Madilim ang guestroom sa kabila ng pagod, puyat at sarap ng kinahihigaan niya ay hindi pa rin makatulog si Cassandra. Nanginginig ang mga daliri niya habang yakap ang kumot. Sobrang lamig ng aircon hindi iyong ordinaryong unit na may simpleng pindutan. Isang sleek na panel sa pader na puro ilaw at simbolo ang meron.
Pinindot niya kung anu-ano kanina, pero parang lalo lang lumamig.
“Bakit ba kasi…” mahina niyang bulong sa sarili.
Sanay siya sa simpleng buhay. Sa simpleng switch. Hindi sa ganitong kataas na teknolohiya na parang kailangan pa ng manual.
Sa huli, napabuntong-hininga siya at nagpasya na lumabas. Umaasang maymakita siyang kasambahay. Hindi niya kayang magdamag na nanginginig sa loob.
Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto. At sa mismong sandaling iyon ay may isa pang pinto sa tapat ang bumukas.
Para bang pinaglalaruan talaga sila ng tadhana dahil magkasabay pa silang lumabas ni Conrad.
Nagtagpo ang mga mata nila sa gitna ng hallway na tinatamaan lang ng dim na ilaw. Akmang papasok siya ulit sa loob nang mabilis siyang tinawag ni Conrad.
“Cassandra, wait!”
Pareho silang natigilan. Hindi siya makapagsalita lalo na nang humakbang palapit sa kanya si Conrad. Hindi niya ito matingnan sa mata pero mas lalo lang yata siyang hindi mapakali dahil muli niyang nakita ang magandang paa nito. Maputi, mabalahibo ang binti at mga kuko niyang bakas na nakatago palagi sa medyas. Ang talampakan niyang namumula-mula ay tinalo pa ang talampakan niyang sanay na nakapaa lalo na kapag hindi siya magkanda-ugaga kakatrabaho sa bahay ni Alex.
“Hey, look at me.”
Napaigtad siya agad nang hinawakan ni Conrad ang baba niya at maingat na itinaas.
“H—Huwag mo akong hahawakan, Conrad.” Pakiusap niya.
“S—Sorry…”
Napalunok si Cassandra. Hindi naman sa natatakot siya kay Conrad kundi hindi niya lang gustong magdikit ang balat nila dahil para siyang nakukuryente.
“Ano palang ginagawa mo dito sa labas? May kailangan ka?”
Saka na niya sinalubong ang tingin ng binata.
“Masyadong malamig ‘yung aircon sa loob. Hindi ko alam kung paano patayin. Wala ba kayong mas simpleng switch dito?”
“Giniginaw ka?” tanong nito.
“M—Medyo,” pilit na sagot ni Cassandra.
Napansin ni Conrad ang mga braso niyang nakayakap sa sarili.
“Halika,” sabi niya.
“Hindi, ikukuha ko lang sana ng kasambahay—”
“Wala silang duty sa ganitong oras. nagpapahinga na ang mga maid, Cass.”
Pero sa halip na dumiretso sa guestroom niya, biglang huminto si Conrad sa gitna ng hallway.
“Alam mo,” marahan niyang sabi at sumilay ang ngiti sa labi ni Conrad. Pero si Cassandra ay nanatiling seryoso ang mukha.
“Parang hindi ka pa nakakatulog mula kanina. Hindi rin ako makatulog kakaisip sa ‘yo.”
“Bakit?”
“Hindi ko rin alam.”
“Baka kasi nakukunsensya ka o kaya natatakot ka.” Sagot niya. Kumunot agad ang noo ni Conrad.
“Nakukunsensya? Natatakot?”
“Eh kasi baka lang naman nakukunsensya ka kasi hindi mo sinabi sa girlfriend mo na pinatuloy mo ang ex-wife mo. Natatakot kang malaman niyang nandito ako syempre kahit sino ay magagalit.” Litanya niya.
Hindi kumibo si Conrad. Pagkatapos ay tumikhim ito.
“Since pareho naman tayong gising… gusto mo bang uminom?”
