MERONG mamahaling bote ng rum sa maliit na lamesa malapit sa kama sa kwarto ni Mathilda. Black Tot Rum ang nakalagay sa itim na bote. Alam niya na mamahalin iyon dahil paborito iyong inumin ni Mathilda kapag nais nitong magpakalasing.
Mag-iinom ba silang dalawa ng ganito kaaga? Wala sa plano niya ang magpakalasing ngayon. Uuwi rin siya kapag nakakuha na siya ng pera kay Mathilda. Magpapaawa siya rito na may utang pa siya sa ospital para bigyan siya nito ng pera. Lalambing-lambingin niya hanggang sa makakuha siya ng tiyempo upang makasibat paalis.
Alam na ni Kenzo kung saan ang kiliti ni Mathilda. Huwag lang itong uungot na may mangyari sa kanila at doon na siya mahihirapan. Pero siguro ay hindi siya nito pipilitin na makipag-s*x lalo na at may sugat siya sa tagiliran.
Balak niya na mag-dinner date sila ni Rhian mamayang gabi sa medyo mamahalin na restaurant. Matagal na kasi simula noong huling beses na lumabas sila. Baka stressed lang kasi si Rhian sa ilang araw na walang hinto na inaalagaan siya nito.
Naaawa na nga siya sa nobya niya dahil ito ang mag-isang gumagawa ng mabibigat na gawaing bahay kagaya ng paglalaba na dati ay pinagtutulungan nila. Ayaw talaga nito na mapapagod siya simula nang makalabas siya ng ospital.
Habang hinihintay ni Kenzo si Mathilda ay naupo muna siya sa kulay pulang sofa na nasa gilid. Tinext na niya si Rhian na nasa bahay na siya ni Mathilda at mamayang gabi ay gusto niya na mag-dinner date silang dalawa. Matapos iyon ay pinatay na niya ang cellphone upang walang makaistorbo sa kaniya. Ayaw kasi ni Mathilda na nadi-distract siya at ang dahilan ay ang pagtunog ng kaniyang cellphone.
Makalipas ang halos kalahating oras ay dumating na si Mathilda. Tuyo na ang buhok pero nakasuot pa rin ng bath robe. Napansin niya na ini-lock nito ang pinto na hindi nito dating ginagawa. Palagi iyong nakasarado at hindi naka-lock upang madaling makakapasok ang mga kasambahay kapag ipinatawag nito.
Hindi na iyon masyadong binigyan ng pansin ni Kenzo at baka nawala lang sa isip ni Mathilda na na-lock nito ang pinto.
Naglakad ito papunta sa alak at naglagay ng yelo sa isang baso habang ang isa ay wala. Sinalinan nito ng alak ang dalawang baso at tinabihan siya sa pagkakaupo.
Inabot ni Mathilda ang alak na may kasamang yelo. “Ayoko ng malamig ngayong umaga kaya sa iyo na ang may ice.” Nakangiti nitong turan.
Umiling si Kenzo. “Mathilda, ayoko ng alak. Ang aga pa, e. Saka ang sabi ng doktor—”
“Ang sabi ng doktor ay bawal sa iyo ang alak?” Itinirik nito ang mata. “Oh, come on! Kahit ubusin mo lang itong isang baso. You will not get drunk with one glass of rum, Kenzo! You’re being too baby!”
“Mathilda, hindi sa ayaw kong malasing. Kaya lang ay bawal pa sa akin ang alak. Nagsasabi ako sa iyon ng totoo.”
“Bakit ang defensive mo naman yata? Wala akong sinasabing hindi ka nagsasabi ng totoo.” Makahulugan nitong turan.
Natameme si Kenzo. Baka makahalata na si Mathilda na kanina pa niya ito tinatanggihan. Kahit noong halikan siya nito nang walang paalam ay itinulak pa niya ito na dahil nandidiri siya. Alam niya na malakas ang pakiramdam nito sa mga ganoong bagay kaya kailangan niyang mag-ingat. Sa sandaling makaramdam ito ng mali sa kaniya ay hindi na siya nito titigilan sa kakatanong.
Napipilitang kinuha na lang niya ang baso. Gumapang ang lamig niyon sa palad niya. Naunang tinunggan ni Mathilda ang alak nito sa baso at namumungay ang mata na tiningnan siya.
“There! Kukunin mo rin pala. I missed you, Kenzo! And I am so sorry kung hindi na kita nagawang dalawin sa ospital. Panatag naman ang kalooban ko kasi inaalagaan ka ng pinsan mong si Rhian. Right?”
“Ayos lang saka tama ka. Inaalagaan ako nina Rhian at ni tito. Magkatulong silang dalawa sa pag-aalaga sa akin.”
“Great! Saka naging busy rin ako nitong mga huling araw. I just realized na napapabayaan ko na ang mga business ko kasi masyado kitang tinututukan. Nakakabaliw ka kasi, Kenzo! Sa iyo lang ako naging ganito kabaliw!”
