Edited Chapter

1093 Words
Inabutan ng hapon si Cassandra sa kalsada. Ang araw ay bahagyang nakatagilid na sa kanluran, tinatamaan ang mga gusali ng mapusyaw na gintong liwanag. May kaunting alikabok sa hangin na sumasabay sa malakas na ihip ng hangin. Huminto si Cassandra sa gitna ng footbridge. Napahawak siya sa malamig na bakal na railings habang nakatanaw sa ibaba. Walang patid ang pagdaan ng mga sasakyan—mga bus, jeep, kotse, at motorsiklo na tila nag-uunahan sa kalsada. Mula sa taas ay para silang maliliit na langgam na gumagalaw sa mahabang linya ng semento. Ang tunog ng mga busina at ugong ng makina ay nagsasama-sama, bumubuo ng ingay na tila naging normal na musika ng lungsod. Napapikit sandali si Cassandra nang dumampi ang hangin sa kanyang mukha. Nilipad nito ang mahaba niyang buhok, sumasayaw sa paligid ng kanyang pisngi. Hindi niya man inayos ang sarili, nanatili pa ring kapansin-pansin ang kanyang kagandahan. Simpleng blouse lamang ang suot niya at isang maong na pantalon pinahiram pa sa kanya ng kasambahay. Kahit sa simple niyang kasuotan ay naroon pa rin ang kinang sa kanyang presensya. Ilang tao ang dumaraan sa footbridge ang napapalingon sa kanya. May dalawang estudyanteng babae na napatingin at pabulong na nag-usap. Isang lalaki namang papunta sa kabilang hagdan ang napahinto sandali bago nagpatuloy sa paglalakad. Hindi naman sila napapansin ni Cassandra dahil abala siya sa sarili niyang iniisip. Pakiramdam niya ay pagod na pagod siya—hindi lamang sa paglalakad kundi pati na rin sa bigat ng mga alaala na pilit niyang tinatakasan. Hindi na niya alam kung saang bahagi na siya ng Maynila napadpad. Matagal na siyang naglalakad mula nang umalis siya kanina. Lumampas na siya sa ilang kanto, tumawid sa mga kalsadang hindi niya kilala, at sumabay sa agos ng mga taong abala sa kani-kanilang buhay. Ngayon lamang siya tumigil. Napabuntong-hininga siya habang muling tumingin sa ibaba. Muling gumalaw ang mga paa ni Cassandra matapos ang ilang sandaling pagtitig sa ibaba. Parang bigla siyang natauhan mula sa malalim na pag-iisip. Huminga siya nang malalim at saka nagpatuloy sa paglalakad. Pagdating sa dulo ng ootbridge, napahinto siyang muli. Napalinga siya sa dalawang hagdang pababa—isa sa kaliwa at isa sa kanan. Pareho lamang ang itsura ng mga ito, parehong puno ng taong nagmamadaling bumaba at umakyat. Mula sa kinatatayuan niya ay hindi niya malaman kung alin ang dapat piliin. Bahagya niyang kinagat ang ibabang labi. Hindi naman talaga niya alam kung nasaan na siya. Muli niyang tinanaw ang paligid bago tuluyang nagdesisyon. Pinili niyang bumaba sa hagdan sa kabilang side, kung saan tanaw niya ang hilera ng mga jeep na nakaparada sa gilid ng kalsada. May mga konduktor na sumisigaw ng mga ruta habang pumapara ang mga pasahero. Pagbaba niya sa huling baitang ng hagdan ay sinalubong siya ng mas malakas na ingay ng kalsada. Ang amoy ng usok ng tambutso at pagkain mula sa malapit na karinderya ay humalo sa hangin. Naglakad siya papunta sa isang jeep na kakahinto lang. “Manong,” mahina ngunit malinaw niyang tawag sa driver na kasalukuyang nakasandal sa manibela. “Saan po ang sakayan papunta sa sementeryo?” Napatingin sa kanya ang matandang driver. Saglit itong natigilan, marahil ay nagulat sa mukha ng dalaga. “Ano’ng sementeryo, miss?” tanong nito. “’Yung… sa