“Conrad—”
“Hindi para mag-usap tungkol sa nakaraan,” agad niyang dagdag, tila nababasa ang iniisip niya.
“Kahit sandali lang. Para lang… mabawasan ang lamig.”
Hindi niya alam kung ang lamig ba ng aircon ang tinutukoy nito—o ang lamig sa pagitan nila. Saka hindi manlang sinagot ni Conrad ang sinabi niya kanina.
Nagdalawang-isip si Cassandra.
Hindi siya dapat pumayag. Alam niya iyon. Bawat hakbang papalapit dito ay parang pagbabalik sa isang apoy na minsan na siyang nasunog.
Pero heto siya. Nasa gitna ng hallway. Ginigising ng lamig. At ang tanging taong gising sa mansyon na ito.
“C’mon, Cassandra!” napaigtad siyang muli nang hinapit siya ni Conrad sa baywang.
“Conrad!”
“Opps! Sorry!” mabilis naman siyang binitiwan nito.
“Isang baso lang,” mahinang sagot niya.
Hindi na napigilan ni Conrad ang bahagyang pagliwanag ng mga mata niya.
“Isang baso lang, Cassandra.” Nakangiting sagot ni Conrad.
Pagkatapos ay niyaya siya nito sa balcony. Napasinghap siya agad nang sobrang lamig ng simoy ng hangin.
Hanggang napangiti na lang siya nang makita niyang naroon pa pala ang parol na ginawa niya sa itaas ng mangga at mukhang inalagaan iyon dahil nilagyan pa ng bubong para hindi mabasa sa ulan at hagupit ng araw.
Naalala niyang na-recycle niya ‘yon mula sa mga straw at mga plastic na tinatapon ng mga kasambahay.
Nawindang siya bigla nang balutin siya ng isang makapal na balabal sa kanyang likod. Pagtingin niya sa likod ay si Conrad pala ang naglagay.
“Para hindi ka lamigin.” Sambit nito. Saglit silang nagkatinginan sa mga mata nila. Masyadong malapit ang mukha nila isang pagkakamali lang ay mahahalikan siya nito sa mukha. Pero siya mismo ang bumitaw at muling binaling ang tingin sa malawak na tanawin ng buong Maynila.
Naramdaman ni Conrad ang pag-iiwas sa kanya ni Cassandra. Bahagya pang umatras ang paa nito.
Saka siya binigyan ng isang baso ng alak.
“Cheers, Cassandra.”
“C—Cheers, Conrad.”
Mahinang nagbanggaan ang kanilang mga baso, kasabay ng malamig na hangin na dumampi sa balat nila mula sa bukas na balcony. Habang saksi ang mga nagkikislapang ilaw ng siyudad.
Sabay silang uminom.
Pero napatingin si Conrad nang makita kung paano nilagok ni Cassandra ang alak diretso, walang pag-aatubili. Samantalang siya, hindi pa man lang nakakalahati.
“Holy s**t!” bulalas niya.
“Tama na, ha? Isang bas lang ’yon,” sagot ni Cassandra.
“Yeah, but… bakit mo inubos nang isang lagok lang? parang ginawa mong tubig. Mapait ’yon. Matapang ’yon. Akala ko hindi mo mauubos.”
“Hindi naman mapait,” sagot ni Cassandrang parang wala lang.
Napakunot ang noo ni Conrad. Muli siyang lumagok pero mapait talaga at hindi siya nagkakamali sa alak na kinuha niya.
“C–Conrad… ang…” napahawak agad siya sa railing.
“Cassandra—”
“Nahihilo ako, Conrad!”
Umihip pa ang malakas na hangin kaya hinahampas ang buhok niya at parang gumalaw ang buong siyudad sa paningin niya. Kumislap ang mga ilaw sa ibaba, pero hindi na niya matukoy kung alin ang totoo at alin ang umiikot lang sa paningin niya.
“Hey, hey, Cass!” Mabilis na lumapit si Conrad.
Napahilig ang katawan ni Cassandra ng pasulong ngunit bago pa siya bumagsak sa sahig ay mabilis siyang nasalo ni Conrad.