CHAPTER 26

1987 Words
  AKALA mo ay isang dagang nasukol si Mariposa nang makita si Rhian. Ilang segundo itong nakanganga at nanlalaki ang matang nakatingin sa kaniya na para bang sinisiguro nitong hindi siya isang aparisyon. “R-rhian! Ikaw pala iyan. W-what a small world! M-may n-nakalimutan pala ako sa bahay. Bye!” Nagmamadaling tumalikod si Mariposa at patakbong naglakad. Aba! At talagang tatakasan pa siya ng baklang iyon matapos siya nitong iwanan sa ere ng ganoon-ganoon lang. Hindi siya makakapayag na hindi ito magpaliwanag nang maayos sa kaniya ngayong nakita na niya ito. Ang buong akala pa naman niya ay nasa malayong lugar na ito pero iyon pala ay nasa paligid-ligid lang pala! Naniningkit ang mata ni Rhian na ibinato ang milk tea kay Mariposa at tinamaan ito sa likuran. Sa lakas ng pagkakabato niya ay nawasak ang takip na plastic niyon at tumapon sa buong likod ng bakla ang laman. “Ay, ano ba?! Bakit mo ako binato? Basang-basa na ako, Rhian! Ano ka ba naman?!” Naiinis itong nagpapadyak at halos maiyak na sa pagtili. “Hoy, bakla! `Wag kang tatakbo! Maaabutan kita! Sa taas ng heels mo, baka madapa ka pa!” Gigil na nilapitan niya si Mariposa at hindi niya napigilan ang sarili na batukan ito nang malakas. “Aray ko naman, Rhian! Oo na, hindi ako tatakbo!” “Dapat lang! Kailangan mong magpaliwanag sa akin na bakla ka!”   DINALA si Rhian ni Mariposa sa isang maliit na apartment. Malapit iyon sa mall kaya nilakad lamang nilang dalawa. Studio-type apartment iyon na kasya ang hanggang dalawang tao. May sariling CR, walang papag pero may kutson sa sahig. Wala ring lamesa para kainan pero merong lababo at kakaunting gamit. “Dito ka na nakatira?” tanong ni Rhian. “Ay, hindi! Malamang dito! Saan ba kita dinala?!” Kung makatirik ito ng mata ay parang siya pa ang may kasalanan dito. “Upo ka muna at ikukuha kita ng maiinom,” ani Mariposa. “Sa’n ako uupo, bakla?” Iginala niya ang mata pero wala siyang makita kahit isang upuan. Itinuro nito ang itaas. “Try mong umupo sa kisame. Baka kaya mo! Malamang, diyan sa sahig!” anito sabay talikod. Gusto sana niyang batukan ulit si Mariposa sa pagiging pilosopo nito pero pinalampas na lang niya. Umupo si Rhian sa sahig at sumandal sa dingding. Maya maya ay pumwesto ng upo si Mariposa sa harapan niya at inabutan siya ng isang baso ng tubig na puno ng yelo. “Iyan lang ang meron ako rito kaya pagpasensiyahan mo na,” anito. Inabot niya ang baso at uminom nang kaunti. “Keri na ito kesa wala. Grabe ka! Nauhaw ako sa iyo kanina! Tatakbo ka pa talaga!” “E, sorry na kasi! Akala ko kasi ay galit ka sa akin!” “Galit ako sa iyo pero hindi dahil sa Rise And Shine. Galit ako sa iyo kasi iniwan mo ako sa ere at hindi mo ako sinamahan. Mariposa, alam mo kung gaano ako kalugmok sa nangyari at ikaw ang nag-iisang makakaramay ko pero anong ginawa mo? Tinakasan mo ako!” May kaunting hinanakit na wika ni Rhian. “Sorry talaga. N-natakot kasi ako na idemanda ako ng iba kong na-recruit sa pesteng Rise And Shine na iyon, e. Pero sa lahat, sa iyo talaga ako nahihiya kasi kaibigan kita.” “Basta, hindi ako galit sa iyo. Alam ko na hindi mo ako lolokohin, bakla.” “Thank you, Rhian! Atleast, ngayon ay nabawasan na ang bigat sa dibdib ko. Hindi nga ako makatulog kasi ikaw ang iniisip ko. Paniguradong galit na galit sa iyo si Kenzo ngayon kasi nauwi sa wala ang pera ninyong dalawa.” Umiling siya. “Hindi galit si Kenzo.” “Ha? Okay lang sa kaniya?” “Ang ibig kong sabihin ay hindi pa siya galit kasi hindi pa niya alam hanggang ngayon. Ang akala niya ay naroon pa rin sa savings namin ang kalahating milyon. Nagpadeposit pa nga siya sa akin ngayon. Mariposa, alam kong mali ang ginagawa kong paglilihim sa kaniya