may Silvercrest Memorial Park po,” sagot ni Cassandra. Isang kilalang sementeryo iyon sa lungsod—malawak, tahimik, at napapalibutan ng matataas na pader. Doon nakahimlay ang maraming mayayaman at kilalang pamilya. Tumango ang driver. “Ay, malayo pa ’yon dito,” sabi nito habang itinuro ang direksyon sa kabilang kalsada. “Sakay ka ng jeep na papuntang San Roque, tapos baba ka sa terminal. May mga tricycle doon na dumadaan papunta sa Silvercrest.” “Maraming salamat po,” mahina niyang sabi. Ngumiti lamang ang driver bago muling sumigaw ng ruta sa mga naglalakad na pasahero. Hindi agad umalis si Cassandra. Saglit siyang tumingin sa direksyong itinuro ng matanda bago muling naglakad. Mahigpit na hinawakan ni Cassandra ang perang nasa loob ng kanyang palad habang naglalakad papunta sa pila ng mga jeep. Isang libo rin. Iyon ang perang ibinigay sa kanya ng kasambahay sa mansion ni Conrad bago siya umalis. Halos ayaw pa nga niya itong tanggapin kanina, ngunit mapilit ang matanda. Nangako siyang ibabalik niya ito. Hindi niya lang alam kung kailan. Marahan niyang hinawakan ang pera bago sumakay sa jeep na papunta sa terminal. Isang oras lang ay nakarating na rin siya sa pupuntahan. Luminga muna siya sa paligid hanggang sa may mapansin siyang maliit na tindahan sa gilid ng kalsada. Lumapit siya sa tindahan at muling may napapatingin sa kanya. “Pabili po,” mahina niyang sabi sa tinderang nakaupo sa loob ng tindahan. “Ano ’yon, neng?” sagot ng babae. “Isang lata po ng sardinas… at isang kilong bigas.” Tumango ang tindera at agad itong kinuha sa estante. Ilang sandali lamang ay inilagay na nito ang mga iyon sa maliit na plastic bag. Habang inaabot ni Cassandra ang bayad ay lihim niyang kinuwenta ang natitirang pera. Ang natira ay maingat niyang itinupi dahil i-aabot niya ito sa Lola niya. Baka dalawa o tatlong araw rin siyang magpapahinga bago umuwi sa asawa niya. Ayaw man niyang bumalik pero wala siyang choice dahil hahanapin din naman siya ni Alex. Muli siyang naglakad palabas ng maliit na tindahan habang hawak ang plastic bag na may lamang sardinas at bigas. Hindi man kalakihan ang dala niya, alam niyang matutuwa pa rin ang kanyang lola at kapatid. Naglakad siya patungo sa sakayan ng mga tricycle na papunta sa sementeryo. Pagdating ni Cassandra sa harap ng mataas na bakal na gate ng sementeryo ay bahagya siyang napahinto. Tahimik ang lugar kumpara sa ingay ng lungsod na dinaanan niya. Ang malalaking puno sa loob ng sementeryo ay bahagyang gumagalaw sa ihip ng hangin habang ang hapon ay unti-unti nang nagiging kulay kahel. Pumasok siya sa loob, naglalakad sa makipot na daan sa pagitan ng malalaking mausoleum at marmol na puntod ng mga mayayamang pamilya. Hindi nagtagal ay tanaw na niya ang maliit na barung-barong na tinitirhan ng kanyang lola at kapatid. Ngunit bigla siyang napatigil. Parang may malamig na tubig na ibinuhos sa kanyang ulo nang makita ang lalaking nakatayo habang naka-cross arms ito. Si Conrad. “Cassandra?" Nagulat siya nang tawagin siya nito. Nakita na pala siya ni Conrad ngunit hindi siya lumingon at binilisan niya lang ang paglalakad. “Hey, Cassandra, wait!” Napaigtad na lang siya nang maabutan siya ni Conrad at mabilis siyang hinawakan sa baywang at kinabig. Hanggang sa isang iglap ay niyakap siya nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD