Lies… Betrayals… popularity… need to look perfect for publicity. But what if one day… lies and betrayals will haunt for you? How far can you do if the world is against you?
Kasalukuyang nakatayo ang isang babae na nakasuot ng uniporme ng Heart Academy. Nasa harap niya ang isang malaking ginintuang pinto ng bago niyang paaralan. Malakas ang simoy ng hangin dahilan para lumipad ang ilang hibla ng kaniyang buhok.
Tahimik ang paligid. Ang tanging maririnig mo lang ay ang hampas ng hangin sa mga puno sa paligid na naglilikha ng tunog. Ngunit pumaibabaw dito ang isang tili na sinundan ng mga magkakahalong tili mula sa mga estudyante ‘di kalayuan mula sa kaniyang likod.
Dahan-dahang nilingon ng babae ang mga nagtitiliang estudyante. Tanaw niya ang mga babae’t lalaki na nagtatalunan, nagsisigawan, habang hawak-hawak nila ang kanilang telepono na nakatutok sa isang napakagandang babae.
Ang mukha niya’y tila ba isang anghel. Ang kaniyang ngiti ay napaka perpekto. Ang kaniyang mata ay kumikinang na tila bai sang bituin at ang kaniyang bibig ay tila ba rosas sa sobrang pula.
Nahirapan sa paglakad ang babae na pinagkakaguluhan, ngunit tagumpay siyang nakapasok sa loob ng paaralan. Hindi pa rin siya nilulubayan ng ilan ngunit Imbis na mainis o magalit ay lalong lumawak ang kaniyang ngiti. May mga nagbibigay pa sa kaniya ng bulaklak, tsokolate at liham na kaniya namang tinatanggap.
Nawala ang tilian nang may isang lalaki na sumuway sa kanila. Nakasuot siya ng polo na kulay asul. Mayroon siyang salamin na aakalain mo ay isa siyang estudyante tulad nila dahil sa mukhang bata pa ang gurong iyon.
“Mag si balik na kayo sa classroom niyo! Malapit na mag ring ang bell.” Utos ng guro. Lahat ay nadismaya. Lahat ay nanghinayang, ngunit wala na silang ibang pagpipilian kundi ang sumunod na lamang sa guro.
Samantala, pumasok na sa loob ang babae na kanina’y pinagmamasdan ang gate. Sa kabila nito, hindi pa rin niya nilulubayan ng tingin ang napakagandang dilag. Tila ba interesadong-interesado siya rito.
“Ms. Salazar, nasugatan ba kayo? Gusto niyo bang mag pa clinic?” nag aalalang tanong ng guro.
“Ah, hindi na po sir. Hindi naman po ako nasugatan.” Nakangiting tugon ng babae. Dahil dito ay lumawak ang ngiti ng guro. Mas nagmumukha siyang bata dahil sa kaniyang napaka tamis na ngiti.
“Mabuti naman. Sige, pupunta na muna ako sa dean’s office. Tumuloy ka na sa classroom mo.”
“Sige po sir.” Kumaway ang lalaking guro sa babae at nang mawala na ang guro sa paningin ng babae ay agad na siyang nagpatuloy sa paglalakad nang biglang…
“Ah!” agad na naalerto ang babae. Dali-dali niyang tinulungan ang babaeng kaniyang nabangga mula sa pagkakaupo.
“I-I’m really really sorry. H-Hindi ko sinasadya—“ natigilan siya sa pagsasalita nang bumilog ang mata ng babaeng kaniyang nabangga. Tila ba nakakita siya ng isang ginto dahil napasinghap pa ito sa hangin.
“Ikaw si Amirah Salazar, ‘diba? ‘yung sikat na artista!” Hindi makapaniwalang sambit ng babae habang tumatayo mag-isa. Dahil ditto, hindi maiwasang mapangiti ni Amirah.
“S-Sorry talaga.” Nahihiyang sambit ni Amirah habang inilalagay ang ilang hibla ng buhok sa likod ng kaniyang tainga.
“Ano ka ba? Ayos lang!” pinagpagan ng babae ang kaniyang kamay tsaka niya ito inilahad kay Amirah.
