Kabanata - 1
"My girlfriend is pregnant. I’m going to marry her, Kassandra.”
Napahinto ako sa pagtitiklop ng mga gamit ni baby Adrian. Gusto kong magsalita, gusto ko siyang pigilan ngunit parehas lang kaming masasaktan kung ipagpapatuloy pa namin ito.
“I’ve already transferred money to your bank account.”
Doon na ako nagsalita, pero nanatili akong nakatalikod sa kanya.
“Hindi mo ako kailangan bigyan ng pera, Conrad. Malinaw naman sa atin noong una pa lang na ikinasal tayo, wala akong perang makukuha kaya hindi rin ako hihingi.” Sagot kong pilit kong tinatagan ang boses ko upang hindi niya mahalata na naluluha na ako.
“I know. But as your ex-husband, I want you to live a comfortable life. You can use the money to start a business. I transferred ten million. Malaking tulong ‘yon sa ‘yo pati sa lalaking mapapangasawa mo uli.”
Umiling-iling ako, alam kong nakatingin siya sa likod ko.
“May isa kang salita sa lolo mo. Kaya ganoon din ako, Conrad. Nagpakasal ako sa’yo noon hindi dahil sa pera. At lalong hindi dahil may makukuha ako.”
“Kassandra, naawa lang ako sa ‘yo. Ayokong dumating ang araw na makita kitang naninilbihan na naman. Gamitin mo ang pera at magpayaman ka.”
“Walang masama sa pagiging katulong dahil marangal na trabaho ‘yon. Hindi ko kailangan ng maraming pera. Hindi ko kailanman hinangad ’yon.”
“Alright, then. Hindi kita pipilitin. But the money is still yours…”
“Excuse me po, Sir Conrad. Nariyan na po si Señorita Antonia.”
Ang boses ng kasambahay na pumasok dito sa kuwarto.
“Sige Manang. Paki-assist pababa na rin ako.” Sagot ni Conrad. Pagkababa ng kasambahay ay narinig ko ang yabag ni Conrad palapit sa akin at kinuha niya ang maleta ko at dalawang bag.
“Hindi mo pa tinapon ang mga ‘yan? mahihirapan ka niyan sa biyahe mo.”
Mabilis kong hinablot sa kanya ang bag na naglalaman ng mga damit sana ng anak namin. Pero dahil sa kapabayaan ko ay nakunan ako noong nadulas ako sa banyo.
“Bilisan mo na sa pag-empake, Kassandra. Nandiyan na si Antonia sa baba.”
Kinurap-kurap ko ang mata ko dahil nagbabadya na talaga ang mga luha ko. Kinuha ko ang bag at tinawag ni Conrad ang driver at pinabuhat ang mga gamit ko.
Kahit ayaw ko siyang harapin ay kailangan ko pa rin tatagan ang loob ko. Pagpihit ko ay nagtagpo ang aming mga mata.
Wala akong galit sa kaniya, ganoon rin siya sa akin.
“P—Puwede bang… puwede ba kitang yakapin kahit sa huling pagkakataon?” nahihirapan kong sambit.
“Yeah. Come, closer.”
Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko kaya siya na ang lumapit sa akin at niyakap niya ako.
Hindi ko na napigilan ang mga luha kong tuluyang kumawala. Sobra ko siyang mamimiss, ang amoy niya, ang boses niya. Ang buong pagkatao niya.
Nang hinagod niya ang likod ko ay napakagat na ako sa ibabang labi. Impit akong umiyak sa sobrang sakit ng dibdib ko pero alam kong magiging kakatawa lang ako.
Bago pa ako tuluyang bumigay ay kumalas na ako sa kanya pero hindi ko na siya tiningnan. Ayaw kong makita niyang masagana ang mga luha ko. Ayaw kong kaawaan niya ako.
Tumalikod na ako at pababa na ako ng hagdan nang pahabol siyang nagsalita na halos ikadurog ng puso ko.
“Take care of yourself, Kassandra.”
“I—Ikaw rin… ikaw rin, Conrad.” Paos kong boses at saka ko binilisan sa paglalakad.
“Dito po, ma’am.”
Nagulat ako ng hawakan ako ng driver. Pinahid ko uli ang mga luha ko at tumingin sa kanya.
“Saan ang mga gamit ko, manong?”
“Nandoon po sa sasakyan pero dito tayo sa likod pinadaan ni boss dahil nasa veranda si Señorita Antonia, makikita ka niya.”
“Hindi ba niya alam?” takang tanong ko.
“Hindi po sinabi ni boss na may asawa na siya. Pero kung sakali man na malaman ni señorita Antonia ay hindi naman siya magagalit. Annulled na kayo ni boss.”
Tumango ako. Isang buwan rin prinoseso ni Conrad ang annulment namin kaya ngayong maayos na ang lahat ay saka niya dinala niya dito ang girlfriend niya. Ang mag-ina niya.
“Tara na, ma’am. Baka maiwan kayo ng bus.”
Sumunod na ako kay manong palabas. Dito nga kami dumaan sa likod may maliit na gate dito at paglabas ko ay nakahanda na ang sasakyan at naroon na ang mga gamit ko.
Pumasok na ako sa sasakyan at saka naman pinaandar ni Manong. Tapos umikot kami kaya pinagmamasdan ko pa ang mala-palasyong bahay na minsan ko rin naging tirahan.
Hindi ko na naman maiwasan na umiyak habang papalayo na ako. Sa maikling panahon na nagsama kami ni Conrad ay minahal ko siya. Mahal na mahal ko siya. Ngunit ganoon talaga ang buhay, kahit gaano mo pa ipilit ang isang bagay kung hindi talaga para sa ‘yo ay hindi magiging iyo.
Five years later…