Maingat kong inilalagay ang mga platong hawak ko sa mesa, at isa-isa ko iyong nilagyan ng pagkain. Habang abala ako sa ginagawa kong pag-aayos ng aming almusal ng aking Nanay. Bigla ko na lamang itong narinig na nagsalita.
Dahil sa ginawa niyang iyon, napatigil ako sa aking ginagawa. “Jake, hindi mo naman kailangan gawin ito. Kaya ko naman na pagsilbihan ka, hindi pa naman ako masyadong matanda para maging imbalido na,” natatawang pagsasalita sa akin ng aking Ina.
Umupo naman ako sa kaniyang tabi at marahan kong hinawakan ang kamay nito. Hanggang ngayon ay wala pa ring pinagbago ang kaniyang kamay, malalambot pa rin ang mga iyon tulad ng dati. “Nanay Amy, alam ko po…”
Habang patuloy ako sa ginagawa kong pagmamasahe sa kamay ng aking Ina. Hindi ko rin mapigilan ang aking sarili na humanga sa kaniya, “…Nay, ayoko na pong mapapagod kayo. Alalahanin ninyo, na hindi na kayo bumabata. Ang gusto ko lamang ay, magpahinga ka at ako na ang bahala sa lahat ng gawain rito sa bahay.”
“Pero, Jake? Kaya ko pa naman na asikasuhin ka. Ayoko naman na lagi na lamang akong nakaupo. Anak, hinahanap-hanap rin ng katawan ko ang pagtatrabaho – ang gawaing bahay. Lalo lamang manghihina ang katawan ko kung hihintuan ko iyon.” Ani naman nito sa akin.
Napatango na lamang ako sa nahing tugon ng aking Ina sa akin. Kaya naman, wala na akong nagawa kundi ang sumang-ayon na lamang sa gusto niyang mangyari. “Okay, sige. Basta ipangako mo po sa akin, na magkakakroon ka ng pahinga. Maliwanag po ba iyon, Nay Amy?” Magalang kong pagtatanong sa aking Ina.
Nakita ko namang itong ngumiti sa’kin, dahil roon, nakaramdam ako ng kaunting kaginhawaan saa mga sinabi n’ya sa akin. “Pangako ko sa ‘yo, Anak. Salamat at pinagbigyan mo ako sa simpleng gusto ko.” Matapos magsalita ng aking Ina, agad ko itong inakap ng mahigpit.
“Tara na po, kainin na natin itong hinanda kong umagahan. Baka lumamig na po.” Pag-aya ko sa aking Nanay Amy. Sabay naming pinagsaluhan ang niluto kong umagahan. Ginawa ko ito dahil gusto ko na ako naman ang magsilbi sa kaniya, tulad ng mga ginagawa n’ya sa’kin noon.
Habang nananatili akong pinagmamasdan ang aking mga magulang sa kanilang masayang pag-uusap. Hindi ko maiwasan ang makaramdam ng ibayong kilig sa kanilang dalawa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang aking mga magulang.
‘Yong pagmamahal nila sa isa’t isa mula noon hanggang ngayon, ay nananatili pa rin sa kanilang mga puso. At hanggang ngayon, habang pinagmamasdan ko silang dalawa na magkausap, naroon pa rin ang kilig. Hindi ko tuloy maiwasang mainggit sa kanilang dalawa.
Kung hindi sana ako iniwan ni Vincent na mag-isa, sana ay masaya rin kami tulad ng mga magulang ko. Sana, nagagawa kong pangitiin ang kaniyang labi. Ngunit, sa hindi ko malaman na dahilan, sa isang iglap, lahat ng iyon ay naglaho na parang bula. Nawala sa akin ang kaisa-isang taong minahal ko ng totoo.
Napabalik na lamang ako sa sarili ko ng bigla kong narinig ang pagtatanong sa akin ng aking Ama. “Jake, ang seryoso naman ng anak ko. May problema ka ba?” Napatingin naman ako sa aking Ama ng bigla itong nagsalita.