Uminom nang kaunti si Kenzo. Uunti-untiin niya ang pag-ubos sa alak at baka bigla siyang salinan ulit ni Mathilda kapag nakita nito na wala nang laman ang kaniyang baso. Oo, mautak si Mathilda pero dapat ay mas maging mautak siya.
Tumayo sandali ang babae para kunin ang bote ng alak. Sinalinan nito ang baso nito. “By the way, kumusta na si Rhian?” Nagulat siya nang bigla itong magkaroon ng pakialam kay Rhian na sa pagkakaalam nito ay pinsan niya.
“O-okay naman sila ng tatay niya. Aalis na sila sa bahay sa susunod na linggo. Nakahanap na kasi sila ng trabaho at ayaw nila na maging pabigat sa akin. Well, walang problema sa akin kung doon sila sa akin. Sila iyong gustong umalis.” Pagtatahi ni Kenzo ng kwento.
“Let them be. For sure, sa iyo rin sila hihingi ng tulong kapag nangailangan sila. Kumusta palang kasama sa bahay si Rhian? I am assuming that the two of you are very close. Iyong pag-aalala niya nang hindi niya alam kung nasaan ka ay kakaiba. Kung hindi ko nga alam na magpinsan kayo ay iisipin ko na... girlfriend ka niya!”
Mas lalong lumakas ang hinala ni Kenzo na baka nga may alam na si Mathilda pero hindi siya nagpahalata. Baka hinala ang meron ito at hinuhuli lang siya. Kaya dapat ay mas galingan niya. Dapat ay makumbinse niya ito na pinsan niya talaga si Rhian.
“Maayos silang kasama...” Naparami ang pag-inom niya sa alak sa labis na kaba. “Lalo na si tito. Si tito kasi ang kaclose ko talaga kasi siya ang kasama kong lumaki sa probinsiya. Siya nga ang naturo sa akin na magbasketball noong bata pa ako tapos—”
“Stop! Let’s not talk about him. Let’s talk about... Rhian. Maganda ba siyang kasama sa bahay?”
Hinuhuli ka niya, Kenzo, kaya si Rhian ang gusto niyang pag-usapan! Huwag kang magpapahuli! Turan niya sa sarili. Nilalabanan niya ang tingin ni Mathilda at baka iniisip nito na kung hindi siya makakatingin ng diretso ay nagsisinungaling siya.
“Maayos kasama sa bahay si pinsan. Masipag at maaasahan. Sobrang laking tulong nila sa akin nina tito.” Kaswal niyang sagot sabay ubos ng alak sa baso. Pati yelo ay ininom na rin niya. Pilit niyang isinasali ang “tito” niya sa usapan para hindi nakasentro kay Rhian ang pag-uusap.
“Talaga ba? Gaano kaayos? Paanong maaasahan? Ano ang paborito niyang ginagawa?” Umusog palapit si Mathilda at inakbayan siya.
Walang anu-ano’y biglang sumakit ang ulo ni Kenzo. Iyong parang may humampas na kung ano sa likurang bahagi ng ulo niya. Nahilo siya at umiikot ang kaniyang paligid.
Anong nangyayari? Nalasing ba ako sa ganoon kaunting alak? Nagtatakang tanong niya sa sarili habang pipikit-mumulat.
“Kenzo... Tinatanong kita. Anu-ano ang mga ginagawa ni Rhian sa bahay ninyo? Gusto kong malaman kung totoo na maasahan ang pinsan mo.”
“N-nagwawalis. Nagluluto at...” Ipinilig ni Kenzo ang ulo. Maging ang paningin niya ay nanlalabo na. “Ah! Ang sakit ng ulo ko!”
“Ano pa ang ginagawa ni Rhian, Kenzo? Ano ang ginagawa ninyong dalawa?!” Tumaas nang bahagya ang boses ni Mathilda.
Kahit nanlalabo ang paningin niya ay pilit niya itong tiningnan ng diretso. “H-ha? Anong pinagsasabi mo—”
“Hinahalikan ka ba niya?! Magaling ba siya sa kama?! Ha? Kenzo?! Sumagot ka!” Malakas na ibinato ni Mathilda ang bote sa sahig na naging dahilan para mabasag iyon.
“H-hindi ko alam ang pinagsasabi mo. Masyado kang malisyosa. P-pinsa ko si Rhian kaya paanong—” Tumayo si Kenzo at nagpumilit na ihakbang ang mga paa. “Aalis na ako. Ipahatid mo na ako kay Manong Vince.”
Hinawakan siya ni Mathilda sa kamay at malakas siyang hinila. Muli siyang napaupo sa sofa at napasandal. Pakiramdam niya anumang sandali ay mawawalan na siya ng ulirat.
Umigpaw si Mathilda at umupo sa harapan niya. “Akala mo ba ay hindi ko malalaman na hindi mo pinsan ang Rhian na iyon! Nakita ko kayo sa ospital na naghahalikan! You can’t fool me forever, Kenzo!” Akala mo ay isang mabangis na hayop na angil nito.