“Ako nga pala si Serephina…” ngumiti ng Malaki si Serephina tsaka siya humakbang palapit kay Amirah. Sunod ay inilapit ni Serephina ang kaniyang bibig sa tainga ni Amirah at bumulong. “Pwede mo ‘ko maging kaibigan.”
Dahil ngayon pa lang nakilala ni Amirah si Serephina ay umatras siya palayo rito at pilit na ngumiti. “S-Salamat. S-Sige, punta na ‘ko sa classroom.” Nginitian na lamang siya ni Serephina habang pinapanood siya nito na maglakad papunta sa isang building kung saan sa pangatlong palapag ay naroon ang kanilang classroom.
Samantala, ipinagkrus ni Serephina ang kaniyang braso at inikot ikot ang ilang hibla ng buhok nito sa kaniyang harap habang unti-unti namang umuukit ang nakakapangilabot nitong ngisi.
CLASS-3A
Pagpasok ni Serephina sa loob ng kanilang classroom, lahat ng ulo ng mga estudyante ay nabaling sa kaniya. Unti-unting namayani ang bulong-bulungan sa kanilang mga katabi sa pagtataka na bakit may bago silang estudyante gayundin na malapit na ang una nilang markahan.
Kaya naman, naglakad si Serephina sa gitna at nilingon ang kaniyang mga bagong kaklase.
“Ako ang bago niyong kaklase. Ako nga pala si Serephina…” aniya at nilibot ang paningin sa kaniyang mga kaklase. “Masarap akong makilala.” Pagkatapos ng pagpapakilala ni Serephina ay biglang nag ingay ang mga kalalakihan. Kung ano-anong kabastusan ang lumalabas sa kanilang bibig ngunit hindi ito pinapansin ni Serephina sapagkat ang kaniyang atensyon ay nakatuon sa babaeng nakaupo sa harap. Iyon ay si Amirah.
Lumapit dito si Amirah tsaka binaling ang paningin sa bakanteng upuan sa gilid niya. Ipinatong niya ang dala-dala niyang bag sa sahig tsaka naupo sa silya. Sunod ay ipinatong niya ang kaniyang siko sa ibabaw ng mesa at ipinatong ang pisngi sa kaniyang kamay habang ang kaniyang ulo ay nakabaling kay Amirah.
“Magkaklase pala tayo.” Natutuwang sambit ni Serephina. “Pansin ko lang, hindi ka ba napapagod?”
Nangunot ang kilay ni Amirah. “Napapagod? Saan?”
Umayos ng pagkakaupo si Serephina tsaka niya pinag krus ang braso niya. “Sa araw-araw mo na pamumuhay. Sa t’wing lalabas ka sa inyo, pinagkakan guluhan ka ng mga tao tulad nalang kanina.” Bumuntong hininga si Amirah at pilit na ngumiti.
“Syempre… napapagod din… pero mahal ko ang pag aartista.” Aniya at tumingin sa itaas. “Doon ko nakilala si Kean.” Nangunot ang noo ni Serephina nang banggitin niya ang pangalan na Kean. Pamilyar ang pangalan na ito sa kaniya… tila ba narinig niya ito sa kung saan.
“Kean? ‘yon ba ‘yung…” nilingon ni Amirah si Serephina. “Ka-love team mo?” sunod sunod namang tumango si Amirah na may halong pag tawa.
“Ano ka ba, nanonood ka ba ng news? Matagal nang kami ‘noh.” Natatawa nitong sambit.
“Mmm… ilang taon na kayo?”
“3 years.” Taas-noo nitong tugon.
“hindi ka ba…” nilingon ni Serephina ang paligid niya upang tignan kung may mga taong nakikinig sa usapan nila. Nang makumpirma niyang wala ay inilapit niya ang kaniyang bibig sa tainga ni Amirah. “…Nagsasawa?”
Natigilan si Amirah sa tanong na iyon ni Serephina. Nanatili sa iisang lugar ang kaniyang paningin. Tila rin ba naputulan siya ng dila dahilan para hindi siya makasagot.