Napabuntong-hininga naman ako sa aking Ama bago ako nagsalita rito. “Wala naman po akong iniisip, Tay. Ang totoo n’yan…” Tumingin muna ako sa kanilang dalawa at bakas sa kanilang mga mukha ang tuwa at saya. “…masaya lamang po ako dahil masaya kayong dalawa ni Nanay. Ang tagal ninyo na po na magkasama. Alam ko na marami rin po kayong pinagdaan bago naabot ang ganitong klase ng pagsasama.” Ani ko.
Naramdaman ko namang lumipat ng puwesto ang aking Ina papunta sa kaliwang bahagi ko. “Jake, lahat naman ng relasyon sinusubok ng tadhana. Walang relasyon ang kailanman hindi sinubok.” Napatingin naman ako sa aking Ina ng bigla itong nagsalita.
“Tama ang Nanay mo, Anak. Kahit ang pagsasama naming dalawa ay natuldukan ng muntikan ng paghihiwalay. I can’t even imagined myself without her in my life. Parang napakadilim ng mundo kapag wala ang Nanay mo.”
Napatango naman ako sa sinabing iyon ng aking Ama. “Tama ang Tatay mo. Tulad ng ibang relasyon, hadlang rin ang aming mga magulang sa relasyon naming dalawa ng Tatay mo. Ayaw kasi ng mga magulang ko sa kaniya, dahil wala raw itong magandang trabaho,” huminto sandali ang aking Ina sa kaniyang pagsasalita at mabilis na tumingin sa aking Ama.
“Kaya sa sinabing iyon ng aking mga magulang sa kaniya, siyempre, hindi rin naman ako papayag na hindi ko mapangasawa ang Tatay mo. Nagsumikap siya at pinatunayan niya sa magulang ko na kaya akong buhayin ni Roberto. At dahil doon, nakuha namim ang matamis na oo ng aking mga magulang – senyales ng kanilang pagsang-ayon sa relasyon namin ng Tatay mo.”
“Anak, walang matamis na relasyon at pagsasama. Kung walang sakit, hapdi at pagsasakripisyong kasama ang relasyon. Doon ninyo mapapatunayan kung gaano katatag ang pagmamahal na mayroon kayo para sa isa’t isa. Ang mga problemang iyon ang siyang magpapatibay sa inyong relasyon, at magiging bahagi iyon kung paano ninyo hahawakan ang bawat isa.”
Isang ngiti na lamang ang aking nagawa matapos ikuwento sa akin ng aking mga magulang ang hirap na kanioang pinagdaanan bago nila makamtam ang matamis at masayang pagsasama. Habang nakatingin ako sa kanila, hindi ko maiwasang isipin ang nangyari sa aming dalawa ni Vincent.
Hindi maalis sa isip ko na, baka ito lamang ay pagsubok sa katatagan naming dalawa. Kung hanggang saan tatatag ang aming pagmamahalan. “Anak, Jake, may sasabihin ka ba sa amin ng Tatay mo?” Agad akong napatingin sa kanilang dalawa ng bigla na lamang akong tanungin ng aking Ina.
Marahan akong napakamot sa aking ulo, hindi ko alam kung ito na ba ang tamang panahon para ipagtapat sa kanila kung anong pagkatao mayroon ako. “Tay, Nay, hindi ko alam kung tama ba itong sasabihin ko…” Napahinto ako sa aking pagsasalita. At dahil sa hiya na aking nararamdaman, napayuko na lamang ako sa kanilang harapan.
Wala akong salita at sagot na narinig mula sa kanila. Ngunit, nagulat na lamang ako sa gitnawang paghaplos sa aking likod ng aking Tatay Roberto. Sa ginawa niyang iyon, nakakuha ako ng sapat at tapang ng loob para sabihin iyon sa kanila.
“…may naging karelasyon po ako. Kaso…bigla na lamang po siyang nawala ng hindi ko alam ang rason at dahilan niya.” Dahan-dahan kong pagtatapat sa kanila.