“A-anong inilagay mo sa alak ko? Mathilda!”
Mahina itong tumawa. “Wala akong inilagay sa alak mo pero iyong yelo mo... meron. Kaya matulog ka muna sa ngayon dahil paggising mo ay saka tayo mag-uusap nang mabuti...”
“M-mathilda—”
“Shhh...” Inilapit ni Mathilda ang bibig nito sa kaniyang tenga. “Akin ka lang, Kenzo. Akin ka lang... Naiintindihan mo ba?”
“Huwag m-mo itong gawin...”
“Ginagawa ko na, Kenzo. And I will make sure that you’ll regret this. Ikaw at si Rhian... pagbabayarin ko kayong dalawa sa panloloko ninyo sa akin. Ngayon mo makikita kung sino ang totoong Mathilda!”
Labis na kinabahan si Kenzo nang sabihin ni Mathilda na maging si Rhian ay idadamay nito. “`W-wag si Rhian. Huwag mo siyang idadamay, Mathilda. P-papatayin k-kita—”
Marahan na tinakpan ni Mathilda ang bibig niya. “You can’t kill me, Kenzo... At sa ayaw at sa gusto mo, damay na sa galit ko ang Rhian mo. Siya ang papatayin ko!” At isang tila nababaliw na tawa ang pinakawalan nito.
Wala nang nagawa pa si Kenzo dahil tuluyan nang umepekto ang kung ano mang inilagay nito sa yelo ng kaniyang alak kanina. Marahang bumagsak ang mata niya at wala na siyang naalala pa sa mga sumunod na nangyari...
PAGKABUKAS ng mall ay agad na pumasok si Rhian. Kanina pa niya kinakausap ang sarili na sa pagpasok niya roon ay wala siyang iisipin na kahit na anong problema. Gusto niyang makalimot kahit sandaling oras at baka masiraan siya ng ulo sa sobrang pag-iisip.
Dumiretso siya sa department store upang tumingin ng damit na magugustuhan. Bigla niya tuloy naalala si Mariposa. Madalas ay ito ang kasama niya sa tuwing bumibili siya ng damit. Marami itong opinyon tungkol sa mga damit at tuwang-tuwa ito kapag ibinibili niya ito ng kahit isang piraso ng t-shirt. Atleast daw ay makakagamit ito ng hindi galing sa ukay-ukay.
Umikot-ikot si Rhian sa department store, nagsukat ng magagandang damit pero sa huli ay wala siyang nabili para sa sarili. Ang nabili niya ay dalawang t-shirt at shorts para kay Kenzo. Alam niya ang sukat ng damit ng nobyo kaya kahit hindi niya ito kasama ay naibibili niya ito. Mas okay na ito ang ibili niya ng bagong damit dahil mas deserve nito iyon kesa sa kaniya.
Matapos bayaran sa cashier ang mga pinamili ay naisipan niya na bumili ng milk tea at pagkatapos ay uuwi na siya. Mamimili na rin siya sa palengke malapit sa kanila. Ibibili na lang niya ng pang-ulam ang para sa kaniya.
Dala ang isang milk tea ay lumabas na siya ng mall. Habang naglalakad papunta sa sakayan ng jeep ay naramdaman niya ang pagvibrate ng cellphone sa suot niyang pantalon. Sandali siyang tumabi at huminto sa paglalakad. Inilapag niya ang paperbag at kinuha ang cellphone.
Si Kenzo pala. Nagtext... Siyempre, dahil si Kenzo ay kailangan niya iyong basahin agad kahit ano pa ang ginagawa niya o kahit na gaano siya kaabala.
KENZO: Dito na ako kina Mathilda pero uuwi rin ako kapag alam mo na. Dinner tayo sa labas mamayang gabi, ha. See you. I love you!
RHIAN: Ingat ka. I love you more!
Ibinalik na niya ang cellphone sa bulsa at nagpatuloy sa paglalakad. Sarap na sarap siya sa milk tea na nabili kaya hindi niya napansin ang isang taong makakasalubong niya. Nagkabanggaan sila at nabitawan niya ang milk tea. Mabuti at nakaseal iyon ng plastik kaya hindi natapon lahat ng laman.
“Ang milk tea ko!” sigaw ni Rhian at nagmamadali iyong dinampot. Medyo mahal kasi iyon kaya ganoon ang panghihinayang niya.
“Bakit kasi hindi ka tumitingin sa—”
Kapwa sila natigilan ng taong nakabanggan niya nang makita nila ang isa’t isa. Nanlaki ang mga mata nilang dalawa at hindi makapaniwala.
“R-rhian!” bulalas ng taong iyon.
“M-mariposa! Bakla?!” Kahit siya ay hindi makapaniwala na muling magku-krus ang landas nila ng kaibigang bakla matapos lamang ang ilang araw.