“Psst!” agad namang nabalik sa reyalidad si Amirah. Magsasalita na sana siya nang pumasok ang lalaking guro sa loob ng kanilang classroom. Iyon ang lalaki na nakita ni Serephina kanina sa baba.
Habang nagsisi balik sa kaniya-kaniyang silya ang mga mag-aaral ay palihim namang binalingan ng tingin ni Serephina si Amirah na nakangiti habang nakalingon sa kanilang guro. Dahil dito ay muli nanamang sumilay ang ngisi nito.
* * *
Alas sais ng hapon nang magsi uwi ang mga estudyante. Kasalukuyan namang nag lalakad si Amirah kasama si Serephina sa gilid niya sa gitna ng quadrangle habang tumatama sa kanila ang init ng araw.
“Hindi ka ba… na-po-pogian kay sir Jonathan?” biglaang tanong ni Serephina dahilan para gulat na mapalingon si Amirah sa katabi. Si sir Jonathan ang lalaking guro na nakita ni Serephina kanina sa baba at siya rin ang pinaka unang guro na magtuturo sa kanila tuwing Lunes hanggang biyernes.
“A-Ano?” natatawang tanong ni Amirah. “Huwag mo sabihing may gusto ka kay sir?” muli ay tumawa si Amirah habang nakalingon na sa kaniyang daanan, ngunit ‘di nagtagal ay tumigil siya sa pagtawa nang hindi nakatanggap ng sagot kay Serephina kaya naman muli niya itong nilingon. Bumungad sa kaniya si Serephina na nakalingon pa rin sa kaniya at may mala anghel na ngiti. Dahil dito ay hindi mapigilan ni Amirah na makaramdam ng pag ka ilang. “Nandiya’n na pala driver ko. Sige, mauna na ‘ko.” Paalam ni Amirah kay Serephina. Nakangiti namang tumango si Serephina kay Amirah habang kinakawayan siya.
Pinanood niyang maglakad hanggang makapasok si Amirah sa loob ng kaniyang kotse at nang mawala na ang kotse ay inikot ikot ni Serephina ang hibla ng buhok niya sa kaniyang harap.
Kinabukasan sa Heart Academy ay muli nanamang pinagkaguluhan si Amirah. ‘Di kalayuan sa kaniya ay nakatanaw sa kaniya si Serephina na magka krus ang braso habang nakangisi.
Agad naman siyang natanaw ni Amirah kaya naman kinawayan ni Amirah si Serephina. Bilang tugon ay kinawayan din ni Serephina si Amirah. Nauna ng umakyat si Serephina sa classroom nila. Wala siyang balak na hintayin pa si Amirah.
Kakaunti pa lang ang mga kaklase nila dahil maagang pumasok si Serephina. Pagpatak ng saktong 11:30 ay bumukas ang pinto at lumuwa si Amirah na pawisan. Ngunit hindi ito kabawasan ng kaniyang kagandahan. Para parin siyang reyna sa mata ng mga tao.
Dali-daling naupo si Amirah sa tabi ni Serephina. “Grabe. Nakakatuwa sila.” Natatawang sambit ni Amirah habang pinupunasan ang pawis gamit ang kaniyang pulang panyo.
“Mahal ka ng mga tao…” sambit ni Serephina. Lalo namang natuwa si Amirah.
“Siya nga pala, may nag imbita sa akin ng party bukas. Eh gusto ko may kasama ako.” Nangunot naman ang noo ni Serephina. Tila ba wala siyang ka-ide-ideya sa pinagsasabi ni Amirah.
“Party? Sino namang isasama mo?”
“Ano ka ba?” inakap ni Amirah ang braso ni Serephina. “Syempre ikaw ‘noh! Maraming artista ang pupunta ro’n! Nandoon din ang manager ko. Baka gusto mong ipakilala kita.” Nakangiting ika ni Amirah tsaka niya kinindatan si Serephina.
* * *
7:00 p.m. ang party kaya naman 6:30 p.m. pa lang ay napunta na si Amirah sa party. Ngunit kanina pa siya palinga linga sa paligid upang hanapin si Serephina.
