CHAPTER 1
BLAIR
Pagkahawi ko ng makapal na kulay dilaw na kurtina sa aming bahay ay pumasok ang matinding sinag ng araw, kasabay ng dala nitong mainit na hangin.
"Blair, anak. Ang aga naman ng bangon mo? Mag a-alas sais pa lang ng umaga, wala ka namang pasok na, 'di ba?" Bungad na tanong sa’kin ni mommy Ash.
Hinarap ko siya at nginitian. “Good morning mommy! Excited lang ako for today,” tumalon ako ng isang beses at tumikhim upang lumikha ng tunog, dahil nakakahiya ang ginagawa ko ngayon, “Graduation ko na later, mommy!”
Bakas sa mukha ni mommy ang pagkagulat. “Ngayon na ba ‘yon? Akala ko next week pa, hindi pa ako nakakapag handa,” dismayadong tugon niya.
Nawala ang saya ko, napalitan iyon ng labis na lungkot. Inakala ko pa namang si mommy o si daddy ang sosorpresa sa akin paggising ko, na nakapagtapos ako ng pag-aaral sa lahat ng hirap na dinanas ko.
Tinanggal ko ang ngiting kanina’y namuo sa labi ko. “Okay lang ‘yun mommy. Hindi naman mahalaga sa’kin kung may handa ako o wala.” Inayos ko ang suot kong mint printed t-shirt bago ko nilakad ang daan patungo sa kusina. Idadaan ko na lamang sa pag sayaw ang nadarama ko pagkatapos kong kumain.
Naglabas ako ng malalim na buntong hininga bago ko ikutin ang doorknob ng kusina. Maliwanag na sa labas ngunit dito naman ay napakadilim. Kinapa ko ang pader kung saan naroon ang switch ng ilaw. Saktong pagkapindot ko sa switch ay sabay sabay na bumati sa’kin sila daddy at ate.
“Congratulations for graduating, Blair Hepburn!!!”
Tinakpan ko ang aking mukha sa tuwa. Hindi ko inaasahan ito. Maliit na bagay man ito para sa iba, pero para sa akin ay napakalaki na nito. Ramdam ko ang ginhawa sa aking kalooban.
“Akala mo ba kinalimutan ka namin? Never! Blair,” sabi ni mommy mula sa likuran ko, “ikaw man ang bunso at panganay si ate Claire mo, lagi mong tatandaan na patas ang pagtingin at pagtrato ko sa inyo. Ayokong makaramdam kayo na may lumalamang sa pagmamahal pati na rin suporta na ibinibigay ko sa inyo. Kaya, enjoy! This day will be special for you since it’s your graduation day na,” pagtatapos niya sa kanyang sinasabi. Yinakap ako ni mommy panandalian bago niya ako inaya na umupo na sa hapag kainan.
Sa lamesa ay nakahanda ang iba’t ibang putahe: cheeseballs, hawaiian pizzas, graham balls, doughnuts na may chocolate dip, roasted chicken, barbeque, karekare, pancit palabok, spaghetti, fruit salad, strawberry ice cream, lasagna, sushi, at syempre hindi mawawala ang sandamakmak na kanin at softdrinks.
Masaya kaming lumamon nang lumamon hanggang sa maubos namin ang lahat ng iyon. Ilang oras na ang nakalipas matapos nun, narito na ako ngayon sa mall kasama si ate.
“Ate, bakit tayo pumunta rito? Baka malate pa ako sa graduation namin,” nag-aalalang tanong ko habang nililibot ko ang aking tingin sa paligid.
Inakbayan niya ako at naamoy ko naman ang kanyang pabango. “We’ll have time together, just for the two of us. Para man lang masolo kita kahit ngayon lang, mamaya pa namang hapon graduation niyo eh.”
Nagsama kami ni ate Claire ng halos apat na oras sa mall. Namasyal lang kami at naglaro sa arcade. Namili na rin kami ng ibang kagamitan na magagamit namin sa bahay, isinabay ko na ring bilihan ng regalo si mommy at daddy para sa lahat ng tulong na ginawa nila sa akin.
