mathilda. Hindi niya kasi alam kung tulog ba ito o nakahiga lang dahil sa suot nitong shades.
Gumalaw si Mathilda. Inalis ang shades at kumaway. “There you are! Come, Kenzo! Let’s swim!” anyaya nito.
“Wala akong dalang pang-swimming, e. Sana sinabi mo para nagbaon ako.”
“Take off your clothes. Itira mo lang ang underwear mo. May damit ka naman sa kwarto ko. Sige na. I need a companion here. Ang lungkot magswimming nang mag-isa.” Naglungkut-lungkutan pa ito.
Tinapik niya ang tagiliran. “May sugat pa ako rito.”
“Matagal na naman iyan, right? Pwede ka na sigurong na mag-swimming!” Patuloy na pamimilit ni Mathilda.
“Hindi pa talaga. Mismong doktor na ang nag-advice sa akin na bawal pa ang swimming at mabibigat na gawain. Isang buwan pa ang papalipasin ko.” Wala namang sinabi ang doktor sa kaniya na ganoon. Gusto niya lamang na umiwas na makasama sa pagswimming si Mathilda.
“Aww... Ang sad naman. Sige na nga, hindi na kita pipilitin.” Ibinagsak ni Mathilda ang sarili at naglangoy papunta sa gilid ng pool.
Bago ito umahon ay kinuha na niya ang bath robe na nakasampay sa sandalan ng pool deck chair. Ibinalabal niya iyon kay Mathilda matapos nitong umahon.
“Thank you,” anito.
“Hindi ka na magsu-swimming?”
“Ayoko na. I thought na magkasama kasi tayo na magsu-swimming.”
“Sayang. Gusto ko sana pero inaalala ko itong sugat ko sa—” Hindi na nagawang tapusin ni Kenzo ang pagsasalita nang sinibasib ni Mathilda ng halik ang labi niya. Wala na siyang nagawa upang pigilan ito kaya hinayaan na lang niya ito kahit labag sa kaniyang kalooban.
Halos hindi na maipinta ang mukha ni Kenzo dahil pinipilit na pumasok ng dila ni Mathilda sa loob ng bibig niya. Akala mo ay isa iyong malaking bulate na gumagalaw-galaw. Kung hindi pa niya hinawakan sa magkabilang balikat ang matanda at bahagyang itinulak ay hindi yata ito titigil sa paghalik sa kaniya.
Namumungay ang mata ni Mathilda habang nakatingin sa kaniya. “Your lips is the sweetest!” May pagkagat pa ito sa labi.
“S-sa iyo rin...”
“Pero bakit iba ka na humalik ngayon? Hindi na kagaya noong sa party.”
“M-medyo masama lang kasi ang pakiramdam ko dahil sa sugat ko.”
“Oo nga pala. Ano ba kasi ang nangyari at nagkaganiyan ka? Hindi ka yata binabantayan ng pinsan mong si Rhian kaya nangyari iyan.” Hindi siya sigurado ngunit parang may kahulugan kay Mathilda ang pagkakabanggit nito sa pangalan ng kaniyang girlfriend.
“Walang kasalanan si Rhian sa nangyari sa akin. Napag-trip-an ako kaya ako nasaksak. Saka may kasalanan din ako kasi kung saan-saan pa ako nagpunta after no’ng party. Sumama kasi ako sa kaibigan ko, e.”
“Really? Alam mo ba na pinahanap agad kita nang sabihin sa akin ni Rhian na nawawala ka ng halos isang araw na?”
“Talaga? Maraming salamat—”
“At nalaman ko na nakulong ka. Bakit ka nakulong, Kenzo?”
Napamaang si Kenzo. Wala siyang ideya na alam ni Mathilda ang pagkakakulong niya. Sa pagkakaalam niya ay ang pagkaka-ospital lang niya ang sinabi niya rito. “A-ano kasi... Iyon nga, isinama ako ng kaibigan ko sa bar. Hindi ko alam na ilegal pala ang bar na iyon kaya nang ma-raid ay nadamay kami. Pero pinalabas din naman agad kami kinabukasan. Aral na rin iyon sa akin na huwag magpupunta sa ganoong lugar.”
“Kaya nagtataka ako kung bakit hindi mo sinabi sa akin na nakulong ka. Alam mong ayaw ko sa lahat ay sinungaling, Kenzo. May hindi pa ba ako alam sa iyo...” Matiim siya nitong tiningnan ng seryoso na labis niyang ikinakaba. Maya maya ay ngumiti ito sabay haplos sa kaniyang pisngi. “Just kidding! I know na wala kang hindi sinasabi sa akin. Right, Kenzo?”
“T-tama ka, Mathilda. Lahat ay sinasabi ko sa iyo.”
“Very good. Iyan ang gusto ko sa iyo, e. You’re honest! Anyway, mauna ka na sa kwarto ko. May inihanda ako roon para sa ating dalawa.”
“Okay, Mathilda.”
Sa pagtalikod ni Kenzo ay hindi niya maiwasan ang magkaroon ng pagdududa kay Mathilda. Makahulugan ang mga salita nito ngayon. May laman. May gusto itong tumbukin na sinasadya nitong hindi patamaan.
Hindi kaya alam na nito na hindi niya talaga pinsan si Rhian? Kinakabahan niyang tanong sa kaniyang sarili.