“Babe…” nabaling ang paningin niya sa kaniyang gilid. Natanaw niya si Kean na naka suit and tie. Pagilid ang pagkaka ayos ng buhok. Kahit nasa malayuan ay maaamoy mo ang kaniyang pabango. Idagdag mo pa ang dalawa niyang dimples na sa t’wing ngingiti ay sumisilip. “May hinahanap ka?” tanong ni Kean tsaka niya hinawakan ang bewang ng nobya.
“Oo. May inimbitahan kasi akong kaibigan eh.” Tugon ni Amirah tsaka muling nilingon ang paligid.
“Babe, dadating din siya. Smile, okay? Hindi bagay sa gown mo kapag nakasimangot ka.” Pabiro nitong sabi. Wala nang nagawa si Serephina kundi ang ngumiti ng pilit.
Tatalikod na sana siya nang maagaw ng kaniyang pansin ang isang babae na lumabas mula sa isang itim na kotse.
Naka kulot ang ibabang buhok nito. Kumikintab ang kulay pula nitong gown at aakalain mong bigatin siya dahil sa tindig ng kaniyang katawan, sa ganda ng kaniyang pag lakad at ang nakakaakit nitong kagandahan.
“Serephina!” naging dahan-dahan ang pagtakbo nito palapit sa kaibigan. Hindi siya makapaniwala sa nakikita niya. Tila ba dyosa ang nasa harap niya. “Buti naman nandito ka na! kanina pa kita hinahanap!” nagtatampo man ay mas lamang ang galak at tuwa sa boses at mukha ni Amirah.
Ngumiti naman ng malaki si Serephina tsaka nilingon ang katabi nitong lalaki. “Kean, right?”
“Ah, yes.” Inilahad ni Kean ang kaniyang kamay kay Serephina. “Boyfriend ni Amirah.” Agad namang tinanggap ito ni Serephina. Inanyaya na sila ni Amirah na pumasok sa loob dahil magsisimula na ang party nila.
Lahat ay nagsasayahan, at nagkukwentuhan. Madaming kilalang artista ang nagisisdatingan sa bawat table.
“Manager!” sinalubong ng yakap ni Amirah ang kaniyang manger na si Manager Kim.
“Wow! You look gorgeous!” hindi makapaniwalang sambit ng kaniyang manager.
“Lalo ka na.” puri ni Amirah pabalik sa Manager. Mukha namang napansin ni Amirah na nakatuon na ang paningin ng manager kay Serephina kaya naman pinakilala siya nito. “Ah, manager, this is Serephina, my bestfriend. Serephina, this is Manager Kim, my manager.” Nagkamayan ang dalawa.
“It’s nice to meet you iha!” nagagalak na wika ni Manager Kim.
“It’s nice to meet you too.” Nakangiting tugon ni Serephina.
Natapos ang party na puro tawanan ang naiiwan. Lalo na si Manager Kim at Serephina.
“You can be an actress, don’t you think? I can give you an opportunity, iha!” bahagyang natawa si Serephina.
“Nakakahiya naman po…”
“Tsk! Ano ka ba? It’s fine! Actually, kung papayag ka, may makukuha ka agad na project. Nag hahanap kasi sila ng artista na babagay sa project na ‘yon.”
“Eh bakit…” saglit na nilingon ni Serephina si Amirah na nakikipag kuwentuhan kay Kean. “Hindi niyo po kunin si Amirah?” aniya at muling ibinalik ang tingin kay Manager Kim.
“Sa’tin-sa’tin lang ‘to ah. Hindi kasi bagay kay Amirah ang project na ‘yon.” Napamaang si Serephina sa gulat, ngunit hindi niya ito pinahalata.” “Sige po… pag iisipan ko.”
“Sige, ah! Sana um-oo ka.” Pabirong sambit ni Manager Kim. Sa kabilang banda, muling nilingon ni Serephina si Amirah na nakikipag kuwentuhan. Pinag krus ni Serephina ang kaniyang braso at lumabas ang kaniyang nakaka pangilabot na ngisi.