“Ito ba talaga ang gusto mong sabihin sa amin ng Tatay mo, Anak? O, may mas mabigat pa d’yan sa loob mo na dapat naming malaman?”
“Tay, Nay, nagkaroon ako ng karelasyon sa…lalaki po.” Dahil sa takot at galit na puwede kong matanggap mula sa kanilang dalawa. Hindi ko maiwasang magyuko ng aking ulo dahil sa kahihiyan na aking dala-dala.
Ilang segundo pa ang aking hinintay ng marinig kong magsalita ang aking Ama. “Anak, akala mo ba magagalit kami ng Nanay mo, dahil lang sa nagkaroon ka ng nobyo na lalaki? Siyempre, hindi. Kung ito ba ang magpapasaya sa ‘yo, bakit hindi? Tsaka, anak ka namin. Tanggap ka namin ng Nanay mo kahit ano ka pa.”
“Jake, hindi mo sana itinago sa amin ang bagay na ito. Anak ka namin ay magulang mo kami, para saan pa at nagtataguan tayo ng mga hinanakit sa buhay, hindi ba?” Hindi ko na napigilan pa ang luha na kanina pa nagbabadyang tumulo sa aking mga mata.
Mula sa mga narinig sa aking mga magulang, agad ko itong mga inakap ng mahigpit. Walang pagsidlan ang puso ko sa ligaya at tuwa na aking nararamdaman. “Natatakot po kasi akong magalit kayo. Kaya po, naisipan ko na lamang na itago sa inyo ang lahat,” napayuko na lamang ako ng bigla kong naalala si Vincent. “Pero, Nay, Tay, wala na po ang taong mahal ko.”
“Anak, gawin mo itong pagsubok sa pagmamahal mo sa taong iyon. Malay mo, sinadya talaga ito para muli kayong pagtagpuin muli sa hinaharap. Baka, ngayon, gusto lamang ng tadhana na ihanda kayo sa panahon na kung saan, ay magiging masaya kayong dalawa.”
“Jake, ayos ka lamang ba? Kanina pa kita tinatanong kung kumusta na kayong dalawa ni Lester?” Napabalik na lamang ako sa aking reyalidad ng naramdaman kong magkakasunod na tapik ang aking naramdaman mula sa aking Nanay.
Napa-ayos naman ako ng aking pagkaka-upo bago ko ito sinagot. “Ah? Kami pong dalawa ni Lester…” Agad akong napaisip sa tanong na iyon sa akin ng aking Ina. “Nay, parang ayoko na po.” Deretso kong sagot sa kaniya.
Napatigil naman ang aking Ina sa ginagawa nitong pagtitiklop ng mga damit sa aking kuwarto. At base sa kaniyang tingin, nais n’yang malaman ang rason na mayroon ako. “Nag-away ba kayong dalawa? ‘Di ba, sabi ko, pag-usapan – hindi maghiwalay, Anak?”
“Nay, alam ko po iyon. Kaso, dumadalas na po ang pagiging bayolente n’ya sa akin. Hindi po ako magtitiis sa ganung klase ng relasyon.” Ani ko rito.
Muling itinuon ng aking Ina ang kaniyang sarili sa pag-aayos ng aming mga damit. Napabuntong-hininga naman ako at kumuha ng isang t-shirt upang tiklupin. “Basta, Jake, kung ano man ang magiging desisyon mo. ‘Yong wala kang pagsisisihan, ha? ‘Yong bang, tama at mula sa puso at talagang pinag-isipan na desisyon ang dapat na mangibabaw, Jake.”
Sunod-sunod na pagtango ko sa aking Ina. “Opo, Nanay. Hinding-hindi ko po kakaligtaan ang lahat ng aral na sinabi ninyo sa akin. Lagi po iyon nasa puso ko.” Sabay turo ko sa aking puso.
Natawa na lamang ang aking Ina sa ginawa kong iyon. Matapos ‘yon, sabay naming inayos ang mga damit na aming inaayos at maingat na inilagay ang mga iyon sa aming mga damitan.