“Ate…” putol na tawag ko sa kanya.
Rinig ang maingay na pag-uusap ng mga kalalakihang magkakasama, lalo na ang mga nakakarinding tilian ng mga kababaihan dahil sa mga lalaking iyon.
“Yes, bebe?”
Tinuro ko ang grupo ng mga kalalakihan. “May natitipuhan ka ba sa kanila? Parang wala namang mga itsura bakit pinagkakaguluhan nung mga ‘yun?” Tanong ko.
Sinulyapan ni ate yung tinuro ko, sabay tawa. “Tanga, hindi mo ba kilala ‘yang mga ‘yan?”
“Ha? Sino ba ‘yang mga ‘yan, ni hindi ko nga alam pangalan nila,” naguguluhang sagot ko. Mas lumakas ang tawa ni ate at nanguna sa paglalakad, papunta doon sa pinagkukumpulan. Hinawakan niya ang braso ko kasabay ng pagkaladkad niya sa akin.
“Blaze!” Sigaw ni ate, naagaw naman ang atensyon nung lalaking may pompadour fade na hairstyle. Ngumiti siya at kumaway sa gawi namin, kulang na lang ay kuminang na ang mga ngipin niya sa sobrang puti nito. Hindi siya gaano kaputi at hindi rin naman siya ganun kaitim; sakto lang kumbaga.
“Claire, bakit ka nandito? Miss mo na agad kami?” Tanong nito, dinilaan niya ang sarili niyang labi pagkatapos niya ako pasadahan ng tingin, “‘Eto ba ‘yung sinasabi mong kapatid mong graduate na mamaya? Infairness, magkamukha nga kayo.”
Nakaramdam ako ng hiya sa aking katawan, nagtayuan ang unti kong balahibo dahil sa kanya.
Pinwesto ako ni ate sa harapan niya upang mas makita pa ako nung lalaking tinawag niya na Blaze, maski ang mga kasamahan niya ay tinitignan na ako. “Siya si Bebe, bunsong kapatid ko pero bente tres anyos na 'yan. 'Di lang masyado halata," pagpapakilala ni ate sa'kin.
Nilahad ni Blaze 'yung kamay niya. "I'm Blaze Smith, nice meeting you…" huminto siya na para bang nag aalinlangan sa susunod na sasabihin, "bebe."
Tawanan ng mga kasama niya at ni ate ang rumindi sa tenga ko, sumabay pa ang mas lumakas na tinig ng tilian ng mga kanina pang nanonood sa amin.
Walang imik si Blaze at seryoso lang na nakatitig sa mga mata ko. He seems like a professional. Nakipagkamay ako sa kanya at yumuko bilang respeto.
"Mauna na kami ni bebe. Punta ka mamaya sa graduation ceremony niya ah? Bye mga tropapits, chikahan tayo next time," paalam ni ate Claire.
Lumabas na kami ng mall at sumakay sa sasakyang dala ni ate. Siya ang nagdadrive, habang ako naman ay tahimik lang na nakaupo sa tabi niya; sa passenger seat. "Shocks, tropa mo pala 'yung mga 'yun?" Hindi makapaniwalang tanong ko nang maalala ko kung gaano sila hinihiyawan ng mga babae.
"I've known them since junior high school, bebe. Palagi kaming nagjajamming noon, si Blaze palagi namin pinapasayaw. Mas nakilala o sumikat sila ngayon, for the reason that nag release sila ng recording," kinuha ni ate 'yung cellphone niya at ibinigay 'yon sa akin, "nand'yan 'yung video nila, para silang banda pero si Blaze ay dancer lang ang ganap."
Habang pinapanood ko ang video ay wala ako ibang masabi. Pakiramdam ko lang ay mas magaling ako sa kanya, napakataas talaga ng confidence o tingin ko sa aking sarili.
Sana sa susunod na pagtatagpo natin ay magkalaban tayo, Blaze.