PROLOGUE
—Paano ipaglalaban ang pag-ibig, Kung ang puso niya'y pag-aari na nang iba?
Tumayo ako nang mapansin kong biglang umalis mula sa kinauupuan ang aking asawa. Hindi ko alam kung bakit, pero may kakaibang kaba ang gumapang sa dibdib ko. Halos awtomatiko na lamang ang mga paa ko nang sundan ko siya maingat, dahan-dahan, at pilit na itinatago ang bawat yapak upang hindi niya maramdaman ang aking presensya.
Nasa loob kami ng isang marangyang hotel, ngunit tila naging masikip at mabigat ang paligid. Habang nakikita kong naglalakad siya papunta sa isang madilim na pasilyo, parang unti-unting lumalakas ang t***k ng puso ko, umaalingawngaw sa pandinig ko na para bang babasag sa katahimikan.
Marami nang bulong na naririnig ko mga kaibigan, kakilala, pati na ang ilang estranghero na tila nagmamalasakit: “May babae ang asawa mo.” Ngunit paulit-ulit kong tinatakpan ang tainga ko sa katotohanan. Pinipili kong hindi paniwalaan. Pinipili kong maging bulag. Dahil mas madaling umasa kaysa tanggapin na baka matagal na akong niloloko.
Ngunit ngayong gabi… pakiramdam ko, nasa bingit ako ng pagkakatuklas sa katotohanan na kaytagal kong iniiwasan.
Huminto siya sa tapat ng isang kwarto. Napaatras ako nang kaunti, agad nagkubli sa haligi upang hindi niya ako mahalata. Napansin ko ang paraan ng paglinga niya, sinisigurado na walang ibang tao sa paligid. At nang makasiguro, mabilis siyang pumasok sa loob.
Nanuyo ang lalamunan ko. May kung anong nag-udyok sa akin na kumilos agad siguro’y ang desperasyon, o baka takot na tuluyang mahuli sa sarili kong pagdududa. Nagmamadali akong lumapit, nagbabakasakaling hindi pa tuluyang maisasara ang pinto.
At tama nga ako. Bahagyang nakaawang ang pintuan, walang kandado. Sapat upang masilip ko ang nangyayari sa loob.
At doon… bumagsak ang lahat ng lakas ko.
Nakita ko ang asawa ko hindi bilang lalaking matagal kong minahal, kundi bilang isang estrangherong sabik na sabik na nakikipaghalikan sa ibang babae. Ang kanyang mga kamay, mahigpit na nakapulupot dito, puno ng kasabikan na matagal ko nang hindi naramdaman mula sa kanya.
Parang may matalim na punyal na biglang tumusok sa dibdib ko. Dumaloy ang kirot, mabilis, matindi, at walang awa. Hindi ko alam kung paano huminga. Hindi ko alam kung paano tatayo sa bigat ng katotohanang bumagsak sa akin.
Napaatras ako, nanginginig ang mga kamay. Agad kong tinakpan ang aking bibig, pilit pinipigil ang mga hikbing gustong kumawala. Natatakot akong may makarinig, pero higit pa roon natatakot akong tuluyan nang bumigay at mag-collapse sa sahig.
At doon ko napagtanto ang katotohanan na kaytagal kong iniiwasan ay unti-unti nang bumabasag sa mundong pilit kong binuo.
Nanginginig ang mga kamay ko habang patuloy na nakadikit ang mata ko sa maliit na siwang ng pinto. Gusto kong bawiin ang tingin ko, gusto kong tumakbo at kalimutan ang lahat ng nakikita ko—pero para bang may pwersang humihila sa akin para manatili.
Ang asawa ko… ang lalaking pinakasalan ko, ang taong ipinagkatiwala ko ng buong puso’t kaluluwa… ngayon ay nasa bisig ng ibang babae. Hindi ko man malinawan ang mukha ng kasama niya dahil natatakpan ito ng mahahabang buhok at ng posisyon nila, sapat na ang mga halakhak, mga ungol, at ang hayok na halikan para saksakin ako paulit-ulit sa dibdib.
Ramdam ko ang init ng kanilang lapit kahit nasa labas ako. Ang bawat halik na ibinibigay niya sa babae ay parang apoy na dumadarang sa laman ko. Ang bawat haplos niya, bawat paghinga niya na dati’y sa akin lamang nakalaan, ngayo’y ibinibigay niya nang walang pag-aatubili sa iba.
Parang umikot ang mundo ko. Biglang bumalik sa alaala ko ang unang araw ng kasal namin—kung paano niya hinawakan ang kamay ko habang nangako siyang ako lamang ang mamahalin niya, ako lamang ang babaeng pakikinggan at rerespetuhin habambuhay. At ngayon, narito ako… pinagmamasdan kung paano niya binabali ang lahat ng iyon, piraso-pirasong nilalapastangan ang pangako naming dalawa.
“Bakit…?” halos wala sa sariling bulong na lumabas sa labi ko, pero agad ko ring tinakpan ang bibig ko upang hindi marinig.
Pakiramdam ko’y luluhod na lamang ako sa sahig sa bigat ng sakit. May parte sa akin na gustong sugurin siya, buksan ang pinto, at harapin ang babaeng iyon para ipamukha sa kanila ang kasalanan nila. Ngunit mas malakas ang bahagi kong durog, natatakot, at naguguluhan kung kakayanin ko ba ang salitang pagtataksil.
At sa bawat segundo ng pananahimik ko sa labas, mas lalo kong nararamdaman ang unti-unting pagkawasak ng mundo ko.