pero natatakot ako sa magiging reaksiyon niya. B-baka magalit siya at hiwalayan ako. Alam mo kung gaano ko kamahal si Kenzo. Hindi ko kayang mawala siya sa akin.” “Bakla ka! Habang pinapatagal mo ay mas lalong magagalit iyon sa iyo. Pero ikaw ang bahala. Gusto mo ba na tulungan kitang magsabi sa kaniya?” “Huwag! Ako na ang bahala sa pagsasabi kay Kenzo. Pero meron akong option number two. Ibabalik ko ang pera sa savings namin—iyong five hundred thousand. Para hindi ko na kailangan na umamin sa kaniya. Iwas sa away na rin iyon, `di ba?” “Good idea! Kaya lang ay saan ka kukuha ng kalahating milyon? May sugar daddy ka pa ngayon na bago?” “Wala nga, e. Iyan ang problema ko. Kaya kung matutulungan mo ako ay malaking bagay talaga para sa akin, bakla.” “Don’t worry, kapag may raket ako o pagkakaperahan ay isasama kita.” “Basta huwag nang scam, bakla! Baka itakwil o ipakulam kitang hayop ka!” Kapwa sila natawa sa kaniyang sinabi. “Maiba ako. Nasaan na ang bebeboy mo? Parang wala siya rito. May trabaho na ba iyon at wala?” Nagulat si Rhian nang biglang umatungal ng iyak si Mariposa. Akala mo ay kinakatay na baboy. Nang tanungin niya kung bakit ay mas lalo nitong nilakasan ang pag-iyak. “Bakla!” Itinuktok niya ang puwitan ng baso sa noo ng kaibigan. Huminto ito sa pag-iyak. “Aray!” igik nito. “Ang OA, bakla! Tinanong ko lang nasaan ang jowa mo tapos bigla kang nagngawngaw diyan nang severe! Nakakaloka ka!” Suminghot-singhot si Mariposa. Nakakadiri ang tunog ng rumorolyong sipon sa loob ng ilong nito. “W-wala na si Francis sa life ko, Rhian. N-nakipag-break na siya sa akin! Wala na si Francis! Ang bebeboy kooo!!!” Aatungal pa sana ulit ng iyak si Mariposa kaya inunahan na niya ng pagsampal sa bibig nito. “Iiyak ka pa! Magkwento ka muna. Okay?!” Mataray siya nitong inirapan. “Basag-trip ka naman, e!” “Anong nangyari ba kasi? Bakit nakipag-break sa iyo si Francis? Akala ko ba ay forever na kayo? Magkasama pa nga kayong tumakas, e!” “Iyan din ang akala ko dati. Akala ko ay forever and ever na kami ni bebeboy Francis ko pero akala ko lang pala iyon. Noong tumakas kasi ay bigla siyang nakipag-break sa akin. Ayaw niya raw madamay sa gulong ginawa ko. Tapos malalaman ko na meron pala siyang ibang jowa! Iyong parlorista sa bayan na baklang ang bunganga ay amoy bulok na bagang!” Ramdam niya ang sakit sa pagkukwento ni Mariposa. Hinimas niya ang binti ng kaibigan. “Ayaw mo kasing maniwala sa amin ni Kenzo na niloloko ka ng Francis na iyon, e. Maganda na nangyari iyan. Inilayo ka ng Diyos sa maling tao...” “Pero mahal na mahal ko pa rin siya!” “Makaka-move on ka rin. Makakahanap ka pa ng totoong love. Iyong hindi ka gagamitin.” “I don’t think so na may magmamahal pa sa akin ng totoo. Tanggap ko naman na mamahalin lang ako ng mga lalaki para gamitin.” “Gaga! Huwag kang mawalan ng pag-asa. Basta, darating ang taong iyon. Huwag ka na lang magpapaloko sa kagaya ng Francis na `yon!” “Salamat, Rhian, ha? Akala ko talaga ay galit ka sa akin. Hindi ka lang maganda, mabait ka pa. Thank you talaga!” Maluha-luha na naman si Mariposa. “Siyempre! Malawak na ngayon ang pang-unawa ko. Saka alam ko na kung alam mong scam iyong pesteng investment company na iyon ay hindi mo ako ipapasok doon. Pero sana ayusin mo iyang gusot na napasukan mo. Sayang iyong bahay at negosyo mo sa atin. Kung makakaya mong mabayaran iyong mga taong naipasok mo sa Rise And Shine ay bayaran mo sila para hindi ka na nagtatago. `Wag mo na akong intindihin kasi naiintindihan kita!” Labis ang pasasalamat ni Mariposa. Kulang na lang ay halikan siya nito mula ulo hanggang paa. Oo, pwede niyang sisihin at magalit nang sagad sa buto sa kaibigan niya ngunit hindi naman niyon