One month later…
Hawak ni Cassandra ang lumang basket sa kanang kamay habang nakasabit sa kaliwang balikat ang kupas na eco bag na ilang ulit nang tinahi. Dahan-dahan niyang sinuong ang makipot at magulong daan ng palengke, ang lugar na halos araw-araw na niyang pinupuntahan kaya kabisado na niya ang bawat sulok, hindi lang sa amoy ng isda at gulay, kundi sa bawat mukha ng mga taong matagal na niyang suki.
Sumalubong sa kanya ang ingay ng palengke, ang sigawan ng mga tinderang nag-aalok ng paninda, kalansing ng timbangan, iyak ng batang hinihila ng ina, at ang mabigat na amoy ng basang lupa na hinaluan ng alat dagat at putik. Pawis ang kumapit sa batok niya, pero hindi iyon ang nagpapabigat sa dibdib niya kundi ang buong katawan niyang tila nalalaytay ang sakit sa bawat ugat.
“Ang aga mo ngayon ah,” bati ni Aling Lucinda, ang suki niyang nagtitinda ng gulay.
Ngumiti siya—isang ngiting bakas ang paghihirap.
“Opo, Nay. Baka maubusan po kasi.” Kunwari niyang sagot. Pero ang totoo talaga ay dapat siyang malengke nang mas maaga dahil may bisita daw mamaya si Alex at kailangan niyang maghanda.
Inabot niya ang pechay at kamatis, maingat na inilalagay sa basket. Pero habang nakayuko siya, bahagyang dumulas ang manggas ng kanyang lumang blusa kung kayat lumantad ang malaki niyang pasa.
At doon ito napansin ng mga tindera.
“Neng…” mahina ang boses ni Aling Lucinda sabay turo sa balikat niya.
“Ano ’yan?”
Napahinto si Cassandra. Ramdam niya ang titig—hindi lang ng matanda kundi ng ilan pang tao sa paligid. Sa kanyang braso, malinaw ang pasa—madilim na bughaw na may bahid ng dilaw, senyales ng mabigat na kamay ni Alex. Hindi na ito bago mas malaki nga lang ito kaysa dati niyang natamo.
Mabilis niyang hinila pababa ang manggas at ngumiti ulit.
“Ah… nabunggo lang po ako kahapon. Madulas kasi sa bahay.” Palusot niya.
Pero hindi naniwala ang matandang tindera, magsasalita pa sana ito pero mabilis siyang umalis at nagtungo naman sa puwesto ng mga isda. Sinunod naman niya ang ilang prutas. Nakulangan pa siya sa rekados dahil tipid talaga si Alex sa budget.
Pagkatapos niyang mabili ang mga kailangan ay nilalakad na lamang niya pauwi kahit napakabigat ng mga dala niya.
Nanginginig ang mga daliri ni Cassandra habang tinatali niya ang sintas ng tsinelas. Gutom na gutom na rin siya ramdam niyang nagrereklamo na ang tiyan niya. Simula kagabi, wala pa siyang naisasalang kahit isang subo sa bibig. Paano ay ni-lock siya ni Alex sa cabinet dala ng epekto ng kalasingan nito. Siya na naman ang pinaglalaruan. Nakalabas lang siya kaninang umaga na tas inutusan siya agad mamalengke.
Mamaya nga pag-uwi niya ay marami pa siyang labahin, kailangan pa niyang maglinis at pati ang dalawang kotse ng asawa kailangan pa niyang linisan. Sobrang hirap, napakahirap.
Wala na silang katulong. Dahil pinalayas ng asawa niya ang lahat. Kailangan raw nito magtipid. Walang silbi ang may katulong kung may asawa naman. At simula noon, si Cassandra na ang lahat—tagalinis, tagaluto, tagalaba, taga-alaga ng bahay… at punching bag kapag masama ang timpla ng asawa at parausan sa gabi!
Kung sasabihin ng iba, ang tanga niya. Oo, tanga talaga siya. Nagpakasal siya uli sa maling lalake, mas masahol pa sa dati niyang asawa. Ilang beses na siyang tumangkang tumakas kay Alex pero palagi siyang nahahanap. Noong huli ay tinakot siyang papatayin ang kapatid niya at Lola niya sa susunod na tatakas siya ulit kaya natakot na siya. Hindi na niya inulit pa alang-alang sa kaligtasan ng mga mahal sa buhay.
Sinubukan niya na rin magreport sa pulis, pero siya lang nabaliktad. Walang kuwenta ang batas dito sa Pinas ilang beses na niyang napatunayan. Kaya heto siya, parang isang ibon na nakakulong sa hawla.
Bigla na lamang siya nakaramdam ng panghihina ng katawan at unti-unting nanlalabo ang paningin niya. Parang umiikot ang palicid. Humigpit ang kapit niya sa basket at sa kabilang kamay na mga plastic pinipilit ang sarili na huminga nang maayos.
May nakita siyang traysikel sa kabilang kalsada kaya hindi na siya nagtagal at mabilis siyang tumawid.
Subalit sa isang iglap, ay biglang nabitawan niya ang mga plastic sa kamay at tumilapon ang basket niya kasabay ng pagbagsak niya sa semento ay gumulong din ang mga prutas.
Dahil sa isang sasakyan na malakas na busina ngunit hindi niya na narinig.
“Hala ‘yong babae!”
“Yong babae nasagasaan!”
“Tulungan ninyo ang babae!”
Mga tinig na narinig pa ni Cassandra. Ngunit wala siyang ibang nakikita kundi ang mga ibon na lumilipad sa himpapawid at ang mga dahon ng punong sinasayaw-sayaw ng hangin.
“Boss babae! Buhay pa ang babae, boss!” ang sigaw ng bodyguard na naunang lumabas.
Mula sa mamahaling sasakyan ay lumabas ang isang matangkad, maputi at naka-business attire ang lalaking nagsusumigaw ang kaguwapohan kung kaya’t sa kanya napatingin ang lahat.
Lumapit ang lalake at napaupo sa semento at agad niyang chineck kung buhay pa. Gumalaw si Cassandra pero hindi masyado makita ang mukha niya dahil sa kanyang buhok.
“I’m sorry, Miss. We will take you to the hospital. Stay awake, I got you!” turan ng lalake. Saka niya hinawi ang ilang hibla ng buhok natatabing sa mukha nito. Subalit ganoon na lamang ang gulat sa mukha ni Conrad nang mapag-sino ang nabangga niya.
“C—Cassandra?”