maibabalik ang perang nanakaw sa kaniya. Ang kailangan niyang gawin ay maibalik ang perang nawala sa savings nila ni Kenzo. “Ah, Rhian... may sasabihin pa pala ako sa iyo...” Medyo kinabahan siya dahil biglang hindi makatingin si Mariposa nang diretso. “Ano `yon?” “N-nakakahiya, e. Huwag na nga—” “Gaga ka! Sabihin mo na! Pag-iisipin mo pa ako. Kapag ako hindi nakatulog mamayang gabi sa pag-iisip kung ano `yang sasabihin mo, yari ka sa akin!” “Pautang naman ako. Kahit isang libo! Naibayad ko kasi ng advance at deposit iyong pera ko, e. Nanghingi pa si Francis bago kami nag-break. Wala na kasi akong food dito. Medyo nagugutom na nga ako, e.” “Hmp! Akala ko naman kung ano na! Pasalamat ka at meron pa akong pera rito! Ibili mo iyan ng pagkain at huwag pambayad sa lalaki, ha!” At ibinigay ni Rhian ang perang hinihiram ng kaibigan.   ISANG sexy red lingerie ang napiling isuot ni Mathilda para sa gabing iyon. Tinernuhan niya iyon ng red stiletto. Kinulot niya nang malalaki ang buhok. Nag-apply rin siya ng make up at ang lipstick niya ay black. Nag-spray siya sa buong katawan niya ng paborito niyang pabango na Roja Haute Luxe. Gandang-ganda siya sa sarili habang tinitingnan ang sarili sa harapan ng malaking salamin na nasa kaniyang walk-in closet. Umaawra pa siya na akala mo ay isang modelo ng mga sexy na kasuotan. Panay ang haplos niya sa kaniyang katawan habang iniisip niya na si Kenzo ang gumagawa niyon. Para sa kaniya ay ito ang pinaka memorableng gabi simula nang dumating sa buhay niya si Kenzo. Ang gabing ito kasi ang unang gabi na madidiligan ng dagta ni Kenzo ang kaniyang nalalantang bulaklak! Ang tagal niyang naghintay na mangyari ito. Ilang beses siyang nagbigay ng motibo kay Kenzo para ibigay na nito ang embutido ngunit palaging nagkakaroon ng aberya. Lalo na noong sumakit ang balakang niya at isinugod pa siya sa ospital. Akala niya ay mamamatay na siya. Tapos kung mangangalabit naman siya ay palaging sinasabi ni Kenzo na iginagalang siya nito kaya ayaw pa nitong makipagtalik sa kaniya. Bakit? Lola ba talaga ang tingin nito sa kaniya kaya dapat siyang igalang?! Kaya kahit na labag sa kalooban ay napipilitan tuloy siyang magbayad ng mga lalaki upang meron siyang makasiping sa mga gabing kailangan niya ng init ng katawan ng isang lalaki. Iniisip niya na si Kenzo ang mga lalaking iyon. May pagkakataon pa nga na pinagsusuot niya ang mga lalaki ng maskara na naka-imprinta ang mukha ni Kenzo. Akala niya ay totoo na iginagalang siya nito pero nang malaman niya na merong Rhian sa buhay ni Kenzo ay doon niya napagtantong hindi na nito kailangan na makipagtalik sa kaniya. Meron itong nakakatalik na mas bata at mas sariwa. Talagang ginagamit lamang siya ni Kenzo para sa pera. At malamang, ang bruhang Rhian na iyon ang nagpapakasarap sa perang ibinibigay niya kay Kenzo. Ang sarap nga naman ng buhay ni Rhian dahil kahit hindi ito magtrabaho ay naaambunan ito ng perang galing sa kaniyang bank account! Kaya pala ang init ng dugo niya noong unang beses na nakita niya si Rhian. Kahit na palagi itong nakangiti ay para bang may itinatago itong sungay. Kumbaga, nasa loob ang kulo. Pero ngayong alam na niya ang lahat ay hindi na siya makakapayag pang maisahan ng dalawa. Pagsasawaan niya si Kenzo hanggang sa ang bulaklak niya ang kusang sumuko. Susulitin niya ang mga araw na umuungot siya kay Kenzo at hindi siya nito pinagbibigyan. At si Rhian? Pag-iisipan pa niya kung anong klaseng pagganti ang gagawin niya sa babaeng iyon. Sisiguruhin niyang magsisisi ito sa lahat ng panlolokong ginawa nito sa kaniya. Hindi na siya makapaghintay ang pagluhod at pagmamakaawa ni Rhian!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD